Pinalibutan nila ang nasugatang gerero habang minamatyagan nila ang buong paligid. Ilang sandali pa ay nilusob na sila ng mga manananggal na nagmula pa sa iba't-ibang direksyon.
"Huwag na huwag kayong aalis sa mga puwesto niyo at huwag niyo iiwan ang mga katabi niyo!" malakas na isinaad ni Balati sa kanila. Pagkatapos non ay sabay-sabay nilang hinugot ang mga sandatang bitbit nila. Maging si Adena ay inihanda ang kaniyang palaso upang panain ang bawat aswang na umaatake sa kanila ngayon.
"Tulong! tulungan niyo ako!" sigaw ng isang lalaki habang hinahatak siya papalayo ng dalawang manananggal. Lumingon naman kaagad sina Adena at Balati sa kaniya. Inasinta ito ng reyna gamit ang kaniyang palaso subalit mabilis itong nakailag sa kaniyang sibat.
Pinagtawanan siya ng mga 'to at tila kinakatyawan pa ang pagkakasala niya sa paggamit ng palaso. Napakagat tuloy siya ibabang labi niya at napakuyom ng madiin sa sarili niyang kamao. Tinignan niya ito ng matalim sa mata at nagsimula itong bumuo ng apoy sa isa niyang kamay.
Tumikom bigla ang bibig ng dalawang manananggal at tsaka nagpalitan ng tingin sa isa't-isa. Muli ay humalakhak ito ng malakas na mas lalong ikinagalit ni prinsesa Adena sa kanila, kaya binato niya ito ng apoy ngunit sa kasamaang palad ay ginamit nila ang bihag nilang gerero upang gawin itong panangga sa kanila.
Isang malakas na paghiyaw ang nagpahinto sa kanilang lahat. Napalingon silang lahat sa gererong paunti-unting nilalamon ngayon ng apoy. Nanlaki naman ang mga mata ni Adena sa biglaang pangyayari. Tila hindi sumagi sa isipan niya na gagamitin nila itong panangga at pain sa kaniya. Kung kaya't mas lalong umigting ang poot na kaniyang nararamdaman at mas lalo pang lumalim ang tingin niya sa dalawa. Tipong susugurin sana niya ito ngunit kaagad din naman siyang napigilan ni Balati at hinawakan sa kaniyang balikat. Natigilan siya at napalingon sa kaniya. Tinanggal din naman kaagad ng binata ang kamay niyang nakapatong sa balikat nito.
"Mas lalo ka lang nilang pag-iinterisan kapag pinatulan mo sila." Mahinang isinaad ni Balati sa reyna. Gumuhit ang kunot sa noo nito at tinignan siya ng taas-baba.
"Ano ang gusto mong gawin ko? ang hayaan na lamang siyang mamatay sa kamay ng mga aswang na 'yan?!" mahina ngunit mariin namang itinugon nito sa kaniya. Saglit na napasulyap si Balati sa kinaroroonan ng gererong ito. Napabuntong-hininga siya at muling tumingin kay Adena.
"Wala na tayong magagawa pa, huli na ang lahat. Kahit maagaw mo siya sa kamay ng mga manananggal ay mamamatay pa rin siya." Ang tinutukoy niya ang sumisiklab na apoy mula sa buong katawan nito.
"Kahit na, hindi ko hahayaang mamatay siya sa mga aswang na iyon." Pagmamatigas ni Adena. Tipong pipigilan sana siya muli ng binata ngunit mabilis itong nakaiwas sa kaniya.
"Ya!" pinatakbo niya ng mabilis ang sinasakyan niyang kabayo habang nakatuon lamang ang atensyon niya sa kinaroroonan ng dalawang manananggal. Nangingitngit niyang kinakagat ang ibabang labi niya na halos hindi namalayang dumudugo na pala ito.
Patuloy pa rin ang pagbubungisngis ng dalawa habang nakasunod sila ng tingin kay Adena. Kaunting distansya na lamang at maabutan na sila nito. Ngunit sa isang iglap ay bigla itong naglaho sa kanilang paningin na ikinagulat naman nilang lahat. Tangging ang kulay itim nitong kabayo ang naiwan lamang doon habang patuloy pa rin ito sa pagtakbo.
"Nasaan na siya? saan siya nagpunta?!" natatarantang winika ng isang manananggal sa kasama niya.
"Bakit ako ang tinatanong mo? hindi ko rin alam kung nasaan na siya ngayon." Ang tinugon naman nito sa kaniya habang pareho nilang nililibot ng tingin ang buong paligid.
"Umayos ka nga! hanapin mo siya!" utos nito sa kaniya na ikinakunot niya sa noo.
Muling nabaling ang atensyon nito sa itim na kabayo na sinasakyan kanina ni Adena. Tinitigan niya ito ng maigi at pinagmasdan habang papalapit ito ng papalapit sa kanila. Laking gulat na lamang niya nang muling sumulpot sa paningin nila si Adena na biglang lumundag sa kabayong sakay nito at tsaka ito kinitilan sa leeg gamit ang matalas na punyal na ibinigay pa ni Boris sa kaniya bago ito umalis ng palasyo.
"Lowren!" sigaw ng kasama niyang manananggal.
Kaagad naman itong bumagsak sa lupa at nasawian ng buhay. Nagtaka pang tumakas ang isa ngunit hindi naman ito nakaligtas sa palaso ni Adena.
"Hindi maaari!" gulat na sinambit ng isang manananggal na nakasaksi sa ginawa nitong pagpaslang sa kaniyang mga kasamahan.
Bumagsak naman sa lupa ang gererong binihag ng mga 'to kanina. Huli na ang lahat nung maabutan niya ito dahil tuluyan na nga nilamon ng apoy ang buo nitong katawan. Doon lamang niya napagtanto na tama pala ang mga sinabi ni Balati sa kaniya kanina. Na kahit iligtas niya ito ay hindi na niya masasagip pa ang buhay ng kaawa-awang gerero.
Nalungkot siya at nagalit sa kaniyang sarili. Unang pagsubok pa lamang ngunit nabawasan na sila kaagad ng isa, paano pa kaya kapag nakarating na talaga sila sa kaharian ng Drima? hindi lang mga mahuhusay na mandirigma ang makakalaban nila roon kun'di maging ang kaniyang mga kapatid na may taglay na lakas at kapangyarihan. Pasalamat na lang siya at wala roon si prinsipe Adonis at Hyrim, dahil kung nagkataon na naroroon pa ang mga ito sa palasyo ng Drima ay baka magdalawang isip siya na tapusin ang kaniyang misyon.
Hindi naman siya gaanong nangangamba na baka matalo sila nito. Subalit natatakot lamang siya na baka sa pagbalik niya ng Hogon ay mag-isa na lamang siya.
"Ayos lang ho ba kayo, kamahalan?" nag-aalalang itinanong ni Balati sa kaniya. Hindi ito tumugon sa kaniya bagkus ay nilibot nito ng tingin ang buo nilang paligid kung saan napatumba nilang lahat ang mga manananggal na sumalakay sa kanila kanina. Muli niyang binalingan ng atensyon ang gererong nagbuwis ng buhay dahil sa kapabayaan niya. Nilapitan niya ito at pinagmasdan mula ulo hanggang paa. Halos hindi na makilala ang gerero dahil sa pagkasunog ng kaniyang katawan.
"Kailangan na po nating umalis, kamahalan." Mahinang binatid ni Balati sa kaniya. Tumango lamang siya sa ulo at tsaka pinakawalan ng malakas na apoy ang katawan ng gerero hanggang sa maging abo na lamang ito. Nabigla naman ang mga kasamahan nito sa ginawa ng reyna ngunit wala naman silang ibang magagawa pa kun'di ang lisanin na lamang ito.
Matagumpay silang nakatawid sa Hrocesbruh forest, ngunit may bakas naman ng lungkot sa kanilang mga mukha. Huminto sandali si prinsesa Adena at tumingala siya sa kalangitan. Hindi niya namalayan ganoong kahabang oras na pala ang nilakbay nila, na halos abutin sila ng pagsibol ng araw. Sabay nitong ipinikit ang kaniyang mga mata at lumanghap ng sariwang hangin na nagmumula sa mga halaman at punong nasa kapaligiran nila.
"Adena!" malakas na pagsigaw ang bumulabog sa kanilang mga pandinig na nagmula mismo kay Veles. Galit na galit ito nang madatnan niyang nakakalat sa lupa ang mga kauri niyang manananggal habang paunti-unti itong nilalamon ng apoy na niregalo ni Adena para sa kaniya.
"Hindi ba't boses ni Veles 'yon? ano na ang gagawin natin? hindi ba't ayon sa mga kumakalat na haka-haka ukol dito ay masyadong mapanganib ang nilalang na ito?" nangangambang isinaad ng isang gerero rito. Bigla tuloy nabahala ang ilan pa nitong mga kasamahan, habang kampante lamang ito sa kaniyang sarili at dinadama ang malamig na ihip ng hangin na dumadampi sa kaniyang mukha.
Lumingon at napatingin si Balati kay Adena. Nakaramdam siya ng usisa kung bakit tahimik lamang ito gayung narinig naman nilang lahat ang nakakapangilabot na boses ni Veles kanina.
"Ano po ang naiisip ninyong gawin, kamahalan?" ang itinanong niya sa reyna na ikinatahimik naman nilang lahat. Nakatutok lamang sila ngayon kay Adena at tila hinihintay ang pagbukas ng kaniyang bibig.
Imbis na tugunin ito ay nagbuga lamang siya ng malalim na paghinga at dahan-dahan na minulat ang kaniyang mga mata. Nagkataong napalingon siya kay Balati na kanina pang nakatingin sa kaniya.
Bakit ganiyan na lamang siya makatitig sa akin? may dungis ba ang aking mukha o baka naman nasilaw lamang siya sa kagandahan ko? Ang paglalayag sa isipan ni Adena habang pasimpleng pinagmamasdan ang binatang tutok na tutok sa kaniya.
"Kamahalan, ayos lang po ba kayo?" muli itong nagsalita na ikinalingon ng reyna sa kaniya. Tipong magsasalita pa lamang sana siya nang bigla siyang mapatingin sa mga kasamahan niya na nakatingin din pala sa kaniya.
Muli siyang nagtaka at napaisip kung bakit nakatuon lamang ang atensyon nilang lahat sa kaniya. Tila bigla tuloy siyang nakaramdam ng init mula sa kaniyang katawan at hinawakan ang magkabilaan niyang pisngi na ngayon ay nangangamatis sa sobrang pula.
Tumaas naman ang isang kilay ni Balati habang binabasa niya ang ekspresyon sa mukha nito. Hindi niya lubos na maitindihan kung bakit ito namumula ngayon at parang may kakaiba sa mga ikinikilos niya. Pinagmasdan niya ito mula ulo hanggang paa at pabalik. Subalit bigla siyang nakaramdam ng pagkabahala na para bang hindi si prinsesa Adena ang nasa harapan nila ngayon. Kaya kaagad siya humugot ng espada at tsaka ito itinutok sa bandang leeg ng reyna.
"Sino ka? magpakilala ka." Mahina ngunit mariin niyang winika sa dalaga. Tumingin ito sa kaniya at napansin niya na hindi ito nabigla sa ginawa niya, bagkus ay gumuhit pa ito ng ngiti sa gilid ng kaniyang labi.
"Sabihin mo, saan mo dinala ang reyna?" dugtong pa nito habang magkasalubong ang dalawa niyang kilay.