Walking through nowhere again seems to be my routine at this moment. I was like finding someone who doesn't want to be found. Akala ko pa naman ay makakatulong itong si Chartreuse upang hanapin ang tamang daan patungong Gratiorhia upang sa gayon ay makita ko na ang aking hinahanap ngunit tila wala nang natatandaan itong si Chartreuse na daan patungo roon.
“Maaari na ba tayong magpahinga?” tanong niya sa akin habang hinahabol niya ang kaniyang hininga. Mayroon naman siyang kakakayahan upang halughugin ang buong Veonniphere sa isang segundo ngunit tila dahil sa kaniyang mga natamong sugat mula sa mapaghiganting warrior ay maaaring mabilis siyang manghina kung gagamitin niya ang kaniyang abilidad.
Napabuga na lang ako ng hangin. “Okay sige na. Magpahinga muna tayo nang saglit. Tila wala rin naman tayong patutunguhan kung patuloy tayong maglalakad sa kawalan.” Kaagad na napatalon siya sa kaniyang kinatatayuan na tila dahil sa saya habang rinig ko ang pagkalansing ng mga kadena sa kaniyang katawan. “Bakit ba kasi nakalimutan mo na ang tungkol sa mabilis na daan patungo sa Gratiorhia?” tanong ko naman habang siya ay naupo saka sumandal sa isa sa mga puno.
“Matagal na rin kasi akong hindi nakakapadpad patungo roon kaya’t hindi na sariwa sa isip ko ang mabilis na daan patungo roon,” tugon naman niya sa akin.
Muli akong napabuga ng hangin. Kahit pa mayroon akong mapa ay hindi rin namin alam kung saang parte kami ng Veonniphere naroroon. Wala kasing gaanong label ang mapang ipinahiram sa akin ni Tomas kaya’t hindi namin alam kung saang bayan na kami ng Veonniphere naroroon.
Tanging sa bayan ng Azmar lang ang aking nalalaman at iyon ay kung saan naganap ang sunog kahapon. It is already been yesterday since that day happened and the day where Sapphire, Blizzard, and I parted ways. Siguro ay mabuti na rin iyon gayong kailangan ko ring mag-isip-isip tungkol sa totoo kong nararamdaman. It must be an infatuation since it was only that time I saw him, I feel that awkward feeling.
Madalang kasi siyang ngumiti at kung ngumingiti man siya ay dahil iyon sa magkaibigang sina Sapphire at Blizzard. Gusto ko sanang itanong kung bakit kapag kasama siya nito ay labis ang kaniyang pagkagalak samantalang noong nangailangan ako ng tulong mula sa kaniya upang hanapin ang library ay seryoso lang siya at walang pakialam sa mundo na tila pinagsakluban ng langit at lupa.
“Naniniwala ka ba sa mga nakita mo sa isip ko nang magpadala ako sa aking damdamin, nang halos malunod ako sa ilog?” Hindi ko man tinawag ang kaniyang pangalan ay agad siyang lumingon sa gawi ko. Marahan din akong umupo sa katapat na puno na dalawang metro lang ang layo sa isa’t isa.
“Hinding-hindi nagkakamali ang gift na mayroon ako Zeniya kaya’t sigurado ako sa aking mga sinabi sa iyong mga kaibigan,” paninigurado niya sa akin. “Oo nga pala, saang mundo ka nanggaling at bakit kakaiba ang hitsura ng iyong tahanan? Kakaiba siya sa mga nakikita kong tahanan ng mga maharlika at maginoo,” kunot noong tanong niya sa akin kaya’t marahan akong napangiti.
“Nakatutuwa naman gayong kaya mong basahin ang aking nararamdaman,” panimula ko. “Mula ako sa mundo kung saan walang mga gift o class. Tanging mga normal na taong walang mahika o abilidad ngunit mayroon din kaming kontinente at hindi lang iyon apat kung hindi pitong kontinente. Nahahati naman siya base sa lahi at base sa kanilang lingguwahe,” pagpapatuloy ko habang napapatango na lang siya bilang pagsang-ayon sa aking mga sinasabi. Tila naiintidihan naman niya ang aking mga pinapaliwanag sa kaniya.
“Tila kakaiba ang mundo mo ngunit pansin ko rin na kahit ganoon ang iyong mundo ay tila hindi ka masaya,” dagdag pa niya. “Nakapagtataka naman na ang isang tulad mong determinado ay hindi masaya.”
Mapait akong napangiti sa sinabi niyang iyon. “Sana katulad mo ang aking mga magulang upang makita nila ang aking nararamdaman sa tuwing umuuwi sila mula sa kanilang mga trabaho.”
“Alam mo sobrang magkalayo pala tayo. Ang mga magulang ko naman, alam nila kung kailan ako masaya at alam nila kung kailan ako malungkot. Sobra na akong nasasabik na muli silang makita ngunit wala nang pag-asa upang muli ko silang makasama.” Marahan siyang yumuko at ramdam ko roon ang tila mapait niyang nakaraan.
“N-nasaan ba ang iyong mga magulang? Bakit tila nag-iisa ka sa iyong munting tahanan?” tanong ko naman na marahang ikinatunghay niya.
“Wala na sila matagal na. Halos matagal-tagal na rin ang lumipas magmula nang paslangin sila ng mga miyembro ng Dark Assassin ngunit mabuti na lang ay nakaligtas ako at nabuhay,” tugon niya. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya ang tungkol sa kaniyang mga magulang gayong kakakilala pa lang namin sa isa’t isa.
“Paumanhin kung ipinaalala ko sa iyo ang tungkol doon!” hingi ko ng dispensa gayong alam ko na maaaring maalala niya ang tungkol sa masakit na nakaraan niya kasama ang kaniyang pamilya.
“A-ayos lang!” Peke siyang ngumiti saka marahang tumayo. “Hindi mo naman kasalanan. Ikaw ba, nasasabik ka na rin bang makita muli ang iyong mga magulang?”
Marahan akong umiling. “Mas gugustuhin ko muna rito, Chartreuse. Hindi ko na kaya ang kanilang pangongontrol sa akin. Tila sila ang ay may hawak ng buhay ko habang ako ay ang tanging taga-sunod lang ng kanilang mga nais ipagawa sa akin. Sawa na ako roon at ayaw kong maramdaman muli ang masasakit na salitang binibitawan nila sa tuwing hindi ko nasusunod ang kanilang gusto para sa akin.”
“Alam mo, may taong nakapagsabi sa akin na parte talaga ng buhay ang paghihirap. Maraming hahadlang o tututol sa iyo pero nasa tao iyon kung paano niya iyon malalampasan,” wika niya.
Napaisip ako sa sinabi niyang iyon saka marahang ngumiti. “Tama ka. Parte talaga ng buhay na may humahadlang upang maabot natin ang pangarap natin ngunit pamilya ko sila e. Sana naiintindihan nila ang kalagayan ko. Dapat alam nila ang nararamdaman at posisyon ko.”
Napabuga na lang siya ng hangin. “Pakiramdam ko, malapit na tayo sa ating patutunguhan kung magsisimula na muli tayong maglakad. Ano, tara na?” paglilihis niya sa usapan. Hindi ko namalayan na nasa unahan ko na siya habang inilalahad ang kaniyang kamay sa akin kaya’t marahang itinaas ko ang aking kamay saka tinanggap iyon upang tulungan akong makatayo.
Nanguna naman si Chartreuse maglakad ngunit nang ihahakbang ko pa lang ang aking paa ay marahan akong nakaramdam ng sakit sa aking ulo. Halos mapaluhod na ako dahil sa sakit ngunit mabuti na lang ay kaagad na hinawakan ako ni Chartreuse upang mabalanse ko ang aking sarili.
“Zeniya! A-anong nangyayari sa iyo?!” nag-aalalang tanong niya sa akin saka marahan akong iniupo at isinandal sa puno.
Kaagad na napapikit ako nang dahil sa sakit ng ulo ko at tila ba pinipilipit ang aking utak nang dahil sa nararamdaman kong sakit mula roon.
“Saan ka na ba patutungo, Steel Frozenspire?! Hindi pa tayo tapos mag-usap!” Malakas na humalakhak ang lalaki sa kaniyang sinabing iyon habang nakadapa sa lupa ang lalaki at ang isang batang balot na balot ng tela.
Tila ganito rin ang nasaksihan ko bago ako mapadpad sa Gunner Tribe.
Makikita ang mga puno sa bawat kapaligiran habang halos ang liwanag lang ng buwan ang nagbibigay tanglaw sa paligid. Maririnig din sa paligid ang mga tinog ng malilit na hayop na tila may dalang gasera tuwing gabi.
