"Sa bahay magligawan, hindi sa palengke." pasaring ni Aling Toyang na halatang hindi boto kay Dexter. Kunwaring nagbabasa ito ng dyaryo ngunit nakikinig sa usapan sa gawi ni Claire.
"Kung gusto mo, pakyawin ko na lahat ng ito, tapos kain muna tayo." wika ni Dexter.
"Galante naman pala eh, pwede na." parinig naman ni Aling Lomeng na kunwari ay nag-aayos ng kanyang paninda.
"Marami pa itong mga kakanin na paninda ko, Dexter. Huwag na, mauubos din naman mamaya kapag dumami na ulit ang mga mamimili."
"Okey lang, ako na ang bibili. Para makapagpahinga ka na."
"Ayaw mo no'n, Claire, maaga kang makakauwi." ani Aling Lomeng.
"Eh, paano iyang mga gulay?" kibit-balikat na turo ni Aling Toyang sa mga gulay.
"Kahit kailan may kontrabida. Ako na ang bahala sa paninda mo, Claire. Babantayan ko 'yan hanggang makabalik ka. Basta bumalik ka ha at kapag ikakasal na kayo nitong si Dexter, huwag mong imbitahan ang isa diyan." sabay irap ni Aling Lomeng kay Aling Toyang.
"Kayong dalawa, huwag na kayong makialam sa desisyon ni Claire. Hayaan niyo siyang magdesisyon. At kung saan siya masaya." wika ni Aling Pasing sa dalawang nagsisimula na namang magbangayan.
"Anong desisyon mo, Claire, payag ka ba?"
"Pasensya ka na, Dexter, hindi ko talaga pwedeng iwan ang paninda ko dito eh. Siguro sa ibang araw na lang."
"Wala namang araw na hindi ka nagtinda eh, hindi ba."
"Kailangan ko kasing kumita, Dexter. Pasensya na kung hindi kita mapagbigyan.
Tumingin sa mga matatandang tindera na nasa paligid ni Claire. May kanya-kanyang pinagkakabisihan ang mga ito ngunit batid ni Dexter na nakikinig sila sa usapan nilang dalawa ni Claire.
"Kahit ngayon lang, Claire, please."
Tumingin si Claire sa mga kaibigang tindera, halata ang pagdisgusto ni Toyang ngunit si Lomeng ay sumisenyas na pagbigyan ang manliligaw.
Nagtatalo ang isipan ng dalaga kung pagbibigyan ba niya ang kahilingan ng kanyang manliligaw. Maya-maya's tumunog ang kanyang de-keypad na selpon.
"Ate, pupunta ako diyan pag-uwi ko galing school, tutulungan kitang magtinda." text message galing kay Mico.
"Dexter, sa susunod na lang talaga. Pasensya na ha, nakakahiya din kasi kung ikaw ang bibili nitong mga. Dadating naman mamaya ang kapatid ko, sigurado akong kailangan niya ng tulong mamaya.
"Kung gano'n, samahan na lang kita sa pagtitinda dito." ani Dexter at umupo sa isang bakanteng upuan sa tabi ni Aling Pasing.
Nakipagkuwentuhan pa siya sa mga matatanda. Panay naman ang pambibida ni Lomeng kay Claire. Samantalang nakabusangot naman ang mukha ni Toyang.
"Sa una lang 'yan sweet Claire." parinig ni Toyang dito.
"Hayaan mo na lang iyang si Toyang, Claire, sadyang ganyan kapag naging matandang dalaga. Nagiging mapait ang buhay." biro ni Aling Pasing.
Nagkatawanan silang lahat maliban kay Toyang na tila lalong nainis kaya minabuti na lamang niyang manahimik sa kanyang pwesto.
"Ate Claire!"
"Oh, Mico, nandiyan ka na pala."
"Hello po." bati ng kasama ni Mico na hindi kaagad napansin ni Claire.
"Hello din, magkaklase kayo ng kapatid ko?"
"Opo."
"Aba, ang guwapo mo ha, ngiti ka palagi, bagay sa'yo." puri ni Claire sa kasama ni Mico.
"Ikaw din po, Ate Claire, ang ganda mo. Akala ko sa picture kaang maganda, mas maganda ka pala sa personal."
"Nakita mo na pala ang picture ko?"
"Nakita niya dito sa phone ko, ate. Gusto ka nga daw niyang makita sa personal eh. Akala niya kasi artista ka, ayaw ba namang maniwala na kapatid kita!" Natatawang kwento ni Mico.
Pati na rin ang mga kaibigang tindera ay nakitawa na rin.
Tumikhim naman si Dexter na parang nawala na sa eksena. Ngunit napatayo siya nang mapagsino ang dumating at nasa kanilang harapan na ngayon.
"Tita Mildred!"
"INAY! Ano pong ginagawa mo dito, tutulungan mo ba kami ni ate na magtinda?" kinakabahan si Mico sa tanong niya sa kanyang ina. Nagbabakasakali siyang hindi ito gumawa ng eksena.
Subalit sa halip na sagutin ang katanungan ni Mico ay inilahad ni Mildred ang palad sa harap ni Claire.
"Limang daan!"
"H-ho? 'Nay, pangpuhunan ko pa po ito para bukas."
"Bibigyan mo ako ng limang daan o kukunin ko ang lahat ng napagbentahan mo?" banta ni Mildred.
"Hoy Mildred! Hindi ka na naawa sa anak mong nagpapakahirap na maghanapbuhay! Magtrabaho ka din kasi para may pera ka, hindi ung araw-araw mong kinikikilan ang anak mo!" inis na sabi ni Aling Toyang.
"Huwag kang makialam dito, tanda!"
"Matanda ka rin! Bruha ka!"
"Aba at gusto mo yatang makalbo! Walang hiya ka!"
"Inay, tama na po. Ito na ang limang daan, huwag lang ho kayong mag-eskandalo rito, nakakahiya na kasi." Inabot ni Claire ng limang tig-iisang daan sa ina.
Kaagad na kinuha ni Mildred ang perang hawak ni Claire. Sinigurado niyang limang daan nga ang ibinigay ng anak bago umalis.
Laylay ang balikat ni Claire sa nangyari. Ang pinaghirapan niya maghapon ay parang hangin lang na dumaan.
"Mico, ito ang baon mo bukas. Please lang, huwag nahuwag mong ibibigay kay inay, maliwanag ba?"
"Opo, ate. Pero paano ko ito itatago, Ate, siguradong hahalughugin na naman niya ang laman ng bag ko bukas?"
"Ako na ang magtatago, kunin mo sa akin bukas." presenta ng kaklase ni Mico.
"Sure ka ba, Franco?"
"Parang wala kang tiwala sa 'kin, ah. Kaysa naman kunin na ulit ng nanay niyo. Huwag kang mag-alala, ako ang bahala."
Inabot naman ni Mico ang perang ibinigay ni Claire. Tanging si Franco lamang ang pinaka-pinagkakatiwalaan niya sa lahat ng kanyang kaibigan.
"Nanay niyo ba talaga 'yon?" Napakamot si Franco sa kanyang sariling tanong dahil sa tinging ipinukol ng magkapatid.
"Nanay nila talaga iyon," tugon ni Dexter na kanina pa gustong magpaalam kaya kumukuha ng tiyempo.
"Mukhang hindi mo na mahintay si Claire na magsarado ano, Dexter?" Napaismid si Toyang.
"May kailangan lang akong puntahan, Aling toyang. Pero maghihintay naman ako dito ka Claire hanggang mapasagot ko siya."
Namula si Claire kaya napayuko na lang siya dahil sa sinabi ni Dexter.
Napanganga naman si Franco na nagpalipat-lipat ng tingin kay Claire at Dexter. Pinasadahan niya mula ulo hanggang paa ang lalaking nasa kanilang harapan.
"Franco, pakitulungan mo ako dito," untag ni Mico sa kaibigan nang mapansin ang reaksyon nito.
Agad naman itong tumalima ang binatilyo ngunit panay sulyap sa nag-uusap na Dexter at Claire.
"Huwag kang mag-alala, Dexter, magkakaroon din ng pagkakataon na mapagbibigyan kita."
"Hihintayin ko 'yan, Claire, sige at may bibilhin pa kasi ako para sa bahay."
"Sige, salamat pala sa pagpunta mo rito."
Nakangiting kumaway ang papalayong si Dexter.
Kumaway din si Aling Lomeng. "Balik ka ha!" sigaw niya.
"Bakit mo pinapabalik 'yong tao eh hindi naman bumili, tignan mo, kanina sabi pakyawin ang paninda ng dalaga natin pero wala namang binili kahit isa, tse!" naiinis sawika ni Aling Toyang.
"Sinabi niya po 'yon? Naku! Puro lang pala siya yabang eh!" singit ni Franco sa usapan.
"Sinabi mo pa, iho, korek ka diyan!" natutuwang sagot ni Aling Toyang.
"Ang matandang dalaga, nakahanap ng kakampi!" tudyo naman ni Aling Pasing.
Nagtawanan na naman sila doon kasama ang dalawang binatilyo.
"Nako! Baka mahawa naman itong si Claire sa pagiging mapait mo, Toyang, at maging matandang dalaga din siya katulad mo." si Aling Lomeng.
"Hindi naman po mangyayari 'yon, mga nanay, ang ganda ni ate Claire eh, at saka masipag, at mabait! Kaya, imposible pong walang magkakagusto sa kanya. Mukha namang hindi seryoso ang Dexter na iyon, eh!" mahabang lantiya ni Franco sabay tingin kay Claire.
Sakto namang napatingin si Claire sa kanya. At tila kusa siyang napakindat at ngumiti sa dalaga.