Ika-dalawampu't Dalawang Kabanata - Pagpansin

1730 Words
Nakahiga na si Kiel sa kaniyang silid nang gabing iyon. Nakatitig siya sa kisame at malalim ang iniisip. Nagbago ang isip niya kaninang tinawag niya si Selena. Balak niya sanang ipalinis muli ang kaniyang kuwarto ngunit hindi upang mag-suplado. Ang totoo, nais niyang makita o makasama si Selena... Bumangon mula sa pagkakahiga si Kiel. Kaya hindi niya na tinuloy ipalinis kay Selena ang kuwarto kanina ay dahil sa nalaman niya kanina. Ang tungkol sa lindol. Hindi siya makapaniwalang sa eskwelahan lang nila nangyari ang lindol samantalang hindi naman iyon kalayuan sa Ciero Mil. Ang isa pang weird na umuukilkil sa kaniyang isipan ay ang pag-awit ni Selena. Napakaganda ng boses nito. Nakakatawa kung iisipin niyang dahil sa pag-awit ni Selena kaya nagkalindol. Ngunit nahihiwagaan siya sa naging reaksiyon ni Selena sa nangyaring lindol. Lalo na nang makita nito si Shane. Kaibigan nito si Shane ngunit nagtatakbo ito nang makita ang nangyari kay Shane. Nasa ganoon pa rin siyang pagmumuni-muni nang biglang bumukas ang kaniyang pinto. Ang Ate Kiera niya ang bumungad. Hindi niya alam kung ngingitian niya ba ito o ano. Matagal-tagal niya na rin itong hindi nakakausap mula noong magkasagutan sila. Natatandaan niya pa ang masasakit na salitang sinabi nito sa kaniya nang gabing iyon... "Can we talk?" maamo ang mukhang sabi ni Kiera. Tuluyang bumaba si Kiel sa kaniyang kama at naupo sa upuan ng study table niya. Umayos siya na itsurang naghihintay sa sasabihing Ate Kiera niya. Si Kiera naman ay isinara muna ang pinto at saka naman ito naupo sa itim na couch na naroon. "I'm sorry..." umpisa ni Kiera na nakatingin kay Kiel. Napahinga naman nang malalim si Kiel. Pakiramdam niya ay nabawasan ang bigat ng dibdib niya sa paghingi ng sorry sa kaniya ng kaniyang ate. Ngunit alam niyang mas luluwag ang kaniyang kalooban kapag pati siya mismo ay hihingi ng sorry dito. Ang problema, kapag ginawa niya iyon, baka mawala o mabawasan ang inis ng Ate Kiera niya sa kaniya. At paniguradong ikukuwento nito sa kanilang daddy kung sakali. Mabubuhayan ng loob ang daddy nila at iisiping may pag-asang makasundo o matanggap niya na rin ang kaniyang stepmother bilang parte ng kanilang pamilya. "It's fine. I can't blame you for saying those words," iyon nga ang isinagot niya sa kaniyang ate imbes na humingi rin ng sorry. Napabuntonghininga naman si Kiera sa naging sagot ni Kiel. Inaasahan na nito na hindi rin hihingi ng sorry si Kiel sa kaniya. "Is that all? Gusto ko kasi sanang magpahinga," untag ni Kiel. "Can you talk to me about Selena?" sambit ni Kiera na ikinagulat ni Kiel. "W-what about S-Selena?" kumunot ang noo ni Kiel. Lihim na napangiti si Kiera. Doon niya nakumpirma na nagkakagusto ang kapatid sa personal maid nito. Nakita niya kasing tila kinabahan at may pag-aalinlangan ang pagtanong nito sa kaniya. "Ate mo ako. Napansin ko lang na parang—" "A-are you trying to say that I like her? O-or that I enjoy her company?" may pagkairitang saad ni Kiel. "Hey, easy. Wala pa akong sinasabi," parang gustong matawa ni Kiera sa nakikitang reaksiyon ng kapatid. "B-but t-that's w-what you are trying to say, right?" muling nangunot ang noo ni Kiel. "But you are really starting to like her, right?" ganting tanong ni Kiera. Biglang napatayo si Kiel at parang natatarantang pinaaalis si Kiera. "Please, Ate, I want to rest," pagtataboy ni