Chapter 5

1337 Words
Dumalaw siya sa dati nilang bahay at nagulat siya na maayos pa rin ito katulad ng dati. Tatlong taon na ang nakalilipas. Ang inaasahan niya ay sira-sira na ang dingding dahil gawa lang naman iyon sa pawid. Palaging may bagyo sa kanila. At kapag nadaanan sila ng malakas na hangin ay nasisira ang dingding o kaya ay nililipad ang bubong. Wala na ang Itay niya para magkumpuni niyon. "May nakatira pa ho ba dito, Nay?" pabiro niyang wika. Napansin niya ang bagong pawid sa silid ng Inay niya "Inaalagaan ko ang bahay natin kasi alaala ito ng Itay mo. At dito ka ipinanganak at lumaki. Maraming alaala sa bahay na ito na hindi ko gustong itapon." Malayo ang bahay na ito sa mansyon at ng iba pa nilang kapitbahay. Lupain pa rin ito ng mga Fajardo, pero dahil masukal na at malayo sa taniman ng mga lanzones, dito na lang sila pinatira dahil pareho namang trabahador sa hacienda ang mga magulang niya. Ngayong wala na ang Itay niya, ang pangako ni Don Hernani ay sa mansyon na rin titira ang Inay niya para magkasama na sila doon. Legal na siyang Fajardo kaya't sa mansyon na siya nakatira. At ang baso sa banggera at ang takore na nasa kalan, ang mga damit sa sampayan sa labas ay nagpapatunay na umuuwi dito ang ina hindi lang para alagaan ang lugar na ito. Dito pa rin ito nakatira. "Wala ho kayong kasama dito. Maiintindihan naman ni Itay kung hindi niyo aalagaan ang bahay. Doon na lang kayo sa mansyon nang hindi na kayo naglalakad nang malayo." "Huwag mo akong alalahanin, anak. Masaya akong umuuwi dito at dito nagpapahinga." "Pero wala na ho ang isa pang katulong sa mansyon. Si Arlene na lang ang kasama niyo kaya't mas maraming trabaho sa bahay. Anong oras na ba nagpapahinga sina Papa Gaspar? Huwag niyong sabihin na nilalakad niyo pa rin ito sa gabi para dito umuwi?" "Hindi naman araw-araw, anak. Sabado at Linggo ay nagagawa kong magpahinga dito kaya mas gusto kong umuwi. Kapag nasa mansyon ay hindi maiwasan na hindi ako magtrabaho. Nakakahiya na nakahilata lang ako sa kwarto mo at sina Loreta ang maghahain ng pagkain sa maghapon." Hindi siya nakasagot. Pero naaawa siya sa Inay niya dahil hindi naman ito marunong mag-bisikleta. Wala rin siyang mapapakisuyuan doon na maghatid sa Inay niya kung gusto nitong umuwi sa kubo nila. "Sigurado ho ba kayo na Sabado at Linggo lang kayo umuuwi dito?" "Oo, anak. Huwag mo nga akong alalahanin dahil malakas pa naman ang Inay mo. Bumalik na tayo sa mansyon dahil tiyak na hinihintay ka na ni Don Hernani. Natutuwa ako na itinuturing ka niyang tunay na apo. Matutupad ang pangarap mong maging doktor." "Puwede naman ho akong mag-aral dito, 'Nay," wika niya. Mabigat sa loob niya ang umalis ulit dahil maiiwan ulit ang puso niya dito. Lalo na ngayon na araw-araw silang magkasama ni Adriel. Tila alam na ng lahat na magkasintahan sila dahil palagi silang lumalabas para mamasyal sa bayan. "Ayan ka na namang bata ka. Naka-tatlong taon ka na nga doon, okay ka naman. Isang taon na lang matatapos ka na sa high school, ngayon ka pa ba susuko? Kung gusto mong maging doktor, walang magandang eskwelahan dito sa Camiguin. Sa Cebu o sa Maynila ka pa mag-aaral. E di gano'n din, malayo ka pa rin dito. Maganda na 'yang sa Amerika, mas eksperto ang mga guro doon." Katulad ng dati ay wala naman siyang magagawa. Siya ang inaasahan na kasama ni Don Hernani sa pagpapagamot sa Amerika. Hihintayin naman daw siya ni Adriel na makatapos. Dadalasan na lang nilang umuwi nang hindi naman siya malungkot nang matagal doon. Nang bumalik na sila sa mansyon ay kaagad niyang hinanap si Don Hernani. Siya kasi ang nakatoka na magpainom ng gamot dahil nagbakasyon din sa pamilya nito ang nurse na kasama nilang umuwi mula sa Amerika. Patungo siya sa kusina para kumuha ng tubig nang marinig niyang may nag-uusap doon. "Gusto ko ring mamasyal sa Amerika, 'Ma. Kaya ko rin namang alagaan si Lolo." "Pupunta na lang tayo doon kasama ng Papa mo, pero hindi mo papalitan si Crislina para mag-alaga sa Lolo mo. Trabaho niya 'yun bilang katulong. Huwag mong pag-isipan na tumira doon, ikaw ang tunay na apo kaya ikaw ang nararapat dito sa hacienda. Kapag natutunan mo na ang pamamahala dito, wala ng magagawa ang Lolo mo kung hindi ipaubaya lahat sa 'yo ang lupain natin." "Promise, Ma? Pupunta tayo sa Amerika? Parati na kasing si Crislina ang bukambibig ni Lolo. Parang siya na lang ang magaling, ang matalino..." "Ikaw pa rin ang paborito ng Lolo mo, anak. Nagkataon lang na kailangan niyang magpakita ng kabaitan kay Crislina para mawala ang guilt ng Lolo mo sa pagkamatay ng Itay niya. Huwag mong ikukumpara ang sarili mo sa kanya kahit kailan. Katulong sila dito kahit bali-baligtarin ang mundo. Ikaw ang totoong Fajardo, naiintindihan mo?" Nasaktan man ay pinili na lang niyang umatras at huwag abalahin ang mag-inang Loreta at Brenda sa pag-uusap. Tama naman ang mga ito, kaya lang mabait si Don Hernani sa kanya ay dahil utang na loob nito ang kidney na galing sa Itay niya. Hindi rin siya totoong Fajardo at hindi niya hiniling na ampunin siya. Ang Inay lang niya ang pumayag at wala lang siyang nagawa. Tama rin ang Inay niya. Nagbabayad na rin lang ng utang na loob sa kanila ang mga Fajardo, kailangan niyang gamitin iyon nang maayos. Kailanga niyang matapos ng pag-aaral sa Amerika nang hindi na sila maliitin pa ng Inay niya ng kung sino-sino. Kailangan niyang iahon sa hirap ang kinalalagyan nilang mag-ina nang hindi na sila umabot ulit sa kailangan nilang mag-donate ng kidney dahil sa utang na loob. "Nakauwi ka na pala, apo. Tamang-tama, malapit na ang hapunan. Iinom na ako ng mga gamot nang makakain na tayo maya-maya." Napilitan siyang ngumiti kay Don Hernani. Kung kabaitan ang pag-uusapan ay wala siyang masasabi sa matanda. At least, marunong itong magbalik ng utang na loob sa kanila ng Inay niya. "Kukuha na ho ako ng tubig, Lo." Nilingon niya ang kusina pero hindi pa rin lumalabas ang mag-ina doon. "Ako na, huwag ka nang mag-abala. Hindi mo ako kailangang pagsilbihan dito dahil malakas naman na ako at nariyan din si Arlene at Trining na puwede kong tawagin. Narito ka para magkabasyon. At isa ka nang Fajardo kaya't kasama ka na sa pagsisilbihan dito." Kung ang Inay lang niya ang magsisilbi sa kanya, hindi bale na lang. Naaawa na rin siya sa Inay niya na napakaagang gumigising ngayon dahil hindi na pala pinabalik ang isa pang katulong sa hacienda. "Kakain na ho ba tayo, Lo?" Lumabas si Brenda mula sa kusina at kaagad lumapit kay Don Hernani. "Iinom pa lang ako ng mga gamot, apo. Puwede na kayong kumain kung nagugutom na kayo," "Sabay na lang tayo, Lo. Ako na rin ho ang magpapainom ng gamot niyo mamayang alas nueve." "Naku, baka makatulog ka nang maaga, ipabaya mo na lang kay Crislina. Sanay na 'yan na nagpapalipas ng oras sa kwarto ko bago mag alas-nueve. Nakahain na ba ng hapunan? Nasaan ang Papa mo?" "May hinatid pong kaibigan sa bayan, Lo," nakasimangot na wika ni Brenda. "Tawagin mo na ang Mama mo nang makakain na kayo. Si Crilina na lang ang sasabay sa akin sa hapag-kainina mamaya." "Hihintayin ko pa ho si Inay na matapos sa pagtutupi ng damit, Lo," pagdadahilan niya dahil nakita niya na ang pagsama ng mukha ni Brenda sa mga pagtanggi ni Don Hernani. Palagi nga naman na siya lang ang inaalala ng matanda gayung si Brenda na ang nagpipresenta. "Ganoon ba? O siya. Iinom muna ako ng mga gamot baka makalimutan ko pa. Tawagin mo si Arlene na tulungan na ang Inay mo sa pagtutupi nang makasalo na rin kayo sa pagkain. Maganda na salo-salo na tayong kumain nang masarap ang kwentuhan." Mabilis siyang umalis sa kusina para puntahan ang ina. Pagkatapos niyang marinig ang pag-uusap ni Loreta at Brenda ay ayaw niya muna sanang makasalo sa mesa ang mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD