Malungko na malungkot si Selena habang nasa loob ng sasakyan. Excited siyang makasama muli ang mga magulang ngunit hindi pa natuloy dahil sa nangyari. Wala pa siyang kalahating oras na nasa biyahe nang makaramdam siya ng antok. Umayos siya ng pagkakasandal sa upuan at ipinikit ang mga mata. Ilang sandali lamang ay nakatulog na siya. Sa pagtulog niyang iyon ay isang panaginip ang dumalaw sa kaniya...
Malungkot na nakatanaw sa dalampasigan ang batang si Selena. Nakasuot ito ng puting bestida at nakayapak lamang. Maya-maya ay naglakad siya palapit sa tubig. Ang mga tao sa paligid niya ay abala sa pagsakay sa kani-kanilang bangka upang pumalaot. Ang iba naman ay mga nakabalik na at may mga huling isda.
Ang batang Selena ay naglakad palayo sa mga tao at lumigid sa malaking bato na naroon. Ngayon ay nakakubli na siya sa mga tao. Dahan-dahang siyang pumikit at nagpakawala ng isang napakagandang himig.
"Selena..."
May galak na napadilat si Selena. Tuwang-tuwa niyang tinakbo at niyakap ang sireno na nasa kaniyang harapan. Ang kaniyang ama na si Arden.
"Ama! Mabuti naman at nandito na kayo!" galak na galak na sambit ni Selena.
Si Arden ay ang tunay na ama ni Selena. Isang sireno, mayroong kulay asul na buntot. Hindi tulad sa mga sirena na gumagapang at lumalangoy lamang, ang mga sireno ay nakakalutang sa ere kaya naman mistula rin itong mga nakatayo.
"Anak... H-hindi ako nagparito upang bawiin ka..." ang malungkot na boses ni Arden na tila humahalo sa hangin.
Dahan-dahang kumalas si Selena sa ama. "A-ano pong ibig ninyong sabihin?"
"Selena, hindi ka na maaaring bumalik ng Sirenia..." ang sagot ni Arden.
Unti-unting napaiyak si Selena. "P-pero bakit po? A-anong n-nagawa kong kasalanan, ama?"
"Nawa'y mapatawad mo kami ng iyong ina, Selena... Balang araw ay maiintindihan mo rin ang naging desisyon namin..." iyon ang isinagot ni Arden habang unti-unti itong lumalayo kay Selena mula sa pagkakalutang nito sa ere.
"Ama! Wala akong kasalanan! Hindi ako ang may kasalanan!" ang palahaw ni Selena.
Lumuluhang naglaho si Arden nang humampas ang isang alon dito. Napaluhod na lamang si Selena sa buhanginan habang patuloy sa pag-iyak. Batid niyang bumalik na ng Sirenia ang ama... At hindi siya kasama. Malinaw sa kaniya ang sinabi ng ama...
Ang sumunod na senaryo ay ang pagkakatayo ng batang si Selena sa tuktok ng malaking bato habang nakatanaw sa malawak na tubig.
"Mahal na mahal ko kayo, ina, ama... Ito na ang huling araw na aasa ako..." saad ni Selena. Tuluyan na nitong tinatanggap na hindi na siya maaaring makabalik ng Sirenia...
"Selena.... Selena..."
Nagising si Selena na may luha sa mga mata. Nabungaran niya si Señor Clenton at mula sa likuran ng señor ay naroon din si Señora Shiela. Saka niya napagtantong nasa mansiyon na siyang muli.
"Ayos ka lang ba? Kaya mo bang bumaba at maglakad?" ang may pag-aalalang tanong ni Señor Clenton.
Mabilis na pinahid ni Selena ang luha sa mga mata.
"Selena, hindi na kami papayag na tumanggi ka pa sa aming ihatid ka sa San Martin sa susunod..." ang boses naman ni Señora Shiela.
"Opo, Señora Shiela, Señor Clenton... Pasensiya na po," ang hinging paumanhin niya sa mga amo.
"Wala kang dapat ihingi ng paumanhin, iha. Ang mabuti pa ay bumaba ka na nang makapagpahinga ka na," ang wika naman ni Señor Clenton.
Mabilis na ngang bumaba si Selena mula sa sasakyan. Magalang siyang nagpaalam sa mag-asawang Lemman nang papasok na siya sa kuwarto nila ni Manang Aida. Napasukan niyang mahimbing na mahimbing ang pagkakatulog ni Manang Aida. Ibinaba niya lang ang kaniyang bag at inilabas ang cellphone. Nagpadala siya ng mensahe sa mga magulang na nakarating na siya nang maayos sa Maynila. Pagkatapos ay saka na siya nahiga sa tabi ni Manang Aida. Bago siya tuluyang pumikit ay may pumatak pa muling luha sa kaniyang mga mata...
**************
Nagtaka si Kiel kinabukasan nang makita niya si Selena sa kanilang hardin. Mula kasi sa kaniyang bintana ay kita ang kanang bahagi ng maluwang nilang hardin. Nasa gitna kasi ang pagkakatayo ng mansiyon kaya naman napapaikutan sila ng hardin.
"What is she doing here?" may pagtatakang bulong ni Kiel sa sarili. Ang alam niya kasi ay kaaalis lang nito kahapon at sa Linggo pa ng hapon ang balik.
Maya-maya ay nakita niyang lumapit ang hardinero nila kay Selena. Dala ng kuryosidad ay dahan-dahang itinaas ni Kiel ang kaniyang bintana. Hindi niya masyadong marinig ang pinag-uusapan ni Selena at ng hardinero nila dahil medyo malayo ang mga ito. Halos lumabas na rin ang ulo niya sa kagustuhang makapakinig sa usapan. Nang biglang tumayo si Selena ay napalingon ito sa direksiyon niya. Dahil sa gulat at pagmamadaling maipasok kaagad ang kaniyang ulo ay nauntog siya sa bintana. Nakaramdam siya ng pagkapahiya kaya naman mabilis niyang naibaba muli ang bintana.
"Stupid!" namumula ang mukhang natampal ni Kiel ang sarili.
Hindi sigurado si Kiel kung pag-aalala ba ang nakita niya sa mukha ni Selena kanina. Ang inaasahan o naiisip niya kasi, dapat ay makikita niyang magpigil ng pagtawa si Selena sa nangyari sa kaniya. Pero parang ang nakita niya naman ay pag-aalala sa pagkakauntog niya. Para sa kaniya, nakakatawa dapat ang normal na reaksiyon ni Selena. Pakiramdam niya tuloy ay kakaiba ang personal maid niyang iyon. Hindi rin tuloy niya malaman kung paano lalabas sa kuwarto.
Sa sobrang pag-iisip ay halos mapatalon siya mula sa pagkakaupo sa kaniyang kama nang biglang may kumatok sa pinto. Hindi naman siguro iyon si Selena kaya mabilis siyang tumayo upang buksan. Mabilis siyang naupo at humarap sa kaniyang computer nang mabungaran ang ama.
Pumasok naman muna si Clenton sa loob bago ito nagsalita, "I just want to inform you that today is Selena's day-off... So I hope, hindi mo siya hahanapin o uutusan," saad nito sa anak.
Imbes na pumayag ay naisip pa ni Kiel na asarin o inisin ang ama.
"If she's here, then it's not her day-off," pagngisi ni Kiel sa ama.
Bumuntonghininga si Clenton. "Kiel—"
"She's my personal maid. And I'm glad that she's here today," pagputol ni Kiel sa ama.
"Muntik ng mapahamak si Selena kagabi. Someone grabbed her bag on her way to San Martin... Please, just give her a rest, son..." pakiusap ni Clenton.
Hindi naman halos makapagsalita si Kiel. Hindi niya inaasahan ang nalamang iyon.
"Tumawag lang si Felimon sa akin kagabi upang ipasundo si Selena pabalik dito. Natakot daw nang sobra si Selena kaya hindi na muna pina-stay doon... Sa susunod na linggo na lang ulit babalik si Selena sa San Martin. But let her rest, first," pagpapatuloy ni Clenton.
Nang walang kahit anong katagang lumabas sa bibig ni Kiel ay marahan na lang itong tinapik ni Clenton sa balikat. Nang makalabas na si Clenton ay napasandal si Kiel sa kaniyang gaming chair. Pagkatapos ay tumayo siya at dahan-dahang sumilip sa bintana upang tingnan kung naroon pa si Selena. Ngunit wala na roon ang babae. Kahit papano ay nakaramdam naman siya ng simpatiya kay Selena ngunit kailangan niya iyong sarilinin. Hindi niya maaaring gamitin ang nangyari kay Selena upang lumambot sa harapan ng lahat. Ang kailangan niya lang gawin ay sundin muna ang pakiusap ng ama...
*********************
Kinalunesan ay napansin ni Shane na malungkot si Selena.
"Okay ka lang ba?" tanong ni Shane kay Selena nang magbreak time na sila.
Nakangiti namang tumango si Selena. Habang naglalakad sila ay hindi inaasahan ni Selena na makakasalubong niya si Kiel. Ang lalim ng naging paghinga niya sa isiping hindi magiging maganda ang pagkakasalubong nilang iyon. Baka bigla siya nitong utusan ng kung ano-ano. Ngunit laking pasasalamat niya nang lagpasan lang siya ni Kiel.
"Is he really your "señorito"?" nakangiwing tanong ni Shane.
"Y-yeah..." tango naman ni Selena na nagtataka rin.
Hindi lang iisang beses nakita ni Selena si Kiel nang araw na iyon. May mga pagkakataong puwede siyang lapitan ni Kiel ngunit tila hindi siya nito nakikita. Ni tapunan ng tingin ay wala. Hindi naman sa hinihintay niya, pero nagtataka lang talaga siya. Kaya naman laking gulat niya nang makita sa labas ng gate si Kiel nang mag-uwian na nang hapong iyon. Noong una ay nakasandal lang sa pader sa labas ng eskwelahan si Kiel at hindi tumitinag.
"Baka may kailangan 'yan sa 'yo," bulong ni Shane.
Dahil doon ay naglakad si Selena sa harapan ni Kiel upang makita siya nito. Upang sa ganoon, kung may kailangan nga ito sa kaniya ay kakausapin siya. Ngunit tila huminto saglit sa pagtibok ang puso niya nang titigan lang siya ni Kiel. Hindi niya alam kung gaano katagal siyang tinitigan lang ni Kiel. Basta't sa bandang huli ay siya na rin ang sumuko sa titig na iyon. Tila napahiya lang siya sa nangyari kaya nagmamadali niyang hinatak si Shane palayo roon. Pakiramdam niya nag-iinit ang kaniyang mga pisngi.
"Ang creepy ng señorito mo ha," komento ni Shane.
Hindi na lang naman nagsalita si Selena. Nang makarating na sila sa paradahan ng tricycle ay nagpaalam na siya kay Shane. Ngunit nagtaka siya nang ngumuso si Shane sa kaniyang likuran.
"H-ha?" nagtatakang napalingon si Selena sa kaniyang likuran. Para lang mapalunok dahil nakatayo si Kiel doon at tila hinihintay siya.
"Sumakay na kayong dalawa, kayo lang naman ang taga Ciero Mil dito," biglang untag ng tricycle driver.
Pagkatapos ay mabilis na ngang sumakay si Kiel sa tricycle. Parang robot naman na napasunod na lang si Selena. Nang umandar na ang tricycle ay inaasahan niyang magsasalita si Kiel. Inisip niyang baka gusto ni Kiel na dalawa lang sila bago siya nito kausapin kaya siya hinintay. Ngunit malapit na sila sa Ciero Mil ay hindi pa rin nagsasalita ang lalaki.
"Miss? Hindi ka pa ba bababa? O may pahintulot ka na rin sa mga kasamahan mo sa loob na papasukin hanggang doon ang sinasakyan mo?"
Napakislot si Selena sa tanong na iyon ng driver. Hindi niya namalayan na nasa labas ng Ciero Mil na pala sila.
"Go ahead. She's with me," biglang sagot ni Kiel.
"Magkasama naman pala kayo, eh," natatawang sabi ng driver bago tuluyang ipinasok sa Ciero Mil ang tricycle nito.
Napamaang naman si Selena. Hindi niya inaasahan na gagawin iyon ni Kiel.
"Eto po ang pamasahe naming dalawa," pag-abot ni Kiel ng pera sa driver.
Hindi pa rin nakapagsalita si Selena. At sa kauna-unahang pagkakataon ay narinig niya ring nagsalita ng wikang Tagalog si Kiel. Nang makaalis na ang tricycle ay nagulat siya nang biglang ipahawak sa kaniya ni Kiel ang bag nito.
"You owe me your fare," sabi lang ni Kiel at pumasok na ito sa nakabukas na gate.
Wala ng nagawa pa si Selena kundi ang sumunod na lang sa kaniyang señorito...