Kabanata 13 : (Adena's Pov)

1726 Words
"Ito na lang kaya ang suotin ko o ito?" halos magtatatlumpung minuto na akong nakaharap sa malaking salamin at namimili ng damit na aking isusuot para sa muling pagkikita naming dalawa ni Hyrim sa bayan. "Sa tingin mo ba mas bagay ko ito?" saad ko sa aking sarili habang sinusukat sa salamin ang mahaba at itim na bistida. "Hay, sino ba sa tingin mo ang kinakausap mo Adena?" sabay napabuga ako ng malalim na paghinga at napaupo sa aking kama. Ngayon ko lang napagmasdan na sobrang kalat na pala ng kuwarto ko at pare-pareho lang pala ang kulay ng mga damit ko na halos lahat ay kulay itim. "Sabagay. Ano pa nga ba ang pinipili kong suotin? e halos magkakamukha lang naman silang lahat." Matawa-tawa kong sambit sa aking sarili na may kasamang pag-iling sa aking ulo. Sa huli ay sinuot ko na lamang yung bistidang itim na madalas ko rin namang isinusuot. Wala namang espesyal sa mga damit ko dahil magkakakulay lang ang mga ito. Hindi rin naman niya mapapansin kung ibang damit ang suotin ko. Matagumpay akong nakalabas ng palasyo na walang ibang nakakaalam at nakakakita sa akin. Katulad ng aking nakagawian na ay nakabalot ng blusang itim ang aking buong ulo at mukha upang hindi nila mapansin ang maskarang nakatakip sa akin. Subalit sa mga sandaling iyon ay naisipan kong tanggalin o alisin ang aking maskara tutal nakatakip naman ng blusang itim ang aking mukha. Tangging ang mga mata ko lamang ang makikita nila sa akin ngayon at wala rin akong balak na alisin ito dahil alam kong may mapapahamak. Malaya na akong nakakatakas ngayon ng palasyo na hindi kasama si Hyrim. Kaya ko nang lusutan ang bawat kawal na nakabantay doon at maingat din naman akong nakakabalik pagkatapos kong lumibot ng bayan. Sa araw na ito ay napagpasyahan naming dalawa ni Hyrim na magkita na lamang sa bayan. Nagtungo ako sa dati naming tagpuan kung saan ang katabi nito ay nagtitinda ng mga mansanas. Namangha ako nang makita kong sobrang daming namimili sa araw na ito. Bigla kong naalala na ngayon nga pala ang araw ng kaarawan ng aking ama o ng hari. Kaya kailangan ko ring makabalik kaagad ng palasyo bago sumapit ang paglubog ng araw. Sa hindi kalayuan ay natanaw ko na si Hyrim. "Hy-" tipong kakawayan at tatawagin ko na sana siya sa kaniyang pangalan nang biglang may lumapit sa kaniyang dalawang babaeng imortal. "Mga diwata." Mahinang sambit ko sa aking sarili matapos kong maamoy ang kaanyuan at kapangyarihan ng dalawang babaeng lumapit sa kaniya. "Ano kaya ang pinag-uusapan nila?" nausisa ako nung nakita kong panay ang pagtawa at pag-ngiti niya sa kaniyang labi habang kinakausap niya ang dalawang diwata. "Ano naman kaya ang nakakatawa sa pinag-uusapan nilang dalawa?" sa hindi maipaliwanag na dahilan ay bigla akong napasimangot at nakaramdam ng selos mula sa aking dibdib. Maya-maya pa ay may humarang namang dalawang binibini sa aking harapan habang may pinag-uusapan silang dalawa. "Sandali nga lang, hindi ba't si Hyrim 'yon?" turo ng babae sa kasama niyang may hawak na puting rosas sa kaniyang kamay. At sino naman kaya ang mga ito? bakit kilala nila si Hyrim at paano sila nagkakilala nito? bulong ko mula sa aking isipan. Bigla naman napalingon yung babaeng may rosas sa akin, sabay pinagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa at pabalik. Nagulat ako sa ginawa niya at tila nainsulto ang aking pagiging prinsesa. "Isang lawin." Sambit ko sa aking bibig. Narinig pala niya ang binulong ko kanina