"Ama, nagmamakaawa po ako sa inyo na pakawalan ninyo si Hyrim. Marahil ay nilabag niya ang ilang sa inyong mga kautusan ngunit alam niyo naman po kung gaano siya katapat sa akin at sa ating pamilya." Kasalukuyang nakaluhod si prinsipe Adonis sa harapan ng hari at reyna, habang nakikiusap dito na huwag parusahan ang matalik niyang kaibigan na si Hyrim.
"Paano ka nakakasiguro na isa nga siyang inosente? may maipapakita ka ba sa aming ebidensiya?" ang nagsalita naman ay si prinsesa Aurora na nakatingin sa kaniya at nakatayo sa tabi ng reyna.
Medyo natagalan sa pagtugon si prinsipe Adonis at nanatiling nakayuko lamang ang kaniyang ulo.
"Malaking pagkakasala ang nagawa ni Hyrim sa buong kaharian, aking prinsipe. Huwag mong ibaba ang iyong sarili para sa isang hamak na lawin lamang." Ang tinuran ng hari sa binata na ikinaangat nito ng tingin sa kaniyang mukha.
"Ano ang inyong sinabi?" mahina niyang batid na may guhit ng kunot sa kaniyang noo.
"Malaking kahihiyan itong ginagawa mo ngayon sa aming harapan, prinsipe Adonis. Ikaw ang nakatakdang pumalit sa aking trono bilang hari kaya kailangan mong maging matapang at matatag. Subalit ayon sa mga nakikita ko sa iyo ngayon ay mukhang marami ka pang dapat na malaman at mapag-aralan. Hindi ganiyan ang tamang pag-asta, prinsipe." Ang isinaad pa ng hari sa kaniya na ikinatayo niya at ikinangiwi sa gilid ng kaniyang labi.
"Kung gayon itinuturing niyo bang isang hari ang inyong sarili?" ani ni prinsipe Adonis na ikinabigla ng mga kamahalan at prinsesa.
"Prinsipe! humingi ka ng tawad sa'yong amang hari ngayon din!" utos ng kaniyang ina ngunit sumulyap lamang ito sa kaniya at muling binalingan ng tingin ang haring nasa kaniyang harapan.
"Hindi ako kailanman hihingi ng tawad sa kaniya. Alam ko kung ano ang aking ginagawa." Prente niyang itinugon habang direkta siyang nakatitig sa mga mata ng hari.
Napakuyom naman ng mahigpit sa sariling kamao ang bathalang hari at kitang-kita sa mga mata nito ang lubos na poot na nararamdaman niya sa kaniyang dibdib.
"Kung ganoon ipapakita ko sa'yo kung anong klaseng hari ako sa kahariang ito." Mariin na isinaad ng hari sa binata. Napalingon naman ang inang reyna sa kaniya na may bakas ng pag-aalala sa dalawa niyang minamahal ngunit alam niya sa sarili na hindi niya mapipigilan ang dalawang ito ngayon.
"Umalis ka sa aking palasyo." Ang dinugtong pa ng hari na ikinagulat nilang lahat. Maging si prinsipe Adonis ay hindi makapaniwala sa kaniyang narinig ngunit pinili pa rin niya ang maging matigas sa harap ng kaniyang ama.
"Mahal ko," ani ng reyna sabay hinawakan niya ito sa kaniyang kamay.
"Marahil ay naging maluwag ako sa inyong lahat kaya binabalewala niyo na lamang ang aking mga kautusan. Tapos na ang palaro, tapos na ang palabas kaya gusto kong seryosohin ninyo ang aking sasabihin. Simula sa araw na ito, tinatanggalan ko ng karapatan si prinsipe Adonis bilang prinsipe ng Drima at bilang aking anak. Huwag na huwag ninyo siyang papasukin sa loob ng aking palasyo at kung sino man sa inyo (sa mga prinsesa at reyna,) ang tumulong sa kaniya ay hahatulan ko ng kamatayan." Wika ng hari na ikinabigla lalo ng lahat. Nanlaki ang mga mata ng prinsesa sa kanilang narinig at maging ang reyna ay hindi makapaniwala nang makita ang seryosong mukha ng hari.
"Tinatanggap ko." Mahinang tugon ni prinsipe Adonis na ikinalingon nila sa kaniya.
"Prinsipe!" saway ng reyna sa kaniya ngunit hindi siya pinansin nito.
"Sa isang kondisyon." Dagdag niya na ikinakunot noo ng hari.
"Kondisyon?" usisa nito.
"Pakawalan niyo si Hyrim. Tauhan ko siya kaya isasama ko siya sa aking pag-alis ng palasyo." Taas-noo niyang itinugon sa hari na ikinangiwi naman nito sa labi.
"Sige, pakawalan niyo siya." Utos niya sa kaniyang mga kawal. Pagkatapos non ay tumalikod na ito at lumakad papalayo. Habang nakasunod sa kaniyang likuran ang asawa nitong reyna at may bakas ng pangamba sa kaniyang mukha kung papaano niya kukunsintihin ang asawang hari na bawiin ang kaniyang binitawang parusa sa prinsipe.
"Hyrim!" sigaw ni prinsipe Adonis nang makita si Hyrim na nanghihina dahil sa mga sugat at bugbog nito sa kaniyang katawan.
Kumaripas siya ng takbo at kaagad ding nilapitan ang kaibigan niyang lawin na may bakas ng pag-aalala sa kaniyang mukha.
Natigilan at nahinto naman bigla sa paglalakad ang hari nang marinig niya ang boses ni prinsipe Adonis na halatang nag-aalala sa kaniyang kaibigan. Maging ang reyna ay nahinto rin sa paghakbang nang mapansing tumigil sa paglalakad ang hari at kasalukuyang nakatanaw sa kinaroroonan ng prinsipe.
"Kung hindi mo siya kayang nakikitang nalulungkot bakit mo siya pinaparusahan ng ganito?" mahinang saad ng reyna na ikinalingon ng hari sa kaniya.
"Hindi niya alam ang kaniyang ginagawa," pabulong nitong tugon sa kaniya.
"Kung gano'n alin ang tama? ang turuan siyang maging malupit sa lahat at walang pakialam sa kaniyang paligid kagaya ng ipinapakita mo sa amin ngayon?" aniya na ikinagalit ng hari sa kaniya.
"Ano ang iyong sinabi?" saad nito na magkasalubong ang dalawang kilay.
"Bakit, mali ba ako? hindi ba't alam mo rin naman kung ano ang kaniyang dahilan? alam mo na hindi siya ganoong klaseng prinsipe at ginagawa lamang niya ito upang iligtas ang matalik niyang kaibigan mula sa mapagmalupit niyang ama, hindi ba?" halos natahimik na lamang ang hari sa sinabi ng reyna sa kaniya at kaagad din niya itong iniwasan ng tingin sa mata.
"Tumigil ka na. Kahit ano pa ang iyong sabihin hinding-hindi magbabago ang aking mga desisyon." Pagkatapos non ay tinalikuran na niya ito at lumakad papalayo.
Napabuga na lamang ng malalim na paghinga ang reyna habang sinusundan niya ito ng tingin na hindi man lang lumilingon sa kaniya.
"Marahil ay may mas malalim pang dahilan ang amang hari, kaya niya 'yon ginagawa sa prinsipe." Ang nagsalita ay si prinsesa Aurora na biglang sumulpot sa tabi ng reyna.
"Ano sa tingin mo ang dahilan niyang 'yon?" mahinang tanong ng reyna sa dalaga.
"Kailangan ko pa po bang sagutin iyan, inang reyna? mukhang tiyak niyo naman ang kasagutan sa tanong na 'yan." Pagkatapos niyang sabihin 'yon ay tinalikuran na niya ito at lumakad patungo sa kaniyang silid.
Sinundan siya ng tingin ni Nara, (ang pangalan ng reyna) at muli niyang binalingan ng atensyon ang kaniyang anak na si prinsipe Adonis na kasalukuyan namang umaalalay kay Hyrim sa paglalakad palabas ng palasyo.
"Anak ko, nawa'y sa'yong muling pagbabalik ay masilayan ko pa muli ang matatamis mong ngiti sa labi." Bulong ng reyna sa kaniyang isipan na ikinalingon naman ni Hyrim sa kaniya.
"Hyrim, ikaw na ang bahala sa kaniya. Kahit ano pa ang mangyari, huwag na huwag mo siyang iiwan at papabayaan." Ang dinugtong pa ni Nara sa kaniyang isipan na ikinatango na lamang sa ulo ni Hyrim.
Hanggang sa nakalabas na nga ang dalawa sa palasyo at iyon na rin naging huling araw na nasilayan nila ang mukha ng prinsipe.
(MAKALIPAS ANG PITONG ARAW MATAPOS UMALIS NG PALASYO SINA HYRIM AT PRINSIPE ADONIS, ay nahatulan naman ng hari si prinsesa Adena sa kaparusahang kamatayan sa harap ng publiko.)
"Ano kayang mabigat na kasalanan ang nagawa niya sa kamahalan na kahit sariling kadugo niya ay pinaparusahan niya ng kamatayan?"
"Totoo ba na isa siyang prinsesa?"
"Naku nakakaawa naman siya,"
"Naku po! ngayon na ba siya hahatulan ng kamatayan?"
Napuno ng samu't-saring pagbubulungan at usapan ang paglantad ni prinsesa Adena sa harap ng maraming imortal. Kung saan nakaluhod siya sa isang maliit na enteblado na inihanda para sa kaniya. Nakatakip pa rin ng maskara ang buo niyang mukha habang nakapiring ng puting tela ang kaniyang mga mata. Nakatali naman ng mahigpit ang dalawa niyang mga kamay sa likod at maging ang sarili niyang mga paa ay nakatali rin.
Halos mga bahid ng galos, pasa at dugo ang makikita sa bahagi ng kaniyang katawan pati sa suot niyang puting bistida na punit-punit na. Nakapaa lamang siya at makikita ang bawat gasgas sa kaniyang talampakan na halatang kinaladkad ng ilang beses sa paglalakad.
Nakayuko lamang ang ulo nito at tahimik na pinapakinggan ang buo niyang paligid. Hindi man niya buksan ang sariling mga mata ay natitiyak naman niya kung ano ang nangyayari sa kaniyang kapaligiran.
"Siguraduhin niyo lamang na mapapaslang niyo ako dahil kung hindi ay baka hindi ninyo magustuhan ang aking paghihiganti." Ang sinambit niya sa kaniyang bibig na ikinagulat at ikinatakot nilang lahat.
"Narinig niyo ba ang kaniyang sinabi?" ani ng isang lalaking duwende sa mga nilalang na naroroon.
"Ano ba ang sinabi niya?" usisa ng ginang sa kaniya.
"Kung hindi daw siya mapapaslang ngayon ay baka maghiganti siya sa ating lahat." Pasigaw na itinugon ng binatang imortal na ikinabahala nilang lahat.
May ilang natakot at lumayo kay prinsesa Adena. Ngunit mas nanaig ang galit na kanilang naramdaman mula sa sinabi ng binatang duwende. Kaya ang kaninang habag na kanilang nadarama para sa dalaga ay napalitan ng paninibugho at matinding poot mula sa puso.
"Kung ganoon tama lang pala sa kaniya ang maparusahan ng kamatayan!" bigla na lang may nagsalitang lalaking imortal na ikinasang-ayon ng ilan.
"Ano pa ba ang hinihintay niyo? pugutan niyo na siya ng ulo!" sigaw ng babaeng imortal na nasa edad kuwarenta anyos.
Dahil sa paghihimagsik ng mga ito ay sabay-sabay nilang pinagbabato ng bato o ng kung anu-anong mga bagay si prinsesa Adena na ikinabigla ng dalaga. Lalo pa nung may tumamang malaking bato sa kaniyang noo na nagsanhi ng biglaang pagtulo ng kaniyang dugo.
"Tumigil kayo! magsitigil kayong lahat!" pilit silang pinapaatras at pinapahinahon ng mga kawal roon na nakabantay para sa prinsesa, ngunit kahit anong pagpigil o pag-aawat pa ang kanilang gawin ay parang mas lalo pa itong nagiging agresibo.
"Kung hindi niyo pa siya papaslangin ngayon, hayaan niyong ako na lang ang magparusa sa kaniya!" matapang na presinta ng isang binatang imortal na ikinatigil at ikinalingon ng lahat sa kaniya.
Huminto ang lahat sa kanilang ginagawa at pare-pareho silang nakatingin sa kinaroroonan ng binatang nagsalita kanina.
Tila nabigla naman ang binatang ito nang mapansing nakatingin ang lahat sa kaniya. Kaya huminga muna siya ng malalim bago ito nagsalitang muli.
"Kung hindi niyo siya kayang paslangin pwes, tawagin ninyo ang hari at sabihin niyo na ako ang gagawa alang-alang sa buong kaharian ng Drima." Taas-noo nitong utos sa isang kawal na nasa harapan niya ngayon.