Ika-31 Kabanata - Pagbabago

1708 Words
Habang nakatapat sa dutsa ang katawan ni Kiel ay tumatakbo sa isipan nito si Selena. Tila paulit-ulit niyang naririnig ang mga naging nito pangaral sa kaniya. Napaisip din siya sa mga sinabi ni Selena na katulad niya ay may pinagdaanan din itong ganoon. Pumasok kaagad sa isipan niya ang tungkol sa tunay nitong mga magulang. Hindi niya naman kasi alam ang buong kuwento tungkol sa pagkakaampon kay Selena lalo na at hindi niya naman talaga nakilala si Selena noon sa San Martin. Magwa-walong taong gulang lang siya noong lisanin nila ang San Martin at manirahan na rito sa Manila. Matapos makapaligo ay nagbihis din kaagad siya. Wala na sana siyang balak lumabas sa kuwarto ngunit nakaramdam naman siya ng gutom. Ayaw niyang utusan pa si Selena kaya nagpasya siyang magkusa ng magpunta sa kusina. Parang nataranta naman ang mga inabutan niyang katulong sa kusina nang dumating siya. Hindi niya akalaing ganoon katindi ang naging takot o pangamba ng mga katulong sa kaniya. Isang napakasuplado at napaka aroganteng Kiel nga naman ang nakilala ng mga ito... "It's okay... I'm not gonna bite," ngiti ni Kiel sa mga ito. "I just want some food," anito pa. Para namang mga langgam na naapakan ang mga katulong na nandoon. Nagkataon namang wala roon si Manang Aida dahil kasama ito sa nag-aayos sa dining room. Mag-a-alas siyete na kasi nang gabi at maya-maya lang ay bababa na ang mga daddy, ate, at stepmother niya para kumain. Natitiyak niya ring kasama ni Manang Aida si Selena naghahanda sa dining room. "A-ano po palang pagkain a-ang ipapahanda ninyo, Senyorito?" ang tanong ng isa sa mga katulong na mas bata kay Manang Aida. Natawa naman siya bigla sa tanong na iyon. Tarantang-taranta ang mga katulong pero hindi pa nga naman alam ng mga ito kung ano ang gusto niya. "Just a sandwich and any drinks na meron dito ngayon," sagot niya. Nakita niyang nagkatinginan ang mga katulong at hindi na siya magtataka. Bukod kasi sa nasanay ang mga ito na makita siyang nakasimangot at nakasigaw, nasanay na rin ang mga ito na naghahanap siya ng mga bagay na wala naman doon o hindi available sa araw na iyon. "I-Iyon lang p-po ba, Senyorito?" alanganing tanong ng isa. Nakangiting tumango siya sa mga ito. "Why don't you join us in the dining room instead, son?" Napalingon siya sa kaniyang likuran at tumambad sa kaniya ang kaniyang ama kasama ang Ate Kiera niya, ang stepmother niya, at si Selena... "Oo nga, Kiel... Kahit ngayon lang bago ka man lang bumalik sa Australia..." singit naman ni Kiera na may lungkot ang boses. Nagtaka naman siya sa sinabing iyon ng Ate Kiera niya. Wala naman kasi siyang binabanggit sa mga ito na babalik na siya sa Australia. Unless iyon ang nasa isipan ng mga ito dahil nga sa balitang magpapakasal na ulit ang daddy niya. "Pagbigyan mo na kami, anak. Gusto lang din naming sulitin habang nandito ka pa. Then you can hate me all you want after this... Kahit panggap lang na okay tayo sa hapagkainan ngayong gabi..." may pagmamakaawang sabi ni Senyor Clenton. Bigla namang napadako ang tingin niya kay Selena. Dahan-dahang ngumiti si Selena sa kaniya at pakiramdam niya ay lalong natunaw ang batong puso niya ng mga sandaling iyon. "Pakidala na lang po ang sandwich ko sa dining room..." baling niya sa mga katulong na inabutan niya sa kusina. Kaagad na umaliwalas ang mukha ni Senyor Clenton sa narinig. Hindi alam ni Kiel kung bakit tila gumaan ang pakiramdam niya na makitang ganoon ang kaniyang ama. Nakita niya ring nagngitian ang ate niya at si Senyora Shiela. Si Selena naman ay nakatingin sa kaniya at ubod din ng tamis ang mga ngiti nito sa kaniya. Natagpuan ni Kiel ang sarili na nakaharap nga sa hapagkainan at kasalo ang mga importanteng tao sa buhay niya. At ibinibilang niya rin doon si Selena... Kita niya ang sigla sa pagkain ng kaniyang ama at ng Ate Kiera niya. Sobrang gaan din ng pakiramdam niya dahil sa loob ng ilang taon, ngayon niya na lang ulit nakasabay ang ama at kapatid. Aaminin niyang malaki ang naging impact ng pagkakakilala niya kay Selena. Hindi niya naman masasabing tanggap niya na ang stepmother ngunit ang mahalaga ng mga sandaling iyon ay nabawasan ang bigat ng dibdib niya... *********************** Masayang-masaya si Selena nang mahiga nang gabing iyon. Masaya siya sa nakitang pagbabago ni Kiel. Maliit lamang ngunit alam niyang malaki ang magiging magandang epekto niyon sa lahat. Dalangin na lang niya ngayon na maging okay na lang nang tuluyan kay Kiel ang tungkol kay Senyora Shiela. Maya-maya ay nakaramdam siya ng pag-ihi kaya naman tumayo siya mula sa kama. Patay na ang ilaw at lampshade na lang ang nagsisilbing ilaw niya. Kaya niya namang magtungo sa banyo nang hindi na nagbubukas ng ilaw kaya naman naglakad na siya. Ngunit nagulat siya nang biglang mahulog ang kuwintas mula sa kaniyang leeg... Kasabay ng pagbagsak ng kuwintas niya ay ang pagbagsak niya rin sa sahig. Nagliwanag ang katawan niya at sa isang iglap lang ay isa na naman siyang sirena. Kaagad na hinanap ng mga mata niya ang kuwintas at dahil nagliliwanag din iyon kapag natatanggal sa leeg niya ay hindi naman siya nahirapan. Kaagad niya iyong kinuha upang maisuot na muli ngunit hindi niya iyon mai-lock nang ayos. Saka niya napagtantong nasira pala ang lock ng kuwintas niya. Naisip niyang nasira iyon nang makuha ito ni Kiel mula sa leeg niya at hindi niya lang siguro kaagad napansin nang ibalik niya sa kaniyang leeg. Laking pasasalamat niya na hindi iyon sa labas bumigay kanina. Malaking problema ang pagkakasira ng lock at hindi niya naman iyon maipapaayos dahil hindi niya naman iyon puwedeng tanggalin sa leeg. "Selena..." Taranta siya nang marinig ang boses ni Kiera sa labas ng pintuan niya. Hindi niya alam kung paano isusuot muli ang kuwintas. Sinubukan niyang isuot iyon na hawak pa rin ng daliri niya ang lock ngunit hindi naman umepekto. Dahil doon ay nagpasya siyang 'wag ng sagutin si Kiera at magtulog-tulugan na lamang. "Selena?" Naalarma siya nang pihitin ni Kiera ang doorknob at bahagyang bumukas ang pinto! Nakaligtaan niya na naman pala iyong i-lock kagaya kagabi kaya nakapasok si Kiel! Ngunit hindi niya naman puwedeng hayaang makapasok si Kiera sa ganoong itsura niya. "Huwag!" walang choice si Selena kundi ang mapasigaw. "N-nagbibihis lang ako, Senyorita... H-huwag mong buksan ang pinto..." ang lakas ng dagundong ng dibdib niya ng mga sandaling iyon. Umaasa siyang makikinig si Kiera sa sinabi niya. "Naku! Selena, pasensiya na... Sige, hihintayin na lang kitang matapos... May gusto lang kasi akong sabihin sa 'yo," dinig niyang sabi ni Kiera. "S-Sige po, Senyorita. Mabilis lang po ako," sagot naman niya kahit na hindi malaman kung anong gagawin. Sa huli ay naisipan niyang ibuhol na lamang ng dalawang beses ang kuwintas niya upang masuot lamang sa kaniyang leeg. Isinuot niya iyon at saka ibinuhol ang bandang nasa batok at halos umiyak siya sa tuwa nang maglaho ang kaniyang buntot. Dali-dali siyang tumayo at nagtungo sa pintuan. Dahil nga natataranta pa siya sa nangyari, ni hindi niya naisipang buksan ang ilaw at papasukin sa loob si Kiera "Ano pong sasabihin ninyo, Senyorita?" tanong niya kaagad kay Kiera habang nakatayo siya sa pintuan. Parang nakaramdaman naman si Kiera na may kakaiba sa ikinikilos ni Selena ngunit hindi na lang din niya iyon inintindi. "Gusto lang sana kitang pasalamatan, Selena," umpisa ni Kiera. Napakunot-noo naman siya sa sinabi ni Kiera. "Para saan po, Senyorita Kiera?" may pagtataka niyang tanong. "Para sa pagiging mabuting kaibigan mo sa kapatid ko. Alam kong dahil sa 'yo kaya parang may pagbabago bigla kay Kiel," sagot ni Kiera. Nakaramdam naman siya ng hiya sa pahayag ni Kiera. Kung sa iba ay matutuwa, siya kabaliktaran dahil pakiramdam niya ay nagmumukha siyang may nararamdaman para kay Kiel. "I just hope na sa susunod ay si Mamsh naman ang kausapin na ni Kiel," dugtong pa ni Kiera. Ngumiti na lang siya kay Kiera. "Matatanggap din po siya ni Kiel..." kumpiyansa siyang sa susunod na mga araw ay magkakausap na rin sina Senyora Shiela at Kiel. Na magiging close rin ang mga ito katulad ng closeness ni Kiera sa stepmother nila. "Sana nga, Selena..." ginagap ni Kiera ang palad ni Selena. "Mabait po si Kiel katulad ninyo... Nasa dugo po ninyong mga Lemman iyon," nakangiti pang sabi ni Selena. "Close na nga talaga kayo, ha..." masayang sabi ni Kiera. "Sige, hindi ko na iistorbohin lalo ang pagtulog mo," anito pa bago tuluyang bitiwan ang palad ni Selena. Nagtaka siya noong una sa sinabi ni Kiera na close na raw talaga sila. Hanggang sa maalala niyang Kiel na nga pala ang naitatawag niya kaninang kausap niya si Kiera. Marahil ay doon nagbase si Kiera kaya nasabi nitong close na silang talaga ni Kiel. "Goodnight, Selena!" pahabol pa ni Kiera. Nang makaalis na si Kiera ay nagmamadali na niyang isinara muli ang pinto. Sa pagkakataong iyon ay makailang ulit niyang chineck ang lock ng pinto. Nagmamadali siyang sumampa sa kaniyang kama at tinanggal ulit ang kuwintas sa leeg. Naging isang sirena siyang muli matapos matanggal ang kuwintas. Gusto niyang magreklamo sa bilis na nasira ng lock ng kuwintas na iyon. Sinubukan na lang niyang gawan ng paraan na maayos ang lock ng kuwintas ngunit sadyang mahirap. Hanggang sa maisipan niyang dugtungan na lang iyon upang humaba ulit at nang sa gayon ay maibuhol niya ang dulo. Nakita niya ang sapatos at naisipang gamitin ang sintas. Dahil sa hindi naman siya makakatayo, pagapang siyang bumaba sa kama upang makuha ang sintas sa sapatos. Iyon nga ang ginamit niyang pandugtong sa kuwintas. Isang sintas ang ginamit niya at itinali niyang mabuti ang magkabilang dulo niyon sa magkabilang dulo rin ng kuwintas. Dahil sobrang luwang na niyon, isinuot niya muna sa kaniyang leeg bago ibinuhol mula sa kaniyang batok. Pagkatapos ay nagbalik na siyang muli sa pagiging normal na tao. Kailangan na niyang maalalayan oras-oras ang kuwintas upang makasiguro na hindi iyon malalaglag habang may ibang mga tao. Panatag din naman siya kahit papano sa ginawang solusyon sa kuwintas kaya umaasa siyang hindi siya basta-bastang magiging sirena sa harapan ng ibang mga tao. Pinilit na niyang makatulog nang gabing iyon. Nakatulog siyang nakangiti kaiisip kay Kiel kaya naman laman din ito ng panaginip niya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD