"Magsialis na kayo! ano pa ba ang ginagawa niyo?!" ang paulit-ulit na sinisigaw nina prinsesa Ceer at Ceel sa mga manunuod.
"Anong nangyayari? ano bang mayro'n?" napuno naman ng pag-uusisa ang buong kapulungan habang nililibot nila ng tingin ang buo nilang paligid.
Paunti-unting umuusad ang mga ito ngunit sa dami nila ay iilan pa lamang ang nakakaalis sa kanilang mga puwesto.
"Tigil," mahinang sambit ni prinsesa Adena sa sarili niyang bibig habang nakayuko ang kaniyang ulo. "Sabing magsitigil kayong lahat!" biglang tumaas at lumakas ang tono ng boses nito, kasabay non ang pag-angat niya ng ulo at pagsaboy ng apoy sa isang gilid na ikinabigla ng lahat.
"Anong nangyayari?!" samu't-saring pagsisigawan ang nangyari nang magbato ito ng apoy na malapit sa mas maraming mga bata.
Napaatras sila at nahinto sa kanilang paglalakad. Ang iba sa kanila ay napatakbo na dahil sa sobrang takot habang yung iba naman ay naiiyak na lamang dahil hindi nila alam ang kanilang gagawin.
"Magpatuloy lamang kayo at kahit ano pa ang mangyari ay huwag na huwag kayong lilingon!" sigaw ni prinsesa Aurora na may guhit ng kunot sa kaniyang noo.
"Hindi ito maaari! kailangan ko ng kumilos bago pa may mangyaring masama sa aking reyna!" ang nagsalita naman ay ang bathalang haring nababahala na nababahala sa mga nangyayari. Kaya nagkusa siyang bumaba sa kaniyang trono at apurahang lumakad patungo sa kinaroroonan ng reyna.
"Ina, nasaan po kayo?" paulit-ulit na tinatawag ni prinsesa Haiji ang kaniyang inang reyna na kasalukuyan namang nakatayo lamang sa kaniyang puwesto at nakapikit ang kaniyang mga mata.
Gustuhin man niyang umalis sa lugar na kinaroroonan niya, subalit hindi naman niya magawang iwan na mag-isa ang kaniyang anak na si prinsesa Adena habang punong-puno ito ng galos at sugat sa kaniyang katawan.
"Ina! umalis na po kayo riyan ngayon din!" ang sumigaw naman ay si prinsesa Dima na pilit na isinisiksik ang kaniyang sarili upang mapuntahan lamang ang kaniyang ina.
"Patawarin niyo ako mga anak ko, ngunit hindi ko hahayaang magtagumpay si Boris na kunin sa atin si prinsesa Adena." Ang binulong ng reyna sa kaniyang isipan habang nababangga at nasasagi na siya sa balikat ng mga imortal na nagsisitakbuhan. Ngunit dahil nagmamadali ang mga ito at nakapikit ang kaniyang mga mata ay bigla na lamang siyang napaupo sa puwesto niya pagkatapos siyang maitulak ng mga dumadaan sa paligid niya.
Nang dahil sa pangyayaring iyon kaya nabaling ang atensyon at tingin ni prinsesa Adena sa kinaroroonan ng kaniyang ina. Nasaksihan niya kung paano ito tapak-tapakan at balewalain ng mga naroroon upang maisalba lamang ang pansariling kaligtasan. Maging si Boris ay nabahala nang makita ang nangyari sa reyna. Gustuhin man niyang lapitan at tulungan ito ngunit naunahan naman siya kaagad ng prinsesa.
Laking gulat nilang lahat nang lumapit si prinsesa Adena sa harapan ng kaniyang ina at sinunog ang bawat nilalang na humaharang sa paligid ng kaniyang ina.
"Hindi!" sigaw nila nang sunugin sa apoy ni prinsesa Adena ang ilang mga mahal nila sa buhay.
Nagkaroon ng malawak na espasyo sa paligid ng reyna dahil kaagad ding naging abo ang mga nilalang na nasunog sa kapangyarihan ng prinsesa.
Hingal na hingal ang reyna sa kaniyang paghinga at bakas sa mukha nito ang lubos na takot. Nakaupo pa rin siya sa puwesto niya at nananatiling nakapikit ang kaniyang mga mata. Hindi man niya imulat ang sariling mga mata upang masaksihan ang mga nangyayari sa kaniyang paligid ngunit nararamdaman naman niya ang mainit na dulot ng prinsesang nasa harapan niya ngayon.
"Alam kong naririyan ka lang sa aking harapan, aking prinsesa. Nakikiusap ako sa'yo na pigilan mo ang iyong sarili." Ang pagsusumamong saad ng reyna sa kaniyang anak habang nakatitig lamang ito sa kaniya.
"Hindi na ako isang prinsesa ngayon, isa na akong imortal na kaaway ng kamahalan." Ang mahina niyang itinugon na ikinabigla ng reyna sa kaniya.
"Ano ang iyong ibig sabihin?" usisa niya.
"Hindi ako kailanman naging prinsesa sa kaniyang paningin at higit na hindi itinuring bilang kaniyang anak." Malamig na boses niyang sinambit.
Kumapa-kapa naman ang reyna sa bawat paligid niya at nang maabot niya ang paa ng dalaga ay bigla na lamang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata nang hindi namamalayan.
Naluha siya at naawa nang mapagtanto niyang nakayapak lamang ang dalaga at walang ano mang sapin sa kaniyang mga paa ngunit nagawa pa rin siyang lapitan nito.
Inakyat niya ang kaniyang mga kamay sa mga braso ni prinsesa Adena at tsaka niya ito niyakap ng kay higpit.
"Hindi 'yan totoo, prinsesa Adena. Mahal na mahal ka ng iyong amang hari at mahal ka naming lahat. Mahalaga sa amin at kailangang-kailangan ka ng mga kapatid mo." Ang sinabi ng reyna sa dalaga ngunit binalewala lamang nito ang kaniyang mga sinabi at tinulak siya papalayo na ikinagulat ng mga prinsesa at ng hari.
"Sinungaling! minsan niyo ng nalinlang ang aking isipan ngunit hindi na ngayon. Alam ko na isa akong nakakatakot na halimaw sa inyong mga paningin at ni isa sa inyo ay walang nagpapakatotoo." Mariin niyang sinaad habang nag-aalab sa apoy ang buong katawan niya nang dahil sa matinding poot na nararamdaman niya sa kaniyang puso.
"Hangal!" ang sinigaw ng hari sa bandang likuran. Napalingon naman kaagad si prinsesa Adena sa kinaroroonan ng kaniyang ama at napangiwi ito sa kaniyang labi.
Katulad ng reyna ay nakapikit din ang mga mata nito upang iwasan ang sumpang dulot ng mukha ng prinsesa.
"Tama, isa nga akong hangal at ang hangal na ito ang papalit sa'yong trono." Prente niyang itinugon na ikinakuyom sa kamao ng hari.
"Mukhang hindi mo nauunawaan ang aking sinasabi kaya lilinawin ko lamang sa iyo ng maigi na ang isang hangal na katulad mo ay hindi nararapat maupo sa aking trono, ni wala kang lugar sa loob ng palasyo." Aniya na ikinatahimik ng dalaga at tila mas lalo pang tumindi ang poot mula sa kaniyang dibdib.
"Tumigil ka na! hindi mo dapat 'yan sinasabi sa'yong anak!" ang sinabi ng reyna upang ipagtanggol ang kaniyang anak. Subalit ikinahalakhak lamang ito ng malakas ng hari at muli itong nagsalita.
"Anak? wala akong anak na traydor. At mas lalong wala akong kadugo na isang hangal!" mariin nitong itinugon na mas lalong gumising sa pagkahalimaw ng dalaga.
Naglabas ito ng Punyal sa kanang kamay niya na umaalab sa apoy at tipong lalapitan na sana niya ang kaniyang ama ngunit nagkataon naman na minulat ng reyna ang kaniyang mga mata at nakita nito ang sandatang hawak ng dalaga. Kaya bago pa man niya matuloy ang binabalak niyang gawin ay napigilan siya kaagad nito at humarang sa kaniyang harapan dahilan para bumaon sa tiyan niya ang matalas na punyal na hawak niya.
"Ina!" sigaw ni prinsesa Aurora nang masaksihan niya ang pangyayari. Pilit niyang sinisiksik ang kaniyang sarili sa mga nagkukumpulan kahit madalas siyang natutulak at natatamaan ng mga ito.
"Hindi maaari, ina!" maluha-luhang sigaw pa ni prinsesa Aurora sa kinaroroonan ng dalawa.
Samantalang sa kabilang banda, kung saan natigilan at nanigas na parang bato si prinsesa Adena habang nakatitig siya sa mukha ng kaniyang ina ay hindi niya namalayang tumutulo na pala ang luha sa gilid ng kaniyang mga mata.
"Ina," ang nagsalita naman ay si prinsesa Ceer na biglang natigilan sa paghahanap nang mapukaw ng kaniyang atensyon ang eksena ng dalawa.
Maging si prinsesa Ceel ay nahinto rin sa tabi ni Ceer nang matanaw niya ang kanilang inang reyna na nasa harapan ni prinsesa Adena.
"Prinsesa ko," mahinang sinambit ng reyna sa kaniyang dalaga habang hinahawakan ang kaniyang pisngi.
Hindi naman makapagsalita si prinsesa Adena at nanginginig ang buong katawan niya dahil sa lubos na pagkawindang sa ginawa ng kaniyang ina.
"Sa wakas nasilayan ko na rin ang iyong mukha at masasabi ko na napakaganda mo, aking prinsesa." Ang sinaad pa ng kaniyang ina na mas lalong nagpakirot sa damdamin ng dalaga.
Imbis na magsalita ay kusa na lamang siyang umiwas ng tingin sa kaniyang ina. Tipong tatalikuran na sana niya ito pero pinigilan naman siya ng ginang at muling pinaharap sa kaniya.
"Huwag kang umalis. Gusto kong pagmasdan ang mukha ng aking prinsesa Adena." Aniya sa malambing na boses habang nakayuko naman ang ulo at tingin ng dalaga dahil ayaw niyang malason ang isipan ng reyna dahil sa sumpang dulot ng kaniyang mukha.
"Anong ginagawa niyo? ilayo niyo sa akin!" utos ni Adena sa iba pa niyang mga kapatid habang pilit niyang niyuyuko ang kaniyang mukha.
"Hindi. Hindi ako aalis dito sa iyong tabi." Pagpupumilit ni Nara (ang pangalan ng reyna) sa kaniya kahit pilit na inaalis ng dalaga ang kamay ng kaniyang ina na humahawak sa kaniyang mukha.
"Bakit ba kasi kayo narito?!" galit na sinambit niya na may guhit ng kunot sa kaniyang noo.
"Ano pa nga ba sa tingin mo? kun'di para makita ang aking pinakamagandang prinsesa." Nakangiting itinugon nito na panay naman ang pagtitig sa mukha ng dalaga.
Halos napahagulgol na lamang sa pag-iyak si prinsesa Adena dahil nararamdaman na niya ang pag-epekto ng kaniyang sumpa sa sariling ina.
"Iangat mo ang iyong mukha dahil gusto kong mapagmasdan ang magandang mukha ng aking anak." Aniya. Paunti-unti namang inangat ng dalaga ang kaniyang mukha at tingin sa kaniyang ina na may pagmumugto sa kaniyang mga mata.
"Ganiyan nga," mahina niyang sinambit habang nakikita na ni prinsesa Adena ang pagpapalit ng kulay pula sa mga mata ng reyna. Direkta niya itong tinititigan sa mga mata habang bumababa ang mga kamay nito patungo sa kaniyang leeg.
"Ina!" sigaw ni prinsesa Aurora nang sakmalin niya ng sakal sa leeg ang sarili niyang anak.
Wala na siya sa maayos niyang pag-iisip. Ang binulong naman ni Boris sa kaniyang isipan habang pinapanuod niya sa hindi kalayuan ang mag-ina.
"I-ina." Ani ni prinsesa Adena sa ipit na boses dahil nahihirapan na siya sa kaniyang paghinga. Lalo namang humigpit ang pagkakasakal sa kaniya ng reyna kaya mas lalo pang binaon ni prinsesa Adena ang hawak niyang punyal sa tiyan ng kaniyang ina, dahilan para matigilan ito at lumuwag ang pagkakasakal sa kaniya.
"Patawarin niyo ako, aking ina. Kung hindi ko ito gagawin ay baka sakupin ng kadiliman ang buo mong pag-iisip at hindi ko hahayaang mapunta ka sa kanila hanggang sa iyong sandali." Maluha-luhang sinaad ng prinsesa sa kaniyang ina.