sa aking isipan kaya bigla itong napalingon sa akin at hinusgahan kaagad ng tingin sa mata. Wala na akong nagawa o nasabi pa kun'di ang mapangisi na lang at balewalain siya. Hindi ko na lang siya gaanong pinatulan at tinuonan ng pansin. Binalingan ko na lang ulit ng atensyon si Hyrim na kasalukuyan namang naglalakad papunta sa akin. "Teka, totoo ba 'tong nakikita ko binibini? nakatingin siya sa'yo ngayon at papunta siya sa atin." Nagagalak na sabi ng kasama nito na may malawak na guhit ng ngiti sa kanilang mga labi. Muli akong napangisi sa kaniyang sinabi. Gustuhin ko mang diretsuhin silang dalawa ngunit mas pinili ko na lamang ang manahimik. "Ano ka ba naman, Lily. Huwag mong sabihin 'yan dahil baka napadaan lamang siya rito." Pagkukunwaring sambit ng babaeng may rosas sa kaniyang kasama habang nakasunod ito ng tingin kay Hyrim. Hindi ko tuloy mapigilan ang hindi matawa sa sinabi niya. Halata naman sa tono ng boses at ngiti niya sa kaniyang labi na pinagpapantasyahan niya ito sa kaniyang isipan. "Sigurado ako binibini na ikaw talaga ang sadya niya." Ang sabi pa ng kaibigan niyang Lily sa kaniya. "Hindi ko alam. Ngunit ayokong umasa." Nahihiyang tugon naman niya. "Bakit hindi? 'di ba nga't nagkausap na ang inyong mga magulang tungkol sa pagpapakasal ninyong dalawa?" pagkasabi nito ay nanlaki naman ang aking mga mata sa gulat nang matuklasan kong may lubid palang nakakonektado sa kanilang dalawa ni Hyrim. Kasal?! bulong ko sa aking isipan. Nakita kong huminto si Hyrim sa harapan nito kaya tumalikod na lang ako upang iwasan sila ng tingin. "Muli tayong nagkita, Hyrim." Ani ng babaeng lawin sa kaniya. "Ikaw pala 'yan, binibining Lusia. Ano ang ginagawa ninyo rito sa bayan?" rinig kong tinugon niya sa dalaga. Sa mga oras na iyon ay pinili ko na lamang ang umalis at bumalik sa loob ng palasyo. Hindi ko nais na makita pa at marinig ang pinag-uusapan nilang dalawa, lalo na ang makita siyang nakangiti sa harap ng ibang babae bukod sa akin. Hindi ko itatanggi na may nararamdaman na akong espesyal para sa kaniya. At hindi ko rin maitatanggi na nasasaktan ang aking damdamin at puso sa tuwing naiisip ko na malabong magustuhan din niya ako. Sa araw na iyon ay magdamag lamang akong nakakulong sa loob ng madilim kong kuwarto. Nakahiga sa kama habang inaalala ang mga narinig at nasaksihan ko kanina. "Hindi niya nabanggit sa akin ang tungkol sa plano niyang pagpapakasal sa babaeng lawin. Ang buong akala ko ay matalik kaming magkaibigan ngunit mukhang ako lang pala ang nag-iisip ng ganoong bagay." Napabangon ako at napaupo sa kama habang nakayuko ang aking ulo. Napansin ko na pumatak ang luha ko sa kama at hindi ko namalayang umiiyak na pala ako. "Ang akala ko ay hindi ko na mararanasan ito, (ang malungkot at nag-iisa) pero nagkakamali pala ako." Mahinang saad ko sa aking sarili. Maya-maya pa ay nakarinig ako ng pagkatok mula sa kalapit na bintana at napansin ko ang anino nito mula roon. Pinunasan ko kaagad ang luha sa aking mga mata at tsaka dinampot sa aking unan ang mahiwagang maskara sabay ikinabit ito sa aking mukha. Tumayo ako at tumungo sa bintanang kinakatok niya. Nung una ay nag-aalinlangan pa akong pagbuksan ito ngunit nakumbisido rin naman ako kaagad kaya binuksan ko na lamang ito. Bumungad kaagad sa aking paningin ang isang pirasong rosas na nakapatong sa may bintana. Napakunot noo ako at nagtaka, kung bakit na lamang niya iniwan ang rosas doon na hindi man lang ipinapakita sa akin ang kaniyang mukha. Nilusot ko ang aking ulo palabas ng bintana upang silipin kung naroroon pa ang nilalang na iyon na nag-iwan ng rosas sa aking bintana. Subalit laking pagtataka ko na lamang nang mapagtanto kong wala namang kakaiba roon sa labas at wala rin akong nakitang nilalang. Kaya umatras na ako at sinara yung bintana habang hawak-hawak ko sa kamay ang pulang rosas. Maigi ko itong tinitigan at tsaka ko inamoy. "Mmm.." kakaibang halimuyak ang dulot ng bulaklak na ito. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay para bang naaakit ako sa mabangong amoy nito at para bang nalalasing ako sa nakakahalina nitong bango. "Prinsesa Adena?" halos para akong nagising mula sa isang panaginip nang marinig ko ang boses niya at pagtawag sa aking pangalan. Mabilis akong napalingon sa nagsalita at nilibot ko ng tingin ang bawat kapaligiran. Nasaan ako? at ano ang ginagawa ko rito ngayon sa labas ng palasyo? bulong ko sa aking isipan na may bakas ng pagtataka sa aking mukha. "Ano ho ang ginagawa ninyo rito, mahal na prinsesa?" usisa ni Hyrim sa akin habang paunti-unti itong humahakbang papalapit sa akin. Hindi ako nakatugon kaagad sa sinabi niya. Basta na lamang akong natulala sa kaniya at nagmistulang bato na naninigas mula sa aking kinatatayuan. Litong-lito at gulong-gulo ngayon ang aking isipan. Hindi ko alam kung ano ang mga nangyari at kung papaano ako napadpad sa ganitong klase ng lugar. "Isang maharlika." Ang nagsalita ay isang matandang ermitanyong napadaan lang din sa lugar na iyon. Napatingin naman kaming dalawa ni Hyrim sa matandang iyon at tsaka ito humakbang papalapit sa akin. Ngunit bago pa man siya tuluyang makalapit sa akin ay naunahan na siya kaagad ni Hyrim at hinarangan ako sa aking harapan upang protektahan ako. "Isang malakas at mapanganib na prinsesa. Kung hiindi ako nagkakamali ay kinulong ng mga mangkukulam ang iyong kagandahan at taglay na kapangyarihan." Mahina ngunit may halong diin sa bawat pagsambit nito. "Nagkakamali ho kayo, hindi siya isang prinsesa. Kasintahan ko ho siya kaya kung maaari lang ay umalis na ho kayo." Ang sinabi naman ni Hyrim na ikinatingin nito sa kaniya. "Hindi mo ako nakikilala, hijo. Isa ako sa mga pinakamahusay na manghuhula sa buong kaharian ng Drima at hindi mo malilinlang ang isang katulad ko, lalo na sa mga may itinatagong lihim sa kanilang sarili." Sabay binalingan niya ako muli ng tingin sa mata na may nakakapangilabot na pag-ngiwi sa kaniyang labi. "Hindi lahat ng nakikita ninyo ay kailangan niyong paniwalaan." Ani ni Hyrim na ikinabigla ko naman sa kaniya. Kung hindi ako nagkakamali ay sa akin nanggaling ang mga salitang iyon. "Matapang kang lawin at handa mong isakripisyo ang iyong sariling buhay alang-alang sa kaligtasan ng mga kamahalan. Ngunit hanggang saan mo sila poprotektahan kung ang isa sa kanila ang siyang kikitil sa buhay ng iyong pinakamamahal sa buhay?" ang salitang hinding-hindi ko makakalimutan mula sa kaniya. Dahil nagkatotoo nga ang mga hinuhula niya sa kaniya ng matandang ermitanyo. Kung saan nakatayo ako ngayon sa harapan ni Hyrim habang nakatingin siya sa aking mga mata na may bakas ng panlulumo at lubos na kalungkutan sa kaniyang mukha. "Papaano mo nagawa sa akin ito, Prinsesa Adena?" aniya at kasabay non ang pagtulo ng kaniyang luha sa gilid ng kaniyang mga mata. Napayuko na lamang ako at napatingin sa pugot na ulo ng kaniyang ama, na siyang pinaslang ko at sinunog sa apoy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD