Kabanata 31

1659 Words
Kumaripas ng takbo si Balati pagkatapos niyang talikdan ang mga kasapi nito sa grupo. Walang lingon nitong nilisan ang kuweba at walang bakas ng paninimdiman sa kaniyang mukha. Panay lang ang paghampas nito sa sakay na kabayo at pag-utos dito na mas lalo pang bilisan ang pagpapatakbo. Hindi pa siya gaanong nakakalayo ay bigla naman siyang nakarinig ng malakas na pagsabog mula sa kuwebang iyon. Natigilan siya at kaagad na huminto. Lumingon siya sa dakong iyon at nakita niya ang malakas na pagsiklab ng apoy at makapal na usok na nanggagaling mula roon. "Ano ang ibig sabihin ng mga apoy na ito? ano ba talaga ang nangyayari sa loob non?" ang sinabi niya sa sarili na may bakas ng pagtataka sa kaniyang mukha. Imbis na umalis at tumungo sa palasyo ng Hogon ay nagdalawang isip pa siya kung itutuloy pa ba niya ang mga pinaplano niya o kung tahimik niyang pagmamatyagan ang mga nagaganap doon. "Bahala na nga," ngunit sa huli ay napagdesisyunan niya na balikan si prinsesa Adena at panuorin ito mula sa malayo upang matukoy niya kung ano ba talaga ang nangyayari roon at kung saan ba nanggagaling ang pagsiklab ng apoy na nakikita niya ngayon. Wala pang isang oras nang marating niya muli ang kuweba. Nagtago siya sa mga matatayog na puno at palihim itong inoobserbahan mula sa hindi kalayuan. Namilog ang mga mata niya sa gulat nang makitang wasak-wasak na ngayon ang kaninang kuwebang nakita niya. Ngunit mas lalo nitong ikinagulat ang mga sumunod na pangyayari na kaniyang nasaksihan. Habang paunti-unting naglalaho ang kanina lang makapal na usok ay paunti-unti rin naman niyang nasisilayan ang mga kasapi niyang nakahandusay sa lupa, duguan at wala ng buhay. Walang natira sa kanila, ni isa. Yung iba pa nga sa kanila ay naputulan ng paa o ng ilang bahagi sa kanilang katawan. Ngunit hindi lang ang mga kasamahan niya ang mga nasawian ng buhay doon. Mayroon din ibang nilalang ang nakahandusay doon at mayroon ding nasusunog ngayon sa apoy. "Anong nangyari rito? at sinu-sino ang mga nilalang niya?" usisa ng binata sa kaniyang sarili. Maya-maya pa ay may lumabas na mula sa kuwebang iyon. Nakayapak lang ang mga paa nito at punit-punit ang ilang bahagi ng kaniyang kasuotan. "Kamahalan?" halos hindi siya makapaniwala nang makita si prinsesa Adena na buong-buo na naglalakad sa lugar na iyon. At sa bandang likuran nito ay may mga nakasunod pa sa kaniya, kabilang na roon si Gord na may guhit ng ngiti sa gilid ng kaniyang labi. "G-Gord?!" bulong nito sa sarili. Mas lalo siyang nausisa nang makitang kasama ni Adena ngayon ang kinikilalang matalik na kaibigan ng hari na si Gord. Kasama pa nito ang ilan pa niyang mga tagalingkod na pinili lamang niya at yung iba ay kinital niya ng buhay pagkatapos niya itong gamitin at hingin ng kalahating kapangyarihan para kay Adena. Tahimik naman itong pinagmasdan ni Balati, mula ulo hanggang paa at pabalik. Napansin nito na parang walang sa sarili ang kanilang reyna at tila kataka taka ang bawat ikinikilos nito. Muling nakatakip ng maskara ang kaniyang mukha at kakaiba rin ang mga titig nito sa kaniyang mga mata. Pakiramdam niya ay hindi na si prinsesa Adena ang babaeng nakikita niya ngayon. Palagay niya ay nag-anyo ito sa ibang katauhan, kung saan mas lalo siyang naging marahas at katakot-takot sa paningin. Huminto bigla si Adena sa paglalakad at mabilis na lumingon sa kinaroroonan ni Balati. Kaagad namang umiwas ng tingin ang binata sa kaniya at mabilis din itong nagtago sa kaniya. Iniwan muna nito sa hindi kalayuan ang kabayo niya at pagkatapos non ay nilakaran na lamang niya ito patungo sa kinatatayuan niya ngayon. Napahawak siya sa kaliwang dibdib niya at parang bumilis ang t***k ng puso niya dahil sa sobrag kaba. Kamuntikan na kasi siyang makita nito, pero mabuti na lang nakapagtago siya kaagad sa likod ng matayog na puno bago siya makita nito. "Bakit ka huminto? may problema ba?" ang tinanong ni Gord kay Adena. Hindi naman ito nakatugon kaagad sa kaniya bagkus ay nakatitig pa rin ito sa kinaroroonan ngayon ni Balati. Sinundan naman ito ng tingin ni Gord at napansin niyang titig na titig ito sa punong iyon. Lumingon si Gord kay Limos at inutos nito sa binata na puntahan ang punong iyon at alamin kung may nagmamatyag ba sa kanila mula roon. Sinunod ito kaagad ni Limos at hindi pa man siya tuluyang nakakalapit dito ay kaagad din siyang pinigilan ni Adena. "Hindi na kailangan," sambit niya sa sariling bibig na ikinalingon naman ni Limos sa kaniya. "Hindi mo na kailangan pang mag-abala para sa isang kuneho." Dugtong niya na ikinangisi naman ni Gord. "Munting kuneho lang pala," banggit nito na may guhit ng ngiti sa kaniyang labi. "O siya, umalis na tayo bago pa man sumapit ang paglubog ng araw." Utos ni Gord na ikinatango naman nila ng ulo. Sumakay ang mga ito sa kaniya-kaniyang mga kabayo at kaagad na nilisan ang lugar na iyon. Nang makalayo-layo na ang mga ito ay bigla naman lumabas si Balati mula sa punong pinagtataguan niya. Napabuga siya ng malalim na paghinga at nilibot ng tingin ang buo niyang paligid. Lumapit siya sa kuwebang pinagmulan ng mga ito. Dahan-dahan lamang siyang humahakbang sapagkat may mga nakakalat na bangkay sa bawat madadaanan niya. Malakas at malaki pa rin ang pagsiklab ng apoy doon. Napatingala siya rito habang pinagmamasdan ang paunti-unting paglamon ng apoy dito. Malabong makapasok pa siya sa loob nito dahil gumuho na rin ang kalahating bahagi nito at napapalibutan ito ng apoy. Napabuga na lamang ito ng malalim na paghinga at tsaka ito tinalikuran. Tipong lilisanin na sana niya ang kuwebang iyon nang bigla siyang makarinig ng hinaing na nagmumula sa loob nito. "Tulong, tulungan niyo ako." Isang boses ng isang babae ang kaniyang narinig. Natigilan siya at mabilis na napalingon dito. "Tama ba ang narinig ko? o guni-guni ko lamang iyon?" usisa nito sa kaniyang sarili. Isang beses lamang niya itong narinig at pagkatapos non ay wala na siyang ingay na narinig pa mula roon. Kaya muli siyang humakbang sa kaniyang mga paa at lumakad ng tatlong hakbang bago siya muling huminto at lumingon sa kuwebang nasusunog. "Hindi kaya may naiwan pang buhay doon sa loob?" bulong nito na may bakas ng pagtataka sa kaniyang mukha. Gustuhin man niyang pasukin ito sa loob ngunit nangangamba siya na baka wala siyang maabutang buhay sa loob at masaklap ay baka ikapahamak pa niya ito. "Hindi, guni-guni ko lamang iyon. Ano ba ang nangyayari sa'yo, Balati? hindi ka naman ganiyan nuon. Ano naman ang pakialam mo kung may natira pa nga'ng buhay sa loob non? mabuti pa't umalis na lang ako bago pa man may makakita sa akin dito." Muling sinaad nito sa kaniyang sarili. Gamit ang kakayahan niya sa bilis ay kaagad naman niyang narating ang punong pinag-iwanan niya kanina sa kaniyang kabayo. Tinanggal nito ang tali sa puno at kaagad din namang sumampa rito. Ngunit hindi niya magawang makaalis sa kinaroroonan niya ngayon sapagkat naiisip pa rin niya ang boses ng babaeng narinig niya kanina. Tila kahit anong paglimot at pagbabalewala ang gawin niya ay paulit-ulit pa rin itong sumasagi sa kaniyang isipan. Hanggang sa napagpasyahan niya na muli itong balikan at pasukin ito sa loob ng nasusunog na kuweba. Nang makarating na siya sa tapat nito ay bumaba siya kaagad sa sakay niyang kabayo at bumuntong hininga na muna bago niya itong pasukin sa loob. "Tama ba itong gagawin ko?" nangangambang saad nito sa sarili at pagkatapos non ay buong tapang niyang pinasok ang kuwebang iyon. Hindi naging madali ang unang pagpasok niya roon. Hindi siya makahinga ng maluwag dahil sa makapal na usok at sa init ng pakiramdam doon. Pakiramdam niya ay paunti-unti siyang nalulusaw sa init nito at parang hindi niya kakayaning tumagal pa roon ng ilang minuto. Gayunpaman ay hindi siya tumigil at huminto sa paghahanap. Maya-maya pa ay muli na naman niyang narinig ang boses ng babaeng narinig niya kani-kanina lang. "Tulungan niyo ako," mahina lamang ang pagkakasambit nito dahil nanghihina na rin ang buong katawan niya dahil sa tindi ng init doon sa loob. "Nasaan ka? naririnig mo ba ako?" sigaw ni Balati habang nililibot niya ng tingin ang buong paligid. "Pakiusap, tulungan mo ako." Pagsusumamo ng dalaga sa kaniya. Sinundan naman ni Balati ang boses na kaniyang narinig hanggang sa matagpuan niya itong nakadagan sa mga bumagsak na kahoy. "Ayos ka lang ba? huwag kang mag-alala ilalabas kita rito." Nag-aalalang sinaad niya sa dalaga. Tila nabunutan naman ito ng tinik mula sa kaniyang dibdib nang masilayan at marinig niya ang boses ni Balati. Isa-isa namang inalis ng binata ang mga kahoy at batong nakadagan sa kaniya. Bagamat nanghihina na rin ang buong katawan niya dahil sa matinding init at makapal na usok ay hindi naman niya ito hinayaan at iniwan doon ng mag-isa. Nang matanggal na niya ang mga nakadagan dito ay kaagad din niya itong kinarga sa kaniyang mga braso at apurahang tinakbo palabas ng kuweba bago pa man ito gumuho ng tuluyan. "Ayos ka lang?" muling tanong niya rito nang makalabas na sila sa kuweba at nang mailapag niya ito sa lupa. Ngunit wala siyang narinig na tugon mula sa dalaga dahil kaagad din itong nawalan ng malay. Napabuntong-hininga na lamang siya at napalingon sa kuweba na kasalukuyang gumuguho naman. "Mabuti na lang nakalabas tayo kaagad bago pa man tayo lamunin ng apoy." Mahinang sinambit nito sa kaniyang bibig. Muli niyang binalingan ng tingin ang dalagang nakahiga ngayon sa mga hita niya at dahan-dahan niyang hinawi ang buhok nito sa mukha. Halos natigilan siya at namangha sa kagandahang taglay nito. Ngayon lamang kasi niya nasilayan ng malinaw at ng malapitan ang itsura nito. Hindi niya inaasahan na ganoon na lamang ito kaganda, bagamat may bahid ng dungis ang mukha nito ay nangingibabaw pa rin naman ang kagandahan niya. "Tama lang pala ang naging desisyon ko na balikan ka rito." Aniya sa sarili na may guhit ng ngiti sa kaniyang labi habang titig na titig siya rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD