"May naiisip ka na bang plano sa oras na matagumpayan nga ni prinsesa Adena ang kaniyang misyon?" prenteng itinanong ni Gord kay Boris habang pinagmamasdan nito ang makakapal at naglalakihang sing-sing sa mga daliri niya sa kamay.
"Sa ngayon, wala pa." Maikling tugon nito sa kaniya. Tumingin ito sa kaniya at umusod ng kaunti palapit kay Boris.
"Ano ang binabalak mong gawin sa kaniya? pananatilihin mo pa rin ba siya bilang reyna ng Hogon? alam mo naman na hindi siya kasali sa napagkasunduan nating dalawa." Ani ni Gord sa kaniya na may guhit ng kunot sa kaniyang noo. Hindi naman nakatugon kaagad si Boris sa kaniya, bagkus ay tumayo ito at tumungo sa mga imbakan niya ng armas kung saan naroroon ang pinakatatago niyang espada. Kinuha niya ito at pinagmasdan ng taas-baba.
Napalingon naman si Gord sa kaniya at napatayo rin ito nang makita ang makapangyarihang espada na hawak nito. Ngumiwi ito sa kaniyang labi at tsaka lumakad palapit sa kaniya.
"Nasa sa iyo pa rin pala 'yan magpahanggang ngayon. Hindi ako makapaniwala na muli ko 'yan makikita sa iyo," nakangiting smabit nito sa hari.
"Tama ka. Halos mahaba-habang panahon na rin ang nakakalipas magmula no'ng gamitin ko ito sa pakikipaglaban sa hari ng Drima. Hindi man ako nagkaroon ng pagkakataon na mapatunayan sa kaniya ang kahusayan ko sa paggamit ng espada, subalit natitiyak ko naman na ito ang tamang pagkakataon na iyon upang maipakita ko sa kaniya kung ano ang kakayahan ng espadang ito." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay mabilis naman niya itong itinutok sa lalamunan ni Gord na siya namang ikinagulat nito. Namilog ang kaniyang mga mata sa lubos na pagkagulat, lalo pa nung makita niya ang dulo ng espada na nakaturo sa kaniya.
Lumapit kaagad sa kanila ang ilang mga tauhan na kasama ni Gord sabay tinutukan nila ng espada ang hari, ngunit mabilis din namang rumesponde ang mga kawal nito at humugot din ng mga kaniya-kaniyang espada sabay tinutok sa mga tauhan nito.
Napangisi at napabungisngis na lamang si Gord sa mabilis na pangyayari. Nilibot niya ng tingin ang buo nilang paligid at tsaka siya tumingin sa kaharap niyang hari.
"Masyadong mapanganib itong larong iniisip mo, kamahalan," Mariin niyang isinaad kay Boris. "Mas maigi siguro kung ibaba mo na 'yang sandatang hawak mo bago pa man magkaroon ng pagdanak ng dugo rito." Dugtong nito habang nakahawak siya sa dulo ng espada nito at dahan-dahan itong pinapababa. Lumingon saglit si Boris sa mga kawal niya at tumango siya ng isang beses sa kaniyang ulo upang senyasan ito na ibaba na rin ang mga hawak nilang sandata. Sinunod naman siya kaagad ng mga ito at ganoon na rin ang mga tauhan ni Gord.
"Ipagumanhin mo, gusto ko lang naman sanang biruin ka ngunit hindi ko inaasahan na seseryosohin pala ito ng 'yong mga kawal," ang sinabi na lamang niya na may guhit ng ngiti sa kaniyang labi. Tumingin naman si Gord sa mukha ng mga kawal ng hari at muling ngumiwi sa kaniyang labi.
"Mukhang hindi lang naman ang mga kawal ko ang masyadong naging agresibo kanina, hindi ba?" aniya na may halong diin sa tono ng kaniyang boses kahit may guhit ng ngiti sa kaniyang labi.
Tumaas tuloy ang isang kilay ng hari subalit hindi na lamang niya ito gaanong pinatulan pa. Alam naman kasi niya na walang patutunguhan ang pakikipagtalo niya sa kaniya, gayung alam din niya na hindi ito masyadong marunong tumanggap ng pagkatalo lalo na sa mga ganitong klase ng sitwasyon.
Pilit na lamang siyang tumawa at umakbay sa balikat niya, pagkatapos ay muli nilang binalikan ang mga puwesto nila kanina.
"Ang totoo niyan ay nasabi ko na kay Balati ang mga pinaplano kong gawin para sa kaniya (kay Adena)," ang sinaad ni Boris pagkatapos niyang umupo. "Binabalak kong tapusin siya sa oras na matapos na niya ang kaniyang misyon at ipapaubaya ko ang lahat ng iyon kay Balati." Dugtong nito na ikinahalakhak naman ng malakas ni Gord habang pumapalakpak pa ito sa kaniyang mga kamay.
"Ayan, ganiyan nga! ganiyan nga ang isang Boris na nakilala at kinaibigan ko nuon. Alam ko naman na hindi mo talaga ako bibiguin at inaasahan ko ang nalalapit na tagumpay ng buong Hogon sa'yo." Pagkatapos niyang magsalita ay tumayo na ito. "Kung kakailangin mo ang tulong ko, huwag na huwag kang magdadalawang isip na lumapit sa akin. Handa akong paglikuran ng buong karangalan, kamahalan." Dagdag niya sabay tinungo ang kaniyang ulo at kaagad ding nilisan ang sikretong silid na iyon. Umikot lang ito at mabilis na naglaho sa pamamagitan ng itim na usok.
Pabagsak namang napaupo ang hari sa kaniyang upuan at tsaka bumuga ng malalim na paghinga. Sinapo nito ang sarili niyang noo gamit ang isang kamay niya at halata sa mukha niya ang lubos na pangamba.
"Sinigurado mo ba na wala kang itinira ni isa sa kanila?" mahina niyang tanong kay Balati na kaagad din namang lumapit sa kaniya.
"Opo, kamahalan. Maging ang buong pamilya nito ay amin na ring pinatahimik upang walang makakaalam." Ang tinugon nito habang nakatungo lamang ang kaniyang ulo.
Inutos ni Boris kay Balati at sa kaniyang mga tauhan na paslangin ang bawat kalalakihan na nakatalik at nakarelasyon ng reyna, (si Prinsesa Adena.) Maging ang mga kapamilya at kamag-anak ng mga ito ay pinapaslang din niya upang walang makaalam o makahadlang pa sa mga pinaplano niya. Pati yung mga nagprotesta nuon sa harap ng kanilang palasyo ay pinapaslang din niya maliban na lamang kay Daon na walang kaalam-alam sa mga ipinapagawa ng hari. Tangging siya at ang mga alipin lamang niya ang nakaligtas sa malupit na parusa ng hari.
Pinili niyang ilihim ito kay prinsesa Adena sapagkat alam niya na maaaring mag-iba ang pagtingin nito sa kaniya o baka bigla siyang iwasan nito. Bagamat pinipilit niyang pigilan ang bugso ng kaniyang damdamin ay hindi naman niya maiwasan ang hindi magselos o makaramdam ng paninibugho sa tuwing may naririnig siyang usap-usapan na kumakalat tungkol sa reyna na may kasamang ibang lalaki.
Nilisan nila kaagad ang sikretong silid na iyon. Nakasunod pa rin si Balati sa likuran niya nang bigla nilang makasalubong si Adena na nagkataon namang napadaan sa librerya. Parehas silang natigilan at nahinto sa kanilang paglalakad. Nagtama ang mga tinginan nila sa isa't-isa habang may bakas ng pagkagulat sa mukha ni Boris.
"Nandito ka lang pala, kamahalan. Halos kanina pa kita hinahanap, dito lang pala kita matatagpuan." Nakangiting batid ni Adena sa kaniya habang sumisilip pa ito sa bandang likuran niya. Hinarangan naman siya kaagad ng tingin nito at sapilitang ngumiti sa kaniyang labi.
"Masyado pang maaga. Naabala ba kita sa iyong pagtulog?" aniya sabay hinawakan niya ang kamay nito na mas lalong ikinangiti ng dalaga sa kaniya. Bumaba ang tingin ni Adena sa nakahawak nitong kamay sa kaniya at muli niyang tinitigan sa mata si Boris nang biglang pumukaw sa atensyon niya ang makisig na binatang nasa bandang likuran nito, si Balati.
Tila napakunot noo naman siya nang mapansing hindi na sa kaniya nakatuon ang atensyon nito. Lumingon pa siya sa kaniyang likuran upang siguraduhin kung sino ba ang tinitignan nito at laking pagtataka na lamang niya nang mapagtango na ang magiting pala niyang kawal ang siyang umagaw sa atensyon nito.
Binalikan niya ng tingin si Adena at hinapit ito sa kaniyang bewang na siya namang ikinagulat niya. Nagawa niyang agawin muli ang atensyon nito at napahawak pa ito sa balikat niya.
"Alam mo ba kung ano ang pinakaayaw ko sa lahat?" mahina niyang tanong sa reyna, "Ano?" aniya naman.
"Kapag hindi ko nasisilayan ang kagandahan mo," tugon niya habang hinahawakan ang pisngi nito, "Kaya sa akin ka lang titingin, naiitindihan mo ba?" dugtong pa niya na ikinatango na lamang sa ulo nito. Muli niyang sinulyapan ng malagkit na titig sa mata si Balati, ngunit sa pagkakataong iyon ay hindi ito napansin ni Boris dahil pinangunahan siya nito sa paglalakad habang nakahawak pa rin sa kamay niya.
Nagtama ang mga tinginan nilang dalawa ng binata subalit kaagad din siyang iniwasan nito ng tingin at niyuko na lamang ang kaniyang ulo. Napangiwi naman siya at muling binalikan ng tingin si Boris na sumakto namang napalingon sa kaniya.
"Nagugutom ka ba? ano ang iyong nais na kainin at ipaghahanda ko na kaagad sa kanila." Malambing nitong isinaad sa kaniya. Huminto saglit sa paglalakad si Adena at nilingon niya anv makisig na binata.
"Ikaw?" bungad niyang sambit na kumakagat pa sa ibaba niyang labi. Napaangat tuloy ng tingin ang binata sa kaniya at salit-salitan sila nitong tinitignan na may bakas ng pagtataka sa kaniyang mukha. "Ano ang paborito mong pagkain?" sa pagkakataong iyon ay humakbang na si Adena palapit sa kaniya habang nakasunod naman ng tingin si Boris at may guhit ng kunot sa noo nito. Umiwas na lamang ng tingin si Balati sa mahal na reyna at muli niyang niyuko ang kaniyang ulo.
"Bakit ka namumula? may sakit ka ba?" wika nito sa boses na parang nag-aalala sa kaniya. Inangat nito ang isa niyang braso at tsaka hinipo ang kaliwang pisngi niya na siya namang ikinagulat ng hari sa kaniya.
"Adena!" mariin niyang sambit. Mabilis niya itong nilapitan at hinawakan sa braso niya upang ilayo siya sa binata. "Ano sa tingin mo ang ginagawa mo?!" dugtong nito habang magkasalubong ang dalawa niyang kilay. Lumingon naman si Adena sa kaniya na para bang walang itong kamuwang-muwang na may nagawa siyang pagkakamali.
"May mali ba akong nasabi? gusto lang naman siyang tanungin kung maayos lang ba ang kaniyang pakiramdam." Ang tinugon niya habang salit-salitan niyang tinitignan sa mukha ang dalawa.
Segundong ipinikit ni Boris ang dalawa niyang mga mata at tsaka siya bumuga ng malalim na paghinga. Pinilit niyang pakalmahin ang kaniyang sarili upang hindi siya makagawa ng hindi maganda roon bago pa man tuluyang maubos ang pasensya niya.
"Halika na," ang sinabi na lamang niya sabay hinablot ang isang kamay ni Adena na ikinabigla naman nito. Sumunod din naman ito kaagad sa kaniya at nagtungo silang dalawa sa hapag-kainan, habang nakasimangot pa rin ang ekspresyon ng mukha ni Boris.