Ilang na ilang si Selena habang sinusukatan siya ng gagawa ng isusuot niya para sa Senior Prom. Hindi sila natuloy ni Kiera na umalis ngayong Sabado dahil sinabi ni Señor Clenton na papupuntahin na lamang doon ang gagawa.
"Ang perfect naman ng body mo, iha!" tila amaze na amaze na wika ng modista kay Selena. Naroon din sa kuwartong iyon si Kiera ng mga sandaling iyon.
"Kaya gandahan mo 'yong gagawin mo para sa kaniya, ha?" saad naman ni Kiera.
Tahimik at nakikinig lang naman si Selena. Kanina niya pa gustong matapos dahil naiilang talaga siya sa nangyayari. Pakiramdam niya naman kasi ay hindi niya deserve ang bigyan ng ganoong atensiyon. Kung nagkataon sigurong hindi magkaibigan ang itay niya at si Señor Clenton ay baka hindi naman ganoon ang trato sa kaniya. Pero sa pananatili niya naman sa mansiyon na iyon, napatunayan at mapapanindigan niyang mababait talaga ang mga ito.
"Okay na, iha. Dadalhin ko na lamang dito kapag natapos ko na," wika ng modista.
"Maraming salamat po," pagngiti naman ni Selena.
"Ikaw Señorita Kiera, kailan ka naman magpapagawa?" nakangiting tanong ng modista.
"Tatawagan din kaagad kita!" natatawang sagot ni Kiera.
Nang makaalis na ang modista at si Kiera, mabilis ng nagpunta si Selena sa kuwarto ni Kiel. Kinuha niya ang mga gamit ni Kiel na kailangan niyang plantsahin. Sasamantalahin niya na rin habang wala ang lalaki. Ang alam niya kasi ay lumabas si Kiel upang makipagkita sa mga kaklase nito at maghahanap ng maisusuot para sa Senior Prom. Narinig din niyang nag-offer si Señor Clenton kay Kiel na magpatahi na lang din ito sa sastre na kakilala rin ng señor. Ngunit walang imik na umalis si Kiel. Ni hindi man lang nito sinagot ang ama.
Kaagad ng inayos ni Selena ang plantsahan nito nang makabalik na siya sa kaniyang kuwarto. Una niyang pa-plantsahin ang mga uniform ni Kiel at inihuhuli niya ang iba pang mga gamit ng lalaki. Nasa kalagitnaan na siya ng mga damit na pinaplantsa nang biglang bumungad si Kiel sa pintuan niya. Hinahayaan niya kasing bukas ang pinto kapag namamalantsa siya.
"Ang bilis niya namang makabalik..." hiyaw ng isipan ni Selena. Inaasahan kasi nitong gaya dati, mga alas-sais na ulit makakauwi si Kiel.
Hindi na nakapagtanong si Selena dahil dere-deretso namang pumasok at lumapit si Kiel sa kaniya.
"I'm looking for this in my room. I need it, right now," saad ni Kiel.
Napatingin si Selena sa isang blue polo shirt na kasalukuyan niyang pinaplantsa. Iyon ang tinutukoy ni Kiel. Iaabot niya na lang sana iyon kay Kiel ngunit basta na lang naman iyong hinatak ni Kiel. Nanlaki ang mga mata niya. Muntik na kasi siyang mapaso sa ginawa ng lalaki. Napabuga na lang siya ng hangin sa ginawang iyon ni Kiel.
Wala pang isang minutong nakakalabas si Kiel nang bigla namang dumating doon si Señor Clenton.
"Señor Clenton," kaagad na itinigil ni Selena ang ginagawa.
"Selena, puwede ba kitang makausap sandali?" ang nakangiting sabi ni Señor Clenton.
"Opo naman, Señor Clenton," mabilis na sagot ni Selena. Medyo kinabahan nga lang siya sa kung anong pakay ng señor. Kung ano ba ang sasabihin nito.
Hinatak ng señor ang upuan sa study table ni Selena at saka ito naupo.
"Gusto ko lang sanang itanong sa 'yo kung kumusta naman ba ang anak kong si Kiel sa eskwelahan ninyo?" panimula ni Señor Clenton.
Tila nakaramdam kaagad ng awa si Selena sa señor. At inis na naman kay Kiel. Heto ang señor at tila sabik na sabik sa anak na si Kiel.
"Ahmmm..." noong una ay hindi alam ni Selena ang sasabihin dahil hindi niya naman nakakasalamuha sa eskwelahan si Kiel. "Palakaibigan, masipag, at matulungin po si Señorito Kiel sa eskwelahan. Iyan po ang mga nakikita ko sa kaniya roon," aniya nang maalala ang mga ginawa ni Kiel sa eskwelahan nila.
Nagningning naman ang mga mata ni Señor Clenton. "Talaga, iha? Sinasabi ko na nga ba at mabait ang anak kong iyan..." masayang saad nito.
"Isinasabay niya rin po ako sa pagpasok dito sa Ciero Mil. Kaya hindi na po ako naglalakad papasok dito tuwing hapon," dagdag pa ni Selena. Tila gusto niya ang ideyang ipaalam sa señor na mabuting tao rin si Kiel.
Napabuntonghininga si Señor Clenton. "Kami lang naman kasi talaga ang pinapasakitan niya..."
Hindi alam ni Selena kung magtatanong ba siya sa señor ng tungkol kay Kiel.
"Alam kong ayaw niya talaga rito kaya gumagawa siya ng paraan para pabalikin ko na lang siya sa kaniyang Tita Clarisse. Lalo na at hindi naman puwedeng basta lang siya bumalik doon dahil hindi naman siya tatanggapin ng kapatid ko roon nang hindi ko sinasabi," pagkukwento ng señor.
"Ano po bang nangyari?" hindi alam ni Selena kung saan siya nakakuha ng lakas ng loob sa pagtatanong niyang iyon.
Hindi kaagad nakaimik si Señor Clenton.
"P-pasensiya na po sa pagtatanong ko, Señor Clenton... Huwag na po ninyong sagutin..." biglang nakaramdam ng hiya si Selena sa itinanong.
"No, it's okay, iha..." nakangiting sagot ni Señor Clenton. "Hindi pala nakakapagkuwento sa 'yo ang itay mo ng tungkol sa amin?" dagdag tanong nito.
Umiling si Selena. "Marahil po ay dahil sa hindi rin ako nakakapagtanong sa kanila," sagot niya.
"Galit si Kiel sa akin dahil sa pakikipagrelasyon ko muli. Ayaw niyang mapalitan sa pamilyang ito ang kaniyang mommy," pagsagot na ni Señor Clenton.
Naguluhan bigla si Selena. Hindi niya masyadong maintindihan ang ibig sabihin doon ng señor.
"Pangalawa ko ang Señora Shiela mo, Selena. At hindi iyon matanggap ni Kiel. Kaya siya sumama sa Tita Clarisse niya noon sa Australia. Hinayaan ko muna siya sa pag-aakalang makakapag isip-isip pa siya. Pero mali pala ako dahil lalo lang napalayo ang loob niya sa akin...sa amin..." may lungkot ang boses na sabi ni Señor Clenton.
"S-stepmother niya po si Señora Shiela?" paniniyak ni Selena. Nagmumukha na siyang tsismosa roon pero na-curious na rin kasi siya nang tuluyan. Isa pa ay kusang loob naman ang pagkukuwento ng señor sa kaniya.
"Oo, iha... Anak ko sina Kiera at Kiel sa nasira kong asawa," sagot ni Señor Clenton.
Nakuha kaagad ni Selena na namatay ang unang asawa ng señor. Akala niya kanina, kaya hindi matanggap ni Kiel ay baka dahil nagkaroon ng isang Shiela sa buhay ng señor at iniwan o ipinagpalit ang tunay na ina nina Kiel. Pero nang marinig niya ang salitang 'nasirang asawa' sa señor ay alam niya na kaagad na namatay ang tunay na ina nina Kiel. Ibig sabihin ay hindi nagloko ang señor. Kaya bakit galit si Kiel sa mga ito at hindi matanggap ang señora?
"O, siya, Selena, pasensiya ka na at naistorbo kita sa iyong ginagawa," tumayo na ang señor upang iwan na roon si Selena.
"Wala po kayong dapat ihingi ng paumanhin, señor. May itinanong lang naman po kayo, eh," ang saad ni Selena.
"Napakasuwerte ng iyong itay at inay dahil napunta ka sa kanila. Napakasuwerte nila na sila ang nakahanap sa 'yo sa dalampasigan," pahayag ni Señor Clenton.
"Mas masuwerte po ako sa kanila, señor," nakangiting tugon ni Selena. Hindi naman kasi lingid sa mga taga San Martin na hindi siya tunay na anak ng kaniyang mga magulang. Alam doon na napulot lang siya ng kaniyang itay sa dalampasigan. Natatandaan pa nga niyang nagpanggap ang kaniyang itay na hinahanap ang kaniyang mga magulang. Dumating pa nga sa puntong sinabi ng itay niya na baka nakaligtas lang siya sa isang malakas na bagyo at ang mga magulang niya ay baka namatay sa laot. Halos niyakap din naman ng lahat ang kuwentong iyon.
"Sige, Selena," paalam na muli ng señor.
Inihatid ni Selena si Señor Clenton hanggang sa pintuan. Nang mawala na sa paningin niya ang señor ay hindi niya na naman naiwasang mapaisip. Kung tutuusin, halos magkapareho pala sila ni Kiel. Ang ipinagkaiba lang, siya ay tinanggap niya kung ano ang meron siya ngayon hindi tulad ni Kiel, hindi nito matanggap ang bagong pamilya...
******************
Nanlalaki ang mga mata ni Selena nang dumating na ang gagamitin niya para sa kanilang Senior Prom. Huwebes na nang araw na iyon at bukas na ang Senior Prom nila. Talagang masasabing rush iyon kaya naman hindi niya inaasahan na ganoon kaganda ang gown na ginawa para sa kaniya.
"You like it?" masayang nakatingin si Kiera sa reaksiyon ni Selena nang buksan na nga nito ang kahon kung saan nakalagay ang gown.
Nang hindi halos kumikilos si Selena ay si Kiera na ang naglabas ng gown sa kahon nito. Siya na ang nagladlad niyon sa harapan ni Selena.
"Gray green ang napili ng modista na color since maputi ka raw. Siguradong-sigurado siya na babagay sa iyo ito at naniniwala naman ako," nakangiting saad ni Kiera.
Isa iyong gray green tulle off shoulder gown. Gawa iyon sa soft, fine silk at simple lang dahil wala halos kadise-disenyo. Ang isang mapapansin mo lang din dito ay tila may kumikinang sa kabuuan ng gown na iyon na tila diyamante o ang tinatawag na sequin.
"S-sobrang ganda po..." hindi napigilang pagpuri ni Selena.
"Isukat mo muna siya. Para kung sakaling may kaunting problema, magagawan pa kaagad ng paraan bago dumating ang Senior Prom ninyo," saad ni Kiera.
Sinunod naman ni Selena ang sinabi ni Kiera. Tinulungan pa ni Kiera si Selena sa pagsusuot niyon. Mayroon naman kasing suot na puting sando si Selena at naka-cycling din ito kaya hindi siya gaanong nailang kay Kiera.
"So beautiful..." anas ni Kiera nang mapagmasdan na si Selena.
"T-thank you, Señorita Kiera..." nahihiyang sagot ni Selena.
"I am sure that everyone will love your look on Friday night," natutuwang pahayag ni Kiera.
"Maraming salamat po talaga rito, señorita... Nakakahiya po kasi ginastusan niyo pa ako," may katotohanang wika ni Selena.
"Huwag mo iyong isipin, Selena. Magkaibigan ang mga magulang natin kaya walang problema tungkol dito. Isa pa, pasasalamat na rin namin ito sa 'yo sa pagiging personal maid mo kay Kiel... Nagpapasalamat kami na nandito ka pa rin," mahabang pahayag ni Kiera.
"Ginagawa ko lang naman po ang trabaho ko, señorita," sagot ni Selena.
Magsasalita pa sana si Kiera nang biglang may kumatok sa pinto.
"Selena? I need something," boses ni Kiel mula sa labas ng pintuan.
Nang marinig ni Selena ang boses ni Kiel ay nagmamadali itong buksan ang pinto. Nakalimutan na nitong suot niya pa pala ang gown na gagamitin sa Senior Prom. Hindi na rin naman napigilan ni Kiera si Selena dahil nabuksan na kaagad nito ang pinto.
"Ano po iyon, señorito?" tanong kaagad ni Selena.
Si Kiel naman ay napatunganga lang kay Selena. Para siyang first time lang na nakakita ng babae. Tila ba nabatubalani ito sa ganda ni Selena na napansin naman ni Kiera. Saka naman napagtanto ni Selena ang itsura nang pakatitigan pa siya lalo ni Kiel.
"S-sorry po, señorito... Magpapalit lang po ako," natatarantang isinara kaagad ni Selena ang pinto.
Napangiti naman si Kiera sa sarili. "Lalabas na muna ako," paalam na nito kay Selena.
Nang lumabas si Kiera ay inabutan pa nga nito sa may harapan ng pinto si Kiel. Saka pa lang umalis si Kiel nang makita siya. Habang pabalik si Kiera sa kaniyang kuwarto ay hindi mawala-wala ang ngiti sa mga labi nito...