MAHIGPIT NA yakap ang sinalubong sa akin ni Lola Lorna nang sa wakas ay nagkita na kami. After lunch nang ipatawag ulit ako sa visitation room at mabuti na lang talaga, si Lola at Ziggy na yung dumating. Akala ko binalikan pa ako ni Kenwood, e.
“Apo, nakatulog ka ba kagabi?” tanong ni Lola habang hawak ang magkabilang kamay ko. “Kumain ka na ba? Kumusta ang mga kasama mo dito? Mababait ba sila?” Marahan niyang inayos ang nakalugay kong buhok at pinisil-pisil pa ang pisngi ko. “At ano ba naman 'yang suot mo, apo?”
“Lola, kinailangan ko kasing manghiram muna ng damit dito.” Paliwanag ko habang pilit na binababa yung suot kong shorts kahit hindi naman iyon posible.
Literal naman kasing shorts itong suot ko. Napakaiksi!
“Wala ba silang disetenteng damit? Bakit kinapos sa tela 'yan? Tingnan mo, nakikita ko na 'yang dibdib mo!” sermon pa niya bago tanggalin ang kulay maroon na scarf niya at ibinalot pa iyon sa katawan ko. “Takpan mo nga 'yan! Nakakahiya lalo na rito kay Zigmund!”
Napatingin ako kay Ziggy at nahihiyang ngumiti sa kanya bago muling balingan si lola.
“Lola, paborito mo 'tong scarf na 'to, e. Akala ko ba hindi ka nakakatulog nang wala 'to?” tanong ko. May weird habit kasi itong si lola ko. Kung sa iba, kulambo yung palaging nakadikit sa balat, scarf naman kay Lola. Galing pa daw 'to sa mga magulang niya at talaga namang iniingatan lang niya kaya tumagal at inabutan ko pa. “Baka ikaw naman ang hindi makatulog!”
“Bakit? Sa tingin mo ba makakatulog ako na nasa ganitong sitwasyon ka? At umayos ka, ipapahiram ko lang sayo 'yan. Kaya dapat umuwi ka kaagad. Dapat makalabas ka kaagad dito para maisoli mo sa akin 'yan. Bakit ka ba kasi napunta dito?” tanong niya kasunod ang pagbalon ng luha sa mga mata niya. “Ano ba kasing nangyari? Bakit ka nila sinisisi sa pagkamatay ni Sky? Hindi mo naman magagawa 'yon, hindi ba?”
Naramdaman ko ang pag-init ng sulok ng mga mata ko kaya mabilis akong yumakap sa kanya para itago ang pagbagsak ng mga luha ko. “Lola, pinalaki niyo ako nang tama, hindi ba? Syempre hindi ko 'yon magagawa,” sagot ko at pasimpleng pinunasan ang luha ko. “Huwag ka nang mag-alala sa akin, okay? Ayos lang ako dito. Mababait ang mga kasama ko.”
“Sigurado ka? Baka naman sinasabi mo lang 'yan?” tanong ulit niya at hinagod-hagod pa ang buhok ko.
“Totoo po, lola. Maayos ang sitwasyon ko dito. Wag mo akong masyadong alalahanin. Isipin mo na lang, nasa taping ako sa malayong lugar kaya hindi ako makaka-uwi pansamantala,” suhestiyon ko pero mas lalo lang umiyak si lola.
“Paano ko gagawin 'yon? Alam ko naman ang totoo na nandito ka!” parang bata pa niyang reklamo kaya kumalas ako sa pagkakayakap ko sa kanya at siya naman ang pinunasan ng luha.
“Magpasama ka muna kila Coco at Mia sa bahay pa—”
“Wag na wag mong mababanggit ang pangalan ng mga pinsan mong walang utang na loob!” galit niyang sigaw kaya napakunot ako ng noo.
“La? Bakit? May nangyari ba?” tanong ko at pilit pa siyang pinakalma.
“Yung dalawang 'yon, imbis na tulungan ka mas pinili pa nilang kampihan ang agency niyo! Noong sila ang nanghihingi ng tulong sayo, hindi ka nagdalawang isip! Ngayon na ikaw ang nagigipit hindi man lang sila maasahan!” sigaw niya kaya napatingin ako kay Ziggy hoping na may ideya siya sa kung ano ang sinasabi ng lola ko.
“Nakiusap kasi ang lola mo sa kanila na tulungan siyang makipagkita sa mga big boss ng agency niyo pero ayaw nilang makielam,” paliwanag ni Ziggy kaya hindi ko maiwasang makaramdam ng tampo sa mga pinsan ko.
“H-hayaan mo na lang sila, lola. Baka ayaw lang nilang madamay. K-kailangan nila ng trabaho at baka maalangan sila kapag tumulong pa sila sa akin,” pagdadahilan ko at nginitian pa siya. Ayokong bigyan pa siya ng intindihin na maaring makapagpasama sa loob niya. “Ayos lang. Makakaya natin 'to kahit tayo-tayo lang, Hindi natin sila kailangan pang abalahin.” Nakangiti kong assurance sa kanya na mabilis namang sinegundahan ni Ziggy sa pamamagitan ng pagtango.
“Naghahanap na din naman ako ng mga pwede nating gamitin para maipanalo natin ang kaso,” ani Ziggy at ngumiti pa kay Lola. “Tiwala lang po. Alam niyo naman na magaling ako, e.”
“Maraming salamat talaga, ijo. Sayo at sa lola mo. Kung wala kayo hindi ko alam kung saan kami hahagilap ng tulong,” ani Lola at marahan pa muling hinagod ang buhok ko. “Mahal na mahal ko itong si Loisa ko. Mula nang mawala ang mama at papa niya, ipinangako ko na gagawin ko ang lahat para mapalaki siya nang wasto kaya alam ko na hindi niya magagawa ang mga ipinaparatang nila sa kanya.” Unti-unti na naman nagbabadyang bumagsak ang mga luha ko kaya mabilis akong nag-iwas ng tingin. “At sana, mailabas na natin siya dito. Baka naman may pwede tayong gawing paraan?”
“I'm trying my best po,” sagot ni Ziggy since sinubukan na nga namin kahapon pero nabigo kami. “Kumusta ka naman dito? Wala namang naging problema?” tanong niya kaya tumango ako. Sa tingin ko, mas mainam na hindi na niya malaman ang tungkol sa pagpunta at pag-uusap namin ni Kenwood. “Don't worry, kakausapin ko din si Sherleen para naman matingnan-tingnan ka dito.”
“Sherleen? Ah, you mean si Officer Salas?” tanong ko na tinanuan naman niya. “O-okay lang. Nakakahiya sa kanya,” tanggi ko. Baka mas lalo lang mainis sa akin yung babaeng 'yon kapag hiningan pa siya ng pabor ni Ziggy.
“Ano ka ba? She's a good friend of mine. We know each other since grade school. I'm sure that she won't mind it.” Nakangiti pa niyang paninigurado. “Ako, si Sherleen at Iñigo, sanggang-dikit kami ng mga 'yon.”
Hindi ko maiwasang mapangiwi nang banggitin niya ang pangalan ni Kenwood. Ewan ko ba, kapag nasasama sa usapan si yabang naiirita ako. Dapat ko na talaga siyang iwasan dahil nagiging masama ang ugali ko nang dahil sa kanya. Ang sarap kasi niyang patulan.
“Iyon naman pala, apo. May kaibigan naman pala si Zigmund dito. Ijo, ibililin mo itong si Loisa, ha? Para naman kahit papaano, makampante ako.” ani Lola.
“Oo naman po. Mabait po yung kaibigan ko,” sagot niya kay lola bago ako balingan. “Mabait 'yon! Akong bahala.”
“Ikaw bahala, sa huli ako ang kawawa,” mahina kong bubod.
“Ano 'yon?” tanong ni Ziggy.
“A-ah, wala. Sabi ko thank you,” sagot ko at muling na lang binalingan si Lola. “La, pinagdala mo ako ng damit?” malambing kong tanong para maiba na yung topic. Yumakap pa ulit ako nang mahigpit kay lola dahil missed na missed ko talaga siya.
“Oo. Mabuti na lang at pinagdala kita! Paano kung hindi? Puro ganyan ang isusuot mo? Eh halos i-alok mo na sa lahat yang balat mo!” Nakasimangot na naman niyang sermon kaya natawa ako. “Wag na wag kang matutulog na ganyan ang suot, ha? Napakagaslaw mo pa naman matulog!”
“Lola naman, e!” nahihiya kong reklamo pero pinagtawanan lang nila ako ni Ziggy.
Nagkwentuhan lang kami ni Lola at nagbilin sa isa't-isa nang paulit-ulit hanggang sa kinailangan na nilang umalis. Noong una nga, ayaw pa niyang umalis pero ano nga bang magagawa namin? Kailangan naming sumunod sa mga patakaran dito ko.
-
“Aba, mukhang good mood ka ngayon, a?” Nakangiting puna ni Nanay Miling kaya mabilis akong tumango bilang pagsang-ayon. “Nagkausap ba kayo nang mabuti ng lola mo?”
“Opo. Ayaw pa nga pong umalis, e.” sagot ko habang hinahalungkat yung bag na dinala ni lola. May set of clothes, toiletries at ilang packs ng biscuit. “A-ano 'to?” bulong ko nang may makitang kulay puting sobre sa pinaka-ilalim ng bag. Kinuha ko iyon at laking gulat ko nang makitang may pera sa loob at isang sulat galing kay lola.
Balak ko sanang basahin iyon pero napagdesisyonan ko na mamayang gabi na lang. Kapag tulog na silang lahat para naman hindi nakakahiya dahil paniguradong iiyak na naman ako. Napaka-iyakin Ibinalik ko na lang ang yung sulat pati na rin yung pera sa loob ng sobre at saka iyon binalot gamit ang scarf ni lola bago ipasok sa bag. Hindi ko alam kung para saan yung pera pero mainam nang maitabi nang maayos dahil baka sakaling kailanganin ko.
“Tamang-tama naman ang balik mo. Sumabay ka na sa akin pagpunta sa main hall. Nauna na 'don yung apat.” ani Nanay Miling kaya nagpaalam ako na magpapalit lang ng t-shirt at jogging pants dahil mahigpit na bilin iyon ni lola. Masyado daw eskandaloso yung suot ko kanina, e.
Nang matapos ako, sabay na kaming lumabas ni nanay Miling. Naabutan naman namin si Lemon na bumabangka na naman sa kwentuhan at excited pa akong pinaupo sa pagitan nila ni Apple.
“Wow naman si Lychee girl! Lakas maka-chaynds awtpit, a?” Malakas na sigaw ni Lemon dahilan para mapunta sa amin ang atensyon ng iba.
“Ano ba 'yan, Lemon? Gusto mo ba, pakuluan muna natin 'yang dila mo? Ang tigas, e. Change outfit kasi 'yon!” sigaw din ni Peachy. Well, matigas talaga yung dila ni Lemon kapag nagsasalita siya ng english pero naiintindihan pa din naman. Sadyang hilig lang siguro talaga ni Peachy na punahin iyon. “Wag ka na kasing mag-ingles!”
“Hinihingi ko opinyon mo? Kwento sa unggoy!” sagot ni Lemon kaya nagkatawanan kami.
“Edi halika dito. I-kwento ko sayo, tutal mukha ka namang unggoy!” bawi sa kanya ni Peachy kaya mas lumakas.yung tawanan.
“Unggoy ka pala, e.” sabat nung isang babae mula sa kabilang grupo. “Payag ka 'non, Lemon? Tinawag kang unggoy?”
“Kasali ka sa usapan, te?” Taas kilay na tanong ni Lemon dahilan para matahimik sila bigla.
“Hangggang dito lang kasi,” ani Peachy na kunwari pang gumawa ng invisible line sa pagitan nila at nung babaeng nakisabat. “Bawal epal.”
“Labo niyong dalawa. Kanina lang nag-aaway kayo, a?” sabat ulit nung babae.
“Sinong nagsabing nag-aaway sila?” mahinahon na tanong ni Apple. “Para naman kayong bago, ganyan lang silang dalawa.”
“Kapag kasi hindi kausap, bawal sabat. Gets niyo?” Nakangising tanong ni Lemon at kumindat pa sa akin. “Kitams? Takot sa'kin mga yan, e.” dagdag pa niya kaya bahagya akong nasamid. Naririnig kasi nung iba. Hindi na siya natatakot? Sabagay, mukhang wala nga siyang kinakatakutan e. “Lemon lang sakalam!”
“S-sakalam? Anong… anong word 'yon?” tanong ko dahilan para pagtawanan nila ako.
“Ay nako girl. Salitang yelka 'yon, as in kalye.” Paliwanag naman ni Peachy kaya napatango ako.
“Ang dami mo pa palang hindi alam. Wag kang mag-alala, akong bahala sayo,” ani Lemon at bigla pa akong inakbayan. “Tuturuan kita ng lahat ng dapat mong matutunan sa buhay. Masyado ka na kasing nasa perpektong mundo.”
Ngumiti na lang ako sa kanya bago balingan si Apple. “Ikaw na lang kaya magturo sa akin?” Mahina kong bulong. “Kinakabahan ako kay Lemon, e.”
Mahina siyang natawa bago bumulong din, “Wala tayong magagawa d'yan. Wala ka namang choice kung hindi ang makinig sa kanya pero aalalayan na lang kita.”
“Ano pong pinag-uusapan niyo d'yan?” kunot-noo na tanong ni Lemon kaya mabilis akong umiling at marahan pa na siniko si Apple para siya ang sumagot dito kay Lemon.
“W-wala! Si ano kasi… si Atty. Park…” ani Apple habang kumakamot sa batok at yumuko papalapit sa akin, “Ikaw na magdugtong.”
“Ha? Ako?” bulong ko din. “Ano… ah… t-tinanong ako ni Ziggy k-kung mababait daw ba kayo, ang sabi ko, oo. Lalo na kako yung si Lemon.” sagot ko na lang. Tinataasan na niya kasi kami ng kilay.
Bahala na nga.
“Telege? Kuh! Nakakakilig naman!” sigaw ni Lemon at tila isa siyang bulate na bigla na lang inasinan.
“Oh! Yung kilig mo na 'yan ibuhos mo sa paggawa ng bag, okay?” Nakangiting bungad sa amin ng isang balingkinitang babae na sa tingin ko ay kaedaran lang namin. May kulay itim siyang buhok na maayos na nakatali. Simple lang ang suot niyang maong pants at kulay bughaw na off shoulder blouse.
“Good afternoon Ms. Yvette!” sabay sabay na bati ng lahat sa kanya kaya umayos na ako ng pagkaka-upo. Mukhang siya ang magiging teacher namin ngayon. In all fairness, maganda siya. Papasa siyang artista o kaya naman modelo dahil maganda din ang tindig niya.
“Magandang hapon din sa inyo! Pasensya na, medyo late ako.” Nakangiti pa din niyang sagot bago ibaba ang bag niya sa unahang table sa gitna. “Parang tortoise na naman kasing mag-drive yung naghatid sa akin, e. Anyways, naka-ready na ba lahat ng materials niyo?”
“Yes naman!” sigaw ni Lemon. Active na active pala siya kapag sa ganitong bagay.
Nakinig na lang ako sa sinasabi niya habang tinitingnan ang mga gamit na nasa lamesa. May nga tela, needles and thread, and ilang accessories.
“As promised, tuturuan ko kayo ngayon ng paggawa ng bag using the materials that we have here. At katulad ng mga nagdaan nat—”
Bigla siyang nahinto sa pagsasalita kaya napatingin ako sa kanya. Nagtama ang mga mga mata namin kaya matipid akong ngumiti sa kanya na mabilis naman niyang tinugunan ng ngiti rin.
“Katulad ng mga nagdaan nating lessons, pwede niyo 'tong gawing libangan at negosyo. So, let's start?” Magiliw niyang tanong bago maupo sa pwesto niya.
Isa-isa niya munang pinakakita ang materials na meron siya pagkatapos ay tinuro na niya ang bawat steps. Naka-precut naman na ang mga tela kaya mas madali na sa amin ang sundan ang mga sinasabi niya kaya naman makalipas lang ang ilang oras, halos patapos na kaming lahat sa kanya-kanya naming bags.
“Hi!” Masaya niyang bati sa table namin nila Lemon. “Wow, ang gandan naman ng gawa niyo,” aniya at kinuha pa yung bag ni ate Suzy. “Pwera biro po, ate Suzy. Ang ganda at saka pulido yung pagkakatahi niyo.”
“Ay. S-salamat po, Ms. Yvette.” Nahihiyang sagot ni Ate Suzy. “Dati po kasi akong nagtrabaho sa factory ng mga bag, sa may quality control po ako kaya medyo mabusisi ako sa pagtatahi. Hilig ko din po kasi ang pananahi.”
“Ah, kaya naman po pala. Wag po kayong mag-alala. Pagbalik ko po next week, ipagdadala ko kayo ng materyales para naman may pagka-abalahan kayo dito.”
“Salamat po, Ms. Yvette!” Masayang sagot ni Ate Suzy.
“No worries po,” sagot ulit ni Ms. Yvette bago tingnan ang mga gawa nila Lemon.
“Eh ang dating ba, si Ate Suzy lang ang meron? Paano naman ako?” Nakangusong tanong ni Lemon kaya natawa si Ms. Yvette. “Bawal peboritisim dito.”
“Pag-iisipan ko muna,” ani Yvette at binelatan pa si Lemon.
‘Ang cute niya!’ Mukha siyang bata!
Nakipag-usap at kulitan pa siya kila Lemon pero wala na akong masyadong naintindihan. Medyo naaliw kasi ako sa panunuod sa kanya.
Natauhan lang ako nang nasa mismong harapan ko na siya. Ako yung pinakahuli niyang nilapitan.
Hindi ko alam pero bigla na lang ako kinabahan.
“Wow. Ang cute!” aniya nang makita ang bag ko. Nagkataon kasi na pink and blue yung tela na available sa akin. “You're Eloisa, right?” tanong niya habang titig na titig siya sa akin.
“Y-yes,” kabado kong sagot. “I-I am E-Eloisa.”
‘My God!’
Hindi ko maintindihan kung bakit nauutal ako. Bigla kasing naging blangko ang expression ng mukha niya. Hindi ko tuloy mahulaan kung ano ang nasa isip niya. Galit ba siya sa akin? What if tagahanga pala siya ni Sky? What if katulad ng iba, ang tingin niya sa akin, killer? Anong gagawin ko?
‘Oh God! Please, no! Masyado nang lumiliit ang mundo ko.’