Hinanap kong muli ang Jay L. Mercado na iyon sa f*******:. Ngunit nang makita ko ung address niya, "Wow! Paano 'to? Ang lawak ng Batangas City."
Kaya bumalik ako sa hotel na pinagtatrabahuan niya—ang Batangas City Club. Pumunta ako sa front office at itinanong ang detalye at impormasyon ni Jay.
Jay Lacsamana Mercado ang real name niya, at taga-Alangilan, Batangas! "Grabe, ang tanga mo, Janine! Ipinahamak mo ang inosenteng nagtatrabaho!"
Pinuntahan ko ang opisina ng admin, ipinaliwanag ko na sinadya kong takirin si Jay para mapahiya siya. Pero sad to say, hindi na pala makababalik pa si Jay.
"Diyos ko! Para akong masisiraan ng bait nito? Kailangan kong humingi ng tawad kay Jay! Pero paano ko siya mahahanap? Janine, ang tanga-tanga mo talaga!"
So, ginawa ko ang lahat. Last chance ko na! Nagpunta ako sa munisipyo ng Alangilan, Batangas! And finally, nalaman ko na ang detalye niya.
Mercado, Jay Lacsamana! 25 y/o. Brgy. Dukot, Alangilan, Batangas.
Ora mismo, nagtungo ako sa baranggay nila. Nagtanong-tanong ako, hanggang sa lumapit ako sa isang babae at doon muling nagtanong.
Lecheng buhay 'to! May crush pa pala kay Jay ang napagtanungan ko. Akalain ba namang girlfriend ako! Doon ako itinuro sa may mga lasenggong nag-iinom!
Shot daw muna ako bago nila sabihin kung saan ang bahay ni Jay. Kaya para lang makita ko siya, tumagay din ako! Grabe, nakakahilo!
Nakakaloka lang, sagot ba sa akin ng mga lasenggong iyon, "Magtanong tanong ka na lang sa gawing iyon, 'di lang naming alam kung saan ang bahay ng hinahanap mo!"
Mga hayop, pinatagay pa ako, 'di rin pala alam! Kaya kahit nahihilo ako, nagtanong-tanong ulit ako. Pero sa pagtatanong ko, nagulat ako nang may isang lumapit na babae at lalaki sa akin. "Oh my, God! Ang bruhang nagdala sa akin sa inuman at si Jay."
"Ikaw? Ano'ng ginagawa mo rito?" tanong ni Jay nang may pagkabigla.
Hindi ako makapagsalita. Ang guilt, hiya at tuwa na makita siya, naghalo-halo na!
Hinagip ni Jay ang kamay ko at hinila ako sa isang upuan at pinaupo.
"Ano'ng ginagawa mo ritong maldita ka? Alam mo bang 'yong pinambubuhay ko sa mga kapatid ko, nawala na? Ha, at dahil sa 'yo iyon! Ano'ng dahilan mo, ha? Sino ka para manira ng buhay?" sunod-sunod na mga tanong ni Jay.
"Sorry, Jay!" bukod-tanging naisagot ko.
"Kilala mo na pala ako! Pwes, kapag hindi ka pa umalis dito, mas makikilala mo ako! Tapos sorry? Sige ibuhay mo sa mga kapatid ko iyang sorry mo!"
"Sorry! Sorry! Sorry!"
Wala akong ibang masabi kundi sorry! Nakakahiya talaga kay Jay. Siya lang pala ang bumubuhay sa mga kapatid niya!
Umalis na ako, pero sabi ko sa sarili ko, babalik ako! Hindi ako titigil hangga't hindi ako nakakabawi sa taong iyon.