Kaagad na tumayo ang lalaki mula sa pagkakadapa saka muling binuhat ang sanggol na may kulay asul na mga mata. Hinarap niya nang sunod ang lalaking tumawag sa kaniyang pangalan habang mariing hinahawakan ang kaniyang hawak na baston–isang baston na pamilyar sa akin ngunit hindi ko lubos maalala kung saan ko huli iyong nakita.
Habang umaabante ang lalaki ay dahan-dahan namang napapaatras ang nagngangalang Steel, ayon sa pagtawag ng lalaki kanina.
“Pabayaan mo na kami, Laurel Nighthunter! Nasa iyo na ang aking kapangyarihan! Pabayaan mo na kami ng aking anak!” halos mangiyak-ngiyak na wika ni Steel.
“Hindi iyon maaari, Steel!” Muling humalakhak si Laurel habang napapakunot naman ng noo si Steel. “Hangga’t nabubuhay pa ang iyong anak ay hindi ako matatahimik. Maaaring maging katulad ng iyong anak ang iyong kapangyarihan at kapag nangyari iyon, magiging sagabal siya sa aking mga plano!” seryosong wika ni Laurel habang muling humahakbang samantalang natigilan naman si Steel sa kaniyang pag-atras dahil marahang naumpog ang likod nito sa isa sa mga punong naroon.
“Hindi ka na makakatakas, Steel! Hawak ko na ang buhay niyong mag-ama!”
“Zeniya! Zeniya!” Bahagya kong naramdaman ang mahinang pagtapik sa aking pisngi habang tinatawag ang aking pangalan.
Marahan ko namang iminulat ang aking mga mata at kaagad na sumilay sa akin ang nag-aalalang mukha ni Chartreuse na tila hinihintay akong magising.
Kaagad na bumuga siya ng hangin nang makita akong magmulat ng mata. “Salamat naman at nagising ka na!” wika niya. “A-ano ba ang nangyari?”
“H-hindi ko rin alam!” pauna ko. “Bigla na lang sumakit ang aking ulo at hindi ko maintidihan kung bakit bigla na lang iyon sumakit ngunit muli ko na namang nakita ang tila aking ama sa mundong ito!” dagdag ko habang hinahabol ang aking hininga. Mabilis ding tumitibok ang dibdib ko nang dahil sa kaba matapos kong masaksihan ang nangyari. “May kilala ka bang Laurel?”
“Laurel?” Kaagad na napakunot siya ng kaniyang noo. “Tila narinig ko na ang pangalang iyan subalit hindi ko maalala ngunit anong mayroon sa kaniya?”
“Sa hindi ko malamang dahilan ay muli kong nakita ang isang senaryo ngunit hindi lingid sa aking kaalaman ang nangyayari roon. Ang alam ko lang ay tila gusto akong patayin ng Laurel na iyon gayong magiging sagabal daw siya sa kaniyang mga plano, kahit pa tila nasa kaniya na ang kapangyarihan ng aking ama,” paliwanag ko naman.
“Laurel Nighthunter ba ang tinutukoy mo?” tanong niya sa akin na agaran ko ring ikinatango.
“Oo iyon nga! Iyon nga pangalang tinawag ng aking ama sa kaniya! K-kilala mo ba siya?”
“Matunog ang pangalan niya gayong sa tuwing aksidenteng nag-uusap ang aking mga magulang ay naririnig ko ang kaniyang pangalan ngunit hindi ko alam kung anong mayroon sa kaniya,” tugon naman ni Chartreuse kaya’t napaisip naman ako roon.
“Hindi kaya siya ang pinuno ng organisasyong Dark Assassin?” suhestyon ko naman ngunit walang makapagsabi sa amin kung siya nga ba o hindi. Tila wala rin siyang alam tungkol sa nakaupo sa organisasyong iyon.
“Maaaring siya nga, Zeniya kaya’t kailangan nating mag-ingat. Tila hinahanap ka niya upang ikaw ay paslangin.” Marahan akong napatango.
Tama siya. Kung hindi niya ako napaslang noon, maaaring pinaghahahanap niya na ako at maaaring siya ang nag-utos noon sa isang nilalang na halos pumatay sa akin gamit ang kaniyang dagger.
Tila kailangan talaga naming mag-ingat. Ngayon pa na wala akong kakayahan upang protektahan ang aking sarili, maaaring nagmamasid lang sila sa malayo nang hindi ko napapansin.