"Sino ang lalaking 'yan? nasaan ang berdugo?" ani ng hari sa katabi niyang kawal nang makita ang pag-akyat ng isang lalaki sa maliit na tribuna kung saan naroroon si prinsesa Adena.
"Sandali lamang po, mahal na hari at papaalisin ko na rin ho kaagad ang lalaking iyon." Ang tinugon ng kaniyang kawal na kaagad din namang sumenyas sa mga kasamahan niya at inuutos nito na paalisin ngayon din ang lalaking nasa tribuna.
Mahigit limang kawal ang lumapit sa tribuna upang paalisin ang lalaking tinutukoy ng hari, subalit hindi pa sila nakakalapit dito ay nagmistulang mga semento naman ang kanilang mga binti at paa na hindi nila maigalaw o maihakbang man lang.
"Anong nangyayari?" pagtataka ng isang kawal na biglang nahinto sa paglalakad. Saglit siyang napalingon sa ilan pa niyang mga kasamahan at laking gulat na lamang niya nang makitang pati ang mga ito ay hindi makagalaw sa mga puwesto nila.
"Bakit? anong problema?" ani ng kawal na nasa tabi ngayon ng hari.
Lumapit naman kaagad sa kanila ang isa nilang tagapagbantay at sinabing, "May kakaiba pong nangyayari roon ngayon." Aniya na ikinabigla ng hari ng katabi nitong kawal.
"Ano ang iyong ibig sabihin? ipaliwanag mo sa amin ng malinaw." Ani ng kanilang pinuno habang tahimik na nakikinig ang hari sa kanila.
"Hindi po makagalaw ang iba sa amin. Kahit anong pilit na pagpupumiglas ang gawin nila ay hindi po sila makausad sa kanilang mga kinaroroonan." Ang tinugon nito na mas lalo nilang ipinagtaka.
"Sandali lang," ang isinaad ng hari habang maigi niyang pinagmamasdan ang lalaking nakatayo ngayon sa tribuna. Nagkataon namang lumingon ito sa kinaroroonan niya kaya kaagad siyang napatayo na may bakas ng pagkagulat sa kaniyang mukha.
Nakatingin si Boris sa hari na may malawak na guhit ng ngiti sa kaniyang labi at tila ay pinaglalaruan pa nito ang mahaba at matalas na puthaw na kaniyang hawak sa kamay.
"Boris." Ani ng hari nang makita ang mukha ng kaniyang imortal na kalaban.
"Bigyan niyo po kami kaagad ng permiso, kamahalan. Kami na po ang bahala sa kaniya." Ani ng katabi nitong kawal.
"Ibalik ninyo ang mga prinsesa at ang aking reyna sa palasyo ngayon din!" utos ng hari sa kaniyang mga kawal habang nakatingin pa rin ito sa kinaroroonan ni Boris.
"Ano pa ba ang iyong hinihintay? pugutan mo na siya ng ulo!" sigaw ng isang lalaking imortal kay Boris na ikinangisi na lamang nito sa kaniyang labi.
"Masyado mong pinapatagal ang oras! kung naduduwag ka, kami na lang ang hahatol ng kaparusahan sa kaniya!" ang sinigaw pa ng isang imortal na ikinasang-ayunan naman ng karamihan.
Lahat sila ay sumisigaw at iisa lamang ang kinakaraingan nila, iyon ang pugutan ng ulo si prinsesa Adena.
Wala namang nagawa at nasabi pa si Boris sa paulit-ulit na isinisigaw ng mga ito kun'di ang tumawa na lamang at ngumiwi sa sariling labi.
"Batid kong hindi na kayo makapaghintay pa na makita siyang naliligo sa sarili niyang dugo. Paano kung mas lalo pa nating gawing kapana-panabik ang palabas na ito?" ang sinaad ni Boris sa mga nilalang na nanunuod.
"Ano ba ang sinasabi niya?"
"Naduduwag lang yata siya."
"Sandali, sino ba ang nilalang na 'yan? bakit parang ngayon ko lamang siya nakita rito?"
"Ano nga ulit ang sinabi niya?"
Napuno ng pagbubulungan at usapan ang buong kapulungan nang dahil sa sinabi niya. Ngunit dahil may pagkapilyo itong si Boris ay itinaas niya ang sandatang hawak niya at mabilis na itinapat sa leeg ni prinsesa Adena na ikinagulat at ikinatahimik nilang lahat.
Nilibot niya ng tingin ang bawat ekspresyon ng kanilang mga mukha at tila nasisiyahan ito kapag nakikita niya ang takot at pangamba sa kanilang mga mukha. Subalit ang kaninang malawak na guhit ng ngiti sa kaniyang labi ay mabilis din namang naglaho nang mapukaw ng atensyon at tingin niya ang isang pamilyar na mukhang nakatitig sa kaniya ngayon.
"Nara," ang mahina niyang sinambit sa kaniyang bibig nang magkasalubong ang mga mata nila ng reyna sa isa't-isa.
Napatunghay naman si prinsesa Adena sa kaniyang narinig, nung banggitin niya ang pangalan ng kaniyang ina.
Boris? ang binulong ni Adena sa kaniyang isipan nang mapagtanto niya na si Boris pala ang lalaking kasama niya ngayon sa tribuna.
"Ano ba 'yan?! tatayo ka na lang ba riyan at makikipagtitigan sa amin?" sigaw ng isang lalaki na umagaw sa kaniyang atensyon.
Muling binalingan ng tingin ni Boris si prinsesa Adena na nasa tabi niya ngayon. Diniin niya sa leeg ng dalaga ang matalas na sandatang hawak niya dahilan para masugatan ito at masaktan. Pagkatapos non ay muli niyang sinulyapan ang reyna na halatang nag-aalala para sa kaniyang anak.
"Huwag Boris, nakikiusap ako sa iyo. Huwag ang aking anak. Kung gusto mo ako na lamang ang paslangin mo, huwag mo lang saktan ang mga anak ko." Ang binulong ng reyna sa kaniyang isipan habang nakatitig pa rin siya kay Boris.
"Patayin mo na siya!" sigaw ng mga ito na mas lalong ikinabahala ng reyna.
Sa kabilang banda ay biglang sumariwa kay Boris ang masasaya at magagandang alaala nilang dalawa ng reyna nuon. At kahit mahabang panahon na ang nakakalipas ay hindi pa rin kumukupas ang pag-ibig na nararamdaman niya para sa kaniya. Siya lamang ang nagtatangging babae na minahal niya ng totoo at wagas. Subalit ang pagmamahal na nararamdaman niya ngayon para sa reyna ay may kasama nang poot at pighati, magmula no'ng magpakasal ito sa hari na siyang matalik naman niyang kaibigan nuon.
Ang buong akala niya ay sapat na ang kaniyang mga naranasan upang maging sakim siya at maging matapang na harapin muli ang babaeng sumira sa kaniyang mga pangarap. Ngunit sa muling pagkikita nilang dalawa ng reyna ay mas lalo pa niyang nararamdaman ang hapdi at kirot mula sa kaniyang puso na hindi niya lubos na inaasahan.
Nasaksihan niya ang pagtulo ng luha sa mga mata ng reyna na mas lalong nagpakirot sa kaniyang dibdib. Kaya iniwasan na lamang niya ito kaagad ng tingin sa mata at binalingan na lamang ng atensyon ni prinsesa Adena na nanginginig ngayon sa sobrang takot.
"Oras na upang pagbayaran mo ang mga kinuha mo sa akin." Mahinang sambit ni Boris na ikinabigla naman ng dalaga.
A-ano ang ibig niyang sabihin? ani ni Adena sa kaniyang isipan.
"Inagaw mo sa akin ang puso ng babaeng pinakamamahal ko kaya aagawin ko rin sa'yo ang pinakamahalaga sa buhay mo." Ang dinugtong pa nito habang nakatitig siya sa dalaga.
"Hindi, Boris. Hindi maaari." Ang paulit-ulit na binibigkas ng reyna sa sarili niyang bibig.
"Ito na ang iyong pagkakataon upang gantihan ang mga nanakit sa iyo." Pagkatapos sabihin ni Boris iyon ay pinakawala naman niya ang mga kamay at paa ng prinsesa na nakatali ng mahigpit sa makapal na lubid. Tinanggal din nito ang puting telang nakapiring sa kaniyang mga mata at inalis ang maskarang nakatakip sa kaniyang mga mukha na ikinabahala naman lalo ng reyna at ng hari.
"Ipikit niyong lahat ang inyong mga mata!" sigaw ng reyna sa buong kapulungan, ngunit pinagtinginan lamang siya ng mga ito at hinuhusgahan gamit ang kanilang mga mata.
"Ano ang ginagalaw niyo?! pigilan niyo sila ngayon din!" utos ng hari sa kaniyang mga kawal na kaagad din namang nagsitakbuhan patungo sa kinaroroonan nina Boris.
Nakaluhod pa rin si prinsesa Adena at nakayuko ang kaniyang ulo habang nakatayo naman si Boris sa kaniyang harapan.
"Imulat mo ang iyong mga mata at tumayo ka na may kumpiyansa sa iyong sarili. Ito na ang iyong pagkakataon upang patunayan sa kanilang lahat na ikaw ang pinakamakapangyarihang imortal sa buong kaharian, kamahalan." Ani ni Boris sabay lumuhod ito sa harapan ng dalaga at niyuko ang kaniyang ulo upang magbigay galang sa kaniya.
Nagulat naman ang buong kapulungan sa sinabi at ginawa nito. Muling napuno ng pag-uusap at pagbubulungan ang buong kapaligiran nila. Dahan-dahan namang tumayo si prinsesa Adena sa kaniyang puwesto habang nakayuko pa rin ang ulo nito.
"Magsialis na kayong lahat! umalis na sabi kayo!" ang paulit-ulit na sinisigaw ni prinsesa Ceer sa mga manunuod ngunit tinitignan lamang siya ng mga ito at ni isa sa kanila ay walang nagkukusang umalis sa lugar na kinarooronan nila.
"Tapos na ang palabas!" ang nagsalita naman ay si prinsesa Aurora na biglang binaba ang nakatalukbong kapa sa kaniyang ulo.
"Isang prinsesa!" ang sabi ng isang matandang babae nang makita ang mukha ng prinsesa at ang tiarang suot nito sa kaniyang ulo.
Nagulat at napalingon naman ang lahat kay prinsesa Aurora. Maging ang inang reyna ay napalingon sa kinaroroonan ng dalaga na may bakas ng pagtataka sa kaniyang mukha.
"Ano ang ginagawa niya rito?" usisa ng reyna sa kaniyang sarili.
Ngumisi naman si Boris sa kaniyang narinig at biglang napatayo.
"Mukhang may aagaw na naman sa trono mo, kamahalan." Pabulong na saad ni Boris kay prinsesa Adena na ikinakuyom nito sa kaniyang kamao. Napansin naman iyon ng binata kaya mas lalo pa niyang kinunsinti ang isipan nito.
Lumapit siya ng bahagya sa dalaga at tsaka ito binulungan sa kaniyang tainga.
"Narinig mo na ba ang usap-usapan sa bayan? na si prinsesa Aurora ang pinakamakapangyarihang anak ng hari at balang araw siya rin ang papalit sa trono ng kamahalan. Ano na ngayon ang iyong gagawin? tatayo ka na lang ba riyan at papanuorin siyang tinitingala ng lahat habang isang mabangis na halimaw ang tingin nilang lahat sa iyo?" ang binulong pa ni Boris sa kaniya na mas lalong ikinagalit ni prinsesa Adena.