"Palagi mong tatandaan na mahal na mahal kita, prinsesa Adena at palagi mo ring tatandaan na ikaw ang pinakamagandang prinsesa buong kaharian ng Drima. Isa lamang ang hihilingin ko sa'yo," huminto ito sandali sa pagsasalita dahil nahihirapan na siya sa kaniyang paghinga at nanghihina na rin ang kaniyang katawan dulot ng nakakalasong kapangyarihan ng prinsesa.
"Huwag mo sanang dudungisan ng kasamaan ang iyong mga kamay. At huwag na huwag mong sasaktan ang iyong mga kapatid, lalo na ang iyong ama." Aniya na ikinabaling naman ng tingin ni prinsesa Adena sa kaniyang amang hari na nakatayo lamang sa hindi kalayuan at tahimik na nakikinig sa kanila.
"Magpahanggang sa huling guhit ng inyong buhay ay siya pa rin ang iniisip ninyo. Minsan lang ba ay minahal kayo ng lalaking pinili niyong pakasalan? O binigyan man lang ba niya kayo ng kaunting halaga? sa tingin ko, kahit hindi ko ito tanungin sa kaniya ay alam ko na rin kung ano ang kaniyang magiging sagot. Dahil siya ang kagalang-galang na hari ng buong kaharian at iyon lamang ang mahalaga para sa kaniya." Habang sinasabi ito ni prinsesa Adena ay nakatingin lamang siya sa kinaroroonan ng hari na walang imik at nakakuyom ng mahigpit sa sarili niyang mga kamao.
"Oo, tama ka. Hindi rin ako sigurado kung ako rin ba ang nilalaman ng kaniyang puso. Gayunpaman ay hindi ko kailanman naramdaman ang pagsisisi na minahal ko siya at pinili. Hindi niyo man nakikita sa kaniya ang pagiging maaruga bilang isang ama ay tiyak ko naman na hindi niya rin ginusto ang mga nangyayari. Nakikita niyo man siyang walang kahabag-habag sa panlabas niyang anyo ay minsan ko na rin siyang nakitang lumuluha nang dahil sa'yo, prinsesa Adena." Ani ng reyna sa dalaga. "Gabi-gabi siyang tahimik lang na umiiyak sa tabing bintana dahil ayaw niyang ipakita sa akin at iparinig ang mabigat na dinadala niya sa kaniyang dibdib. Ngunit minsan ko ng narinig ang pagbanggit niya sa iyong pangalan. Nasasaktan ang kaniyang puso dahil wala man siyang nagawa upang maiiwas ka sa sumpa ng mga kampon ng kadiliman, kaya huwag mo sanang kamumuhian ang iyong ama dahil katulad ko ay nasasaktan din ang kaniyang puso sa tuwing nasisilayan namin ang maskarang nakatakip sa iyong mukha." Ang dinugtong pa ng reyna na mas lalong nagpakirot sa puso ng dalaga.
Napaatras na lang si Adena sa mga sinasabi ng kaniyang ina. Gulong-gulo at litong-lito na ang isipan niya ngayon at hindi niya alam kung sino ang kaniyang susundin. Napansin naman ito ni Boris kaya pinigilan niya ito at pilit na kinukumbinsi ang kaniyang isipan.
"Huwag kang magpapalinlang sa mga sinasabi niya. Walang katotohanan ang mga pinagsasabi niya. Tignan mo nga siya ngayon. Kung totoong may habag ang hari, bakit niya hinayaang saluhin ng reyna ang kamatayang nakahintay para sa kaniya?" Ani ni Boris sa dalaga habang tinatakpan nito ang magkabilaang tainga niya.
Sa kabilang banda ay bigla na lamang natumba ang reyna at nahiga sa lupa habang naliligo sa sarili niyang dugo.
"Ina!" sigaw ni prinsesa Aurora na apurahan namang lumapit sa kaniyang ina.
"Prinsesa Adena," mahinang sambit ng ginang sa kaniyang bibig habang nakatingin siya sa dalaga.
"Hindi mo pa rin ba naiitindihan ang aking mga pinapahayag sa iyo, prinsesa? alam ng hari na mangyayari ang lahat ng ito at alam din niya na papaslangin mo siya kaya hinayaan lamang niya ang reyna na saluhin ang sarili niyang kamatayan." Ang dinugtong pa ni Boris na ikinagulat ng dalaga.