Sumapit na ang araw na itinakda sa pagsalakay nina Adena sa kaharian ng Drima. Pagkalabas niya ng palasyo ay sumalubong sa kaniya ang daan-daang alipin ng Hogon na umaabang sa kaniyang paglabas.
"Narito na ang mahal na reyna!" sigaw ng lalaking bampira. Napalingon silang lahat sa kinaroroonan ni Adena, kung saan nakasakay ito sa itim na kabayo. Hide armor, ang tawag sa kaniyang kasuotan na may mabalahibong kapang kulay puti mula sa kaniyang likuran. Ang balahibong ito ay yari mismo sa buhok ng isang lobo, kung saan nagsisimbolo ito ng isang malaking digmaan o pagdanak ng dugo. Nakatakip din ng pulang maskara ang buo niyang mukha sapagkat ayaw niyang ipaalam sa buong kaharian ng Drima na napawalang bisa na ang kaniyang sumpa. Gusto niyang manatili itong nakakapangilabot sa paningin ng lahat at gusto niyang makita na kinakatakutan siya ng lahat.
Wala itong gaanong dalang armas, maliban na lamang sa palaso niyang nakasabit sa kaniyang likuran. Napuno ng malakas na paghihiyawan ang buo niyang paligid habang may itinataas itong kaniya-kaniyang mga tanglaw na yari sa kahoy at may nagliliwanag na apoy mula sa tuktok.
Nilibot niya ito ng tingin at maigi niyang pinagmasdan. Mula sa likuran niya ay lumabas naman si Boris upang kausapin ang buo niyang nasasakupan. Tinaas nito ang isa niyang kamao hudyat ng katahimikan para sa lahat.
"Mukhang hindi ko na nga mapipigilan ang pag-alis ng aking reyna," pabiro niyang panimula na ikinangiti naman ng lahat. "Subalit wala naman akong magagawa dahil kayo ang nagdesisyon para rito. Batid kong napapanahon na rin upang ariin ang dapat talaga ay sa atin. Magiging mapangahas, mapanganib at nakakagimbal ang paglalakbay nilang ito, ngunit tayong lahat na mga nasasakupan ng Hogon ay walang kinakatakutan, pinanghihinaan at walang inaatrasan. Laban lang kung sa laban, dahil handa nating isakripisyo ang sarili nating mga buhay para sa kapakanan ng ating pamilya at sa buong kaharian ng Hogon. Nalulungkot man ako sapagkat hindi ko sila masasamahan sa mahaba nilang paglalakbay, ngunit akin namang nababatid na sa inyong pagbabalik ay bitbit ninyo ang malawak na ngiti sa inyong mga labi na sumisimbolo sa malaking tagumpay. Kaya itaas ninyo ang inyong mga kamay at sabay-sabay nating damhin ang nalalapit na tagumpay ng Hogon!" dugtong niya. Napuno muli ng paghihiyawan ang buo nilang paligid at sabay-sabay nilang itinaas ang mga hawak nilang tanglaw. Pagkatapos magsalita ng hari ay isa-isa nang nagsilisan ang mga kawal na kasama ng reyna sa paglalakbay patungo sa kaharian ng Drima.
"Mag-iingat ka, mahal ko. Huwag kang masyadong mangamba sapagkat sinabihan ko si Balati na huwag umalis sa iyong tabi kahit ano pa man ang mangyari." Mahinang winika ni Boris kay prinsesa Adena habang hinahawakan ang isang kamay nito.
Tumango na lamang ito sa kaniyang ulo at gumuhit ng maiksing ngiti mula sa kaniyang labi. Paunti-unti ay binitawan na siya nito at tsaka nilisan ang palasyo habang nakasunod sa bandang likuran niya si Balati na nakasakay din sa itim na kabayo. Nagkasalubong ang mga tinginan nila sa isa't-isa nang siya ay dumaan sa harapan nito at tila napunto naman kaagad ng binata ang nais niyang iparating sa kaniya. Iyon ay ang pinapagawa niyang misyon kay Balati na paslangin ang reyna sa oras na magbalik ito sa kaharian ng Hogon.
Wala pang dalawang oras nang marating nila ang gubat ng mga manananggal at tinawag nila itong, "Hrocesburh forest," o kagubatan ng mga mandurugo. Ito ay pinamumunuan ni Veles, ang aswang na may dalawang kasarian. Lalaki ang panlabas na anyo nito ngunit sa kaloob-looban niya ay may isang mabalasik na dalagita ang mahilig sa kalalakihan. Paglalaruan niya ito hanggat gusto niya at kapag nagsawa na siya ay dudukutin nito ang kaniyang puso na walang pag-aalinlangan. Subalit sa pagsapit ng kinaumagahan ay muli itong magbabalik sa dati niyang katauhan bilang isang lalaki. Pero sa pagkakataong iyon ay bilog na bilog ang buwan sa langit nung sila ay nagtungo roon.
"O ho!" hudyat ni prinsesa Adena sa kabayong sakay niya upang pahintuin ito. Sumunod din naman sa kaniya ang mga kasama niyang kawal at huminto sa kaniyang tabi.
"Ano pong problema, kamahalan?" usisa ni Balati sa kaniya na nasa bandang kaliwa lamang niya. Imbis tugunin ay tinaas na lamang nito ang isang kamao niya, hudyat na tumahimik silang lahat o huwag sila gumawa ng kahit ano mang ingay. Saglit nitong ipinikit ng sabay ang kaniyang mga mata at mas tinalasan niya ang kaniyang pandinig.
Maigi nitong pinakinggan ang buong kapaligiran. May naririnig siyang pagsipol ng hangin subalit may isang huni pa siyang naririnig sa kabilang tainga niya na para bang mas lumalakas pa ito habang papalapit ng papalapit sa kaniya.
"Kamahalan!" sigaw ni Balati sa kaniya nang tumambad sa paningin nila ang isang manananggal na patungo ngayon sa kinaroroonan ni Adena. Napamulat naman ito kaagad ng mata at mabilis na napalingon sa bandang kanan niya, kung nasaan ang aswang. Mabilis ang paglipad nito pero wala ng mas bibilis pa sa mga kamay ni Adena, nung siya ay tuhugin nito ng sibat mula sa kaniyang noo.
Namilog ang mga mata ng kasamahan niya sa kanilang nasaksihan. Hindi nila inaasahan na mas mabilis pa itong umaksyon kesa sa kanila. Namangha silang lahat sa katapangan at kahusayan na pinakita ng reyna sa kanila. Nagsipalakpan pa nga ang mga ito habang hinuhugot niya ang sariling sibat mula sa noo ng manananggal. Pagkatapos non ay muli niya itong ibinalik sa kaniyang likuran at nilingon ang mga kasamahan niya na para bang walang nangyari.
"Maging alerto kayong lahat, panimula pa lamang iyan." Binalaan niya ang mga ito dahil nakukutuban siya na hindi magiging madali ang paglampas nila sa kagubatang iyon.
"May katotohanan nga ang mga kumakalat na usapin ukol sa kahusayan ninyo bilang mandirigma." Prenteng winika ng isa niyang kawal na sinang ayunan naman nilang lahat, puwera lang kay Balati na nakatitig pa rin kay prinsesa Adena.
"Huwag kayo masyadong magpakampante. Alalahanin ninyo nasa gubat tayo ng mga manananggal, hindi natin masisiguro kung makakalabas pa ba tayo rito ng maayos at buhay." Ang tinuran niya sa seryosong boses at mukha, habang patingin-tingin ito sa kanilang paligid. Tumikom naman ang bibig nilang lahat sa sinabi ng reyna at muli nilang pinagtuonan ng atensyon ang lugar na kinaroroonan nila ngayon.
Nabibilang ang Hrocesbruh forest sa may pinakamalawak na kagubatan sa buong kaharian ng Hogon. Subalit ang dalagang nasa katauhan ni Veles ay tutol ukol dito. Hindi siya pabor sa ideya na nasasakop ito ng kaharian ng Hogon, dahil ang gusto lamang niya ay nakabukod ito roon at kaniya lang ang buong kagubatang iyon. Ang sino mang humadlang sa kaniyang mga desisyon ay walang puso niyang papaslangin o papahirapan hanggang sa malagutan ito ng hininga. Pero para kay Veles, mula sa lalaking katauhan ay pabor siya na hindi niya pagmamay-ari ang lugar na iyon at sakop ito ng Hogon. Kung saan malaya itong mapapasyalan at mapupuntahan ng kahit sino mang imortal. Pero madalas sa umaga lamang sila nagpupunta rito, sapagat pinakalat ni Veles sa lahat na may kakambal siyang babae na salungat sa kaniyang pag-uugali. Nakakatakot ito, mapanganib, matapang at higit sa lahat walang habas kung siya ay pumatay. Kaya magmula no'n ay kakaunti na lamang ang pumapasyal dito at nililisan din nila ito kaagad bago pa man pumatak ang pagtatakipsilim.
Napuno ng katahimikan ang buo nilang paligid at mahusay nila itong pinagmasdan. Maya-maya pa ay nakarinig sila ng malalakas na huni ng hangin na humahampas sa bawat sanga. Napatingala silang lahat at nilibot ng tingin ang bawat matatayog na puno.
"Maghanda kayo, nandito na sila." Ani ni prinsesa Adena habang nakatugon ang atensyon niya sa ibang direksyon kung saan may naririnig siyang malakas na ingay na mukhang paparating sa kinaroroonan nila.
"Ilag!" sigaw ng gerero sa kasamahan nito nang sumulpot bigla sa bandang likuran nila ang isang manananggal. Hindi ito naging alerto sa kaniyang paligid at hindi rin nito inaasahan na susulpot ito bigla sa likuran nila kung kaya't natanggay siya nito palipad at papalayo sa kanila. Lumingon naman kaagad si Adena sa manananggal na ito at mabilis na kinuha ang kaniyang palaso mula sa likuran, sabay pinana ito sa bandang kanang bagwis niya dahilan para umugong ito ng malakas. Nabitawan nito ang lalaki at kaagad ding itinakbo ni Balati ang kaniyang kabayo upang saluhin ito sa kaniyang pagbaba.
"Mag-iingat kayong lahat! masyadong mapanganib ang mga manananggal kaya huwag ninyo hahayaang maagaw nila sa inyo ang mga buhay niyo!" malakas na isinaad ni prinsesa Adena sa kanilang lahat. Sabay-sabay naman silang tumango sa kanilang mga ulo at tagumpay na naisalo ni Balati ang gererong ito.
Napansin ng binata na may natamo itong malalim na kalmot mula sa kaniyang batok. Marahil ay sanhi ito ng paghatak sa kaniya kanina ng manananggal at dahil na rin sa mga mahahaba at matutulis nitong mga kuko sa daliri. Tinakpan niya ito kaagad ng puting tela na pinunit niya mula sa laylayan ng kaniyang kasuotan.
"Maraming salamat po," mahinang tinuran ng gerero kay Balati. Tumingin lamang siya rito at muling bumaling sa harapan.
"May natamo siyang hiwa," bungad na sabi ni Balati sa mga kasamahan niya nang makalapit na siya rito. Nanlaki naman ang mga mata ng gererong ito nang mahawakan niya ang likod ng kaniyang leeg. Halos hindi siya makapaniwala nang makita ang sariling dugo mula sa kaniyang palad. "Wala kang dapat na ipangamba. Malayo pa naman 'yan sa bituka at hindi ka mamamatay." Dugtong niya rito sabay inilipat siya sa isa pa niyang kasamahan.
"Ikaw na muna ang bahala sa kaniya. Tiyak na sasalakayin siya ng mga manananggal sa oras na malanghap nila ang amoy ng dugo niya." Ang hinabilin ni Balati sa kaniya na ikinatango na lamang nito sa kaniyang ulo.
"Kumapit ka ng maigi sa akin." Ani ng gerero sa sugatan niyang kakampi.