Failed Seduction 18

2283 Words
Dalawang araw na hindi ako kinikibo ni Enzo pagkatapos ng naging pag-uusap namin sa sasakyan. Hindi tumawag si daddy para pagalitan ako na ang ibig sabihin ay hindi niya talaga ako sinumbong. Sinusundo niya ako pero walang ingay na nagaganap sa loob ng sasakyan niya. Inisip ko tuloy na kapag nagsalita ako ay baka singhalan niya nalang ako bigla at magbago ang isip na sabihin kay daddy ang nalaman. Hindi ako makapag-isip ng maayos habang nag-aaral kami ni Cole. Hindi ako napapanatag hangga't ganito ang turing ni Enzo. Nagpunta ako sa opisina niya at hindi na pinasukan ang ibang subjects para makasabay siya sa pagkain ng tanghalian. Hindi na ako makatiis na ganito kami, wala siyang balak makipag-ayos, wala siyang balak na kausapin ako at papaabutin pa yata ng isang linggo. Kaya naisipan kong ako nalang ang pupunta at susuyo sa kanya dahil may kasalanan ako at dinamay ko pa siya sa pagtatago kay daddy. Katulad nang dati, dire-diretso lang ang pasok ko. Ganoon din ang secretary niyang itinuro ang pinto ng nag-iisang kwarto ni Enzo sa buong top floor. Pinihit ko ang door knob at nakarinig ng mga boses na nag-uusap. Nang lalo akong pumasok ay nakita kong may mga kausap siya. Napalingon silang lahat sa akin kasama na ang malamig na mata ni Enzo. "Ben!" Dumagundong ang tawag ni Enzo sa sekretarya niyang lalaki. Nagmamadali itong pumasok at sumilip sa loob. Nasa loob na ako ng opisina dahil naitulak ako papasok ng secretary. Padabog na ibinagsak ni Enzo ang hawak na mga papel. Nagbara ang lalamunan ko at napa-iwas ng tingin sa paraan ng pag-titig sa akin ng mga ka-meeting niya. Marami sila, mga babae at lalaki, mayroon ding matanda. "Ang sabi ko may meeting dito, 'di ba?! Bakit ka nagpa-pasok?!" Nasa lalaking katabi ko ang tingin noong una. Bumaling lang ako kay Enzo nang marinig ang sinabi niya. Nakatayo ako sa loob, hawak sa dalawang kamay ang niluto kong pagkain. Gulat akong nakatingin sa kanya, ang mga mata niya'y malamig at nakadirekta ang galit na mata sa secretary. "Ah, sorry Sir! Akala ko applicable pa rin na kapag dumating siya, papasukin agad." "May importante kaming meeting at wag kang magpa-pasok ng istorbo! Ilabas mo iyan! Palabasin mo dito!" Malamig na binalikan niya ang mga kausap at seryosong sinipat ang mga papel na nasa malaking lamesa niya. Napatingin ang secretary sa akin at hindi alam kung papaalisin ako. Nakaramdam ako ng sama ng loob. Pakiramdam ko basura akong pinapatapon. Sobrang napahiya at humigpit ang hawak sa dalang pagkain. "Miss-" Pinigilan ko sa pagsasalita ang secretary sa pamamagitan ng pag-ngiti ko. "Okay lang.. aalis na ako," tumango si Ben at umalis sa pinto para makadaan ako. Tinignan ko ang mga ka-meeting ni Enzo na nakatingin sa akin. Bahagya akong yumuko bilang paghingi ng paumanhin. "Sorry po sa istorbo," mahina at magalang na paghingi ko ng pasensya. Walang pumansin sa akin maliban kay Enzo na pailalim akong muling tinignan. Mula sa mata ko ay bumaba ang malamig niyang mga mata sa dala kong pagkain. Nagtagal ang titig niya roon bago ako tuluyang makalabas. Halata sa mabagal na kilos ko ang pagkapahiya. Nginitian ko pabalik si Ben sa paghingi niya ng paumanhin. Sinunod niya lang daw ang sinabi ni Enzo noon. Hindi na ako nagtagal sa harapan niya, bago pa ako lalong mapahiya sa sarili ko'y nagmamadali na akong pumasok sa elevator. Pagkababa sa lobby ay tinawagan ko ang driver namin. Nagtatakang napatingin sa akin ang babae sa reception desk, hindi ko na siya nagawang tignan dahil nag-iinit ang magkabilang mata ko. Pagkatulak ko sa glass door napatingin ako sa hawak kong pagkain. Ang tagal kong hinanda ito at ginandahan ko pa ang pagkakaayos para matuwa siya pagkabukas niya. Sayang naman at hindi namin makakain ng sabay. Habang nakikita kong bitbit ito lalong sumisikip ang dibdib ko. Lumapit ako sa pinakamalapit na basurahan para itapon ang dala ko. Nasa ibabaw na iyon ng basurahan at bibitawan ko nalang. "Fel," naawat ang gagawin kong pagtapon ng mga pagkain na pinaghirapan ko dahil sa ginawa ni Enzo na pagpigil sa pulso ko. Umawang ang labi ko at tiningala siya. Kinuha niya gamit ang isang kamay ang pagkain na itatapon ko dapat. Ang isang kamay niya'y bumaba pa mula sa pulso ko para isalikop ang kamay naming dalawa. "Tapos na ang meeting. Kainin na natin.." paos ang boses niya, malamlam ang mga matang niyuyuko ako. Malayong malayo sa malamig niyang mata kanina. Magaan ang hawak niya sa kamay ko nang hilahin ako ulit papasok sa loob ng building nila kaya madali ko ring nabawi iyon pagkahila ko para bumitaw sa kanya. Gulat siyang napaharap sa akin at sinubukan ulit akong hulihin na kamay. Hindi niya ako naabot dahil umatras ako bago pa niya ako mahawakan. "Why? Where are you going? Let's eat in my office. Wala nang tao doon," marahan at mabagal ang boses niya. "Papunta na ang driver namin. Sayo lang talaga iyan, kainin mo nalang kapag hindi ka na abala.." mahina ang boses ko, pakiramdam ko kasi maiiyak ako, na ayokong mangyari lalo't maraming tao kahit dito sa labas. Ang totoo para sa aming dalawa talaga iyon. Nilagyan ko pa iyon ng disensyo na rabbit at hello kitty para tig-isa kami. Huminga siya ng malalim at niluwagan ang suot na necktie. Parang bigla siyang nahirapan na huminga sa pagbitaw ko. "Felicity, look.. I'm sorry-" Nagmamadali akong naglakad pagkatanaw sa sasakyan namin na paparating. Sinubukan niya ako ulit kausapin ngunit tinakbo ko na iyon at nagmamadaling pumasok sa loob. Nanatili siyang nakatayo sa labas, nagulat sa pagtakbo ko sa kanya palayo. Siguro dahil sa mga hindi niya pagpansin sa akin at idagdag pa ang pagkapahiya ko sa mga ka-meeting niya kanina at kay Ben kaya pagkalagpas namin sa building nila hindi ko na napigilan ang pag-iyak. Mabilis kong pinunasan ang isang patak ng luha na bumagsak at huminga ng malalim. Hindi dapat ako masanay na laging nariyan si Enzo. Kapag may nawala may darating. Dumating si Cole, nawala naman si Enzo. Siguro nga ganoon talaga iyon, hindi ko naman mapipilit na manatili ang mga taong gusto na umalis. Pagkauwi panay tawag niya. Kinatok din ako ng katulong at sinabing nasa baba si Enzo. Sinabi ko na inaantok na ako. Hindi naman nagpumilit si Enzo at pagkatapos ng ilang minuto ay natanaw kong paalis ang sasakyan. Nasanay siguro ako na malambing siya kaya noong sumigaw siya, sinabihan akong istorbo at pinaalis na parang hindi niya kakilala, sobrang nasaktan ako. Hindi ko gustong makita at makausap, pakiramdam ko kasi maiiyak ako sa harapan niya at maisusumbat ko sa kanya 'yong mga araw na hindi niya ako pinapansin. Pinagbasta ko ang driver para sa paghatid sa akin sa paaralan. Basa pa ang mahaba kong buhok na aabot sa aking bewang kaya hinayaan ko iyon na