Kabanata 14 : (Adena's Pov)

1785 Words
Bago pa man mangyari ang lahat ay nagtungo muna ako sa tahanan nina Hyrim upang kausapin siya ng masinsinan at upang ipagtapat na rin sa kaniya ang tunay kong nararamdaman para sa kaniya. Sa hindi kalayuan ay natanaw ko na siya. Tipong tatawagin ko na sana siya at kakawayan sa isa kong kamay nang biglang dumating ang kaniyang ama na si ginoong Lik. "Hyrim, ano itong nabalitaan ko na kinausap mo raw ang pamilya ni binibining Lusia?" mariin na sinambit ng ama nito sa kaniya. Natigilan at nahinto naman ako sa aking paglalakad. Nagtango ako saglit sa isang tabi kung saan hindi nila ako makikita o mapapansin. Pinakinggan ko lang ang pinag-uusapan nilang mag-ama at laking gulat ko nang matuklasan ko ang pagtutol ni Hyrim sa pinaplano ng kaniyang mga magulang na maikasal siya sa anak ng isang mayamang lawin. "Nilinaw ko na po ito sa inyo nuon na hindi ako sang-ayon sa sapilitang pagpapakasal ninyo sa amin." Ang tinugon naman ni Hyrim sa kaniyang ama na may guhit ng kunot sa kaniyang noo. "Ano?!" gulat nitong sabi." Alam mo ba ang iyong sinasabi at ginagawa? hindi mo alam ang kahihiyang idinulot mo sa ating pamilya! balikan mo si binibining Lusia ngayon din at humingi ka ng tawad sa pamilya niya." Utos ng kaniyang ama na mas lalo lang ikinagalit ni Hyrim sa kaniya. "Humingi man ako ng tawad sa kanila o hindi, hindi pa rin magbabago ang isipan ko at hinding-hindi ako magpapakasal sa babaeng hindi ko naman kailanman minahal." Ang tinugon niya sabay tinalikuran na niya ito. "Hyrim! hindi pa tayo tapos mag-usap kaya huwag na huwag mo akong tinatalikuran." Sigaw ni ginoong Lik sa kaniyang anak na ikinabigla ko naman. Iyon kasi ang kauna-unahang pagkakataon na nakita ko silang nagtatalong dalawa at iyon din ang unang pagkakataon na nakita ko si Hyrim na nagalit ng sobra. Huminto naman sa paglalakad si Hyrim at muli niyang nilingon ang kaniyang ama na magkasalubong ang dalawa niyang kilay. "Hindi ko iniibig ang binibining Lusia. Ayokong umasa siya sa akin at ayoko ring masaktan siya ng dahil sa akin. Kilala niyo ako, ama. Hindi ninyo ako kailanman mapipilit sa isang bagay na alam kong hindi makakabuti." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay muli niya itong tinalikuran. "Dahil ba ito sa kaniya?" mahinang sambit ng kaniyang ama na ikinatigil ni Hyrim sa paghakbang. Sinong siya ang tinutukoy ng kaniyang ama? ang paglalayag sa aking isipan. "Dahil ba ito kay Prinsesa Adena?" ang dinugtong pa ng kaniyang ama na ikinagulat ko at napatakip naman ako sa aking bibig gamit ang sarili kong mga kamay. Ano ang ibig niyang sabihin? usisa ko sa aking sarili. "Napag-alaman ko na madalas kayong magkasamang dalawa at masyado kayong malapit sa isa't-isa. Nakalimutan mo na ba ang mga sinabi ko sa inyo nuon, Hyrim?" sa mga sandaling iyon ay muling napalingon si Hyrim sa kaniya habang nakakuyom ang dalawang kamao nito. "Hindi siya ang nararapat para sa'yo, anak ko. Tatapatin na kita kung bakit namin ito ginagawa para sa'yo." Saglit na humakbang si ginoong Lik palapit kay Hyrim habang tikom lang ang bibig nito at nakasunod ng tingin sa kaniya. "Si Prinsesa Adena at ikaw, ang dapat talagang nakatadhana para sa isa't-isa at dahil iyon ang sinabi ng matandang ermitanyo sa amin nuon. Ngunit nang dahil sa sumpang nakadikit sa kaniyang buhay na dulot ng itim na mahika ay nasisiguro namin ng iyong ina, na maaari mo rin itong ikapahamak." Ang sinaad nito na ikinagulat naming pareho ni Hyrim. Hindi ako makagalaw sa lugar na kinatatayuan ko ngayon at hindi man lang ako makapagsalita. Gustuhin ko mang lumapit at magpakita sa kanila ngunit parang may pumipigil sa akin at para akong naduduwag kaya pinagpatuloy ko na lamang ang pakikinig sa kanilang mag-ama. "Ano nga ulit ang inyong sinabi, ama?" gulat na gulat namang turan ni Hyrim sa kaniya. "Tama ang iyong mga narinig. Kahit ang mahal na hari ay alam ang tungkol sa nakatadhana sa inyong dalawa ni Prinsesa Adena. Aaminin ko na natuwa ang hari nang nalaman niya na ikaw ang makakatuluyan ng prinsesa, ngunit hindi naman kami makakapayag ng iyong ina na mapahamak ka nang dahil sa maling pag-ibig na 'yan." Ani ng ginoo na ikinakunot ng noo ni Hyrim. "Sandali nga lang. Kailan pa naging mali ang umibig sa babaeng nais mong makasama sa panghabambuhay?" ang tinugon naman ni Hyrim na ikinabigla ng kaniyang ama. "Ano ang iyong sinabi?" mahina ngunit mariin nitong saad sa kaniya. "Mahal ko ho si prinsesa Adena. Hindi niyo man sabihin sa akin ang tungkol sa nakasaad naming tadhana, siya at siya lamang ang babaeng iibigin ko." Natigilan na lamang sa pagsasalita si Hyrim nang pagbuhatan siya sa kamay ng kaniyang ama at sinampal siya sa kaniyang mukha na mas lalo kong ikinagulat sa kanila. "Kalapastangan! hindi mo pa rin ba naiitindihan ang mga sinabi ko sa'yo? o gusto mong patunayan ko muna sa'yo na totoo ang mga sinasabi ko bago mo ako paniwalaan?" galit nitong tinuran sa kaniyang anak. "Mangyari na ang dapat na mangyari, ngunit hindi niyo pa rin mapipigilan ang puso at isipan ko na umibig sa kaniya." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tinalikuran na niya ito at tsaka nilisan ang kanilang tahanan. Naiwan naman si ginoong Lik doon na nag-iisa habang panay ang kaniyang pagbuntong-hininga. "Lumabas ka na riyan. Alam kong nandiyan ka, prinsesa Adena." Aniya na ikinalingon ko sa kaniya. Ako ba ang tinatawag niya? paano niya nalaman na nandito ako? bulong ko sa aking isipan. "Lumabas ka na riyan sa pinagtataguan mo at magpakita ka sa akin." Katulad ng sinabi niya ay nagpakita na ako sa kaniya at lumapit sa kinaroroonan niya. "Hanggang saan ang narinig mo sa aming dalawa ni Hyrim?" tanong nito sa akin habang nakayuko naman ang aking ulo. "Mula sa una." Ang maikli kong tinugon sa kaniya. "Ano ang iyong masasabi?" umangat ang aking tingin sa sinabi niya. Napakunot noo ako at may bakas ng pagtataka ang aking mukha. "Ha? ano ang iyong ibig sabihin?" usisa ko sa kaniya. "Ano ang opinyon mo tungkol sa mga sinabi ko kanina sa kaniya? sang-ayon ka rin ba sa mga desisyon niya sa kaniyang buhay?" napayuko na lang ako at napaisip. Hindi ko alam ang isasagot ko sa itinatanong niya sa akin, ngunit parang nalulungkot akong marinig ang mga salitang iyon mula sa kaniya, sa ama ng lalaking lihim kong iniibig. "Matanong nga kita mahal na prinsesa. Ano ang nararamdaman mo para sa anak ko? O ano siya para sa iyo?" ang dinugtong pa niya na muli kong ikinaangat ng tingin sa kaniya na may bakas ng pagkagulat sa aking mga mata. "Huwag mong sabihing magkapareho kayo ng nararamdaman sa isa't-isa? hindi naman siguro, hindi ba prinsesa?" aniya na may mapait na guhit ng ngiti sa kaniyang labi. Hindi ko sinagot ang mga itinanong niya sa akin. Bagkus ay tinikom ko na lamang ang aking bibig at pinagmasdan ang panginginig ng kaniyang mga kamay. "Natatakot ba kayo sa akin?" ang salitang bumigkas sa aking bibig nang mapansin ko ang pangangatal ng kaniyang katawan. "Ha? ano ang iyong ibig sabihin, kamahalan?" sabay tinago nito sa kaniyang likuran ang dalawa niyang mga kamay. "Nakakatakot ba aking itsura? halimaw din ba ako sa inyong paningin, ginoong Lik? sagutin niyo ako pakiusap." Mahina at mahinahon kong usisa sa kaniya. Hindi naman siya nakatugon kagaad sa aking sinabi at saglit itong napayuko ng ulo. "Alam ko na. Kahit hindi niyo sagutin ang tanong ko ay nakikita ko naman ang kasagutan sa iyong mukha." Mapait na lamang akong napangiti sa aking labi. "Hindi iyon ang nais kong sabihin." Aniya kahit nalulungkot pa rin ang aking damdamin. "Bakit hindi ako?" sabay tumingin ako ng direkta sa kaniyang mga mata. "Ha?" pagtataka niya. "Bakit hindi ako ang karapat-dapat na mapangasawa ni Hyrim? dahil ba sa sumpang binitawan sa akin ng mga mangkukulam? dahil ba sa natatakot kayo na baka saktan ko siya at sirain ko ang kaniyang buhay?" sa mga sandaling iyon ay hindi ko na namamalayan ang aking mga sinasabi at hindi ko rin namamalayang pumapatak na pala ang mga luha ko sa aking mga mata. "Tumigil ka na, Prinsesa Adena. Hindi si Hyrim ang siyang karapat-dapat mong makatuluyan, hindi ang aking anak." Saad niya. Kung ganoon lumabas din ang tunay niyang pagkatao. Pinapakita na niya sa akin ngayon na tutol siya sa pag-iibigan naming dalawa ni Hyrim. "Mahal ko ho si-" hindi pa ako natatapos sa pagsasalita nang bigla siyang sumigaw ng ubod ng lakas at itinapon na lamang sa kung saan-saan ang bawat gamit na makikita niya sa aming paligid. "Hindi! hindi ka maaaring umibig sa kaniya! hindi mo naririnig ang aking mga sinasabi? gusto mo bang magmakaawa pa ako at lumuhod sa iyong harapan para lang layuan mo ang aking anak?!" sigaw nito na may bakas ng lubos na poot sa kaniyang mukha. Natulala naman ako sa aking mga nasaksihan at narinig. Sa hindi maipaliwanag na kadahilanan ay bigla na lang nag-init ang aking pakiramdam at parang paunti-unting nagdidilim ang aking paningin. "Ano ba ang nagawa kong kasalanan sa inyo? hindi ba't hindi ko rin naman ginusto na mangyari ito sa akin? sino ba ang nagsabi na gusto kong masumpa sa kamay ng mga makakapangyarihang nilalang ng kadiliman? sino ba ang may gustong iwasan siya at layuan ng lahat? kahit minsan lang ba ay naitanong niyo sa akin kung ayos lang ba ako sa naging takbo ng aking kapalaran? o kung masaya man lang ba ako? naranasan niyo na bang pandirian ng lahat at ituring kayo na parang mabangis na halimaw kahit wala ka namang ginagawang masama sa kanilang lahat?" napayuko na ako at umiiyak. "Hindi. Hindi niyo kailanman maiitindihan ang nararamdaman ko. Dahil mga sarili niyo lamang ang iniisip ninyo." Dugtong ko. "Hindi 'yan totoo, prinsesa Adena. Alam mo naman na hindi kabilang si Hyrim sa mga nilalang na sinasabi mo. Nakakasiguro ako na iba siya sa lahat at hindi ka niya kailanman itinuring na halimaw." Ang isinaad niya na ikinatingin ko sa kaniya. "Pero isa ka sa mga nilalang na iyon, hindi ba?" ang tinugon ko na ikinabigla naman niya. "Prinsesa Adena," aniya nang mapansin ang pangingitim ng buong mata ko. "Alam mo ba ginoong Lik, matagal ko ng nilalabanan ang sarili ko na gumawa ng kasamaan at sa araw-araw na bumabangon ako sa umaga ay palaging may bumubulong sa aking tainga na ayokong naririnig. At alam mo ba kung ano ang sinasabi niya sa akin?" sa mga sandaling iyon ay hindi ko na alam ang mga ginagawa at sinasabi ko sa kaniya. Basta na lang akong humahakbang papalapit sa kaniya habang panay naman ang pag-atras niya sa akin. "At magpahanggang ngayon ay may binubulong siya sa aking tainga at isipan, iyon ay angkinin ang trono na dapat ay sa akin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD