Matapos ang kaunting paliwanag at presentasyon ay nagpaalam na rin si ma'am dahil tapos na at ubos na ang oras ng klase niya sa amin.
"Luna," tawag ulit sa akin ni Sam.
"Bakit na naman?" naiirita kong tanong dito.
Natawa naman siya. "Naiinip ka na ba?" tanong niya sa akin.
"Hindi ba halata?" tanong ko rin pabalik dito.
"Ano nga 'yon?" tanong ko nang hindi na siya magsalita.
"Wala," nagtatampong wika nito.
Napaharap ako sa kaniya at nangunot ang noo.
"Seryoso ka ba?" makabuluhang tanong ko rito at saka tinarayan siya.
Ang gulo talaga minsan kausap ni Samuel! Minsan ay kakausapin ka ng matino, madalas ay puro kalokohan.
"May gusto lang sana akong itanong sa iyo," saad nito.
"Ano nga 'yon?" naiirita na tanong ko rito.
Kinuha naman niya ang braso ko at niyakap-yakap.
"Paano ko masasabi kung naiirita ka?" tanong niya at saka nilaro-laro ang braso ko.
"Sabihin mo na ang gusto mong sabihin bago pa dumating ang sunod na subject teacher natin," saad ko sa kaniya.
Napabuntong hininga siya at bumitaw sa pagkakahawak sa aking braso.
"Hindi ba't seksyon narra ang napunta sa atin?" tanong nito.
Napatingin ulit ako sa kaniya. Dahil sa kursyudad ay nasandal ko ang aking siko sa aking lamesa.
"Oh, ano namang problema roon?" tanong ko rito.
"Alam kong hindi mo ito alam pero 'yong grupo na bumangga sa iyo kaninang umaga ay nasa seksyon narra at grupong 5 ang kinabibilangan nila..." bulong nito at bakas sa boses niya ang pag-aalala.
Tumawa ako nang mahina at saka tinapik ang kaniyang noo gamit ang aking dalawang daliri.
Dahil doon ay nanlaki ang mga mata niya.
Sa wakas, gising na rin ang totoong siya.
"Hindi mo kailangan mag-alala. Tandaan mo, gagawin lang nila iyon para sa grades, wala ng iba pa," paliwanag ko rito.
Nangunot ang aking noo nang makita na nakatulala pa rin ito.
Kumaway pa ako sa harap niya ngunit nanatili pa rin siyang tulala kaya napailing-iling naman ako.
"Huy!" sigaw ko rito at saka tinapik siya sa balikat.
"Ha—ano? May assignment—oh..." Natigil siya nang makitang hingalin na ako sa katatawa.
"Tulaley ka na riyan," pang-aasar ko rito.
Hindi ito tumugon sa akin sinabi at napasimangot na lang.
Hinawakan pa niya ang kaniyang noo.
Napataas ang aking kilay nang unti-unting tumataas ang sulok ng kaniyang labi na pahiwatig na ngumingiti siya habang hinahawakan ang noo nito.
Pinitik ko naman ang kaniyang kamay dahil doon.
"Tama na ang pag-iisip sa walang kabuluhang bagay. Bumalik ka na sa reyalidad," sarkastikong saad ko sa kaniya na kinasama nito ng tingin sa akin.
Natigil lang kami sa pag-uusap nang pumasok si Ma'am Dela Cruz.
Nagtaka naman ako at saka napatingin sa orasan dahil doon.
Pagkatapos pa ng isang subject ang klase ni ma'am ngunit tila maaga siya ngayon?
"Get ready, class," saad niya.
"Bakit po, ma'am?" tanong ng mga kaklase ko.
"Magkakaroon tayo ng earthquake drill mamayang 9 a.m.," paliwanag niya.
Naghiyawan naman ang mga kaklase ko roon at mukhang alam ko na ang dahilan noon.
Saktong alas nuwebe kasi ang math subject namin na ayaw na ayaw ng lahat—bukod kay Samuel.
"Maghanda na kayo," ulit pa na wika nito.
Pagkatapos noon ay napunta siya sa likuran at saka nag-ayos ng mukha.
Napailing-iling na lang din ako dahil doon.
Pagkaharap ko sa harapan ay mas lalo akong napailing matapos makita na halos lahat ng kababaihan dito ay naglalagay ng polbo at saka nagsusuklay.
May iba rin na nagdala ng pamaypay dahil mainit mamaya kapag sinimulan na ang earthquake drill.
"Huy, Reinavel!" tawag ko sa kaniya nang makigaya rin siya sa iba.
"Bakit, Luna? Gusto mo rin ba na maglagay ng polbo. Halika at lagyan kita," nagmamadaling wika nito.
Umiling-iling naman ako na pahiwatig na ayaw ko nito.
Hindi naman ako allergic sa polbo ngunit madali akong ubuhin kapag nakalanghap ako nito.
"Earthquake drill ang gagawin, hindi pageant," bulong ni Sam na kinatawa ko naman.
Pagharap niya ay mas lalo akong natawa dahil halos lahat ng kababaihan ay masama ang pinupukaw na tingin sa kaniya dahil narinig pala nila iyon.
Tinaas niya ang kaniyang dalawang kamay na animo'y sumusuko sa mga tingin nilang lahat.
Mas lalo naman akong natawa dahil doon.
Natigilan kaming lahat at saka bumalik sa kaniya-kaniyang upuan nang maglakad papunta sa harapan si ma'am.
"Ano nga ulit ang gagawin kapag may lindol?" tanong niya sa amin habang nakasandal sa lamesa sa harapan.
"Duck, cover and hold," sabay-sabay na sagot naming lahat.
Magsasalita pa sana ito ngunit natigilan si ma'am nang tumunog na ang siren. Pahiwatig na nagsisimula na ang drill.
Lahat kami ay sabay-sabay na bumaba at saka pumailalim sa lamesa namin. Bukod sa lamesa ay may kwaderno rin kaming hawak-hawak kung saan ay nakalagay sa ulo namin upang magsilbing cover.
Pinaraan muna namin ang isang minuto na pagtunog ng siren at ang pangalawang tunog nito ay saka kami nagsitayuan at kalmadong pumila sa labas.
Pinauna ako ni Sam na makalabas sa row ng upuan namin at dahil kailangan mabilisan ang lakad namin ay hindi ko na naabutan at nakita pa si Sam paglabas ko ng silid-aralan.
Awtomatiko kasi na nagsimula silang maglakad pababa ng building paglabas ko.
Hindi ko na tinignan pa kung anong seksyon at kung sino ang nakasabayan namin sa pila sa pagbaba ng hagdan.
Mabilis ngunit maingat ang bawat hakbang naming lahat.
Nang makalabas kaming lahat sa paaralan ay tinungo kami ng aming mga guro sa lugar kung saan ay walang puno at poste na babagsak sa amin.
Matapos maayos ang pila namin ay halos maligo ako sa pawis dahil sa init. Wala kasing mga puno na nagbibigay lilim sa amin.
Nang makita namin na umupo ang mga nasa harap ng aming pila ay sabay-sabay rin kaming umupo.
Dahil sa init ay hindi na ako nag-abala pa na tanggalin ang kwaderno na nasa ulo ko.
May isang titser ang lumapit sa amin. Sa pagkakatanda ko ay guro ito mula sa isang baitang.
"Sino ang class president niyo?" tanong nito sa amin.
"Si Vernice po," saad ni Nicole at sabay-sabay naming tinuro si Vernice na nasa likuran ng pila.
"Paki-ayos ang pila ng seksyon niyo, 'nak. Tignan niyo 'yong sa iba, maayos. Kayong seksyon lang ang pa-zigzag ang pila," ngiting wika nito.
Ang iba sa mga kaklase ko ay natawa ngunit ako ay hindi. Alam kong biro iyon ngunit dahil doon ay ramdam ko ang titig sa amin ng kabilang seksyon.
Tumayo si Vernice at pumunta sa unahan.
Si Vernice ay laging nangunguna sa klase simula pa noon. Simula noong baitang 7 ako hanggang ngayon ay magkaklase kami ngunit ayaw niya magpalipat sa narra, hindi ko nga lang alam ang dahilan. Hindi rin naman kasi kami ganoon ka-close sa isa't isa.
"Umayos kayo!" sigaw nito sa amin.
Lahat kami ay nagsitayo at saka sinigurado na pumantay sa isa't isa.
Hindi na kami nag-hands forward dahil sigurado na magugulo namin ang pila na nasa likuran namin.
"Oh, upo na!" sigaw ulit nito.
Pagkaupo namin ay naglakad pa siya sa gitna ng pila ng girls at boys.
"Ayos ang upo," wika niya sa nasa unahan ko.
Umusog naman ito kaya pati ako ay napausog sa pila.
Matapos maayos ay bumalik na siya sa kaniyang pila.
Ako naman ay halos itago na ang sarili sa araw at mas lalo kong naitago ang sarili ko sa likuran ng nasa harap ko matapos makita ang pag-picture sa amin ng ibang guro.
Alam ko na kasama ang pag-picture para sa drill ngunit ayaw ko na mapasama roon. Baka mamaya ay magkaroon pa ako ng stolen pictures.
Napaharap ako sa aking likod nang may kumalabit sa akin.
"Bakit?" tanong ko kay Rose dahil siya pala ang nasa likuran ko.
"Pinapaabot ni Samuel sa iyo," wika nito.
Kinuha ko ang papel na pamaypay at saka hinanap si Samuel.
Ngumiti naman ako matapos siyang makita. Nang magtapat ang aming mga mata ay binuka niya ang kaniyang bibig at naglabas ng mga salita ngunit walang boses.
"Magpaypay ka," saad niya at umakto pa na pinaypay ang kaniyang kamay sa kaniyang mukha.
Natawa na lang ako dahil doon.
Nag-thumbs up naman ako sa kaniya.
"Thank you," I whispered.
Nang magsimula akong magpaypay gamit ang papel na pamaypay na ginawa ni Samuel ay nagsimula na ring gumawa ang mga kaklase ko nito upang maibsan ang init.
Nang dumating si Ma'am Dela Cruz ay sa kaniya lang nakatutok ang mata ko.
Pagdating niya sa harapan ay nagtaka ako dahil magkatabi sila ng titser ng seksyon isa.
Ibig bang sabihin noon...
Tumingin ako sa katabi naming pila at halos matuod ako nang makita ang mukha ng kalalakihan ng seksyon isa, narra.
Sila ang katabi namin sa pila?! Ngunit hindi ba't masyado yata itong imposible dahil ang dapat na katabi nila sa pila ay seksyon mahogany.
Napataas ang aking kilay matapos makita si Reinavel na nakipagkamay sa isang lalaki sa seksyon isa.
Normal lang naman iyon ngunit iyon ba ang dahilan kung bakit siya nagpapaganda kanina?!
Napailing-iling na lang ulit ako dahil doon.
Matapos ang ilang minutos na babad sa araw ay pinapasok na rin kami ng aming mga guro.
Pinapasok kami ngunit hindi sa silid-aralan kun'di sa court ng aming paaralan.
Doon ay halos mahimasmasan ako dahil kahit papaano ay may hangin na dumadapo sa aking balat dahil sa mga halaman na nakikita sa paligid, isama mo na ang bubong na nagsisilbing sangga sa araw.
"Luna." Nagulat ako dahil sa biglaang pagbulong at pagkalabit sa akin ni Sam.
Nangunot ang aking noo at nagtatakang tumingin sa kaniya.
"Hindi ba't nasa hulihan ka ng pila?" tanong ko sa kaniya.
He chuckled. "Nakipagpalit ako ng pwesto."
"Bakit naman? Para sa akin?" Kinikilig na wika ko ngunit pang-aasar lang naman iyon.
Napataas ang kilay niya. He hissed. "Asa ka! Nakipagpalit ako dahil masyadong maingay sila roon."
Napasimangot naman ako dahil doon.
"Oh, sa iyo na 'yang pamaypay mo," wika ko at saka binato sa mukha niya ang pamaypay na papel na ginawa nito.
"Ito naman hindi mabiro," saad niya.
Magsasalita pa sana ako ngunit agad na nagsalita ang guro na nasa stage na may hawak ng mic.
"Tahimik!" sigaw nito.
"Shh!" sigaw ulit niya nang may marinig pang ingay mula sa court.
Halos lahat kami ay tahimik at konti na lang ay hindi na huminga dahil lahat kami ay takot sa kaniya.
Si Ms. Delos Santos na guro ng ika-sampung baitang. Major subject niya ang science at may sabi-sabi na strikta raw ito.
"Clap your hands three times," saad niya.
Sabay-sabay naman naming sinunod ang utos niya.
Lahat kami ay napatingin sa seksyon Narra na katabi namin nang may sumobra ng palakpak.
"First warning for that section," mariin na wika ni ma'am habang nakatingin sa kanila.
Napalunok naman ako dahil doon dahil tila tagos sa buto ang mga tingin niya.
"Clap!" sigaw niya, kasabay noon ay ang pagpalakpak namin ulit.
Naulit ang pagpapalakpak namin hanggang sa tuluyan na tumahimik ang buong court.
Matapos na manahimik ang lahat ay nagsimula nang mag-discuss si Ma'am Delos Santos tungkol sa drill na ginawa namin.
Matapos ang 10 minutos na pagdi-discuss ay bumaba na siya sa stage, kasabay noon ay ang pagsibol ulit ng ingay sa buong paaralan.
Napatingin ako kay Samuel nang paypayan niya ako. Tanging ngiti lamang ang binungad nito.
Tinignan ko naman ang papel na hawak niya, ito rin ang pamaypay na binigay niya sa akin kanina.
"Huwag mo na ako paypayan. Ayos na ako," wika ko sa kaniya.
"Ayos pero pinagpapawisan ka?" tanong nito sa akin.
Natawa ako dahil doon. "Daig mo pa ang Tatay ko kung makapagsalita ka, ah?"
"Ah, basta! Manahimik ka na lang diyan at papaypayan lang kita," wika niya.
"Huwag na..." wika ko rito at saka dinikit ang braso ko sa braso niya. "Baka mapagod ka pa."
"Ayos lang," saad nito.
Napailing-iling na lang ako dahil doon.
Kahit kailan ay hindi ko talaga magawang pigilan sa mga gusto niyang gawin kaya mas mabuting hayaan na lang siya.
Matapos ang mahaba-habang discussion ay lahat kami ay pinabalik na sa silid.
"Pulutin ang kalat," wika ni Ms. Delos Santos sa aming lahat.
Dahil sa takot ay bawat kalat na nakikita ko ay pinupulot ko na rin.
Lahat naman ng kalat na nakuha ko ay tinapon at ni-segregate ko sa basurahan.
"Tara na," wika ni Sam sa akin dahil kaming dalawa na ang nahuli.
Pareho kaming tumakbo habang hawak kamay ang isa't isa.
Natigilan kami sa pagtakbo nang may madanggi kami.
"Aray!" sigaw nito kahit na kamay lang naman namin ang nakadanggi sa kaniya.
"Ano ba? Mag-ingat nga kayo!" sigaw nito sa amin.
Nang mamukhaan ko siya ay natigilan ako at natuod.
Sinamaan pa kami nito ng tingin. "Hindi kayo magso-sorry?"
"Pasensya na," wika ni Sam habang ako ay nanatili lamang na nakatulala.
Bago pa magsimula ulit ito sa pagsasalita ay agad akong hinila ni Sam at sabay na tumakbo papunta sa silid.
She's the leader of group one of section Narra. I still remember her face and those stares are different than before…