nakaladlad sa aking likod. Suot ng mga mata ko ang clear contact lense na isa sa maraming binili ni mommy para sa paghahanda sa nalalapit na birthday ko. Pinakiramdaman ko iyon. Kumportable naman at parang wala akong suot. Nahirapan pa ako sa paglagay kanina at nanuod sa internet para sa mas mabilis at tamang pag-suot. "Kuya-" nabitin ang pagtawag ko sa driver nang si Enzo ang bumungad sa labas. Umayos siya ng tayo mula sa pagkakasandal sa kanyang sasakyan. "Umalis ang driver niyo. May inutos ang daddy mo kaya nagpresinta ako-" "Magta-taxi ako," nilagpasan ko siya at nagtungo sa gate para makalabas. Narinig ko ang yabag ng takbo niya. Sinundan niya ako at pinigilan sa braso. "Fel, ihahatid na kita," Umiling ako at hinarap siya. "Pumasok ka na sa trabaho. Baka kailangan ka na do'n.." sinubukan kong alisin ang kamay niya ngunit hindi niya ako pinakawalan. "Maaga pa naman. Pagkahatid ko sayo aalis ako kaagad," pilit niya at marahan akong hinihila papunta sa sasakyan. Nagbuga ako ng malalim na paghinga at nagpahila sa kanya. Panay ang lingon niya sa akin habang nagmamaneho. Ako, diretso sa kalsada ang tingin. "Nakasuot ka ng lense? Wala kang salamin.." Pagtango lang ang naging sagot ko. Pagkarating sa school nagmamadali siyang bumaba at inunahan akong buksan ang pinto na nasa tabi ko para makababa. Nagtagal ang titig niya sa mga mata ko pagkaapak ko sa semento. "Ako ang susundo sayo mamaya. Dito ulit-" "Salamat sa paghatid," hindi nakatingin na turan ko. Iniwan ko siya doon at naglakad palapit kay Cole na naghihintay sa parking. Dahil alam na ni Enzo ay hinayaan ko na si Cole nang kunin niya ang libro at bag ko para tulungan magbuhat. Nilingon ko si Enzo sa parking lot. Nakakuyom ang panga niya kaming pinapanuod subalit nang makita ang paglingon ko ay ngumiti siya at itinaas ang kamay para magpaalam. Hindi ko ibinalik ang ngiti niya, tumalikod lang ako at sumabay sa paglalakad ni Cole. Sa sumunod na araw, naghihikab pa siya nang maabutan ko sa labas. Nangangalumata siya at halata ang kakulangan ng tulog. Napatayo siya ng maayos pagkakita sa akin at pinagbuksan ako ng pinto. Hikab siya ng hikab habang nasa biyahe. Ganoon rin sa mga sumunod pang tatlong araw. Patagal ng patagal parang lalo siyang nagmumukhang puyat. Nagsasalita siya at nagtatanong pero hindi ko siya kinakausap. Gusto kong sanayin ang sarili na hindi maging malapit ulit sa kanya para sa susunod na ipahiya niya ako at ipagtabuyan ay hindi na ako masasaktan. "Pagkasundo ko sayo mamaya sa bahay ka matulog?" "Hindi, Enzo. Sa amin ako matutulog," "Ah, okay. Pinapapunta ka kasi ni Mama. Kailan ka pwedeng matulog sa bahay?" "Ewan ko," "Sige, magsabi ka lang. Pinadagdagan ko rin ang unan mo sa kwarto at.. nag-stock ako ng maraming cheesecake sa fridge.." Hindi na ako kumibo. Salitan ang tingin niya sa akin at sa kalsada. Maya maya pa'y naghikab nanaman siya. Hinilamos niya ang mga palad sa mukha at parang ginigising ang sarili. Salubong ang kilay kong pinagmamasdan siya. Kanina pa siya naghihikab at parang gusto na pumikit. Kanina pa siya pumipikit ng mariin at sa huling pagpikit niya ay napatili ako sa muling pagharap sa kalsada. Muntik na siyang hindi makapagpreno at masagasaan ang mga tumatawid! "Enzo!" Galit na baling ko sa kanya. Namutla siya at nanlaki ang mata. Inabot niya ang bote ng tubig na nasa sasakyan niya at uminom. "Sorry, Fel," hinihingal na saad niya pagka-ubos sa tubig. Sobrang lamlam ng mga mata niya. Sinipat ko siya ng tingin. "Hindi ka ba natutulog? Bakit ganyan ang itsura mo?" Hindi ko maiwasan ang mag-alala kahit masama pa rin ang loob ko sa kanya. Namumutla siya at bahagyang mapula ang mga mata. Napahilamos siya ng dalawang palad sa mukha at inabot ang telepono. Tinignan ko lang siya na may kausap sa telepono. "Nasa Manila ka? Puntahan mo ako dito," Pagkababa niya ng tawag, itinabi niya ang sasakyan sa gilid. "Ipapahatid kita sa kaibigan ko. Baka maaksidente tayo," pagkasabi niya niyon ay lumabas siya ng sasakyan, may hinihintay sa labas. Hindi ako bumaba kahit nang tumabi ang isa pang sasakyan sa sasakyan ni Enzo. Nilapitan ni Enzo ang lalaking lumabas doon. Nakasuot ito ng ripped jeans at puting v-neck shirt. Lumalabas ang malalim na dimple nito habang nag-uusap sila ni Enzo. Tinapik niya ito sa balikat at nilapitan kung saan ako nakaupo. Hinubad ko ang suot na seatbelt bago pa niya mabuksan ang pinto. "Ipapahatid kita kay Jax. Kaibigan ko," turo niya sa kaibigan, naghihintay ito sa tabi ng sariling sasakyan, at mukhang ako ang hinihintay. Tinitigan ko iyon. Nag-aayos ito ng buhok at nagsasalamin sa side mirror. Pagbalik ko ng tingin kay Enzo nasa mga mata ko ang pag-aalala. "Paano ka? Sumabay ka na sa amin. Ipakuha mo nalang dito ang sasakyan mo," Umiling siya at bago pa muling magsalita ay nagpatuloy ako para pilitin na siyang sumama. "Kung hindi ka sasama, hindi ako bababa dito at lilipat sa sasakyan niya-" "Wala akong maayos na tulog, Felicity, baka masaktan kita at maaksidente tayo," "Kung magmamaneho ka ikaw ang maaaksidente," nag-iwas ako ng tingin bago nagpatuloy. "Kahit galit ako sa ginawa mo nag-aalala pa rin ako," mahina ngunit alam kong narinig niya ang sinabi ko. Pick-up ang dala niyang sasakyan. Halos pantay lang kami kahit nakaupo ako at nakatayo siya sa labas. Mataas, kaya't nang hilahin niya ako at maramdaman ang yakap niya mula sa aking likod ay hindi na ako nagtaka na saktong sakto ako sa bisig niya. Sinubukan ko siyang lingunin subalit ibinaon niya ang mukha sa leeg ko. Amoy na amoy ko ang pamilyar niyang bango, pamilyar na yakap at ang mainit niyang hininga na madalas kong maramdaman sa tuwing ganito na niyayakap niya ako mula sa likod. Humigpit ang yakap niya sa akin nang subukan kong kumawala dahil napatingin sa amin ang kaibigan niya. "Enzo-" Umiling siya sa leeg ko. Halos ayaw akong pahingahin sa higpit ng yakap niya. "Fel, ayusin natin ito. Hindi na ako magagalit kahit manligaw siya sayo. Ihahatid kita kung magkikita kayo. Wag mo na akong iwasan. Kausapin mo na ako.. ilang araw na akong hindi makatulog," "Enzo," mabagal na bigkas ko sa pangalan niya. Pumungay ang mga mata ko, itinaas ang isang kamay at hinaplos ang kanyang buhok. "Kahit hatiin mo ang oras mo sa aming dalawa hindi ako magrereklamo.." Nakukulong na ang boses niya dahil sa lalong pagbaon ng mukha sa leeg ko. "Balik na tayo sa dati, Felicity... please.." Nakaramdam ako ng lungkot dahil sa lalong paghigpit ng yakap niya. Kung lalagyan ko lang ng malisya ang mga kilos niya'y iisipin kong may gusto siya sa akin. Pero imposible iyon. Alam kong hindi mangyayari iyon dahil katulad niya ay imposible rin na lumagpas sa pagiging kaibigan ang nararamdaman ko para sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD