Ika-30 Kabanata - Ulan

1723 Words
Hindi na halos namalayan nina Selena at Kiel ang pagtakbo ng oras dahil sa pareho nilang na-e-enjoy ang isa't-isa. Parang hindi sila nauubusan ng napagkukuwentuhan at makikitang magkasundong-magkasundo sila. "So, kailan ka ulit magbabakasyon sa San Martin?" tanong ni Kiel matapos ang mahaba na nilang kuwentuhan habang naglalakad sila nang mabagal. "Hindi ko pa alam, eh. Pero nakakausap ko naman sila sa gabi bago ako matulog," sagot ni Selena. Maliban na nga lang kagabi, hindi niya na natawagan ang mga magulang dahil sa pag-aalala kay Kiel. "Uhmmm..." bahagyang tumikhim si Kiel. "Can I come with you next time?" lingon nito kay Selena. Napahinto naman sa paghakbang si Selena. "Sa San Martin?" paniniyak niya. "Yes... Na-miss ko na rin ang dagat, eh. Ang buong San Martin," nakangiting tugon ni Kiel. Muling nagpatuloy sa paglalakad si Selena. Madali lang namang sagutin ang tanong sa kaniya ni Kiel. Oo naman ang isasagot niya pero gusto niya munang kalmahin ang sarili. Ayaw niyang sumagot ng tila kinikilig. Hindi niya alam kung kilig bang matatawag na sobra siyang natutuwa sa isiping makakasama si Kiel sa pagpasyal sa San Martin. Parang gusto niya tuloy tawagan ang kaniyang itay para itanong kung maaari na ba ulit siyang magpunta ng San Martin. "Ayaw mo ng may kasabay?" untag ni Kiel sa hindi kaagad pagsagot ni Selena. "H-ha? Hindi naman sa ganoon... P-pero may uuwian ka pa ba roon? Ang dinig ko kasi kina itay, naibenta niyo na ang lupa ninyo roon at wala na kayong ibang bahay pa sa San Martin," may katotohanang sagot ni Selena. Naikuwento kasi sa kaniya iyon noong banggitin sa kaniya ang mga Lemman na hihingan ng tulong upang makapagpatuloy pa siya ng pag-aaral. "Puwede bang makitulog sa inyo?" walang prenong sabi ni Kiel. Napamulagat naman si Selena. Hindi niya alam kung anong isasagot sa tanong na iyon ni Kiel. "Tatanggihan mo ba ang senyorito mo? Hindi ba't nakakahiya kung tatanggihan mo ako?" may pagkapilyong wika ni Kiel habang hindi inaalis ang tingin kay Selena. "S-seryoso ka ba?" natatamemeng tanong din ni Selena. Napatawa nang tuluyan si Kiel. "Of course, I'm serious. Gusto ko lang din talagang makita ulit ang San Martin..." anito sa seryoso ng tono. "O-Okay ka lang bang matulog sa papag? W-wala kaming malambot na kama roon," alanganing saad ni Selena. Sa kaso kasi ni Kiel, alam niyang sanay ito sa magandang kuwarto at malambot na kama. "It's not a problem. I'm not staying there for too long naman. If I'm right, weekends lang ang uwi mo roon, 'di ba? Meaning, Sunday ang balik natin?" pahayag ni Kiel. Namalayan na lang ni Selena ang sarili na tumatango rito. Hindi niya alam kung bakit tila piping napahiling ang puso niya na sana ay payagan na siya ng kaniyang itay na umuwi ng San Martin sa darating na weekends. "Oh... I think we need to go back now, Selena..." napatingala si Kiel sa kalangitan. Kasunod niyon ay narinig nila ang pagkulog. Tiningnan din ni Kiel ang suot na relo. "Nakalimutan kong tumingin sa oras. Dapat kanina pa pala tayo bumalik," sambit ni Kiel. Alas sais na kasi pala nang gabi at hindi man lang nila napapansin na dumidilim na dahil sa maliwanag ang daanan o kalsada roon sa Ciero Mil. "Bilisan na lang natin," wika naman ni Selena at nagsimula na nga silang maglakad pabalik. Ngunit hindi pa man sila nakakalayo ay bigla ng bumagsak ang malakas na ulan. "Here, gamitin mo muna sa ulo mo," ang sabi ni Kiel matapos tanggalin sa kaniyang balikat ang backpack na kinuha niya kay Selena kanina. Pagkatapos ay hinila ni Kiel sa kamay si Selena papunta sa isa sa mga punong naroon sa gilid ng daan. "Let's stay here for a while..." ani Kiel na nakatingin sa ulan. "Tatawagan ko na lang siguro si Kuya Mel para sunduin niya na lang tayo rito," ani Selena at akmang ilalabas na niya ang kaniyang cellphone nang magsalita si Kiel. "No, don't call them, please..." may pakiusap na sabi ni Kiel. Hindi na nga itinuloy ni Selena ang paglabas sana sa kaniyang cellphone. Alam niyang pride pa rin ang pumipigil kay Kiel. Ayaw nitong humingi ng tulong mula sa pamilya nito. "B-Bakit hindi mo subukang tanggapin si Senyora Shiela sa buhay niyo..." hindi na naman alam ni Selena kung paano o kung saan siya kumuha ng lakas ng loob para itanong iyon. Unti-unti namang napatikom ang bibig ni Kiel kasabay ng paglingon kay Selena. Nakaramdam ito ng inis sa naging tanong ni Selena kaya pinili niyang 'wag na lang magsalita. Ngunit tila may kung anong lumukob kay Selena at nagtuloy-tuloy ang pagsasalita nito tungkol sa pamilya ni Kiel. "Nakita mo naman ang Ate Kiera mo... Close sila ni Senyora Shiela nangangahulugan na wala kang dapat ikagalit o ayawan kay Sen—" "Enough..." putol ni Kiel kay Selena. Hindi ito nakatingin kay Selena ngunit pansin ang pagdilim ng anyo nito. "I-I'm sorry... G-gusto ko lang namang makatulong sa 'yo..." napalunok na sabi ni Selena. "You're not helping..." tiim-bagang pa ring sabi ni Kiel at bigla na lamang itong umalis sa ilalim ng puno. "Kiel!" sigaw ni Selena nang makitang dere-deretsong naglakad sa ulan si Kiel. Dahil doon ay nagpasya na ring maglakad si Selena kahit na malakas pa ang ulan. Nakasunod ito kay Kiel na tila hindi alintana ang malakas na pag-ulan. "Kiel, baka magkasakit ka!" ang malakas na sabi ni Selena habang pilit na hinahabol ang lalaki. Ngunit tila walang naririnig si Kiel. Mas bumilis pa lalo ang mga hakbang nito kaya naman halos patakbo na ang ginawa ni Selena upang maabutan o masabayan lang si Kiel. "Sorry na!" malakas ang boses na sabi ni Selena dahil sa malakas din ang buhos ng ulan. Ipinagpapasalamat na lang ni Selena na nasa loob lang sila ng Ciero Mil. Na madali lang silang makakabalik sa mansiyon. "Gusto ko lang makatulong! Alam kong nahihirapan ka na rin lalo na at panay pagpapanggap lang ang ipinapakita mo sa kanila!" patuloy sa pagsasalita si Selena. "Stop it!" galit na hinarap ni Kiel si Selena. "You know nothing about me!" pasigaw nitong sabi. Basang-basa na pareho sina Kiel at Selena ngunit hindi nila iyon alintana. Sila lang ang makikita sa gitna ng daanan at magkaharap habang patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan sa mga mukha nila. "Alam kong hindi mo gustong mapalitan ang mommy mo... Pero hindi naman maaalis ang katotohanang siya ang mommy mo. Nandiyan pa rin naman siya sa puso mo kaya hindi mo kailangang pahirapan ang mga tao sa paligid mo lalo na ang sarili mo..." sambit ni Selena. "Wala kang alam sa kung ano talagang pinagdadaanan ko... Higit sa lahat, wala kang pakialam sa akin o sa pamilya ko dahil..." kusang napahinto sa pagsasalita si Kiel. "Dahil katulong niyo lang ako at alam ko naman iyon..." matatag na sabi ni Selena. Hindi kaagad nakapagsalita si Kiel. Hindi niya gusto ang nagiging takbo ng usapan nila lalo na at nagiging masakit na ang mga salitang lumalabas sa bibig niya. At alam niyang ang isang salita ay mahirap ng bawiin sa sandaling nasabi mo na ito... "Kiel... Hindi lang ikaw ang nawalan... Tandaan mong masakit din para sa daddy mo at sa ate mo ang pagkawala ng mommy mo... Pero hindi puwedeng umikot lang ang mundo natin sa nakaraan kung may kasalukuyan namang nandiyan para sa atin," madamdaming wika ni Selena. "Anong alam mo sa mga sinasabi mo, ha? Anong alam mo? Namatayan ka na ba ng taong minamahal kagaya ko? Naging dahilan ka ba ng pagkawala ng importanteng tao sa buhay mo kagaya ko? Saan mo kinukuha ang mga sinasabi mo sa akin ngayon? Wala lang? Dahil ba hindi katulong ang turing sayo nina Daddy kaya gusto mong magpakitang gilas? Kaya ka lang ba nakipaglapit at nakipagkaibigan sa akin para makahanap ng pagkakataon na kumbinsihi ako?" tuloy-tuloy at hindi na nag-iisip na sambit ni Kiel kay Selena. Dahan-dahan at sunod-sunod na napailing si Selena. "Ano? Wala kang maisagot kasi tama ako?" puno ng sama ng loob na wika ulit ni Kiel. "Iniwan ako, Kiel... Hindi ako namatayan pero kinalimutan ako... At ako rin ang dahilan kung bakit nila ako kinailangang kalimutan. Pero hindi tayo magkapareho dahil hindi ko binabalewala kundi pinapahalagahan ko ang mga taong nasa tabi ko ngayon..." mapait na ngumiti si Selena. Tila unti-unti namang nawala ang bagsik sa mukha ni Kiel. Magsasalita sana ito nang biglang may humintong sasakyan sa tabi nila. "Sumakay na kayo!" ang dungaw ng driver sa bintana ng sasakyan. "Kuya Mel..." umaliwalas ang mukha ni Selena at mabilis na siyang humakbang papunta sa sasakyan. Ni hindi niya na nilingon si Kiel at nagmamadali na siyang umakyat sa sasakyan. Si Kiel naman ay nakasunod ng tingin kay Selena. Hinintay nitong makasakay muna nang tuluyan si Selena bago ito sumunod. Sa backseat niya nakitang sumakay si Selena at doon din siya sumakay. Hindi siya sa front seat sumakay at nagtaka naman si Kuya Mel ngunit hindi na lang ito nagsalita. Pinaandar na nito ang sasakyan pabalik ng mansiyon. Walang imik sina Kiel at Selena sa loob ng sasakyan. Si Selena ay yakap nang mahigpit ang sarili dahil sa lamig na nararamdaman. Kitang basang basa talaga ang damit nila ni Kiel dahil tumutulo iyon sa sahig ng sasakyan. Si Kiel naman ng mga sandaling iyon ay nakokonsensiya sa nangyari sa kanila ni Selena. Kita niya ang panginginig ni Selena at aminado siyang kasalanan niya kung bakit sila nabasa nang sobra sa ulan. Kung kinonsidera niya lang sanang payo ng isang kaibigan ang mga sinabi ni Selena kanina, ay hindi pa siya humantong sa puntong nakapagsalita ng hindi maganda dito. Dumeretso ng upo si Kiel at saka siya sumandal. Hindi niya alintana ang basang kasuotan. Natanaw na rin niya ang gate ng mansiyon. Nang magbukas na ang gate ay unti-unti namang gumalaw ang kaliwang kamay niya kung nasaan naman banda nakaupo si Selena. Unti-unting inabot ng kamay niya ang kaliwang kamay ni Selena na nakapatong sa hita nito. Hinawakan niya iyon nang hindi pa rin tumitingin kay Selena. Si Selena naman ay bahagyang nagulat sa ginawang iyon ni Kiel. Sinubukan niyang hilahin ang kamay ngunit mas hinigpitan pa ni Kiel ang pagkakahawak nito. Doon siya lumingon kay Kiel at kita niyang nakasandal at nakapikit ito. "I'm sorry..." biglang usal ni Kiel. Gustong ngumiti ni Selena ngunit pinigilan niya ang sarili. Ang alam niya lang, okay na ulit sila ng lalaki...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD