Ika-dalawampung Kabanata - Sayaw

2351 Words
Pagkababa ni Selena mula sa sasakyan ng mga Lemman ay wala na siyang ibang narinig sa mga ito kundi ang mga katagang ang ganda-ganda niya raw. Sinabihan din siya ng señor na mag-iingat lang daw siya at huwag aalis doon lalo na at gabi. Ibinigay na rin ng driver ang number nito sa kaniya upang ito na ang kokontakin niya kapag magpapasundo na siya. "Maraming salamat po sa inyo. Huwag na po kayong mag-alala sa akin dahil hindi po ako lalabas ng eskwelahan. At uuwi rin po kaagad ako pagkatapos na pagkatapos po," paniniyak ni Selena sa mga Lemman. Nang makaalis na nga roon ang sasakyan ay saka pa pumasok si Selena sa loob ng eskwelahan. Kita niya na kaagad ang kapal ng mga estudyante. Nag-init naman kaagad ang kaniyang pisngi nang mapansing ang daming mga estudyante ang nagtitinginan sa kaniya. Pakiramdam niya tuloy ay mali ang ayos niya. Base kasi sa mga nakikita niyang mga estudyante roon, masasabi niyang pansinin talaga ang suot niya. Isa pang ipinag-aalala niya ay kitang-kita na ang kuwintas niya. "Ang ganda niya naman..." dinig niyang wika ng isa sa mga babaeng nasa kumpulan. "Mukha siyang mayaman. Ang bongga at ang ganda ng suot niya. Tapos parang mamahalin din iyong suot niyang hikaw at kuwintas!" hayag na hayag naman ang paghanga ng isa pa sa mga babaeng nandoon. Napahawak tuloy si Selena sa kaniyang kuwintas. Dahil sa pag-aasikaso sa kaniya ng mga Lemman ay nakalimutan niyang dalhin ang scarf niya upang matakpan ang kaniyang kuwintas. "Selena!" Laking pasasalamat ni Selena nang matanaw niya si Shane palapit sa kaniya. "Wow! Ang ganda naman ng prinsesa ni señorito!" kitang-kita ang labis na paghanga ni Shane sa kaniya. "Shane, puwede bang doon muna tayo sa hindi masyadong matao?" kaagad hinawakan ni Selena ang braso ni Shane. "Ang lamig naman ng kamay mo, Selena. Kinakabahan ka ba? Bakit?" ang reaksiyon ni Shane. Natigilan naman si Selena. Hindi niya alam kung tama ba ang narinig niya. "A-ano kamo?" tanong niya kay Shane. Nais niyang makatiyak sa narinig. "Ang sabi ko, nanlalamig ka," sagot naman kaagad ni Shane. Napalunok si Selena. Sa pagkakaalam niya kasi, hindi niya nararanasan ang mga ganoon. Hindi ng isang sirenang kagaya niya. "Doon tayo sa likod ng mga classroom. Maghanap lang tayo ng walang tao. Sigurado kasing may mga nagtatago na rin sa dilim ngayon," napahagikhik pa si Shane. "H-ha?" wala namang kaide-ideya si Selena sa sinasabi ni Shane. "Hoy, inosente rin naman ako pero aware ako sa mga ganoon. No need to pretend my friend. Anong taon na ngayon, halos lahat alam na ang mga ganoon kahit wala pang experience," irap ni Shane. Pinili na lang ni Selena ang manahimik kesa sagutin o tanungin pa si Shane. Inisip na lang niya na baka mga bagay iyon na hindi niya pa alam lalo na at sa San Martin siya galing. "Ayan, dito na lang tayo. Walang tao rito," saad ni Shane nang makahanap sila ng pupuwestuhan. "Pero hindi puwedeng dito lang tayo, ha? Prom ngayon, mag-eenjoy ako! Huwag kang KJ," dagdag pa niya. Ngumiti naman si Selena rito. "Wow, Selena! Ang ganda naman ng kuwintas mo! Totoong ginto ba 'yan?" akmang hahawakan pa sana ni Shane ang kuwintas ngunit mabilis itong hinawakan ni Selena sa takot na baka magaya si Shane sa nangyari kay Udoy noon. "Hoy! Ang OA mo, ha? Hindi ko naman 'yan nanakawin, titingnan ko lang, eh," biglang bumusangot si Shane. "Eh, sorry na, Shane. Wala naman akong iniisip na ganoon... Ang totoo niyan, peke lang ito. At kaya hindi ko pinahawakan sa 'yo, may sira na. Baka biglang matanggal ang pendant. Ginawan ko lang ng paraan kanina. Kaya sorry na, sa susunod na magkakuwintas ulit ako, ipapatingin ko na sa 'yo," mabilis na nakaisip ng maidadahilan si Selena kahit na para sa kaniya ay pagsisinungaling na naman iyon. "Ang galing, ha. Kasi ang ganda-ganda niya. Parang totoong ginto. Ang galing mong maghanap ng fake. Saan mo ba 'yan nabili?" namamangha pa ring sabi ni Shane. "Ang itay ko ang bumili nito. Sa amin sa San Martin niya ito nabili at hindi ko alam kung mayroon pa," balak ng ibahin ni Selena ang usapan dahil palala na nang palala ang pagsisinungaling niya. Magsasalita sana ulit si Shane nang biglang may liwanag ng flashlight na tumama sa mga mukha nila. "Naku, mga pasaway talaga! Walang mag-i-stay dito sa likod ng mga classroom. Bumalik kayo roon!" makapangyarihang sabi ng isang gurong lalaki. "S-sorry, sir," halos sabay na sabi nina Selena at Shane. Mabilis na ngang umalis doon sina Selena kaya naman bumalik na naman ang kaba niya nang mapahalo na sila sa karamihan. Magsisimula na rin ang programa kaya naman kanya-kanyang upo na ang lahat. Ang iba ay mga nakatayo lamang at may iba namang may kanya-kanyang pinagkakaabalahan. Habang nakikinig sina Selena at Shane ay bigla silang nakarinig mga nagbubulungan at napansin din nilang may ilang mga babae na akala mo'y kilig na kilig. Nang sundan nila ng tingin ang tahimik na pinagkakaguluhan, sumilay ang pilyang ngiti sa mga labi ni Shane. "Ang prince charming s***h señorito mo pala," panunudyo ni Shane kay Selena. Wala sa sariling napangiti si Selena. Hindi dahil sa sinabi ni Shane kundi dahil sa nakita niya na si Kiel. "Hmmmm..." nanunudyo pa ring reaksiyon ni Shane nang makita ang pagngiti ni Selena. Habang naglalakad si Kiel ay nakapako pa rin ang mga mata ni Selena rito. Hindi na siya magtataka kung maraming mga babae roon ang napapatingin at kinikilig kay Kiel. Naka black tuxedo ang lalaki habang pormal na pormal ang mukha nito. Ang buhok nitong may kakapalan na rin kaunti ay bumagay sa hugis ng mukha nito. Iisipin mo ring naka lipstick ang lalaki dahil sa mapula talaga nitong mga labi. "Baka masunog naman sa mga titif mo ang tuxedo niya. Ikaw din, wala ka ng puwedeng ipamalit kapag nagkataon," biglang untag ni Shane kay Selena dahil halos hindi na gumagalaw ang kaibigan sa kinatatayuan nito. Bigla namang natawa si Selena sa sinabi ni Shane. Naikuwento niya na kasi kay Shane ang nangyari dati sa uniform ni Kiel. Ikinuwento niya ritong ang uniform niya ang dinala niya kay Kiel upang hindi na siya mapagalitan o mapagsabihan pa sa nasunog niyang uniform. "Naku, palapit yata sa 'yo, Selena..." mahinang anas ni Shane. Pigil-hininga si Selena dahil parang papunta nga sa direksiyon nila si Kiel. At nang mapatapat na si Kiel sa kaniya ay halos hindi na siya huminga. Hindi niya nga rin maipaliwanag kung nag-iilusyon lang ba siya dahil parang nakatitig sa kaniya si Kiel. "Ezekiel!" Napalunok na lang si Selena nang lumagpas si Kiel sa kaniya at lapitan nito ang mga madalas nitong kasama. "Ay, akala ko naman iki-kiss ka na niya," napapailing na sambit ni Shane. "Shane..." tila naeeskandalong saway ni Selena. "Joke lang, ano ka ba!" pagtawa lang naman ni Shane. Nang magsimula na nang tuluyan ang kasiyahan ay hindi naiwasan ni Selena na hanapin muli ng kaniyang mga mata si Kiel. Ayaw aminin ng kaniyang puso na hinahanap-hanap niya na rin ang presensiya ng lalaki. Hindi lang dahil sa personal maid siya nito kundi sa kabila rin ng katotohanan na hindi siya kagaya ng lalaki na normal na tao. Nawala lang ang atensiyon ni Selena sa paghahagilap kay Kiel nang may ipakilala si Shane sa kaniya. Taga ibang section ang lalaki at guwapo rin ito. Sinubukan din siyang ayain ng lalaking iyon na magsayaw ngunit tinanggihan niya. Nilapitan din siya ng isa sa mga kaklase nila ni Shane ngunit hindi niya rin naman ito in-entertain. Hindi alam o hindi aware si Selena na ang kaklase niyang iyon ay may gusto talaga sa kaniya dati pa. Hindi niya alam kung nagmumukha na ba siyang suplada o ano. Pero sadyang hindi niya hilig gawin ang mga ganoong bagay. Hindi niya nasubukan ang sumayaw na may kaparehang lalaki. Habang ang kaibigan niyang si Shane ay nag-e-enjoy sa pakikipagsayaw, siya naman ay halos itago na ang sarili sa karamihan. Halos hindi niya rin tinatanggal ang pagkakahawak sa pendant ng kuwintas niya. Natatakot din naman siyang sa dami ng mga tao ay baka hindi sinasadyang sumabit iyon at bigla na lamang matanggal. Lingid naman sa kaalaman ni Selena, habang hinahanap pala ng mga mata nito si Kiel, si Kiel pala ay nasa isang sulok lamang at nakamasid kay Selena. Napansin din ni Kiel ang paraan ng paghawak ni Selena sa kuwintas nito at ipinagtataka iyon ni Kiel. "Ezekiel!" boses ni Beth na palapit na kay Kiel ng mga sandaling iyon. "Yes?" sagot naman ni Kiel na sinulyapan pang muli si Selena upang masiguradong nandoon pa ang babae. "I saw you. Mukha kang timang dito kaya may ipapasayaw na lang ako sa 'yo," saad ni Beth at hindi na hinintay pang sumagot si Kiel. Basta na lamang nitong iniwan sa tabi ni Kiel ang isang babae na ngiting-ngiti ngayon sa kaniya. Alam ni Kiel na parang may gusto sa kaniya ang babaeng iyon lalo pa at hindi pa rin nito inaalis ang pagkakatitig sa kaniya. At dahil gentleman naman at mabait naman talaga siya maliban na lang kapag nasa mansiyon, kaagad niyang inabot ang kamay ng babae upang isayaw na lamang ito. Ngunit habang kahawak kamay niya ang babae, ang mga mata niya naman ay mabilis na bumalik sa kinaroroonan ni Selena. "I'm Claire," pagpapakilala ng babae habang nagsasayaw sila. "Ezekiel," sagot naman ni Kiel. Hindi niya ugaling ipakilala ang sarili gamit ang palayaw niya lalo na sa mga bagong kakilala lamang. Walang magawa si Kiel kundi sagutin ang mga tanong o pakikipag-usap ni Claire sa kaniya. Pero hindi rin nawawala sa paningin niya si Selena na nananatili pa rin sa isang sulok. Hindi alam ni Kiel kung makailang beses din siyang nakipagsayaw sa gabing iyon. Hanggang sa dumating na nga ang isa sa pinaka-aabangan ng lahat—Prom King and Queen. Katulad ni Kiel, kanina pa rin pinakahihintay ni Selena na matapos ang prom na iyon. Lalo na at palagi lang namang nasa sulok si Selena dahil panay tanggi lang ito sa mga nag-aaya sa kaniyang sumayaw. Na-announce na ang ibang pa-award at King and Queen na lang ang pinakahihintay ng lahat. "And now, our King and Queen of the night... May we call on Ezekiel Lemman and Selena Silva!" Halos mabingi si Selena sa narinig. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksiyon. "Selena! Sinasabi ko na nga ba at kayong dalawa talaga, eh!" may kilig na namang saad ni Shane. Hindi na halos namalayan ni Selena ang mga sumunod na nangyari dahil ipinagtulakan na siya ni Shane. Basta't natagpuan niya na lamang ang sarili sa stage katabi si Kiel! Habang inilalagay ang sash at korona nina Selena at Kiel bilang King and Queen sa taong iyon, hindi naman matapos-tapos ang ingay o hiyawan ng ilang mga estudyante. Lahat ay tuwang-tuwa para kina Selena at Kiel. Si Selena naman ay ang lakas ng kabog ng dibdib dahil dikit na dikit sila ni Kiel. Mas lalo pa siyang nanlamig nang hawakan ni Kiel ang kaniyang palad. Hindi niya alam kung ginawa lang ba iyon ni Kiel dahil sa sila nga ang Prom King and Queen nang gabing iyon. Maya-maya ay may isang lalaki ang lumapit sa emcee na hindi halos napansin ng karamihan. May ibinulong ang lalaking iyon sa emcee at saka na ito muling umalis. "Sandali lamang, ito palang si Ms. Selena Silva ay mayroong sorpresa sa ating lahat! Aalayan niya pala tayo ng isang awitin!" ang malakas at masiglang sabi ng emcee. Napaawang ang labi ni Selena. Maging si Kiel ay hindi napigilang mapatingin kay Selena. "S-sandali lang po... H-hindi po ako kumakanta..." ang kabadong-kabadong sabi ni Selena. "H-ha? Pero may nagsabi kasi na ipinalista mo raw ang pangalan mo para kumanta sa gabing ito?" nagtaka at naguluhan din ang emcee. "Kumanta ka na lang, Queen! Tutal ikaw naman ang reyna ngayong gabi, alayan mo naman kami ng isang awitin diyan!" hiyaw naman bigla ng isang lalaki. "Oo nga, Queen! Kahit sintunado pa 'yan, ayos lang sa amin! Makita man lang namin ng matagal ang kagandahan mo!" segunda naman ng isa pa. At hindi nga inaasahan ni Selena na halos lahat na ng naroon ay sinasabing kumanta na siya. Pero tigas siyang umiling. Hindi siya maaaring umawit... "Siguro talagang balak mo lang mantrip kaya ka nagpalista! At nagkataon na ikaw ang naging Queen kaya andiyan ka ngayon sa stage at hindi mo na matatakasan ang pan-ti-trip mo. Huwag mo namang gawing kalokohan ang gabing ito, Queen!" Gustong-gusto ng tumakbo ni Selena paalis doon ngunit tila naipako na ang kaniyang mga paa. "Sige na, kumanta ka na lang. It doesn't matter kung sintunado pa 'yan o kung hindi ka ba magaling kumanta. Pagbigyan mo na sila," maging ang emcee ay binulungan na si Selena. Samantala, tahimik lang namang nakikinig si Kiel sa tabi ni Selena. "I-isang linya l-lang p-po, ha?" sa wakas ay nakapagsalita rin si Selena. Hindi niya rin kasi puwedeng hayaang magalit sa kaniya ang mga nandoon. Ang tanging may kasalanan lang naman niyon ay kung sino man ang taong nagsimula no'n. Humakbang na si Selena paharap hawak ang mikropono upang matapos na. Plano niyang isang linya o hanggang dalawang linya lang ang kakantahin niya. Ngunit hindi niya talaga kakantahin. Ang balak niya ay parang sa normal na pagsasalita lang. Palalabasin niyang hindi talaga siya marunong kumanta. Ang importante ay mapagbigyan niya ang mga ito. Ngunit mayroong ginawa si Kiel na naging dahilan ng pagbabago ng plano ni Selena. Bigla kasing hinawakan muli ni Kiel ang kaniyang kamay at saka siya nito tinanguan na parang sinasabing kaya niya. Labis na nakaramdam ng tuwa ang kaniyang puso dahil doon. Kaya naman nang pumuwesto na siya hawak ang mikropono, nakalimot siya sa dapat niyang gawin. Dahil napuno ng saya ang kaniyang puso, nagawa niyang kumanta talaga gamit ang tunay na boses imbes na magpapanggap dapat siyang hindi marunong. "Sa pagsapit ng dilim, ako'y naghihintay pa rin..." Halos natahimik ang lahat sa umpisa ni Selena. Lahat ay namangha sa kaniyang boses lalong-lalo na si Kiel. "Sa iyong maagang pag—" Ngunit ang tahimik na pakikinig ng lahat ay napalitan ng biglang hiyawan nang bigla na lamang silang makaramdam ng isang lindol...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD