Kabanata 16 : (Adena's Pov)

1732 Words
Napaatras na lamang ako nang paslangin ni Boris ang ama ni Hyrim na si ginoong Lik. Hindi pa siya nakuntento dahil pinugutan pa niya ito ng ulo habang humahalakhak siya ng malakas. Nanlaki naman ang aking mga mata at hindi makapaniwala sa aking nasaksihan. "Huwag kang matakot, mahal kong prinsesa. Dahil nararapat lamang para sa isang traydor na katulad niya ang maparusahan." Aniya sa akin habang hinahawakan ang aking mukha. "Ngunit wala naman siyang nagawang kasalanan sa akin," ang tinugon ko sa kaniya na may pamumuo ng luha sa giid ng aking mga mata. "Marahil ay hindi mo nga nakikita ang kamaliang nagawa niya ngunit malaki naman ang pagkakasalang nagawa niya sa akin nuon. Tinanong mo ako kanina kung sino ang sumira sa mukha kong ito at gusto kong sagutin iyon ngayon." Huminto siya saglit sa pagsasalita at tinignan ang ulong hawak niya sa kaniyang kamay. "Siya ang hangal na alipin ng hari, ang siyang sumira sa aking mukha. Nagsinungaling ang iyong ama sa aking reyna na namatay ako sa isang digmaan ngunit ang tunay na kuwento ng pangyayaring 'yon ay ikinulong ako ng iyong ama at nang lalaking ito sa isang madilim na kuweba. Sa mahabang panahon na pamamalagi ko sa isang nakakatakot na mundo, ano sa tingin mo ang aking maiisip at mararamdaman?" sa sinabi niya ay bigla akong nakaramdam ng pagkaawa sa kaniya. Alam ko na hindi dapat ito ang maramdaman ko sa kaniya ngunit hindi ko mapigilan ang bawat emosyon na nasa aking dibdib. "Hindi ka ba nagtataka sa iyong sarili, kung bakit ka rin ikinulong ng hari nuon sa'yong silid at inilayo sa lahat?" sa mga sandaling iyon ay marahan siyang naglalakad paikot sa akin. "Minsan ba ay hindi sumagi sa'yong isipan ang mga katanungang, bakit ako? ano ang kasalanang nagawa ko? bakit ako lang ang hindi masaya? bakit ako kakaiba sa lahat?" ang binulong niya sa aking tainga. "Bakit hindi na lang si prinsesa Aurora?" ang dinugtong pa niya na ikinalingon ko sa kaniya. "Anong sinabi mo?" gulat kong tanong sa kaniya na ikinatawa naman niya. "Hindi mo kailangang magpanggap sa harapan ko, prinsesa. Alam ko kung ano ang mga tumatakbo sa iyong isipan. Hindi ba't matagal mo ng kinaiingitan ang nakatatanda mong kapatid na si prinsesa Aurora?" prenteng saad nito sa akin. "Hindi 'yan totoo! hindi 'yan kailanman sumagi sa aking isipan." Ang tinugon ko sa kaniya. "Kung gayon, kung totoo nga ang iyong sinasabi. Bakit mo siya hinayaan ng araw na iyon?" nakatingin lang ako sa kaniya habang palakas-palakas ang kabang nadarama ko sa aking dibdib. "Hindi ba't naroroon ka rin ng araw na iyon? nung mga sandaling kamuntikan ng mahulog sa malalim na bangin sina prinsipe Adonis at prinsesa Aurora? nakatayo ka lang ng mga sandaling iyon at pinapanuod silang dalawa. Iniisip mo na mas makakabuti para sa'yo kung maglalaho sa mundong 'to ang mga humahadlang sa mga pinaplano mo. Pero dahil biglang dumating si prinsesa Glius at tinulungan niyang masagip ang dalawa niyang nakakaawang kapatid sa binggit ng kamatayan ay nasira ang mga pinaplano mo, tama ba ako prinsesa Adena?" nakangiwing wika niya habang nakayuko ang aking ulo at nakatitig sa lupa. "Hindi 'yan totoo." Mahinang sambit ko sa aking bibig. "Aminin mo man o hindi, alam ko kung ano ang totoo." Ang sinabi pa niya na mas lalo kong ikinagalit. "Sinungaling!" malakas kong sigaw sa kaniya habang nakakuyom ng mahigpit ang aking mga kamao. Napahalakhak lamang siya ng malakas at humakbang palapit sa akin. "Hindi mo na kailangang magtago pa sa malungkot mong mundo, prinsesa ko. Ngayong nandirito na ako sa'yong harapan, sisiguraduhin ko na palagi ka lamang magiging masaya. Gagawin kitang pinakamakapangyarihang reyna sa buong kaharian at gagalangin ka ng lahat dahil sa'yong kagandahan." Aniya habang dahan-dahan niyang tinatanggal ang suot kong maskara. "Hawakan mo lang ng mahigpit ang aking kamay." Ang dinugtong pa niya pagkatapos niyang maihagis sa kung saan ang aking itim na maskara. Nakatingin lamang ako sa lupa nang hawakan niya ang aking baba at inangat ang aking mukha. "Tumingin ka sa aking mga mata," mahinang utos niya. Dahan-dahan ko naman siyang inangat ng tingin sa kaniyang mga mata. Laking pagtataka ko na lamang kung bakit hindi siya natatalaban ng sumpang taglay ng aking kaanyuan. Dahil ba sa siya ang hari ng kadiliman at kasamaan? kung kaya't hindi siya nasasaktan ngayon sa itim na mahikang isinumpa sa akin? Ang paglalayag ko sa aking isipan habang nakatitig ako sa kaniya. "Hindi mo na kailangan pang takpan muli ng maskara ang iyong kagandahan, prinsesa ko. Ipakita mo sa lahat na ikaw ang pinakamagandang prinsesa sa buong kaharian." Dagdag pa nito mas lalong nagpakumbinsi sa aking isipan. Hindi ako tumugon sa sinabi niyang iyon. Bagkus ay pinili ko na lamang na itikom ang aking bibig at sumunod sa mga kautusan niya. Inutos niya sa akin na dalhin sa loob ng palasyo ang pugot na ulo ni ginoong Lik at ipakita ito sa mahal na hari. Gusto niyang ipalabas ko sa lahat na isang traydor ang ama ni Hyrim at kabilang na roon si prinsesa Glius, ang prinsesa na gusto kong paghigantihan. Kung hindi dahil sa pangingialam niya sa araw na iyon ay natagumpayan ko na sana ang mga pinaplano ko at ako na sana ang nakaupo ngayon sa trono ng hari. Ngayong nasunod ko na ang mga pinapagawa niya sa akin ay tila bumaligtad naman ang istorya at ako ang lumabas na traydor ng hari. Hindi ito ang inaasahan kong mangyari. Nakatayo ako ngayon sa harapan ng kamahalan habang nasa harapan ko rin ang pugot na ulo ni ginoong Lik na kasalukuyan namang nasusugot sa aking apoy. "Ama?" tila ba'y bigla akong natauhan sa boses na aking narinig. Ang boses na iyon ay nanggaling kay Hyrim na kasalukuyan namang nakatitig sa ulong nasusunog ngayon sa apoy. Maya-maya pa ay umangat ang tingin nito sa akin at nagtama ang mga mata namin sa isa't-isa. Hindi man niya ibuka ang sarili niyang bibig, ngunit alam ko na kaagad kung ano ang mga tumatakbo sa kaniyang isipan. Basang-basa ko ang mga sinasabi ng kaniyang mga mata at nararamdaman ko ang nag-aalab niyang galit mula sa kaniyang puso. Tipong bababa na sana ito ng hagdan upang lapitan ako, ngunit pinangunahan naman siya ni Prinsipe Adonis habang matalim itong nakatitig sa akin. Sinungaban niya ako kaagad ng mahigpit na pagsakal sa aking leeg na ikinagulat ng lahat. "Prinsipe Adonis!" sigaw ng hari. Napangiwi na lamang ako sa aking labi nang mapansin ko ang pamumutla ng kaniyang mukha na halatang hindi pa masyadong manggaling ang kondisyon ng kaniyang katawan. "Isa kang traydor!" mahina ngunit gigil nitong sabi sa akin. "Diyan ka nagkakamali, mahal na prinsipe. Dahil ang lalaking nakikita ninyo ngayon sa inyong harapan ang siyang tunay na tumaraydor sa kamahalan." Ang tinugon ko sa kaniya na may guhit pa rin ng ngiti sa aking labi. Lalo namang humigpit ang pagkakasakal niya sa akin at mas lalong lumalim ang tingin niya sa akin. "Sinungaling. Isa kang mapanlinlang at hindi ang mga katulad mo ay hindi karapat-dapat na tawaging prinsesa." Aniya na ikinasimangot ng aking mukha. Nang dahil sa sinabi niya ay bigla akong nakaramdam ng matinding galit mula sa aking dibdib, lalo pa nung dagdagan niya ng masasakit na salita ang mga ibinibigkas niya sa kaniyang bibig. "Ang mga katulad mo ay hindi dapat pinapapasok sa loob ng palasyo, dahil nabibilang ka lamang sa mga mababang uri ng nilalang na nasa labas ng palasyo." Sabay pinagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa at pabalik. Napakuyom naman ako ng mariin sa aking kamao at tinitigan siya ng matalim sa kaniyang mga mata. "Hindi mo alam ang iyong sinasabi kaya maghinay-hinay ka sa mga salitang binibitawan mo sa akin." Mahinang saad ko sa kaniya. Sa mga oras na iyon ay nagtitimpi pa ako at napipigilan ko pa ang aking sarili. Ngunit nang lapastangin niya ang mga inosenteng nilalang na nasa labas ng palasyo, kung saan naghahanap-buhay lamang para sa kapakanan ng kanilang pamilya at sa araw-araw nilang pangangailangan ay hinding-hindi ko papalampasin. "Bakit? nasaktan ka ba? hindi mo nais na maikumpara sa mga mababang nilalang na kagaya nila?" nakangiwing turan nito sa akin. "Prinsipe Adonis! tumigil ka na ngayon din!" utos ng hari sa kaniya ngunit kahit ano pa ang sabihin niya sa kaniya ay hindi siya pinapakinggan nito. "Kung nakikita mo lamang ang sitwasyon-" natigilan ako sa pagsasalita nang bigla itong ngumisi at binitawan ako sa aking leeg. "Kung ganoon lumabas ka ng palasyo na walang pahintulot ng hari? o baka naman maraming beses mo na nilabag ang kautusan ng kamahalan? kung ganoon hindi na pala namin kailangan pang marinig ang mga paliwanag mo dahil malinaw na sa aming lahat na isa ka nga'ng traydor at ang mga katulad mo ay nararapat lamang na maparusahan ng kamatayan." Pagkatapos niyang sabihin sa akin iyon ay tinalikuran na niya ako at humakbang paakyat sa kinaroroonan ni Hyrim. Nakayuko lang ang aking ulo at nakapikit ang aking mga mata. Bakit ang lahat na lang ng mga ninanais kong mangyari ay hindi sumasang-ayon sa mga kagustuhan ko? Ano pa ba ang kailangan kong gawin upang mapatunayan sa kanilang lahat na mas makapangyarihan ako sa kanila? ang paglalayag sa aking isipan habang nakatingin sa akin si Hyrim. "Kung gayon, isa rin pala akong traydor." Ang sinambit ni Hyrim na ikinaangat ko ng tingin sa kaniya. "Ano ang iyong sinasabi, Hyrim?" usisa ni prinsipe Adonis sa kaniya na magkasalubong ang dalawang kilay. "Ako ang nagdala kay prinsesa Adena sa labas ng palasyo." Ang tinugon niya na ikinagulat naming lahat. Halos napahawak ako sa aking bibig at hindi ako makapaniwala sa aking narinig. "Hyrim! alam mo ba ang iyong sinasabi?" galit na isinaad ng prinsipe sa kaniya. Ngunit imbis na sagutin siya nito ay bigla itong humakbang pababa ng hagdan at huminto sa aking harapan. "Marami rin akong nalabag na kautusan ng hari at natitiyak kong nagsasabi lamang ng totoo ang prinsesa," nakatitig lamang siya sa aking mga mata habang sinasabi niya iyon sa kamahalan. "At naniniwala ako na isa nga'ng traydor ang aking ama." Ang dinugtong pa niya na mas lalo kong ikinagulat sa kaniya. Sa mga sandaling iyon ay bigla na lamang tumulo ang luha sa aking mga mata na hindi namamalayan. Bakit mo ito ginagawa sa akin? alam mo kung ano ang totoo at hindi mo kailangang maawa sa akin dahil balang-araw ay pagsisisihan mo rin ito. Ang binulong ko sa aking isipan habang nakatitig lamang ako sa kaniyang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD