Thylane
"Thy, smile ka naman!"
Ngumuso sa akin si Lisa nang magtama ang mga mata namin.
Tuloy ay napipilitan akong ngumiti sa harap ng camera ng phone nito.
Nang matapos magkuhaan ng mga litrato ay bumuntong hininga ako at saka kinutkot ang mga kuko sa kamay.
Nais kong mapaiyak sa lungkot ngunit pigil na pigil ko ang sarili ko.
Araw ng aming graduation, excited ako kanina dahil sa wakas ay makakapagtapos na rin ako sa pag-aaral. Ang pinangako ng aking magulang ay dadalo silang dalawa... ngunit natapos na ang lahat ay wala pa rin ni anino nila rito.
Umasa pa naman ako na darating sila upang mapanood ako na sasabitan ng mga medalya, tapos ganito pa ang nangyari. Wala man lang akong natanggap na mensahe mula sa kanila kung male-late ba sila o talagang hindi kayang makarating. Maiintindihan ko naman kung nagsabi sila.
"Uy!" Tumabi sa akin si Loana na abot-tenga ang ngiti. Umakbay ito sa akin, masayang-masaya. "Ang dami mong honors tapos ikaw pa ang pinakamalungkot dito. Baka naman kasi nagkaroon lang ng problema sa parents mo at hindi nakarating... Huwag ka nang malungkot, Thy!"
Napanguso ako sa sinabi ni Loana.
Pilit ko namang iniintindi na baka may problema lang na nangyari kaya hindi sila nakadalo, pero hindi ko pa rin maiwasang hindi malungkot dahil ito ang isa sa mga masasayang pangyayari sa buhay ko, tapos wala pa sina Mom at Dad.
"Sayang ang make-up, Thy! