Patuloy ang sigawan ng mga estudyante lalo na nang makita nilang nag-c***k ang bawat posteng makikita sa loob ng eskwelahan. Ang ilan naman ay nagtakbuhan na palabas doon. Si Selena na nagulat sa nangyari ay halos hindi kumikilos sa kinatatayuan nito. Nasa stage pa rin siya at nakatayo habang hawak pa rin ang mikropono. Nakatingin siya sa nangyayari sa paligid. Hanggang sa may humila na lamang sa kamay niya at saka pa siya nakabalik sa kamalayan. Kita niya si Kiel sa kaniyang unahan, ito ang humila sa kaniya pababa sa stage.
Nang makahanap na sila ng mas ligtas-ligtas na mapupuwestuhan ay eksakto namang humupa na ang paligid. Si Selena naman ng mga sandaling iyon ay nanlulumong napaupo sa sahig. Hindi niya sinasadya ang nangyari. Nawala siya sa plano nang dahil sa naramdaman kay Kiel.
"Bilisan niyo!"
Napalingon sina Selena at Kiel sa pinanggalingan ng boses. Mula sa kinaroroonan nila, nakita nila ang ilang estudyante na nagkakagulo pa rin. Nagmamadaling nilapitan ni Selena ang mga ito upang alamin kung anong problema. At halos manginig na naman ang kaniyang katawan nang makita ang kaibigang si Shane na walang malay at dumudugo ang noo nito.
"Nabagsakan siya ng isa sa mga posteng nasira," dinig ni Selena na sabi ng ilang nakamasid.
Hindi na kinaya ni Selena ang konsensiyang nararamdaman kaya naman napatakbo na lang ito palabas ng eskwelahan. Hindi niya na inisip pa ang tungkol sa mga Lemman na susundo sa kaniya. Basta't ang gusto niya lang ng mga sandaling iyon ay makauwi na kaagad at mapag-isa sa kaniyang kuwarto. Hinawakan niya ang laylayan ng suot upang hindi mahirapan sa pagtakbo. Lakad-takbo kasi ang ginawa niya habang tumutulo ang kaniyang mga luha. Sa pangalawang pagkakataon ay may inosenteng tao na naman siyang nasaktan. Una ay ang kaniyang itay at ngayon naman ay ang kaniyang kaibigan.
Lingid kay Selena, sinundan pala siya ni Kiel. Hindi na lamang nagtangka si Kiel na tawagin ang atensiyon ni Selena dahil nagtataka ito sa naging reaksiyon ni Selena sa lindol na nangyari. Halos hindi na rin niya kailangang magdahan-dahan sa paghabol kay Selena dahil sa tingin niya ay hindi mag-aabalang lumingon sa likuran si Selena. Malayo rin ang Ciero Mil kaya naman nakaramdam kaagad ng pagod si Kiel hindi kagaya ni Selena. Laking pasasalamat ni Kiel nang makarating na nga sila ng Ciero Mil. Hindi na siya nagtangkang habulin o sabayan ng lihim si Selena dahil naisip niyang ligtas naman na sila roon sa loob ng Ciero Mil. Hinayaan na niyang mauna si Selena sa mansiyon. Nag-iisip-isip din siya sa mga nangyari sa gabing iyon. Napaisip siyang napakamalas naman ng Senior Prom nila at nagkataon pa ng nagkalindol.
Nang makarating na rin si Kiel sa mansiyon ay eksakto namang nakasalubong niya ang driver nilang si Kuya Mel.
"Señorito Kiel, magandang gabi po..." ang magalang at nakayukong bati ni Kuya Mel kay Kiel.
"Have you seen Selena? Pumasok na ba siya sa loob?" ang tanong ni Kiel. Medyo nagulat pa nga ang driver dahil iyon ang kauna-unahang pagkakataon na kinausap siya.
"H-hindi ko po siya napansin, señorito. Pero sigurado po akong wala pa siya rito," sagot ni Kuya Mel.
Napakunot-noo at kinabahan si Kiel. Parang gusto niyang magsisi na hindi niya sinundan hanggang mansiyon si Selena.
"Paano kayo nakakasigurong wala pa siya rito, Kuya Mel?" tanong ni Kiel at nakahanda na siyang lumabas ulit upang tingnan o hanapin si Selena.
"Susunduin ko po kasi siya, señorito. At ang usapan po ay magtetext o tatawag siya sa akin kapag uuwi na po siya," mabilis na sagot ni Kuya Mel.
Natigilan si Kiel. May susundo naman pala dapat kay Selena kaya ipinagtataka niya kung bakit ito uuwing mag-isa. Nagpasya siyang umakyat na upang malaman kung nandoon na ba si Selena. Tingin niya ay baka hindi lang ito nakita ng driver nila dahil mukhang galing CR ang driver nang masalubong niya sa pintuan kanina.
Walang pag-aalinlangang nagpunta si Kiel sa tapat ng pinto ng kuwarto ni Selena. Hindi niya pa rin naman malalaman kung nandoon na si Selena kung hindi siya kakatok. Dahil doon ay nagpasya na lamang siyang katukin sana ito nang may mapansin siya sa sahig. Ang disenyong paru-paro na nakita niya sa buhok ni Selena sa eskwelahan nila kanina. Tila nakahinga siya nang maluwag dahil doon. Ibig sabihin ay nandoon na si Selena kaya naman umalis na rin kaagad siya sa tapat ng pinto.
Nang makapasok na si Kiel sa kuwarto nito ay napatitig siya sa sariling repleksiyon sa salamin. Naalala niya ang dalawang beses na paghawak niya sa kamay ni Selena. Hindi na nga niya napigilan ang sarili at ngayon ay hindi niya malaman kung nagkakagusto ba talaga siya kay Selena... Aminado pa man din siya na unang kita niya pa lang kay Selena ay tila nabighani na siya rito. Kinailangan niya lang itago dahil hindi nga maganda ang sitwasyon niya. At sa araw-araw na nagsusuplado siya kay Selena, halos isumpa niya naman ang sarili. Hindi niya rin maamin sa sarili hanggang ngayon kung ano ba talaga ang dahilan niya sa pagkuha kay Selena bilang personal maid niya. Akala niya para lang iyon sa pagpapasakit sa kaniyang daddy, pero hindi niya maamin na gusto niya rin ang ideyang araw-araw ay makakausap at makikita niya si Selena...
Samantala, si Selena naman sa kaniyang kuwarto ay tahimik na umiiyak. Iniisip nito si Shane. Hindi man lang siya nagkaroon ng lakas ng loob para samahan sa hospital si Shane. Umaasa na lamang siya na makakaligtas ang kaibigan. Gulong-gulo siya sa nangyari sa kaniya. Hindi niya matanto kung tama bang sisihin niya si Kiel sa pagkawala niya sa orihinal na plano...
******************
Dahil hindi na nga makakauwi-uwi si Selena sa kanila sa San Martin, sinanay niya na ang sarili na tuwing Sabado ay tumutulong siya sa mga gawain sa kusina o kung hindi naman ay tumatambay siya sa kuwarto ni Manang Aida. Ang araw ng Linggo niya naman ay inilaan niya na para sa sariling oras. Sabado at Linggo talaga ang ibinibigay ng mag-asawang Lemman ngunit nababagot din naman siya kaya ginawa niyang ang Sabado ay kasama siya sa kusina. Nakasanayan na rin niya na bigla-bigla na lamang siyang hinahanap o tinatawag ni Kiel kahit alam nitong weekends. Ngunit ngayong Sabado ay hindi niya pa nararamdaman si Kiel. Iniisip na lang niya na dahil iyon sa nangyari kagabi sa prom nila. Pero hindi niya rin nakakalimutan na dalawang beses hinawakan ni Kiel ang kaniyang palad...
"Selena?"
Napaigtad si Selena sa pagtawag na iyon ni Manang Aida. "P-po?" nahihiya niyang tugon.
"Ang sabi ko kumusta ang prom ninyo kagabi? Nag-enjoy ka naman ba at hindi ka naman ba napagtripan ni Señorito Kiel?" pag-ulit ni Manang Aida sa tanong nito. Nasa kuwarto niya silang dalawa noon. Nandoon sila mula pa kaninang matapos ang pananghalian.
"A-ayos lang naman po, Manang Aida... Nag-enjoy naman po ako at hindi naman po ako ginulo ni Señorito Kiel," sagot ni Selena. Ayaw niyang magkuwento rito ng tungkol sa lindol.
"Ay mabuti naman kung ganoon. Hindi nga ako halos makatulog kagabi kaiisip sa 'yo roon, eh," pahayag ni Manang Aida.
"Wala kayong naramdamang lindol?"
Napalingon si Selena sa pinto. Kumabog ang kaniyang dibdib nang makita si Kiel. Lalo na ang pagtatanong nito kay Manang Aida ng tungkol sa lindol...
"A-ah, señorito, kayo po pala..." napatayo si Manang Aida. Nakaramdam din ito ng kaba sa isiping narinig ni Kiel ang usapan nila ni Selena na may kinalaman dito.
"Manang Aida, tinatanong ko lang po kung wala kayong naramdamang lindol kagabi?" nananatili ang mga mata ni Kiel kay Manang Aida at ni hindi nito tinatapunan ng tingin si Selena.
"Ha? Lindol? Nagka-lindol ba kagabi?" napakunot-noo si Manang Aida.
Kinakabahan lalo si Selena. Alam niya namang malabong isipin ni Kiel na siya ang dahilan ng lindol. Ngunit hindi niya maipaliwanag ang kabang nararamdaman... Tila ba may bantang naghihintay sa klase ng pagtatanong ni Kiel...
"Ang lakas po ng lindol kagabi, Manang Aida," saad ni Kiel na nagtataka ang mga mata. Tila hindi ito makapaniwala na hindi naramdaman doon ang lindol.
"Ganoon ba? P-pero..." napatingin si Manang Aida kay Selena. "Hindi mo nabanggit sa akin na nagkalindol doon, Selena. Iyon ba ang dahilan kaya hindi mo na nagawang tumawag kay Mel upang magpasundo?" anito.
Wala ng nagawa pa si Selena kundi ang tumango.
"Pero bakit ang sinabi mo kina señor kanina, maaga kayong natapos kaya hindi ka na lang nagpasundo?" nagtatakang tanong ni Manang Aida.
Napalunok si Selena. Kapag nalaman iyon ng mga Lemman ay baka mapalayas siya sa pagsisinungaling niya. Alam niyang mababaw, pero kapag ganoong kabadong-kabado siya, lahat na ng negatibo ay pumapasok sa kaniyang isipan.
"Selena, I need you in my room. Now," ang maawtoridad na boses ni Kiel at nagpatiuna na ito.
"Manang Aida, p-pasensiya na po kayo..." paghinging paumanhin ni Selena sa ginawang pagsisinungaling.
Mabilis ng lumabas doon si Selena upang puntahan si Kiel. Dalangin niyang may kailangan lang ipagawa o ipalinis si Kiel at hindi dahil sa prom nila kagabi. Ayaw niyang mag-usisa ang lalaki ng mga bagay na alam niya ang sagot ngunit hindi niya naman puwedeng sabihin...