Kasalukuyang namamahinga sa kama sina prinsesa Adena at Boris habang parehas na hubo't hubad ang kanilang mga katawan. Tangging manipis na puting tela lamang ang gamit nilang panakip habang nakayakap naman si Boris sa bandang likuran niya.
"Hindi ko aakalaing aabot tayo sa ganito," ang pabulong na sinambit ng dalaga sa sarili niyang bibig.
"Ikaw ba'y naninimdim sa ating mga napagsaluhan?" ang binulong ni Boris sa kaniyang tainga sabay dinampian niya ito ng halik sa kaniyang batok.
Hindi naman nakatugon kaagad ang dalaga sa kaniya, bagkus ay humarap siya rito at sinubsob ang kaniyang mukha sa matipunong dibdib ng binata.
"Nagagalak ako na makilala ka." Saad niya sa malambing na boses na ikinangiti naman ng binata at tsaka siya hinalikan sa kaniyang noo.
"Pinapangako ko sa iyo na ikaw lamang ang magiging pinakamaligayang reyna sa buong kaharian. Titingalain at gagalangin ka ng lahat. Walang sino mang hahamak sa'yong lumapit o hamunin ka dahil hindi ko hahayaang mangyari pa muli ang mga masalimuot nating nakaraan. Ipapadama ko sa iyo ang wagas na pagmamahal na hindi kailanman pinahalagahan ng iyong ina. Gagawin ko ang lahat para sa iyong ikabubuti, aking reyna." Ani ni Boris na ikinatingala ng dalaga sa kaniya habang siya'y tinititigan sa kaniyang mga mata.
"Kahit pa ang maging kapalit ay 'yong sariling buhay?" usisa nito sa kaniya. Tila nag-alinlangan ito sa sinabi ni prinsesa Adena at bigla na lamang itong napabangon mula sa kaniyang pagkakahiga.
Sinundan siya ng tingin ni Adena na may guhit ng kunot sa kaniyang noo at bakas ng pagtataka sa kaniyang mukha.
Nanatiling walang imik ang dalawa habang nagbibihis si Boris at habang pinapanuod siya ng dalaga.
"Ano ang iyong ginagawa?" muling tanong niya sa binatang nasa harapan niya. Natigilan naman ito sandali at napasulyap sa kaniya.
"Bakit?" ang tangging nasambit lamang ng binata.
"Bakit iniiwasan mo ang aking itinanong sa iyo? hindi mo ba kayang isugal ang 'yong sariling buhay alang-alang sa aking kapakanan?" sarkasitang saad ni prinsesa Adena na siya rin namang bumabangon sa kama at pinupulot ang sarili niyang mga damit.
Muli siyang hindi tinugon ng binata. Umiwas na lamang ito ng tingin sa kaniya at tsaka tumalikod.
"Huminto ka!" utos ng dalaga sa kaniya matapos nitong maisuot ang manipis niyang itim na bistida. Huminto rin naman kaagad sa paghakbang si Boris nang marinig niya ang sinabi ng reyna sa kaniya.
Hindi siya gumalaw sa kinatatayuan niya at hinintay na lamang niya na makalapit ito sa kaniya.
"Ngayong nakuha mo na ang iyong gusto, mukhang wala na rin akong halaga para sa iyo, tama ba ako?" ani ni Adena nang makalapit na siya sa kaniya at pumunta sa harapan niya. Dahan-dahan naman siyang inangat ng tingin ni Boris at hinapit sa kaniyang bewang na ikinabigla ng dalaga.
"Ano ang nais mong patunayan ko sa iyo?" mahina niyang sambit na ikinangisi naman ng dalaga.
"Patunayan mo na mahal mo ako." Nakangiwing tugon niya. Tipong hahalikan na sana siya ng binata sa kaniyang labi nang biglang bumukas ang kanilang pintuan at pumasok ang isa mga masugid nilang kawal na siya namang natigilan at mabilis na napaiwas ng tingin sa kanila nang makita ang eksena ng dalawa.
"Hindi ka ba marunong kumatok?! ano ang ginagawa mo rito?!" mariin na winika ni Boris na magkasalubong ang dalawa niyang kilay. Kaagad din niyang binitawan ang dalaga at nilapitan ang kaniyang kawal.
"Ipagumanhin ninyo po sana ang aking kahangalan, kamahalan." Ani ng kaniyang kawal sabay tinungo ang kaniyang ulo at binaba ang kaniyang tingin upang magbigay galang sa kanila.
"Ano ang iyong sinadya at bakit ka naparito?" malumanay na itinanong ni prinsesa Adena sa kaniya.
"Kasalukuyan pong may nagaganap na himagsikan sa labas ng palasyo at ang layunin po nila ay," hindi niya itinuloy ang kaniyang pagsasalita at pasimple niyang sinulyapan sa mukha ang mahal na reyna.
"Bakit? ano ang problema?" usisa ni Boris sa kaniya na may guhit ng kunot sa kaniyang noo.
"Kung mamarapatin ninyo po sana, kamahalan. Kayo na lamang ho ang humusga sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa labas." Muli nitong niyuko ang kaniyang ulo at apurahan namang lumabas ng pintuan si Boris habang nakasunod sa bandang likuran niya si prinsesa Adena.
Pagkarating nila sa terado ay halos namilog ang kanilang mga mata sa kanilang nakita at nasaksihan. Lahat yata ng nilalang na nakatira sa kanilang kaharian ay naroroon upang magprotesta at pababain sa posisyon ang reyna o si prinsesa Adena.
"Anong kahangalan ito?!" mariin na sinambit ni Adena, matapos niyang mapagmasdan ang kaguluhang nangyayari roon.
"Ang reyna!" sigaw ng isang nilalang nang makita ito sa tuktok ng tore.
"Bumaba ka rito at harapin mo kami!" naghahamon na sigaw ng isang ginang na galit na galit sa kaniya ngayon. Sumang-ayon naman ang mga kasamahan pa nitong mga kababaihan at mas lalo pang naging agresibo na halos batuhin na nila ng kamatis ang kinaroroonan ng reyna.
Tikom lang ang bibig ni Boris habang pinapanuod niya ang nangyayari sa kanilang kaharian. Napatingin lamang siya sa reyna na nasa tabi niya ngayon at hindi siya makapaniwala na nangyayari ito ngayon sa kanilang palasyo. Ito kasi ang kauna-unahang pagkakataon na may nagprotesta at tumutol sa kaniyang mga naging desisyon.
"Reyna, batid mo ba kung ano ang kanilang mga hinakdal nila sa iyo?" ang itinanong ni Boris sa dalaga na ikinalingon naman nito sa kaniya.
"Inosente ako at wala akong malay sa mga ibinibintang nila sa akin, mahal kong hari." Ang tinugon nito sa kaniya na may nakakaawang ekspresyon sa kaniyang mukha.
"Ibalik mo sa amin ang aming mga asawa!" sigaw ng isang babae na ikinalingon at ikinabigla ni Boris.
"Ano ang ibig niyang sabihin? ano ang kailangan niyang ibalik sa iyo?" pagtataka ni Boris sabay binalingan niya muli ng tingin ang katabi niyang reyna.
"Hindi ko alam. Hindi ko alam ang kanilang sinasabi, marahil ay nais lamang nila akong sirain sa iyo, mahal ko." Aniya na may bakas ng pangamba sa kaniyang mukha habang paunti-unti itong humahakbang paatras sa kaniya.
"Ibalik mo ang aming mga asawa!" ang paulit-ulit na sinisigaw ng mga kababaihan sa kanila na mas lalong ipinagtaka ni Boris sa dalaga. Palipat-lipat lamang ang tingin niya kay Adena at sa mga alipin niyang nagpoprotesta ngayon sa harap ng kanilang palasyo.
"Kamahalan!" nag-aalalang turan ng isang kawal sa reyna matapos itong matamaan ng hinog na kamatis sa kaniyang mukha na nagdulot ng dungis sa kaniyang kagandahan.
Ikinagalit naman ito ng hari at mabilis niyang pinatigil ang ginagawa nilang pambabato sa reyna.
"Magsitigil kayong lahat!" malakas niyang iniutos at isinigaw sa kaniyang mga alipin.
Huminto at tumigil din naman kaagad ang mga ito matapos nilang marinig ang nagagalit na boses ng kanilang hari.
"Hindi niyo ba nalalaman ang inyong mga ginagawa sa reyna? isang malaking kahangalan at kalapastangan ang ginagawa ninyong pagtitipon ngayon at p*******t sa kaniya!" mariin niyang pinahayag na may bakas ng poot sa kaniyang mukha.
Natahimik na lamang si prinsesa Adena at natulala sa ginawang pagtatanggol sa kaniya ni Boris. Tila hindi niya inaasahan na magagalit ito sa ginawang p*******t sa kaniya ng mga sarili niyang alipin.
"Kung sino ka mang nanakit sa aking reyna, itaas mo ang iyong kamay at magpakita ka sa akin. Dahil kung hindi, lahat kayo ay hahatulan ko ng mabigat na kaparusahan." Taas-noo niyang winika na may nakakapangilabot na titig sa kaniyang mga mata.
Sa una ay walang nagpresinta o walang umamin sa kanila kung sino yung bumato ng kamatis kanina sa mahal na reyna. Ngunit sa muling pagsisiyasat ni Boris ay may isang pamilyar na babae ang humakbang paabante at lakas-loob na itinaas ang kaniyang kamay na nakapukaw sa kanilang atensyon.
"Ako ho ang bumato sa reyna kanina, kamahalan." Saad nito sa malumanay na boses. Halos natahimik at nabigla naman si Boris nang masilayan niya ang mukha nito at napagtanto ang babaeng nagsalita. Ito ay si Daon, isang maharlikang bampira at isa siya sa mga babaeng nakaraan ni Boris na hinding-hindi rin niya malilimutan.
Kung hindi niya nakilala si prinsesa Adena at kung hindi lang nito tinanggihan ang inaalok niyang pagpapakasal nuon ay baka si Daon ang siyang namumunong reyna ngayon sa kaharian ng Hogon.
Napalingon si prinsesa Adena kay Boris na may bakas ng pagtataka sa kaniyang mukha. Napansin niya na parang umurong ang dila nito matapos niyang makita si Daon.
"Alam kong malaking kaparusahan ang naghihintay para sa akin. Subalit hindi niyo man lang ba kami uusisain kung bakit namin ito ginagawa at kung bakit kami naririto ngayon sa labas ng inyong palasyo, kamahalan?" sabay tumingala si Daon sa kaniyang kinaroroonan habang nananatiling tikom ang bibig ni Boris at nakatitig lamang siya sa nilalang na nagsalita.
Kumunot naman ang noo ni prinsesa Adena habang pinagmamasdan niya ang kaniyang asawa na animoy may pagtingin pa ring nararamdaman para kay Daon.
"Putulan siya ng mga kamay o braso. Iyon ang nais kong ihatol na kaparusahan para sa kaniya." Ang tinuran ni prinsesa Adena na ikinalingon at ikinagulat ni Boris sa kaniya.
Maging ang mga alipin nito ay nagulat sa binitawang kaparusahan ni Adena para kay Daon. Subalit hindi naman nasindak o nawindang si Daon sa sinabi ng reyn, bagkus ay tinanggap niya ito ng walang pag-aalinlangan at taas noo.
"Kung iyon po ang inyong ninanais, mahal na reyna." Sabay niyuko ni Daon ang kaniyang ulo na mas lalong ikinabigla ni Boris sa kaniya. Ngumisi naman si prinsesa Adena at mukhang mas lalo pa siyang naging interesado sa kaniya.
"Walang magaganap na paghatol." Ang sinaad ni Boris na kaagad din namang ikinalingon ni Adena sa kaniya.
"Ano ang iyong ibig sabihin?" usisa niya na may halong poot sa tono ng kaniyang boses.
"Nais ko munang marining ang rason ng kanilang pagparito at kung bakit nila ito ginagawa ngayon." Ang tinugon ni Boris sa kaniya na ikinatuwa naman ng mga alipin niya.
"Ano?! bakit kailangan mo pang pag-aksayahan ng oras ang mga hampaslupang iyan? hindi ka ba naniniwala sa akin, mahal kong hari? wala ka bang tiwala sa iyong asawa?" tumaas lang ang isang kilay ni Boris sa mga binitawang salita ni prinsesa Adena sa kaniya at tila hindi niya nagustuhan ang kababang ginawa nito sa kaniyang mga alipin.
"Ano man ang inyong rason, makikinig ako. Kaya inaanyayahan kitang pumasok sa loob ng aking palasyo." Imbis na panigan ang sarili niyang asawa ay mas pinili pa rin ni Boris na gampanin ang pagiging isang hari niya sa kaniyang mga alipin. Kaya binalikan niya ng tingin at atensyon ni Daon at inimbitahan pa niya itong pumasok sa loob ng kanilang palasyo upang makapag-usap sila ng masinsinan. Pagkatapos non ay tumalikod na siya at iniwan ang kaniyang reyna na nakasunod naman ng tingin sa kaniya na magkasalubong ang dalawa niyang kilay.