"Sino ang babaeng 'yon? may namamagitan ba sa inyong dalawa? o magkakilala ba kayong dalawa?" sunud-sunod na usisa ni prinsesa Adena kay Boris habang nakasunod siya sa bandang likuran nito.
Huminto naman sandali sa paglalakad si Boris at tsaka ito humarap sa kaniya.
"Tama ka, magkakilala nga kaming dalawa. Ang pangalan niya ay Daon, anak siya ng makapangyarihan at maharlikang pinuno ng mga bampira." Malumanay nitong itinugon sa dalaga. Subalit parang hindi pa rin naging sapat kay prinsesa Adena ang mga narinig niyang tugon mula sa kaniyang asawa.
"Kung gayun, nais kong malaman kung papaano kayo nagkakilalang dalawa?" aniya na muling ikinahinto ni Boris sa paghakbang. Muli niyang nilingunan ang reynang nagsalita at tinignan niya ito sa mukha ng may bakas ng pagtataka.
"Ano ang iyong ibig sabihin?" usisa ni Boris sa kaniya. Lumapit naman si prinsesa Adena sa kaniya at lakas-loob siyang hinarap nito.
"Sino ang babaeng 'yon sa iyong buhay, Boris?" mahina ngunit mariin niyang sambit. Napabuga na lamang ng malalim na paghinga si Boris at iniwasan ito ng tingin sa mata. Tipong magsasalita pa lamang siya nang bigla namang sumulpot sa bandang likuran nila si Daon, na siyang pinag-uusapan ng dalawa.
"Sigurado ka ba na iyan lamang ang nais mong malaman, mahal na reyna?" ani ni Daon habang naglalakad ito palapit sa kanila. Sabay namang napalingon ang dalawang kamahalan sa kaniya at natulala na lang sii Boris nang muli niyan masilayan ang kagandahan ng dalagang bampira.
"Isang hangal na bampira," sambit ng reyna sa sarili niyang bibig matapos niyang mapagmasdan mula ulo hanggang paa ang babaeng nasa harapan nila ngayon.
Napangisi na lamang si Daon sa sinabi ni prinsesa Adena at hindi na lamang niya ito gaanong tinuonan ng pansin.
"Maupo ka," malumanay na anyaya ng hari sa kaniya. Mabilis namang napalingon ang reyna sa sinabi ng kaniyang asawa at muling sumimangot ang mukha nito habang nakatingin siya sa kaniya.
Ngumiti at marahang niyuko ni Daon ang sarili niyang ulo sa harap ng hari at tsaka ito umupo sa luklukan na tinutukoy sa kaniya. Sinundan siya ng tingin ni prinsesa Adena hanggang sa makaupo siya habang magkasalubong ang dalawa niyang kilay.
"Nagagalak ako na makita kayong muli, kamahalan." Mahinhin na sambit ni Daon kay Boris na may maiksing guhit ng ngiti sa kaniyang labi.
Umupo naman si Adena sa tabi ng hari at salit-salitan niyang pinagmamasdan sa mukha ang dalawa.
Ano ba ang ginagawa nilang dalawa? bakit parang hindi yata ako natutuwa sa bawat ngiti nila sa labi? ano ba talaga ang naging relasyon nilang dalawa sa nakaraan? ang paglalayag sa isipan ni prinsesa Adena, na hindi mapakali kung kanino ba siya titingin.
"Ganoon ba?" ang tinugon ni Boris kay Daon.
"Siya nga po pala," saglit siyang tumayo at lumuhod sa harapan ng kamahalan na ikinagulat naman ng reyna.
Ano ang ginagawa niya? bulong ni Adena sa kaniyang isipan.
"Ipagumanhin niyo po sana ang kahangalan na ginawa ng aking alalay kanina sa inyo, mahal na reyna." Aniya na mas lalo niyang ipinagtaka sa kaniya.
Ano ba ang sinasabi ng babaeng ito? parang kanina lang ay hinahamon niya ako, pagkatapos ngayon ay lumuluhod at nagmamakaawa siya sa aking harapan. Ganitong klase ba ng babae ang napupusuan ng hari? muling paglalayag ng reyna sa kaniyang isipan habang pasimple niyang sinusulyapan sa mukha si Boris.
"Tumayo ka, Daon. Hindi mo kailangang ibaba ang iyong sarili para sa pagkakasala na ginawa ng iyong alipin. Siya dapat mismo ang humingi ng tawad sa reyna at hindi ikaw." Ang sinaad ni Boris kay Daon, na siya namang ikinataas ng isang kilay ni prinsesa Adena.
Pinagtatanggol ba niya ang bampirang ito o dahil sa nasasaktan ang kaniyang damdamin kapag binababa niya ang kaniyang sarili? ani ni Adena sa kaniyang sarili.
"Ang mga tauhan ko po ay hindi lang basta alipin na dapat ay alilain. Mahalaga po sila sa akin at tinuturing ko na po sila bilang bahagi ng aming pamilya. Kung kaya't hindi ko po hahayaan na masaktan o mapahamak sila, kamahalan. Kung may nagawa man po silang pagkakamali, ako dapat ang maparusahan at hindi sila." Malumanay na pahayag ni Daon habang nakakunot naman ang noo ni Adena sa kaniya.
"May punto siya. Nararapat lang na ang pinuno niya ang siyang dapat na maparusahan at hindi ang kaniyang alipin. Kung naturuan lamang sana niya ng maayos ang kaniyang mga alipin, hindi sana mangyayari ito ngayon. Tama ba ako?" ang nagsalita ay si prinsesa Adena na nakatitig pa rin kay Daon na siya namang nakaluhod sa harapan nila.
Napalingon tuloy si Boris sa sinabi ng reyna. Tila hindi niya nagustuhan ang tono ng pagsasalita nito sa harapan ng maharlikang bampira. Kung hindi siya nagkakamali ay nabanggit niya kanina sa kaniya na hindi lang basta isang ordinaryong nilalang si Daon, kun'di isang maharlikang anak ng makapangyarihang hari ng mga bampira.
Umiling na lamang sa ulo ang hari at hindi na lamang niya pinansin ang hindi kaaya-ayang sinabi ng kaniyang reyna. Kaya muli na lamang niyang tinuonan ng pansin si Daon at inutusan ang isa niyang kawal na patayuin ang dalaga at paupuin muli sa kaniyang upuan.
Lalo tuloy nakaramdam ng paninibugho si prinsesa Adena sa inutos ng hari. Napakuyom siya ng madiin sa sarili niyang mga kamao at pinili na lamang niyang itikom ang sarili niyang bibig.
"Naiitindihan ko ang nais mong iparating, Daon. Mahabang panahon na ang nakakalipas ngunit ang pagmamalasakit mo sa iyong mga alipin ay hindi pa rin nagbabago. Nararapat lang talaga na ikaw ang mamunong pinuno sa kaharian ng Orduha, (ang pangalan ng kaharian ng mga bampira.)" Napangiti na lamang ang dalaga sa kaniyang narinig mula sa hari, habang umaalab naman na parang apoy sa galit ang reynang nakikinig sa kanilang dalawa.
"Medyo nagkamali po kayo sa isang bagay, kamahalan." Ani ni Daon na ikinataas naman ng isang kilay ni Boris.
"Ano ang iyong ibig sabihin? may mali ba sa aking mga nabanggit?" aniya naman.
"Kung inyo lamang pong nalalaman na si reyna Adena ang siyang nais ng aking ama na mamuno sa aming kaharian at hindi ako na sarili niyang anak." Ang tinugon niya na may halong lungkot sa tono ng kaniyang boses. Tila nanlaki naman ang mga mata ni prinsesa Adena sa kaniyang narinig. Napatingin pa siya sa kaniyang asawa at tinuturo ang kaniyang sarili.
"Ako? at bakit ako ang napili ng iyong ama na mamuno sa inyong kaharian at hindi ikaw? 'di ba't ikaw ang sarili niyang kadugo at mas lubos ka niyang kilala kesa sa akin?" usisa ni prinsesa Adena sa dalaga.
"Maniwala man ho kayo o sa hindi. Subalit hindi pa kayo namumunong reyna sa kaharian ng Hogon ay hinahangaan na po kayo ng aking ama. Madalas po siyang nakamasid sa inyo mula sa malayo at ang bawat pakikipagdimaan niyo po nuon sa mga kaaway ay kaniya rin pong nasaksihan. Kaya naman ang kahusayan niyo nuon sa pakikipaglaban at paggamit sa sandata ay maigi niyang pinag-aralan at itinuro sa aming pangkat." Pagpapaliwanag ni Daon na nagpaliwanaw sa mga katanungan ng reyna.
"Kung gano'n nasaan na ang iyong ama?" tanong niya na ikinalingon naman ni Boris sa kaniya.
"Sa kasamaang palad, nasa loob po siya ng aming tahanan at kasalukuyang nagpapagaling mula sa malalim na sugat na kaniyang natamo sa pakikipagdigmaan." Aniya.
"Digmaan? nagkaroon ng digmaan sa inyong kaharian?" usisa ni prinsesa Adena.
"Kada buwan ay nagkakaroon ng digmaan sa pagitan ng lobo at ng mga bampira. Ito ay para sakupin ang kanilang kaharian at makuha ang bawat pangangailangan. Ang kaharian ng Orduha ang siyang may pinakamaraming sakop ng mga puno at halaman. Kabilang na roon ang mga prutas na higit na mas kinakailagan ng mga lobo, kaya buwan-buwan silang sumusugod doon at upang makakuha ng mga inani nilang mga prutas." Pagpapaliwanag ni Boris sa kaniya na ikinatango naman sa ulo ni Adena.
"Kung hindi ako nagkakamali na ang pangkat ng mga lobo ay nabibilang sa kaharian ng Drima, tama ba ako?" ang tinanong ng reyna na ikinasang-ayunan naman ng dalawa.
"Kung ganoon nasaan ang iyong ama? gusto siyang makausap ngayon din." Bigla itong napatayo na ikinabigla nina Boris at Daon. Subalit pinigilan din naman siya kaagad ng hari at muling pinaupo sa kaniyang trono.
"Uminahon ka lamang, aking reyna. Hindi basta-basta ang nais mong mangyari, lalo na sa sitwasyon ng ating palasyo." Pagkasabi ni Boris ay muling bumalik sa puwesto si prinsesa Adena at tila iniiwasan pa niya ito ng tingin sa mata na animoy muli na naman niyang naalala ang kaguluhang nangyayari ngayon sa labas ng kanilang palasyo.
"Una sa lahat, nais ko munang marinig ang rason mula kay Daon, kung bakit nagkakaroon ng himagsikan sa labas ng ating palasyo at kung bakit galit na galit sila sa iyo mahal kong reyna?" nakatitig pa rin si Boris sa mukha ng kaniyang asawa. May guhit ng kunot sa noo nito at maigi niyang pinag-aaralan ang ekspresyon niya ngayon sa kaniyang mukha. Hindi man aminin sa kaniya ni Adena kung ano talaga ang totoo, ngunit nakukutuban na siya na hindi maganda ang magiging resulta nito.
Dahan-dahan namang inangat ng tingin ni Daon ang dalawang kamahalan na nasa harapan niya. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bigla siyang nakaramdam ng pagkirot mula sa kaniyang puso nang mapagmasdan niya ang dalawa na animoy totoong nagmamahalan sa isa't-isa.