•Eychan•
Naging mailap sa akin ang antok sa mga sumunod na araw. Palagi kong nakikita sa aking panaginip si Kyser at Thunder tila ba may pinapahiwatig silang dalawa sa akin na hindi ko naman mawari kong ano iyon.
Simula nang dumating si Chiannie sa buhay ko tila ba ang laki nang idinulot niya sa payapa kong mundo.
Isinandal ko ang aking likuran sa may sandalan ng upuan ko at ipinikit ang aking mga mata. Inaantok ako at gusto ko rin na mag-isip ng mga bagay na nais maghanap ng kasagutan sa aking puso't-isipan. Hinayaan kong dumaloy ang lahat ng mga tanong at opinyon sa aking isipan.
Kumunot ang aking noo nang may maramdaman akong humihinga sa aking mukha. Hindi ko na sana iyon papansinin at baka hangin lang ang dumaan lalo na at mabango naman iyon, ngunit di ko mapigilang idilat ang aking mata nang marinig ko ang malakas na hiyawan ng aking mga ka-klase.
Nanlalaki ang mga matang napatingin ako kay Thunder, dahil sa sobrang lapit ng mukha niya sa akin. Mabilis kong iniatras ang aking upuan palayo sa kanya nang hindi pa rin ito humahakbang palayo sa akin.
"You're really beautiful, Eychan," nakangiti niyang saad. Kinunotan ko siya ng noo dahil hindi ko maintindihan ang ibig niyang sabihin. Hindi ko alam kung paano niya nasasabing maganda ako sa mukha ko ngayon. May malaki akong eyeglasses na suot at medyo kulot na wig na kung titingnan mo ay para bang walang suklay at may pekeng brace rin akong sinuot at sa mukha naman pinapula ko talaga ang aking pisngi. Maski ako ay naiirita sa itsura ko sa salamin. "Your eyes attract me the most," puno ng sinseridad niyang saad.
Napangiti ako at malakas na tinampal ang kanyang noo. Kaagad naman itong napasigaw at napahawak sa kanyang noo. "Ayan! Nagising ka na ba, Mr. Mambobola?" inis kong saad sa kanya.
Walang pumasok na professor kaya grabe kung makatili itong mga ka-klase ko para bang ito na ang huling araw nila. Kung pwede ko lang sila patahimikin kahit isang oras lang dahil pumipintig na sa sakit ang aking ulo ay ginawa ko na.
"Just kiss already! Matatanda naman na tayo kaya huwag na kayong mahiya!" asar nila sa amin ni Thunder. Napailing ako at sinamaan ng tingin ang lalaking nasa harapan ko ngayon.
"Dahil sa kagaguhan mo ay nangyari ito! Patigilin mo iyan, Thunder," mahina ngunit mariin kong saad sa kanya. Lumingon naman siya sa mga ka-klase namin sabay kibit ng kanyang balikat.
Naiinis kong pinalakihan siya ng mga mata. Lumapit naman siya sa akin at idinikit ang kanyang labi sa aking tenga. "Ito ang gusto kong mangyari, Eychan, paano ba 'yan?" nakangisi niyang wika at lumayo ng kaunti sa akin para tingnan ako sa mga mata.
Hindi pa ako nakakasagot sa sinabi niya nang may pumasok na professor. Kaagad kong itinulak palayo sa akin si Thunder nang bigla itong lumingon sa pwesto namin.
Kinakabahan akong nag-ayos ng sarili at tumingin sa may pisara. Nakita sa gilid ng aking mga mata ang mahinang pagtawa ni Thunder. Mamaya lang talaga 'to sa akin, sasampalin ko talaga ito ng sapatos kong suot.
"So let's start? Wala na bang mga couples dito na gustong mag-usap?" tanong ng professor na nasa harapan. Naghiyawan naman ang aking mga ka-klase sabay tingin sa pwesto namin ni Thunder. "Thunder, baka hina-harass mo itong si Miss Kim?"
Napalunok ako sabay hawak sa aking pisngi nang makaramdam ng init doon. Huli ko itong nararamdaman nang nasa tabi ko pa si Kyser at pinapakilig ako. Bakit ko ito nararamdaman sa asaran ng mga ka-klase at professor ko ngayon na wala naman akong nararamdaman para sa makulit na lalaking iyon.
Nakaginhawa lang ako nang maluwag nang itinaas ng isang estudyante ang kanyang kamay at nagsimula nang magturo ang guro. Napabuntong-hininga ako at pinatid ang upuan ni Thunder bago nagpokus sa itinuturo.
—
"Eychan, uuwi ka na ba deretso? Sakay ka na lang kaya ng kotse para naman hindi ka na mahirapan," saad ni Thunder nang makalabas na kami ng paaralan. Patungo ito sa parking lot habang ako ay papunta sa may hintayan ng jeep kaya hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa nitong bumalik para sabihin lang iyon. "Magkapit-bahay lang naman tayo, Eychan, kaya sige na—"
"Anong sa salitang 'tigilan mo na ako' ang hindi mo maintindihan, Thunder?" naiinis kong tanong sa kanya. Tumingin naman siya sa aking mga mata habang nagkakamot ng kanyang batok. "Matalino ka hindi ba? Bakit hindi mo kayang makinig—"
"Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit hindi mo ko hinahayaan na makalapit sa iyo? Gusto kitang maging kaibigan, Eychan." Sarkastiko akong natawa habang napapailing sa sinabi niya. Alam ko at alam niya na may iba pa siyang gusto kaya niya ako hinahabol. "Eychan, hayaan mo naman akong maging parte ng buhay mo kahit kaibigan lang."
"Wala akong balak na makipagkaibigan at ayaw kong magulo ang buhay ko dahil sa'yo kaya tigilan mo na ako. Just stop, Thunder, because you're not worthy of my time and love." Natigilan siya at unti-unting napaatras. Lumilingon na rin ang mga estudyanteng naroon sa lugar na iyon.
I know I'm a bit harsh pero kailangan kong ipakita sa kanya na hindi ako bagay sa kanya. Na kailangan na niyang tumigil hanggat maaga pa dahil wala rin naman siyang mapapala sa akin.
"I need to go," mariin kong saad at patakbo nang nilisan ang lugar.
—
Pagkarating ko sa bahay ay kaagad akong nagbihis at nagluto ng makakain. Hindi pa ako tapos kumain nang biglang may kumatok sa aking pintuan. Kumunot ang aking noo ngunit nilabas ko pa rin naman.
Isang delivery man ang bumungad sa akin nang buksan ko ang pinto. Nakangiti ito at may dalang dalawang supot na may tatak na Jollibee. Tumaas ang sulok ng aking labi at kinuha iyon sa kanya nang iabot niya ang supot sa akin.
"Kuya, hindi po ako nag-order nito baka nagkamali lang po kayo ng nabigyan."
"Kayo po ba si Miss Eychan Kim na may kapit-bahay na gwapong Thunder De Silva?" tanong nito sa akin. Tumango ako kahit naguguluhan na sa nangyayari. "Tama po ako ng pinuntahan, atsaka sabi po ng nobyo niyo na humihingi daw po siya sorry kasi ginulo niya kayo kanina. Pwede raw po ba na pansinin niyo na siya. Salamat po, ma'am."
Natigilan ako sa sinabi niya hanggang sa makaalis ito ay nanatili pa rin ako sa pinto habang tinatanaw ang dinaanan niya. Hindi ako makapaniwala na magagawa ito ni Thunder lalo na at napahiya ko siya sa ibang tao kanina.
"Sa tingin niya madadala niya ako sa paganito niya?" Napangiwi ako at sinarado na ang pinto. Mabilis akong naglakad patungo sa kusina para bumalik na sa pagkain. Mabuti na lang at may ipinadala ito, hindi ko na kailangang magluto ulit ng hotdog. "Pwede na rin," nakangiti kong saad nang makita ang mga pagkain.
—
Pagkatapos kong kumain ay dumeretso na ako sa kwarto at nahiga sa kama. Balak ko sanang maglinis ng aking katawan ngunit dahil tinamad na naman ako ay nahiga na lamang ako sa kama habang nagmumuni-muni.
Malungkot akong napangiti nang maalala na gawain ito namin ni Kyser dati kapag wala kaming pasok. Mananatili lamang sa loob ng bahay habang nakahiga sa kama namin at nakatitig sa kisame. Nag-uusap tungkol sa future naming dalawa.
"Kyser, hindi ko alam kung kaya ko bang panindigan ang pangako ko sa iyo na hindi ako magkakaroon ng ibang tao sa buhay ko," mahina kong saad. Tumayo ako sa kama at pumunta sa closet ko, kinuha ko roon iyong album naming dalawa ni Kyser.
Binuo namin iyon simula nang tumuntong kami sa highschool na dalawa. Nagsimula kami sa pagiging magkaibigan hanggang sa niligawan ako nito at naging kami ilang taon ang lumipas.
Bukod sa sikat ako sa Southern Elenore bilang kampyon sa figure skater ay naging matunog din ang pangalan naming dalawa dahil tinatawag kami nilang visual couple.
Napangiti ako nang makita ko ang larawan naming dalawa sa labas ng horror both. Hawak-hawak ko ang buhok niya habang naka-akbay naman siya sa akin. Inis na inis ako nito dati sa kanya dahil sabi niya sa akin ay hindi raw nakakatakot sa loob ngunit para na akong naiihi sa tuwing nakikita ako ng multo.
Pinasadahan ko ito ng aking mga kamay at pinahid ang luhang pumatak doon sakto sa mukha ni Kyser.
"Hindi man kita makita sa ngayon ay alam ko na balang araw ay magkikita pa rin tayo sa kabilang buhay. I miss you, Kyser, huwag kang mag-alala hinding-hindi kita makakalimutan," nakangiti kong saad at niyakap ang album nang mahigpit.
Napatigil lang ako sa aking ginagawa nang may narinig akong kumatok sa labas. Bumuntong-hininga ako at ibinalik sa kinalalagyan nito ang album at lumabas ng kwarto.
Napatingin ako sa bulaklak na kaming nakita sa labas ng pinto kahit wala namang tao na naghihintay roon. Napailing ako at kinuha iyon sa may sahig at tiningnan ang sulat na kasama roon.
"I'm sorry, Miss Eychan Kim, hindi ko na po ulit kayo aasari."—Gwapong Thunder.
Napailing ako sa kabaliwan ni Thunder hindi ko alam kung saan into humuhugot ng enerhiya na halos araw-araw itong hyper at hindi man lang nagsasawa sa pangungulit sa akin.
"Baliw ka, Thunder," bulong ko sa hangin bago naiiling na bumalik sa loob.