Kasalukuyang kumakain ang mga Lemman kasama si Selena gaya ng dati nang tumikhim ang señor.
"Señor, may kailangan po ba kayo?" kaagad namang lumapit si Manang Aida sa kinauupuan ng señor.
Itinaas lang naman ni Señor Clenton ang kaliwang kamay nito bilang pagsasabing wala itong kailangan. Pagkatapos ay pinunasan nito ang bibig.
"Manang Aida, kakausapin ko kayo ni Selena mamaya. Puntahan niyo ako sa kuwarto namin fifteen minutes pagkatapos naming kumain," wika ng señor.
"Opo, señor," mabilis namang sagot ni Manang Aida na tinapunan din ng tingin si Selena na nagtataka.
"Kiera, I need you there, too," lingon pa ni Señor Clenton sa panganay na anak.
"Okay, Dad," tugon naman ni Kiera sa kabila ng pagsubo.
Thirty minutes nga ang nakalipas mula nang matapos kumain si Selena at ang mga Lemman ay nagpunta na sina Manang Aida sa kuwarto ng mag-asawang Lemman. Inabutan na rin doon nina Manang Aida at Selena si Kiera. Batid nilang pareho na sadyang dumeretso na si Kiera sa kuwarto ng mga magulang nito pagkatapos kumain.
"Mabilis lang ang sasabihin ko nang makapagpahinga na rin kayo..." umpisa ng Señor. Nasa kaliwa nito ang Señora at nasa bandang kaliwa naman si Kiera.
Tahimik namang nakinig sina Manang Aida at Selena sa Señor.
"Manang Aida, gusto sana naming ikaw na muna ang bahala kay Kiel hanggang sa susunod na Linggo," saad ni Señor Clenton.
Bahagya namang nagulat si Selena sa narinig. Naghintay pa siya sa iba pang sasabihin ni Señor Clenton upang malaman ang dahilan ng desisyong iyon.
"May kailangan kasi kaming sabihin kay Kiel. And we don't know what will be his reaction. Ang alam ko lang, baka magalit siya o mas maging pahirap kay Selena," dugtong ng señor bago tumingin kay Selena.
"Ayos lang po ako, Señor Clenton... S-sanay naman na po ako kay Kiel," huli na para ma-realize ni Selena na tinawag niya lang sa pangalan ang kaniyang señorito. Tila nakasanayan niya na kasi iyon sa mga nagdaang araw.
Nagkatinginan na lang naman sa isa't-isa ang mga kasama roon ni Selena. Tanging si Kiera lang ang napangiti ng palihim. Tila ba nahulaan ni Kiera na mayroon ng nabubuong pagkakaibigan sa pagitan nina Selena at Kiel.
"S-sorry p-po... N-nawala l-lang p-po a-ako b-bigla... N-nakalimot p-po, i-ibig k-kong s-sabihin..." namutla at napayuko si Selena. Utal-utal pa ang pananalita nito dahil sa sobrang kaba.
Kaagad namang nagsalita ang señor upang mawala ang kaba o tensiyong nararamdaman ni Selena. "Anyway, Selena, 'wag mo sanang isiping tinatanggal ka namin o tinatanggalan ka namin ng trabaho. You will stay here still. Hindi ka na nga lang magiging personal maid ng anak ko. Si Manang Aida na muna ang bahala sa kaniya until next week," pagpapaliwanag nito.
Gustuhin mang tumutol ni Selena ay hindi na siya nagsalita. Nagkamali na siya sa paraan ng pagtawag kay Kiel kanina kaya naman umurong na nang tuluyan ang dila niya. Pero kung siya ang masusunod, ayaw niyang palitan siya ni Manang Aida. Lalo na ngayon na kasundong-kasundo niya na si Kiel na hindi naman alam sa mansiyon.
"Paumanhin po sa itatanong ko, Señor, pero kung hanggang next week, ibig po bang sabihin ay babalik ulit si Selena nilang personal maid ni Señorito Kiel?" pagtatanong ni Manang Aida.
Tila nabuhayan naman ng loob si Selena. Hindi niya naisip ang bagay na iyon kaya naman nakaramdam siya ng tuwa kay Manang Aida. Umaasa siyang babalik nga siyang personal maid ni Kiel pagkalipas ng isang linggo.
"Hindi na rin, Manang Aida... Maybe by next week, Kiel will be flying back to Australia..." may lungkot ang boses na sagot ni Señor Clenton.
Tila binuhusan ng malamig na tubig si Selena sa narinig. Walang nabanggit si Kiel sa kaniya tungkol sa bagay na iyon. Hindi nagustuhan ng puso niya ang sinabing iyon ng Señor...
"Babalik na po si Señorito Kiel sa Australia?" paniniyak ni Manang Aida.
"If he chooses to," may lungkot pa ring sagot ng Señor.
"Bakit po? May nangyari po ba?" hindi na napigilan ni Selena ang sarili na magtanong dahil sa kagustuhang malaman kung ano ang problema o kung meron nga ba.
Bumuntonghininga si Señor Clenton. "We're gonna tell him something... Isang bagay na tiyak kong hindi niya magugustuhan at talagang ikakagalit niya," sinagot naman ni Señor Clenton si Selena.
Ngunit sadyang naging interesado na talaga si Selena kay Kiel. Hindi niya mapigilan ang sariling magtanong pa muli dahil sa naramdamang lungkot sa balitang baka bumalik na ng Australia si Kiel.
"Ano po bang bagay iyon, Señor? B-baka naman po hindi ikakagalit iyon ni K— n-ni Señorito Kiel," muntik na muling tawagin ni Selena sa pangalan lang si Kiel. Mabuti na lamang at hindi niya naituloy.
Muling napabuntonghininga si Señor Clenton. Napalakad ito sa harapan nina Manang Aida at Selena. Naihilamos nito ang sariling mga palad sa kaniyang mukha na tila ba may isang mahirap na desisyon siyang gagawin.
"Hindi ko alam, Selena... Umaasa akong matatanggap niya ang sasabihin ko pero mas lamang ang katotohanang hindi niya ito matatanggap..." tila walang ka-pag-a-pag-asang sambit ni Señor Clenton.
Si Kiera naman ay tumayo at lumipat sa tabi ni Señora Shiela. Wala silang imik ng señora dahil hinahayaan lang nila si Señor Clenton na kumausap kina Manang Aida at Selena.
"A-ano po bang s-sasabihin ninyo k-kay Señorito Kiel?" tanong muli ni Selena. Sadyang ayaw niyang sumuko na hindi malaman ang ipinagkakaganoon ni Señor Clenton.
"Me and Shiela... W-we've been together for almost three years... That's why I decided to marry her already..." pahayag ni Señor Clenton.
Doon na naintindihan ni Selena ang lungkot at pressure na nararamdaman ni Señor Clenton. Dahil nga hindi tanggap ni Kiel ang stepmother nito, malaki ang posibilidad na magwala ito o sumabog sa galit kapag sinabi na ritong magpapakasal na rito ang kaniyang ama. Ang tungkol sa pagbalik ng Australia ay nangangahulugan na hahayaan na lamang ng señor na bumalik ng Australia si Kiel kung sakali.
Sabay na ring lumabas sina Manang Aida at Selena roon. Deretso si Selena sa kaniyang kuwarto nang makasalubong niya naman si Kiel. Nagtama ang mga mata nila at sumilay ang maliit na ngiti sa mga labi ni Kiel. Hindi naman nagawang ngitian ni Selena si Kiel dahil mas nangingibabaw ang naiisip niyang mawawala na sa paningin niya si Kiel sa mga susunod na linggo...