Sa isang liblib na kuweba dinala ni Limos, ang walang malay na si prinsesa Adena. Marahan niya itong inihiga sa altar nilang mga engkanto at isa-isang nagsilabasan ang mga kauri nitong nilalang.
Si Limos ay isang lamang lupa na nag-anyo sa ordinaryong nilalang upang magpanggap bilang gerero nito. Naputulan man siya ng kanang kamay ngunit kaagad din naman itong napalitan ng panibago.
"Siya na ba yung sinasabi mong reyna ng Hogon?" usisa ng matandang babae na lumapit sa kaniya.
"Opo," tugon niya na may pagtango sa kaniyang ulo.
"Bakit mo siya dinala rito? hindi ba't ang sabi-sabi sa kabilang baryo ay lubos itong mapanganib para sa lahat? bukod pa roon ay isa siyang reyna ng palasyo, paano na lang kung parusahan nila tayong lahat nang dahil sa'yong ginawa?" ang nagsalita ay si Arowen, ang nakatatandang kapatid ni Limos.
"Ako ang nag-utos sa kaniya na dalhin dito ang kamahalan," napalingon silang lahat mula sa likuran kung saan napagtanto nila na si Gord pala ang nagsalita. "Wala kayong dapat na ikabahala sapagkat hindi ko hahayaang mapahamak kayong lahat." Dugtong nito habang lumalakad papalapit sa kinaroroonan ng reyna.
Sabay-sabay naman nilang tinungo ang kanilang mga ulo upang magbigay galang sa kanilang pinuno. Si Gord ang tagapamahala rito kung saan tinawag nilang, "Axtrazevalon" ang kanilang kaharian. Pangkat ito ng mga iba't-ibang klase ng nilalang. May engkanto, lamang lupa, duwende, mangkukulam, anito o diwata at bangkilan.
Inutos nito kay Limos na dakpin ang reyna sa grupo nila at dalhin ito sa kanilang kaharian. Bagamat matalik silang magkaibigang dalawa ni Boris ay tila hindi pa rin siya naniniwala sa mga ipinangako nito sa kaniya. Isa na roon ang binabalak nitong pagpaslang kay Adena sa oras na matagumpayan niyang sakupin ang buong kaharian ng Drima.
Nung huling beses niyang binisita ang kaniyang kaibigan sa palasyo ay napansin nito na may kakaibang titig ito sa kaniyang mga mata. Batid niyang paunti-unti na itong nalalason sa pag-ibig na nararamdaman niya para kay Adena. Nang dahil doon kung kaya't nangangamba siya na baka traydurin siya ni Boris o hindi nito ituloy ang mga napagplanuhan na nila nuon pa. Kaya naisipan niyang gumawa ng panibagong plano at iyon ay ang gamitin si Adena para maisakatuparan ang mga binabalak niyang mangyari.
"Ano po ang gagawin ninyo sa kaniya?" usisa ni Limos sa kaniya habang pinagmamasdan niya si prinsesa Adena.
"Siya ang magiging susi nating lahat upang maangkin natin ang buong kaharian ng Drima at ng Hogon. Totoong lubos na mapanganib ang kapangyarihang taglay niya ngunit hindi ang kaniyang puso. Masyado siyang maunawain at mahina upang maging isang reyna. Ang kailangan natin ay yung may pusong bakal at matalino na hindi basta-bastang nagpapalinlang sa kahit na sino man." Pagpapaliwanag nito sa kanilang lahat.
"Kung gayon ano ang iyong dahilan at bakit mo kami tinipong lahat dito?" tanong ni Arowen sa kaniya.
"Tinipon ko kayo ngayong lahat rito sapagkat kakailanganin ko ang tulong ninyo." Ang tinugon naman niya.
"Tulong? ano pong klaseng tulong ang nais ninyong gawin namin?" usisa ng isang dalagitang diwata.
"Sa pamamagitan ng pinagsamang kapangyarihan ko at kapangyarihan ninyong lahat ay magagawa nating lumikha ng isang pinakamalakas at matapang na pinuno." Aniya habang nakatitig pa rin siya kay Adena.
"At sinasabi niyo ba na siya ang nilalang na iyon?" tanong ni Limos kay Gord na ikinatango nito ng ulo.
"Imposible! paano naman tayo makakasiguro na nasa panig nga natin ang babaeng iyan? hindi ba't minasan na niyang tinalikuran ang sarili niyang ama at ina na siyang pinuno sa kaharian ng Drima? paano pa kaya tayong mga ordinaryong nilalang lamang na walang kinalaman sa kaniya?" nang dahil sa sinabi ng matandang lalaki ay napuno ng pag-uusisa at debatehan ang buong kapulungan. Kalahati sa kanila ay tutol na maging pinuno nila si Adena at kalahati rin naman sa kanila ay sumasang-ayon sa nais na mangyari ni Gord.
Napapikit ito sandali at bumuga ng malalim na paghinga. Binagsak niya ng dalawang beses ang tungkod na hawak niya at tsaka nilingon ang mga kasapi niya. "Tahimik!" anito. Nagsitahimik naman silang lahat at muling tumingin sa kaniya. "Hindi ito ang tamang oras upang magdebatehan kayong lahat. Sa ayaw niyo man o sa gusto, itutuloy ko pa rin ito." Dugtong niya na mas lalo nilang ipinagtaka sa kaniya.
"Naniniwala ba kayo na siya talaga ang susi para sa ating lahat?" usisa ng isang binata na nakatayo mula sa bandang likuran.
"Makinig kayong lahat. Hindi ko kayo pipilitin kung ayaw ninyong maniwala sa akin. Subalit kahit magkaisa pa kayong lahat at tumutol sa aking mga pinaplano ay hindi pa rin magbabago kung ano ang nakasaad sa propesiya." Pagkasabi nito ay muling napuno ng bulong-bulungan ang buo niyang paligid.
"Ano ang sinasabi niya?"
"Ano ang nais niyang ipabatid sa atin?"
"Anong propesiya ang kaniyang binabanggit?"
Nabalot ito ng pagtataka at mga katanungan ukol sa propesiyang binanggit ni Gord. Tila hindi nila lubos na maitindihan kung anong propesiya ba ang tinutukoy nito sa kanilang lahat.
"Aking natuklasan na may nakasulat na propesiya sa kaniyang palad, iyon ay ang pagharian ang dalawang trono. Ang kaharian ng Drima at ng Hogon. Nababatid kong inyo na ring narinig ang tungkol sa usap-usapang kumakalat nuon sa iba't-ibang dako, na may isang nilalang ang nakapagsabi sa hari ng Drima na ang isa sa mga anak niyang prinsesa ang siyang maghihimagsik ng lagim sa buong sanlibutan at papalit sa kaniyang trono. Ang pagtakas niya, (si Adena) sa palasyo at pamumuno bilang reyna ng Hogon ay natakda talagang mangyari sa kaniya. Maging ang mga nagaganap ngayon ay nakatadhana. At bakit? dahil iyon ang nakasulat sa kapalaran niya. Kabilang na roon ang pinaplano nilang paglusob ngayon sa kaharian ng Drima. Kung hahayaan lamang natin siyang ganiyan, Hogon na naman ang makikinabang dito at hindi tayo. Iyon ba ang nais ninyong mangyari?" ang pinahayag ni Gord sa kanilang lahat na nagpabago sa kanilang isipan.
"May punto siya."
"Tama siya."
"Hindi natin hahayaan na ang mga nilalang na naman ng Hogon ang siyang makinabang dito. Panahon na para tayo naman ang umangat at makilala ng lahat."
Lahat sila ay nakumbensido nito at napapayag sa mga nais niyang mangyari. Halos napangiti siya sa kaniyang labi nang makita ang pagkakaisa at pagsasang-ayunan ng bawat isa.
"Kung gano'n ano ang gusto mong gawin namin?" usisa ng matandang lalaki kay Gord.
Muli itong tumalikod at lumingon sa kinaroroonan ni prinsesa Adena habang nakapatong ang dalawang kamay nito sa itim niyang tungkod.
"Gusto kong ibigay ninyo sa kaniya ang kalahati sa mga kapangyarihan niyo," aniya at muli itong lumingon sa mga kasapi niya. "Sa pamamagitan ng mga pinagsama-sama nating kapangyarihan ay magagawa natin siyang palakasin na higit pa sa pinakamataas na bathala sa buong kaharian." Dugtong niya na may bakas ng kasakiman sa kaniyang mukha.
Isa-isa naman silang nagsilapitan at umakyat ng altar kung saan ito kasalukuyang nakahiga. Wala pa rin kamalay-malay ang dalaga at para bang mahimbing lamang itong natutulog doon.
Samantalang sa kabilang banda, kung nasaan sina Balati ay saglit itong nahinto nang pumukaw sa atensyon niya ang isang kahina-hinalang kuweba. Natagpuan nito ang lugar na kinaroroonan nina prinsesa Adena at ni Gord. Tinaas lamang nito ang kaliwang kamao niya upang humudyat sa mga kasamahan niya na tumigil o huminto saglit sa kanilang mga ginagawa.
Nauna siyang bumaba sa kabayong sinasakyan niya at maiging pinakinggan ang buo nilang paligid. Muli itong lumingon sa mga kasamahan niya at nakipagpalitan ng tingin sa kanila. Hudyat ito na kailangan nilang kumilos ng tahimik at maingat upang makalapit sila sa kuwebang iyon na walang ibang nakakarinig sa kanila.
Maingat namang nagsibabaan ang mga ito at tsaka sumunod sa bandang likuran niya. Dahan-dahan lamang nilang hinahakbang ang kanilang mga paa habang mahigpit nilang hinahawakan ang mga sandatang dala-dala nila.
Huminto sandali si Balati sa paglalakad nang makarinig siya ng malakas na pagsigaw mula sa loob ng kuweba.
"Hindi ba't boses iyon ng reyna?" pabulong na sabi ng isang kasamahan nito. Bigla tuloy nakaramdam ng pangamba si Balati sa sinabi nito, lalo pa nung narinig niya ang paulit-ulit na paghiyaw nito.
"Ano ang binabalak mong gawin? lulusubin na ba namin sila sa loob o maghihintay na lamang tayo rito sa wala?" saad ng gererong nasa bandang likuran lamang niya.
Tila napaisip siya ng malalim sa binulong nito sa kaniya. Naalala tuloy niya ang misyon na pinapagawa ng hari sa kaniya. Sumagi sa kaniyang isipan na mapapadali ang misyon niya kung pababayaan na lamang niya si Adena sa loob at hahayaan itong mapaslang doon. Pagkatapos non ay isusunod niya ang mga kasamahan niyang gerero at papaslangin ang mga ito hanggang sa walang matira. Sa ganoong paraan ay makakabalik siya kaagad ng palasyo ng walang kahirap-hirap at walang inaalalang problema. Tutal iyon din naman ang gustong mangyari ni Boris, ang ipalabas sa lahat ng mga nasasakupan niya na namatay si prinsesa Adena habang nakikipaglaban ito sa kaharian ng Drima.
Ngunit bukod pa roon ay may naisip pa siyang mas magandang plano.
"Makinig kayo," aniya habang isa-isa niya itong tinitignan sa mukha. "Lulusobin niyo sila sa loob at dadaan naman ako sa likod. Laanan niyo ako ng oras para mailabas ko ang kamahalan doon, naiitindihan niyo ba ako?" saad niya na ikinatango naman nila ng ulo.
"Ano pa ang hinihintay niyo? pasukin niyo na sila sa loob!" pagkatapos niyang sabihin 'yon ay apurahan namang nagsitungo ang mga ito sa loob ng kuweba.