"Ang totoo po niyan kamahalan," saglit na huminto sa pagsasalita si Daon at inangat niya ng tingin si prinsesa Adena na kasalukuyan namang nakatingin din sa kaniya na may bakas ng pangamba sa kaniyang mukha.
"Huwag kang matakot. Sabihin mo lamang ang iyong nais na sabihin sa akin." Malumanay na sinaad ni Boris sa kaniya.
Muling niyuko ni Daon ang kaniyang ulo at lumunok muna ito ng malalim bago niya muling ipagpatuloy ang kaniyang sinasabi sa hari.
"Kumakalat po sa buong kaharian ng Hogon na nakikipagrelasyon ang mahal na reyna sa mga lalaking imortal," pagkasabi ni Daon ay mabilis namang napalingon si Boris sa asawa niyang reyna na siya namang panay ang pag-iwas ng tingin sa kaniya.
"At karamihan po sa mga nakakarelasyon niya ay may asawa na o sariling pamilya." Dugtong pa niya na mas lalong ikinabigla ng hari sa kaniya.
"Ano ang ibig sabihin nito?" pabulong lang na sambit ni Boris kay prinsesa Adena ngunit may guhit naman ng kunot sa kaniyang noo.
Sumulyap muna si Adena sa kinaroroonan ng dalaga at matalim itong tinitigan sa kaniyang mga mata.
"Walang katotohanan ang mga pinagsasabi niya, mahal kong hari." Tumanggi siya na aminin ang totoo dahil alam niya na malaking kahihiyan ang nagawa niya sa buong kaharian ng Hogon.
"Sinasabi mo bang gumagawa lamang siya ng kuwento upang sirain ka, mahal na reyna?" ani ni Boris sa kaniya na may halong diin sa tono ng kaniyang boses.
Hindi naman nakatugon kaagad si Adena sapagkat pinagpapawisan siya ng matindi sa kaniyang noo at nakakaramdam siya ng matinding kaba mula sa kaniyang dibdib, lalo na nang makita niya ang nagagalit na mukha ni Boris.
"Kung gayon ay nararapat lamang sa kaniya ang pugutan ng ulo dahil sa kalapastangan niyang paninira sa reputasyon ng mahal na reyna." Napaangat ng ulo si Daon mula sa sinabi ng hari. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang narinig, lalo pa nung tumayo ito at kinuha ang mahabang espada ng kaniyang katabing kawal.
"Kamahalan," ang salitang nasambit ng dalaga na may bakas ng takot sa kaniyang mukha. Namilog naman ang mga mata ni Adena sa nakita niya, pati ang paglapit ng hari sa kinaroroonan ni Daon kung saan bigla niya itong tinutukan ng espada sa kaniyang lalamunan.
"Nagmamakaawa po ako sa inyo, kamahalan. Hindi ko po nais na siraan ang mahal na reyna, pawang katotohanan lamang po ang aking mga sinasabi." Nagsusumamong saad niya habang nakatingala siyang nakatingin sa hari.
Napakuyom na lamang ng madiin si prinsesa Adena sa sarili niyang mga kamao at kaagad na napatayo.
"Kung ganoon patunayan mo sa akin na totoo nga ang iyong mga sinasabi." Mariin na winika ni Boris kay Daon.
"Hindi pa ho ba sapat sa inyo ang nakikita niyong himagsikan na nangyayari ngayon sa labas ng palasyo? ano ho sa tingin ninyo ang ginagawa nila roon? tiyak kong alam ninyong higit na mas mahalaga para sa kanila ang maghanapbuhay kesa sa mag-aksaya ng oras sa mga walang kuwentang bagay. Sa tingin niyo ho ba susugod sila rito ng walang mabigat na dahilan?" ang tinugon niya habang direkta siyang nakatingin sa mga mata ni Boris.
Sumang-ayon naman ang hari sa ipinaliwanag nito sa kaniya. Sa una pa lamang ay alam na niyang nagsasabi talaga ito ng totoo, sapagkat alam niyang hindi marunong magsinungaling o magtago ng lihim si Daon. Subalit nais pa rin niyang konprontahin ang dalaga dahil gusto niya na si prinsesa Adena mismo ang umamin sa nagawa niyang kasalanan.
Hindi naman siya nabigo sa ninanais niyang mangyari. Dahil nung lumingon siya sa kinaroroonan ng reyna ay kitang-kita niya ang konsensiya at takot sa kaniyang mukha. Batid niya na may balak pa itong pigilan siya sa oras na saktan niya si Daon.
"Ano ang masasabi mo sa ipinahayag niya, mahal kong reyna?" tanong niya kay prinsesa Adena na may bakas pa rin ng pangamba sa kaniyang mukha.
"Ano pa nga ba ang itatago sa iyo, mahal kong hari? mukhang nabuking mo na ako." Ang tinugon niya habang inaangat ang kaniyang sarili. Napangisi na lamang si Boris sa sinabi ng kaniyang reyna, lalo na nang mapansin niyang kinakabahan ito at pilit na nagmamatigas sa kaniyang harapan.
Binaba niya ang espadang hawak niya at muling ibinalik sa kaniyang kawal. Lumakad siya patungo sa kaniyang trono at muling umupo sa tabi ng reyna na nakasunod lamang ng tingin sa kaniya.
"Kung gayon anong kaparusahan ang nais mong ihatol ko sa mahal na reyna?" ani ni Boris kay Daon na ikinalingon naman ni Adena sa kaniya na nakataas pa ang isa niyang kilay.
Inangat siya ng tingin ni Daon at saglit niyang sinulyapan ang kinaroroonan ng reyna. Napangiwi tuloy siya sa kaniyang labi at muling niyuko ang kaniyang ulo.
"Mukhang hindi po ako nararapat na magpasya ukol diyan, kamahalan. Isa lamang ho akong hamak na bampira at hindi ko hawak ang desisyon ng mga nabiktima ng reyna." Malumanay na isinaad ni Daon sa kanila.
"Kung ganoon, bakit ka naririto? at bakit naroroon ka sa kaguluhang iyon?" usisa ni prinsesa Adena sa kaniya.
"May ilan ho sa mga alipin ko ang naroroon ngayon, kamahalan. Naparito ako upang pigilan sila sa padalos-dalos nilang pagdedesisyon at hindi upang samahan sila sa poot na kanilang nararamdaman." Matalinong tugon niya na ikinangiti naman ng hari sa kaniya.
"Marahil ay nag-aalala ka na baka mapahamak sila, tama ba ako?" ani ng hari sa kaniya. Tumango na lamang sa ulo si Daon bilang pang-sang ayon sa sinabi sa kaniya ng hari. Habang nakatingin naman si Adena sa kanilang dalawa at patuloy pa rin ang pagguhit ng kunot sa kaniyang noo.
"Kung gayon gusto kong marinig ang hinaing nila sa reyna at kung ano ang magiging desisyon nila para sa kaniya." Muli itong tumayo at tumungo palabas ng kanilang palasyo. Sumunod din naman kaagad sa kaniya ang ilan nilang mga kawal upang protektahan ang kanilang kamahalan. Nakasunod si prinsesa Adena sa bandang likuran ni Boris, habang nasa bandang kaliwa naman nito si Daon.
Napuno ito ng katahimikan nang bumungad sa kanilang paningin ang mahal nilang hari. Lahat sila ay nakatingin ngayon sa kanila na may bakas ng poot sa kanilang mga mukha at mata.
"Narinig ko na mula kay Daon ang rason ng inyong pagparito. Batid ko ang kapootan na nararamdaman ninyong lahat mula sa inyong kalooban. Subalit akin din namang masasabi na malaking kahangalan ang ginawa ninyong pananampalasan, pagdestruksyon, pagaalingasngas sa harapan ng aking palasyo at paninirang-puri sa mahal na reyna. Bagamat alam ninyo na maaari niyo 'tong ikapahamak o ikasawi ng buhay ay naglakas-loob pa rin kayong magtungo rito upang sabihin ang inyong bawat saloobin. Kung kaya't napagpasyahan kong pumarito ngayon sa inyong harapan upang hingin ang opinyon ninyong lahat, ukol sa kahihiyang nagawa ng reyna sa buong kaharian ng Hogon. Alam ko na bilang isang pinuno ay siya dapat ang manguna o magsilbing magandang ehemplo para sa kaniyang mga mamamayan, subalit ayon sa asta ng kilos at galaw na ipinapakita ng reyna sa akin ay parang hindi iyon ang inaasahan kong makita mula sa kaniya. Kaya naman binibigyan ko kayong lahat ng pagkakataon upang magpasya sa kaparusahan na ninanais ninyong ihatol para sa reyna." Pagkatapos ipahayag iyon ng hari ay napuno naman ng pagtataka at pagbubulungan ang buong kapulungan.
Lahat sila ay hindi makapaniwala sa mga binitawang salita ng hari, lalo na nang banggitin nito ang tungkol sa pagpapasya sa kaparusahan na nais nilang mangyari para sa reyna.
Subalit imbis na maging sakim o mapangahas ay mas pinili pa rin nila ang magpakumbaba na lamang at kahabagan ang kanilang reyna. Batid din kasi nila na may pagkakamali rin silang nagawa sa kamahalan at hindi patas kung si Adena lamang ang dapat na maparusahan.
"Hindi namin nais na saktan o parusahan ang mahal na reyna. Ang nais lang sana namin ay humingi siya ng tawad sa pagkakasalang nagawa niya para sa aming lahat. Subalit, batid namin na hindi pa rin iyon magiging sapat upang linisin ang narumihan niyang pangalan. Kung kaya't napagpasyahan na lang naming lahat na humarap siya sa amin ngayon at ipakita niya sa amin na tunay namin siyang reyna." Lakas-loob na nagsalita ang isang ginang doon na isa rin sa mga nabiktima ni Adena. Karamihan doon ay mga kababaihan at lahat sila ay naagawan ng asawa o nobyo ng kanilang reyna.
Magmula kasi ng makalaya ito sa sumpa at ng alisin na niya ang maskara sa kaniyang mukha ay mas lalo pa itong naging mapusok at agresibo sa bawat ikinikilos niya. Maraming kalalakihan ang lumalapit sa kaniya at karamihan sa kanila ay dinadayo pa siya sa munting kubo niya kung saan hindi rin alam ng hari na nagtayo siya ng kubo roon upang makipagkita at makipagtalik sa kung sinu-sinong mga lalaki.
Bagamat malaking pagkakasala para sa lahat ang nagawa ng reyna, ngunit para sa kaniya ay maliit na bagay lamang iyon. Wala itong kamuwang-muwang sa pagkakaiba ng mali at kung alin ang tama. Basta para sa paningin niya ang lahat ay pantay-pantay lamang.
Kaya naman hindi siya gaanong nababahala sa mga sunud-sunod niyang ginagawa ng palihim sa kamahalan. At hindi niya inaasahan na aabot siya ganoong sitwasyon, kung saan ang lahat ay nagagalit sa kaniya.
Lumingon naman sandali si Boris mula sa kaniyang likuran, kung saan nagtatago ngayon ang reyna. Hinawakan niya ito sa braso at marahang pinapunta sa kanilang harapan.
Naiilang siyang tumingin sa paligid at ayaw niyang ipakita ang kaniyang mukha.
"Sabihin mo sa amin, ikaw ba ay aming kakampi o isang kalaban?" usisa ng ginang na nagsalita kanina.
Hindi nakatugon kaagad si Adena sa itinanong niya. Nanatiling nakatungo lamang ang ulo niya at nanginginig ang sarili niyang mga kamay. Napansin naman iyon ni Boris kaya humakbang ito palapit sa kaniya at hinawakan siya ng mahigpit sa kaniyang kamay. Nabigla na lamang siya sa ginawa ng hari at mabilis niya itong inangat ng tingin sa kaniyang mukha.
"Ano ang nais niyong gawin niya upang mapatunayan lamang sa inyong lahat na nasa panig natin siya?" ani ni Boris na mas lalong ikinatitig ng reyna sa kaniya.
"Dalhin mo sa amin ang ulo ng hari sa kaharian Drima." Ang tinugon naman ng isang ginang na nasa harapan lamang nila.