Ika-labing Limang Kabanata - Liwanag

1732 Words
Nakahinga nang maluwag si Selena nang malaman mula sa mga magulang na wala na siyang dapat problemahin pa tungkol kay Udoy. "Sabi ng iba baka raw may ibang taga Maynila na napadpad lang doon sa labasan nang gabing iyon. Marami pa nga ang nagalit kay Udoy dahil nga nabuking na umuulit na naman siya ng ginagawa," ang kuwento ni Demetria. "Marami na ring nagsabi kay Udoy na baka naengkanto siya dahil sa mga kalokohang pinaggagawa niya," natatawa namang segunda ni Felimon. Napahagikhik din naman si Selena sa sinabi ng ama. "Mabuti naman po pala. Akala ko ay hindi ako makakakilos nang ayos tuwing nandito ako, eh," panatag na ang loob na wika ni Selena. Nagpaalam si Selena sa mga magulang na maglalakad-lakad lang muna siya sa dalampasigan nang hapon na iyon. Araw na iyon nang Linggo at mamayang alas sais lamang ay darating na ang sundo niya pabalik ng Maynila. "O, sige, kami ng bahala ng itay mo na mag-ayos ng mga gamit mo para sa iyong pag-uwi ng Maynila mamaya," nakangiting pagpayag ni Demetria. "Huwag na ho ninyong pagkaabalahan ang mga gamit ko, inay. Kanina ko pa po naiayos ang mga iyon," tugon naman ni Selena. Nangingiti na lang naman na nagkatinginan ang mag-asawa bago umalis si Selena. "Napakasuwerte talaga natin sa anak nating iyan," masayang saad ni Felimon. "Sadyang inilaan na siya sa atin ng Panginoon, Felimon... Nakatakda talagang ikaw ang makita ng sirenang iyon noong gabing pumalaot ka," natutuwa rin namang tugon ni Demetria. Habang naglalakad si Selena ay tanaw na tanaw niya ang malawak na katubigan. May kalakasan ang hangin nang hapong iyon at napangiti pa siya. Napatingin kasi siya sa kaniyang kasuotan. Nakapantalon na kasi siya dahil dalawang oras na lang naman at mag-aalas sais na. Nais niyang sasakay na lang siya sa sandaling dumating ang kaniyang sundo. Napangiti siya dahil hindi inihahangin ang kaniyang suot na pantalon, hindi gaya dati na palagi niyang inaalalayan ang laylayan ng kaniyang bestida. Bago maabot ng tubig ang kaniyang mga paa ay tinanggal na muna niya ang suot na tsinelas. Itinabi niya muna ito at saka umapak sa mababaw na parte ng tubig. Paglingon niya sa bandang kaliwa ay nasulyapan niya ang malaking batong madalas niyang akyatin noon sa pagbabakasakaling matanaw ang kaniyang mga tunay na mga magulang. Wala sa sariling naglakad siya palapit sa malaking bato. Ngunit hindi siya umakyat doon, naglakad lang siya sa paikot sa bato na iyon hanggang makarating siya sa duluhan ng bato. Ang parte kung saan hindi masyadong puntahin ng mga tao. Ang parte kung saan nagpakita noon ang kaniyang tunay na ama. Nagpakita sa kaniya upang sabihin lang na hindi na siya maaaring bumalik ng Sirenia. Tila wala pa rin sa sariling hinubad niya ang kaniyang pang-itaas na damit kasama ang scarf na suot. Gumamit siya ng scarf sa pagdating niya roon sa San Martin upang matakpan ang kuwintas. Paraan niya iyon upang hindi mapansin ni Udoy ang kaniyang kuwintas kung sakaling makasalubong niya man ito. Saka niya isinunod ang kaniyang pantalon at underwear. Pagkatapos ay lumusong siya sa tubig. Nang hanggang dibdib na niya ang tubig, dahan-dahan niyang tinanggal ang suot na kuwintas na nagpapanatili sa kaniya bilang tao. Nagliwanag ang kuwintas nang tuluyan niya na itong matanggal at inilubog niya na rin ang kaniyang kabuuan sa ilalim ng tubig. Ngayon ay nasa kaniyang tunay na anyo na siya. May napakagandang buntot na parang sa isda na kulay asul, mahabang buhok hindi gaya ng maigsi niyang buhok sa anyong tao, kulay asul na mga mata, at mayroong freckles sa kaniyang