Kiel kay Kiera. "May hangover ka pa ba kay Selena mula kagabi?" panunudyo lalo ni Kiera kahit na pilit na siyang hinihila ni Kiel patayo sa couch. "I-I d-don't know what your talking about, Ate. You should go. Kung ano-anong ibinabato mo sa akin!" angal ni Kiel. "Wait! Don't push me!" angal din naman ni Kiera kahit na natatawa ito. "Go away!" mabilis ng binuksan ni Kiel ang pinto at itinulak na kaagad si Kiera palabas doon. Humirit pa si Kiera kahit nasa labas na ito ng pintuan. "This is my very first time to see you blush—" "Stop it!" pagputol ni Kiel kay Kiera at mabilis ng pinagsarhan ng pinto ang kapatid. Ngunit wala pa yatang dalawang segundo nang buksan ulit iyon ni Kiel. "Don't you dare say the same to Selena!" pagbabanta ni Kiel sa kapatid bago muling isinara ang pinto. Tuwang-tuwa namang umalis si Kiera roon. Hindi niya alam kung kinikilig ba siya sa reaksiyon ng kapatid. Halos mamula na kasi ang buong mukha ni Kiel kanina. At tataya siyang may gusto talaga si Kiel kay Selena. Kaya niya lang naman deretsahang tinanong si Kiel ay dahil kay Selena. Nang mapansin niya kasi kagabing tila hinahanap ni Selena si Kiel ay nagduda siyang may gusto si Selena sa kapatid. At kaya niya naman naisip alamin kung may gusto rin ba si Kiel kay Selena, iyon ay dahil namataam niya rin si Kiel kagabi. Nakita niyang nagkukubli sa dilim si Kiel kagabi na tila ba hinihintay lang makaalis doon si Selena. Hindi niya maintindihan, ngunit kinikilig siya sa mga tumatakbo sa kaniyang isipan... ******************* Nakaawang ang mga labi at nakatulala si Selena habang nakaangat ng tingin kay Kiel. Nasa canteen siya noon at kumakain ng lunch. Wala si Shane dahil nga sa nangyari noong Biyernes sa prom nila. Wala pa rin siyang balita sa kaibigan lalo na at wala naman siyang number ni Shane. At ngayon nga ay nasa harapan niya si Kiel. Nilapitan siya nito habang kumakain. "Pauupuin mo ba ako o tititigan mo lang ang mukha ko?" kulang na lang ay tumaas ang dalawang kilay ni Kiel. Wala sa sariling tumango si Selena. Dahil hindi siya sanay marinig na magsalita ng Tagalog si Kiel, parang ang arte ng dinig niya sa pananagalog ng lalaki. Mabilis naman ng inilapag ni Kiel ang hawak na tray bago umupo sa kaharap na upuan ni Selena. Nagsimulang kumain si Kiel habang si Selena naman ay hindi malaman kung itutuloy pa ba ang pagkain o kung aalis na lang siya roon. "Eat," biglang sabi ni Kiel na hindi tumitingin kay Selena. Parang robot na biglang sumunod kaagad si Selena. "You made the earthquake, right..." Hindi malaman ni Selena kung tama ba ang narinig niya. Nang tingnan niya si Kiel ay hindi naman ito nakatingin sa kaniya. Hindi niya alam kung napa-praning na ba siya dahil lang sa kaharap niya si Kiel, ang kaniyang señorito na siyang naging Prom King noong Biyernes. "Narinig mo ba ako?" untag ni Kiel at sa pagkakataong iyon ay nakatingin na ito kay Selena. Napatingin na rin naman nang tuluyan si Selena kay Kiel. Kabadong-kabado siya hindi lang dahil sa titig na titig si Kiel sa kaniya kundi dahil din sa tanong nito. "There's an earthquake during our prom because of you..." wika ni Kiel bago ito sumubo na nakatingin pa rin kay Selena. "H-hindi k-ko a-alam ang s-sinasabi niyo, s-señorito," utal-utal na sagot ni Selena. Nagulat na lamang si Selena nang biglang tumawa si Kiel. "Relax... I'm just kidding, okay? Kasi naman lumindol after mo kumanta," patuloy sa pagtawang sabi ni Kiel. Umaasa si Selena ng mga sandaling iyon na nagbibiro nga lang si Kiel. "I know that you're wondering right now... Kung bakit kita kinakausap... Well..." sumandal muna si Kiel sa kaniyang upuan bago ito nagpatuloy, "Dito lang 'yan sa eskwelahan. I just want to be friends with you when we're here. Don't expect same treatment kapag nasa bahay tayo," aniya at saka na ito tumayo upang umalis na roon. Naiwang gulo ang isipan ni Selena. Kung hindi pa nag-bell ay hindi pa siya aalis doon. Habang nagpapatuloy ang klase niya ay lumilipad ang kaniyang isipan. Sinabi na sa kaniya ni Kiel na nagbibiro lang ito nang sabihin sa kaniyang siya ang dahilan ng lindol. Ngunit dahil totoo naman iyon, hindi siya mapakali. Ayaw niyang isiping alam talaga ni Kiel dahil malabo... Kaya naman panghahawakan na lang niya ang sinabi ni Kiel na nagbibiro nga lang talaga ito... ********************* Mabagal lang ang paglalakad ni Selena palabas ng gate. Inaasahan niyang nasa labas si Kiel katulad ng dati. At hindi nga siya nagkamali. Nakasandal si Kiel sa pader sa labas ng gate. Kung dati ay hindi ito nakatingin sa kaniya at sumusunod na lang sa kaniya hanggang sa sakayan, ngayon ay nakatingin ito sa kaniya. Hindi ito nakangiti at seryoso ang mukha habang nakatingin sa kaniya. Hindi niya tuloy malaman kung tatawagin na lang ba ito o kung magpapatuloy na lang siya sa paglalakad gaya ng dati. Sa huli ay napagpasyahan ni Selena na lumingon sa ibang direksiyon. Nagsimula siyang maglakad. "I waited for you. Sana man lang hinintay o tinawag mo ako." Nagulat na lang si Selena nang nasa tabi niya na si Kiel at kasabay niya na sa paglalakad. "You're taller than me," napatawa nang bahagya si Kiel. Nananatili pa ring walang imik si Selena. Nabibigla lang din naman kasi siya sa mga pagbabagong nangyayari. Kahit pa sinabi ni Kiel sa kaniya na sa eskwelahan lang magiging ganoon ang trato nito sa kaniya, nakakapanibago pa rin. At higit sa lahat, nakakapagtaka. Kaya naman hindi niya maiwasang magduda pa rin tungkol sa sinabi ni Kiel na binibiro lang siya nito nang sabihin sa kaniyang siya ang dahilan ng lindol. "Let's visit her." Sukat doon ay napatigil sa paglalakad si Selena. Wala siyang ibang iisipin sa sinabi ni Kiel dahil alam niya kung sino ang tinutukoy nito. Maging si Kiel ay huminto rin at nakangiti lang ito kay Selena. "I said let's visit her. Your friend," saad muli ni Kiel. Nakaramdam ng tuwa si Selena. Alam niyang si Shane ang tinutukoy ni Kiel. Pero bigla niya ring naalala ang mga Lemman. Baka magtaka ang mga iyon kapag hindi pa siya nakakauwi lalo at alam ni Manang Aida ang oras ng uwi niya. "M-maraming s-salamat po, señorito... P-pero baka hanapin po kasi ako nina señor. Kabisado po ni Manang Aida ang uwi ko..." may katotohanang saad ni Selena. "Bakit? Sa tingin mo ba hindi ka nila papayagan? Magtext ka na lang kay Manang Aida," sagot naman ni Kiel. Nagdadalawang isip si Selena sa sinabi ni Kiel. Gustong-gusto niya rin talagang mabisita at malaman ang kalagayan ni Shane. Gusto niyang matiyak na ligtas na ang kaibigan lalo at siya ang dahilan kung bakit ito na-ospital. "Believe me, Selena. They like you. Papayagan ka nila," siguradong-siguradong wika ni Kiel. Sa huli ay sinunod ni Selena ang sinabi ni Kiel. Bukod sa gusto niya itong pagkatiwalaan, gusto niya rin ang ideyang makakasama niya ito sa pagdalaw kay Shane...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD