Hindi mapakali si Selena sa kinatatayuan. Nasa labas pa rin siya ng eskwelahan habang hinihintay si Kiel. Pumasok kasi ulit si Kiel sa loob ng eskwelahan dahil kay Shane. Nakapagpaalam na kasi siya kina Manang Aida na dadalawin niya lang si Shane at pinayagan naman na siya. Ngunit dahil hindi niya alam kung saan pupuntahang ospital si Shane, sinabi ni Kiel na aalamin nito. Pinigilan niya naman noong una si Kiel at sinabing siya na ang magtatanong-tanong ngunit hindi naman pumayag si Kiel. Basta't sinabi lang nitong maghintay lang siya roon.
Ilang sandali pa nga ay natanaw na ni Selena si Kiel. Habang palapit ang lalaki sa kaniya ay hindi niya namamalayang unti-unti na pala siyang ngumingiti. Hindi siya makapaniwalang nakakausap niya na ito nang matino at ngayon nga ay sasamahan pa siya sa pagdalaw kay Shane.
"Why are you smiling?" puno ng pagtataka ang mukha ni Kiel nang makalapit na nang tuluyan kay Selena.
"H-ha?" namula ang mukha ni Selena at kaagad na ibinaling sa iba ang kaniyang tingin.
"Anyway, nalaman ko kay Rex kung saang ospital dinala si Shane. Kaya pala hindi alam ng mga kaklase mo ay dahil hindi pala sila ang nagdala kay Shane sa ospital noong Biyernes kundi ang mismong mga teachers na rito. But she's not in the hospital anymore. Naiuwi na siya kahapon," mahabang pahayag ni Kiel.
"Ganoon ba..." medyo nadismaya si Selena sa isiping hindi niya man lang nadalaw sa ospital si Shane. Maging ang mga kaklase niya ay wala ring nakadalaw kay Shane kaya naman naaawa siya sa kaibigan.
"I got her address, too. Rex gave it to me. We can visit her still, right?" saad ni Kiel.
"Talaga?" nabuhayan naman ng loob si Selena. "Pero paano mo nakuha?" nagtaka rin siya kahit papano. Ni siya nga at ang kanilang mga kaklase ay hindi alam kung saan nakatira si Shane.
"Kapitbahay ng girlfriend ni Rex ang kaibigan mo. His girlfriend is not a student here kaya siguro hindi kilala ng kaibigan mo si Rex," sagot ni Kiel.
Napatango-tango na lamang si Selena.
"Let's go?" pagtanong ni Kiel na tinanguan lang muli ni Selena.
Habang nasa loob ng tricycle ay tahimik lang si Selena. Excited siyang makita si Shane pero may halong kaba. Kaba dahil nga kay Kiel. Para kasing ang lakas na naman ng kabog ng dibdib niya dahil dito. Lalo na kapag naiisip niya noong dalawang beses hinawakan ni Kiel ang palad niya noong Biyernes.
"How old are you?" maya-maya'y untag ni Kiel.
"A-ah... Seventeen..." pagsagot ni Selena.
"Height?" sunod na tanong ni Kiel.
Nagtataka man sa mga itinatanong ni Kiel ay sumagot pa rin si Selena. "Five-five."
"Oh. You're not taller than me. Mukha ka lang sigurong matangkad," nakangiting sabi ni Kiel.
Hindi sanay si Selena na makitang ganoon kabait si Kiel. Pakiramdam niya ay nawawala ang totoong Kiel na suplado at arogante. Kung hindi lang siguro niya alam na si Kiel lang ang anak na lalaki ng mga Lemman, iisipin niyang kakambal ni Kiel ang kaharap niya ngayon.
"I didn't see you always when I was in San Martin," muling pagsasalita ni Kiel.
Napalunok si Selena. Hindi niya naman puwedeng sabihing madalas siyang nasa batya noong bata pa siya habang nasa anyong sirena.
"B-baka hindi lang tayo nagkikita talaga... H-hindi rin naman kita nakikita noon," simpleng sagot ni Selena.
"But it's impossible, right?" saad ni Kiel.
"Ampon lang ako, Señorito Kiel... Anim na taon na ako noong mapunta ako kina itay at inay," sambit ni Selena na ikinagulat ni Kiel nang bahagya.
"I-I'm sorry..." nahihiyang paghingi ng paumanhin ni Kiel.
Para namang hinaplos ang puso ni Selena at nakaramdam siya ng tuwa. Iyon ay dahil sa inasta ni Kiel. Natutuwa siyang makita sa ganoong personalidad ang lalaki. Hindi suplado, hindi naninigaw, at higit sa lahat, may pakiramdam.
"Ayos lang, señorito," pagngiti ni Selena.
"Can you stop calling me señorito?" sambit ni Kiel.
"P-po?" gulat si Selena. Hindi niya naman yata puwedeng gawin iyon lalo pa at amo niya ito.
"Kapag wala lang naman tayo sa mansiyon," pagdugtong ni Kiel.
"P-pero—"
"Please?" pagputol ni Kiel kay Selena.
Hindi malaman ni Selena kung may kapangyarihan ba si Kiel pagdating sa kaniya dahil napatango na lang na naman siya rito.
"Good."
"Andito na tayo," bigla namang saad ng driver pagkahinto nito sa tricycle.
Mabilis naman ng bumaba sina Kiel at Selena. Kita ni Selena kung paano ilibot ni Kiel ang paningin sa paligid. Hindi niya alam kung bigla bang natakot si Kiel o ano.
"Señorito, kung hindi ka sanay sa ganitong lugar puwede naman tayong um—"
"Just stop calling me Señorito," ani Kiel at nauna na itong maglakad nang mabilis.
Natataranta namang napahabol si Selena. Nakita niyang lumapit si Kiel sa isang kumpulan ng mga kalalakihan na kasalukuyang nag-iinuman.
"Puwede po bang magtanong?" dinig ni Selena kay Kiel.
"Aba, iho, nagtatanong ka na nga, eh," sagot naman ng isang matandang lalaki. Nagtawanan naman ang mga kainuman nito.
Natakot si Selena sa senaryong iyon. Maging siya man ay hindi sanay sa ganoon lalo pa at wala namang ganoon sa San Martin. Kung mayroon man ay pawang mga kakilala niya naman kaya iba ang pagkakataong iyon.
"Se— ah, Kiel... T-tara na lang po..." nagtangkang lumapit si Selena kay Kiel.
Ngunit kaagad na iniharang ni Kiel ang braso nito sa daraanan sana ni Selena. "Just stay there," anas nito kay Selena.
"Taga rito ba kayo?" tumayo ang isa sa mga lalaki at nilapitan sina Kiel. Tantiya ni Kiel na kaedaran lang ito halos ng kaniyang Ate Kiera.
"Hindi po... May dadalawin lang sana kaming kaklase. First time po naming puntahan siya kaya ipagtatanong lang sana namin kung saan po siya rito nakatira," sagot kaagad ni Kiel.
"Medyo kakaiba ang pananagalog mo, ah? Mukhang anak mayaman ka," komento ng lalaki imbes na maging interesado sa nais itanong ni Kiel.
"Ano bang pangalan ng hinahanap ninyo?" pagkuwa'y tumayo na rin ang matandang unang nakausap ni Kiel.
Napatingin si Kiel kay Selena. Nahulaan naman kaagad ni Selena na kailangan ni Kiel ang pangalan ng hinahanap nila.
"Shane po. Shane Fernandez," sagot kaagad ni Selena. Dalangin nitong masagot na lamang ang tanong nila upang makaalis na sila roon.
"Aba... Ang anak pala ni Pasing ang hinahanap ninyo," saad ng matanda.
"Halikayo at sasamahan ko kayo papunta roon," bigla namang tumayo ang isang lalaki pa na mas bata nang kaunti kesa roon sa matandang lalaki.
Nagpasalamat naman sina Kiel dahil doon. Bago sila umalis ay nagpasalamat din muna si Kiel sa mga naiwan doon. Nakangiti namang tumango ang mga ito kay Kiel. Dahil doon ay nakahinga na rin ng maluwag si Selena.
"O, iwan ko na kayo rito, ha? Kayo na lang ang tumawag diyan," wika ng lalaking naghatid kina Kiel at Selena sa bahay ni Shane.
"Sige po, maraming salamat po sa tulong," mabilis namang saad ni Kiel. Maging si Selena ay nagpasalamat din sa lalaki.
Pagkaalis na pagkaalis naman ng lalaki ay siya namang may lumabas na babae sa bahay na iyon.
"Sino kayo? Anong kailangan ninyo?" tanong ng ginang na tila sinisino sila dahil sa hindi naman sila pamilyar sa ginang.
"Ah... Magandang hapon po... Dito po ba nakatira si Shane?" si Selena ang nagsalita.
"Shane? Ang anak ko ba? Shane Fernandez?" tanong muli ng ginang.
"Opo, Shane Fernandez po," mabilis na sagot ni Selena.
"Mga kaklase niya ba kayo?" patuloy pa rin naman sa pagtatanong ang ginang.
"Selena!"
Sabay-sabay silang napalingon sa pintuan. Si Shane ang lumabas. Naririnig na pala nito sa loob ang mga boses nila at nang marinig ang boses ni Selena ay saka ito lumabas.
"Shane!" mabilis namang niyakap ni Selena ang kaibigan.
Nang kumalas sila sa isa't-isa ay saka naman napansin ni Shane si Kiel. Napatitig tuloy si Shane kay Selena at pigil nito ang kilig. Naramdaman naman ni Selena iyon kaya pinanlakihan niya ng mga mata si Shane.
"Pasok muna kayo," pigil na pigil ang pagngiti ni Shane.
Nang makapasok na sila sa bahay nina Shane ay tila walang katapusang pangungumusta ang ginawa ni Selena.
"Ayos lang ako. Hindi naman malala ang pagkakabagsak sa noo ko. Mabuti na lamang at maliit kaya maliit lang din ang pagkakatahi," pahayag ni Shane.
"Magmeryenda muna kayo," bungad ng nanay ni Shane galing sa labas. May dala itong softdrinks at tinapay.
Kita ni Shane nang ipagsalin ni Kiel ng softdrinks sa baso si Selena. Pati na rin ang pag-abot ni Kiel ng tinapay. Alam ni Selena na kanina pa siya gustong asarin ng kaibigan. Pero aaminin niya rin sa sarili na kinilig din siya sa pagtratong iyon ni Kiel.
Nagtagal lamang sila roon ng isang oras dahil hindi naman sila puwedeng magpaabot ng dilim. Na-enjoy din ni Shane ang kuwentuhan kasama si Kiel. Palihim pa nga nitong sinabi kay Selena na hindi naman daw pala suplado si Kiel.
"Maraming salamat po sa meryenda," sabi ni Kiel sa nanay ni Shane nang magpaalam na silang aalis na.
Muli namang napatingin si Shane kay Selena at pangiti-ngiti pa ito. Patay-malisya lang naman si Selena sa pag-aalalang mapansin ni Kiel ang mga pasimpleng ganoon ni Shane.
"Sana gumaling ka na kaagad, Shane para makapasok ka na at nang may makasama na ulit si Selena," sabi naman ni Kiel kay Shane.
"Naku! Kung ako lang naman kasi ang masusunod ay gusto ko ng pumasok bukas!" bulalas ni Shane. "Pero salamat sa concern kay Selena," dagdag pa nito.
Muntik namang mapaubo si Selena dahil sa sinabing iyon ni Shane.
"No problem. Ako munang kasama niya every lunch time habang wala ka pa," sagot naman ni Kiel.
Tila mas lalo namang kinilig si Shane dahil doon. Habang si Selena, pulang-pula na sa hiya kay Kiel...
"Sige na, ihahatid ko na kayo sa labasan. Baka gabihin pa kayo nang sobra," pagtataboy na lamang ni Shane kina Kiel at Selena.
Kumaway pa si Shane sa mga ito habang papalayo ang tricycle na sinakyan nila. Tila hindi naman na namalayan nina Selena at Kiel ang naging biyahe nila dahil sa kuwentuhan nila habang tumatakbo ang tricycle. Nawala na lamang ang saya sa mukha ni Selena nang makapasok na sila sa Ciero Mil at makababa na sa harapan ng mansiyon ng mga Lemman. Dahil iyon sa agarang pagbabago ng timpla ng mukha ni Kiel. Pagkababang-pagkababa nila ay inihagis na kaagad ni Kiel ang bag nito kay Selena.
Ngunit natawa na lang naman ng mahina si Selena dahil bahagyang kumindat si Kiel sa kaniya bago nito inihagis ang bag at saka ito nagpatiuna na sa pagpasok sa malaking gate...