magkabilang pisngi. Bago siya lumangoy ay ipinulupot niya muna ang kuwintas sa kaniyang kanang kamay o pulsuhan. Lumangoy siya pailalim... Palayo nang palayo... Ang lakas din ng t***k ng kaniyang puso. Maya-maya ay huminto siya nang may matanaw na siyang liwanag sa 'di kalayuan. Ang liwanag na iyon ay tanging silang mga sirena lang ang nakakakita. Iyon na ang pinakamalalim na parte at ang liwanag na iyon ang kanilang lagusan papuntang Sirenia. Nanatili siya sa kaniyang puwesto habang nakasabog ang kaniyang mahabang buhok at bahagyang gumagalaw-galaw sa tubig. Isang malalim na buntonghininga ang kaniyang pinakawalan bago lumangoy palapit sa liwanag. Alam niyang sa sandaling tumapat siya sa liwanag, maaaring makita siya ng mga sirena at sireno sa loob niyon. Pero dahil mabigat ang kaniyang nararamdaman, plano niyang magpakita talaga... Ngunit isang tinig ang tila bumulong sa kaniyang tainga... "Huwag mo sanang sayangin ang aming naging sakripisyo, Selena..." Nangilid bigla ang luha sa kaniyang mga mata. Boses iyon ng kaniyang ina... Hindi na siya nagdalawang isip pang umalis doon. Lumangoy siya palayo habang tumatangis. Mabilis ang paggalaw ng kaniyang buntot at masasabing hindi pangkaraniwan ang bilis ng langoy na ginagawa niya. Ang bawat paggalaw ng kaniyang buntot ay ang matindi namang paggalaw ng tubig. Sa labas naman, ang mga tao sa dalampasigan ay mga nagtataka dahil tila gumagalaw ang ibabaw ng tubig na kanina lang ay kalmado. "A-anong nangyayari..." ang kabadong reaksiyon ng isa sa mga mangingisdang nakatayo sa kaniyang bangka. Hanggang sa bigla na lamang magsigawan ang mga tao dahil sa kanilang nasaksihan. Mistulang sumabog nang napakalakas ang tubig mula sa 'di kalayuan sa kaliwang bahagi kung nasaan si Selena ng mga sandaling iyon. Kasabay din niyon ang bahagyang pagyanig ng kanilang mga kinatatayuan. Sina Felimon at Demetria naman na nasa labas ng kanilang bahay at naghihintay kay Selena ay natanaw din iyon. "S-si Selena!" napatutop sa bibig si Demetria. Si Felimon naman ay mabilis na naglakad. Pinilit nitong bilisan kahit na may saklay pa siya. Tila alam na niyang si Selena ang maaaring dahilan ng mistulang pagsabog ng isang bahagi ng katubigan doon. Mabilis din namang sumunod sa kaniya ang asawa at inalalayan pa siya upang mas mabilis silang makalapit sa pinangyarihan. Habang ang ibang tao ay nagtakbuhan palayo, sila naman ay kasalubong ng ilang nagtatakbuhan. "S-selena... Nasaan ka, anak," paglinga-linga ni Felimon habang nakahawak si Demetria sa kaniya. Tila ang malakas na pakiramdam niya ang nag-utos sa kaniyang magpunta sa likod ng malaking bato. At hindi nga siya nagkamali. Nakita nilang nakadapa si Selena habang ang kalahati ng buntot nito ay nasa tubig pa. Umiiyak si Selena habang nakadapa at tila walang pakialam sa paligid. "Selena!" mabilis na tinakbo ni Demetria ang anak. "Selena, anong ginawa mo?" ang tanong naman ni Felimon habang palapit sa kanila. "Felimon, magbatay ka roon at huwag mong hahayaang may magpunta rito hangga't nasa ganitong ayos pa si Selena," pag-utos ni Demetria. Mabilis namang sumunod si Felimon. "Anak, kailangan na nating umalis dito. Isuot mo na ang kuwintas at ng makapagbihis ka na bago pa may magpunta rito," nag-aalalang sabi ni Demetria. "I-Inay... P-patawad po..." ang may paghikbing wika ni Selena. "May mga parating! Madali kayo riyan!" naaalarmang paglapit ni Felimon kina Selena. "Doon yata nanggaling ang malakas na pagsabog!" Natatarantang naglakad si Felimon para salubungin ang mga nagmamay-ari ng boses na naririnig. "Felimon! Nauna ka pala riyan," ang sabi ng isa sa mga lalaki. "H-hindi... S-sandali lamang... N-narito ang aking mag-ina at si Selena ay kasalukuyang nagbibihis," pagharang ni Felimon. "Nagbibihis?" nagkatinginan ang mga nandoon. Lima silang pawang mga lalaki. Apat na mga kaedaran ni Felimon at ang isa ay kaedaran naman ni Selena. "O-oo! K-kasalukuyan kasing naliligo rito si Selena kanina kaya—" "Kung ganoon ay nakita niya ang nangyari!" mapangahas na tinabig ng isang lalaki si Felimon. "Ano ba! Nagbibihis pa ang anak ko," bigla namang hinarangan ni Demetria si Selena na noo'y nakatayo na sa kaniyang likuran at halos kasusuot lang ng damit pang-itaas. "P-pasensiya na, Demetria..." napakamot sa ulo ang lalaki. "Maaari ba naming tanungin si Selena kung ano ang nakita niya?" "Wala siyang nakita," matapang na pagsagot ni Demetria. "P-pasensiya na po... Wala po akong napansin dahil nawili po ako sa pagligo," umalis si Selena mula sa likuran ni Demetria upang sagutin ang lalaki. "Sa susunod ay 'wag ka ng lalangoy dito ng nag-iisa ka. Isang himala na walang nangyaring masama sa 'yo sa tindi ng nangyari kanina," saad naman ng isa sa mga lalaki. Ngumiti naman sina Demetria. Nang walang ano-ano'y natigilan si Selena. Ang lalaking kaedaran niya kasi na kasama ng apat na medyo matatanda ng mga lalaki ay walang iba kundi si Udoy. At base sa pagkakatingin ni Selena kay Udoy, tila titig na titig ang lalaki sa kaniyang suot na kuwintas... "A-ang mabuti pa ay mauna na kami. Baka dumating na ang sundo ng anak namin," mabilis na hinila ni Felimon si Selena. Napansin din kasi nito ang pagtitig ni Udoy sa kuwintas. "Sige, Pareng Felimon, susunod na rin kami at baka maulit pa ang nangyari ay kung mapaano pa kami rito," nakangiti namang tugon ng isa sa mga lalaki na walang iba kundi ang ama ni Udoy. Abot-abot ang kaba ni Selena dahil doon. Labis ang kaniyang pagsisisi sa kapangahasang ginawa. Hindi niya alam kung bakit naisipan niyang puntahan ang lagusan papuntang Sirenia. At dahil sa sakit na naramdaman nang marinig ang boses ng kaniyang tunay na ina, hindi niya napigilan ang pagbugso ng mainding emosyon. Matinding emosyon na naging dahilan ng isang maling pagkilos. Nakalimutan niyang may naging sumpa nga pala ang kanilang kapangyarihan. Na hindi iyon maaaring gamitin ng basta-basta o kahit na panlaban man lang sa kahit na anong paraan. Dahil nasa matinding emosyon siya kanina, hindi niya namalayang naibuhos niya ang kaniyang kakaibang lakas sa paglangoy niya kanina. Pinagsamang galit at sama ng loob na tila nagpalabas ng kaniyang kapangyarihan. Na naging sanhi naman ng nangyaring malakas na pagsabog ng tubig sa kaniyang kinaroroonan na may kasama pang pagyanig sa lupa. Tahimik lang na nakaupo sa maliit na hagdanan nila si Selena habang hinihintay ang kaniyang sundo. Labis na gumugulo sa kaniyang isipan ang tungkol kay Udoy. Noong Sabado naman ay nakabatian niya pa ito ngunit hindi naman nito kita ang kaniyang kuwintas dahil napaghandaan niya iyon. May scarf siya sa leeg na siyang tumatakip sa kaniyang kuwintas. "Selena, narito na ang sundo mo," untag ni Demetria. Mabilis ng tumayo si Selena mula sa pagkakaupo. Hindi man lang nito napansin ang paghinto ng sasakyan malapit sa kanilang kubo. "Babalik po ulit ako sa Sabado, 'tay, 'nay," paalam ni Selena sa mga ito. Nang makaalis na ang sasakyan ay natanaw pa ni Selena si Udoy mula sa 'di kalayuan. Dahil doon ay hindi niya na naman naiwasan ang kabahan. Malaking problema kapag nakumpirma ni Udoy na siya ang babaeng tinangka nitong nakawan... Ang babaeng kinatakutan nito at tinawag na halimaw...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD