Ika-labing Anim na Kabanata - Pambabalewala

1789 Words
Mula nang bumalik si Selena sa mansiyon ay napansin ni Kiel na tila palaging malungkot at wala sa sarili ang babae. Kahit sa tuwing nakikita niya ito sa eskwelahan ay hindi rin ito masyadong nakikipag-usap o nakikipag kuwentuhan sa kaklase nitong madalas niyang makitang kasama nito. Sadyang hindi niya naman kasi pinapansin o kinakausap si Selena kapag nasa eskwelahan sila. Dahil nga kasi parte lang ng pagkukunwari niya ang pagpapahirap dito sa mansiyon, hindi niya kayang maging ganoon din ang pagtrato niya rito sa eskwelahan. Kaya kesa maging mabait na lang siya kay Selena kahit sa eskwelahan, ay hindi niya puwedeng gawin. Kahit na ang totoo ay gusto niya rin itong makakuwentuhan. Kapag ginawa niya kasi iyon ay tiyak na magiging mabait na ang tingin nito sa kaniya. At hindi niya iyon puwedeng hayaang mangyari. Habol niyang maging masama sa paningin ng mga magulang—kasama na nga ang Ate Kiera niya. Dumating siya sa puntong pati sa ate niya ay kailangan niyang sirain ang kaniyang imahe. Iyon ay upang tuluyan na siyang itakwil o pabayaan ng pamilya. Hindi tulad sa iba na naghahanap ng kalinga ng pamilya, kabaliktaran siya. "Ezekiel!" Napalingon siya sa tumawag sa kaniya. Mabilis niyang inayos ang sarili at hindi na muling nilingon pa si Selena na kasalukuyan niyang tinitingnan sa 'di kalayuan. Nakaupo siya noon sa isa sa mga concrete benches na nakapuwesto malapit sa pinaka gate na ng eskwelahan. Doon niya tinatanaw si Selena na nasa loob ng canteen. Malayo ang distansiya nila ngunit kita ang puwestong inupuan nina Selena dahil sa malalaking pagkabintana ng canteen nila. "Rex," nakipag fist bump siya sa kaklase. Isa ito sa mga madalas niyang kasama at ka-close na rin. "Nagtext si Paul, may sakit pala ang ungas kaya hindi pumasok," sabi ni Rex. "Sakit-sakitan," bigla namang sulpot ni Beth, ang girlfriend ni Paul. Napangisi naman siya. Parang na-sense niyang LQ ang magkasintahang sina Paul at Beth. "Inaway mo kasi, eh," pakli naman ni Rex na naupo sa tabi ni Kiel. Sumunod ding naupo si Beth. "What did you do to him this time, Beth?" may tudyo ang ngiting tanong ni Kiel. "Sinabi ko lang naman na 'wag siyang magpapakita sa akin," halos magsalubong ang dalawang kilay na saad ni Beth. "Kaya naman pala nagkasakit," natatawang pinagkrus ni Kiel ang mga kamay. Marunong naman talaga siyang magsalita ng wikang Tagalog. Sinasadya niya lang na sa wikang Ingles kausapin si Selena dahil feeling niya ay mas effective ang pagiging demanding at suplado niya. Nagkaroon lang ng instance na nagsalita siya ng Tagalog noong kausap niya ang tricycle driver kung saan kasabay niya rin si Selena. Sadya niya na ring hinihintay si Selena tuwing uwian. Pilit niyang kinukumbinsi ang sarili na parte iyon ng pagpapasama niya sa sarili. Dahil kapag nakababa na sila sa tricycle ay lagi niyang inihahagis kay Selena ang bag niya upang ito ang pagbitbitin papasok ng mansiyon. Pero hindi niya magawang aminin sa sarili na ayaw niyang makitang naglalakad papasok ng Ciero Mil si Selena habang siya ay kampante sa loob ng tricycle. Tila natatakot siyang aminin sa sarili na napapalabas ni Selena ang good side o tunay na ugali niya. "Hindi pa ba kayo uuwi?" maya-maya'y tanong ni Rex. "Hindi pa," sabay na sabi nina Kiel at Beth kaya naman nagkatawanan pa sila. "Dahil?" tanong ni Rex. Wala na kasi silang pasok sa hapong iyon dahil may meeting halos lahat ng teacher kaya nangangahulugan na maaari ng mag-uwian ang mga estudyante. "Hinihintay ko si Paul. Susunduin niya raw ako," simpleng sagot ni Beth. Napaawang naman ang mga labi nina Kiel at Rex. Pagkuwa'y natawa ang mga ito. "Bakit?" maang ni Beth. "Wala naman. Nag-aalala lang ako, baka mahawa ka sa sakit niya," tumatawang sagot ni Rex bago isukbit ang bag sa balikat nito. "Ha-ha-ha-ha," naniningkit ang mga matang kunwa'y paggaya ni Beth sa tawa ni Rex. "Una na ako sa inyo? Ikaw, Ezekiel? Huwag mong sabihing may hinihintay ka rin?" pinipigil ni Rex ang tumawa dahil nakatingin pa rin nang masama sa kaniya si Beth. "Just go, man. You're pissing her," sagot naman ni Kiel at bago umalis si Rex ay nag fist bump silang muli. Nang kay Beth naman makikipag fist bump si Rex ay umirap lang si Beth. Nang makaalis na si Rex ay naging busy naman lalo si Beth sa pagtetext. Halata pang kinikilig si Beth at napailing na lang si Kiel. Kung nagkataon kasing kagaya niya si Rex, malamang ay umalis na rin doon si Beth. Siya naman kaya hindi pa umaalis, dahil hinihintay niyang lumabas si Selena sa canteen. Hindi kasi siya sigurado kung wala na rin bang teacher si Selena katulad nila. Kung sakaling may klase pa ito, malamang ay mauna na siya sa pag-uwi. Sa kinaroroonan naman ni Selena ay inaayos na rin nito ang mga gamit niya. Uwian na rin kasi nila dahil kasama sa meeting ang teacher nila para sa kanilang last two subjects. "Ang señorito s***h prince charming mo kaya? Wala na rin kaya siyang klase?" ang tanong ni Shane kay Selena. "Prince charming?" pinangunutan ito ng noo ni Selena. "He's rich. Handsome. Mysterious. And... In love?" napayakap pa si Shane sa librong hawak nito. "Tigilan mo nga 'yan, Shane. Mabuti pa tara na nang makauwi ka na at baka gutom mo lang 'yan," hatak na ni Selena kay Shane. "Kakakain lang, gutom agad? Hindi ba puwedeng kinikilig lang sa inyo?" pakli ni Shane. Hindi na lang nagsalita si Selena at binilisan na lang nito ang paglalakad. Nagpapasalamat siyang wala na silang klase dahil ibig sabihin ay magagawa niya ang ibang assignment nila na hindi niya nagawa ng mga nakaraang araw dahil sa palagi siyang wala sa sarili. Mula lang iyon noong nasa San Martin siya. Noong tangkain niyang magpakita sa Sirenia. "Hindi talaga ako nagsisisi na nakilala ka namin." Napalingon si Selena sa babaeng nagsalita na nakaupo sa concrete bench malapit sa gate. Bahagya pa siyang nagulat nang makitang si Kiel ang pinagsabihan ng babaeng iyon. Hindi niya akalaing may girlfriend pala si Kiel doon. Hindi niya maintindihan ang naramdaman ng mga sandaling iyon. Wala naman dapat siyang pakialam ang kaso parang bigla siyang nakaramdam ng selos... Si Kiel naman ay alam ng naglalakad na palabas si Selena kaya naman sinadya niyang hindi tumingin sa mga ito. Hihintayin na lang niyang makalagpas muna roon sina Selena saka siya magpapaalam kay Beth na mauuna na siya. Hanggang sa mga sandaling iyon kasi ay hindi pa dumarating si Paul. "Beth, hindi na kita masasamahan. I need to go home now," paalam ni Kiel kay Beth at tumayo na siya. "Yeah, it's okay," nakangiti namang sagot ni Beth at nag fist bump na silang dalawa. Tila parte na kasi ng pagkakaibigan nila ang fist bump kaya nakasanayan na nila iyong gawin. Mabilis ng naglakad si Kiel para sumunod kay Selena. Baka kasi umalis na kaagad ang tricycle na masasakyan nito kapag nakitang wala siya na kasabay ni Selena. "Señorito Prince Charming," bulong ni Shane kay Selena nang matanaw nito ang paparating na si Kiel. Hindi naman umimik si Selena at ipinagtabuyan na si Shane. Pagkatapos ay mabilis na siyang pumasok sa tricycle. Gusto niya sanang sabihin sa driver na umalis na ngunit mukha namang nakita na nito si Kiel. Halos alam na kasi sa paradahang iyon na silang dalawa ni Kiel ay taga Ciero Mil. Tanging silang dalawa lang. Napagpasyahan niyang 'wag lingunin si Kiel nang sumakay na ito. Alam niya rin namang hindi siya nito tinitingnan o kinakausap kaya tingin niya ay okay lang ang ginawa niya. Iniisip niyang marahil ay ayaw ni Kiel na kausapin ang kagaya niya sa public. Katulad nga ng dati, pagkababa nila at pagkaalis ng tricycle ay siya namang pahagis na bigay ni Kiel ng bag nito sa kaniya. Nauunang naglalakad si Kiel palapit sa mansiyon habang nasa likuran siya. Susunod lang siya rito hanggang sa kuwarto nito para lang ilagay ang bag nito. Pagkatapos ay saka na siya dederetso sa kaniyang kuwarto. Hindi na siya mahihirapang akyat-baba sa hagdanan dahil nasa taas na rin nga ang kuwarto niya. Walang imik na umalis na si Selena sa kuwarto ni Kiel. Pagkarating niya naman sa kaniyang kuwarto ay ni-lock niya iyon pabagsak siyang nahiga sa kaniyang kama. Mahaba pa ang oras niya at dalangin niyang hindi siya tawagin at utusan ni Kiel dahil maituturing niyang libreng oras niya iyon dahil nga maaga lang ang naging uwi nila. Marami rin siyang assignments na kailangang gawin. Tatayo na sana si Selena para magbihis nang tumunog ang cellphone niya. Nagmamadali niya iyong inilabas sa kaniyang bag. Ang mga magulang niya lang naman ang maaaring tumawag sa kaniya dahil ang mag-asawang Lemman ay siguradong nasa trabaho pa nila. "Itay!" masayang sagot ni Selena. "Selena..." Napawi ang ngiti sa mga labi ni Selena nang maramdaman niyang malungkot ang boses ng kaniyang itay mula sa kabilang linya. Pumasok kaagad sa isip niya si Udoy. "Itay... M-may problema po ba?" napaupo siya sa kama niya. "Selena, may gusto lang kaming sabihin sa 'yo ng inay mo," sagot naman ni Felimon sa kabilang linya. Pinakinggang mabuti ni Selena ang mga sumunod na sinabi ng kaniyang itay. "S-sa tingin namin ay makakabuting 'wag ka na munang umuwi rito... Para rin sa iyong kaligtasan. Hindi namin alam kung hanggang kailan ka pagdududahan ni Udoy, eh," malungkot na malungkot ang boses ng kaniyang itay. Hindi napigilan ni Selena ang pagtulo ng kaniyang luha. Ang mga magulang ang nagsisilbing lakas niya kaya naman ito rin ang dahilan ng panghihina niya. Matapang naman siya. Pero matapang siya dahil sa mga magulang. Kaya kung matatagalan bago niya naman makasama o makita muli ang mga ito, hindi niya alam kung saan siya kukuha ng lakas. Parang hindi sapat sa kaniya na makausap lang ang mga ito sa cellphone. "Selena... A-alam kong mahirap, anak... Pero sana naiintindihan mo," ang boses naman iyon ng kaniyang inay. Pinahid ni Selena ang pumatak na luha sa kaniyang mga mata. Hindi niya maaaring iparinig o ipaalam sa mga magulang na pinanghinaan siya. Tiyak na mas magiging mahirap iyon sa mga magulang kung sakali. "Naiintindihan ko po, 'nay, 'tay," sinubukan niyang magsalita ng hindi nahahalata ang lungkot sa boses niya. "Palalamigin lang natin ang sitwasyon, Selena. Isa pa, mukhang may balak ang tatay ni Udoy pagtrabahuhin si Udoy sa ibang lugar. Kapag nagkataon, ligtas ka na ulit na umuwi rito sa atin," pagpapalubag loob ng itay ni Selena. Hindi na pinatagal ni Selena ang usapan nila. Basta't sinabi na lang niya na walang dapat ipag-alala ang mga magulang sa kaniya. Nang mailapag na ni Selena ang cellphone sa kama, doon na siya napaiyak. Pakiramdam niya, sa pangalawang pagkakataon ay naipatapon na naman siyang muli... Una sa Sirenia, ngayon naman ay sa San Martin na... At dahil lang iyon sa kapabayaan at kapusukan niya...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD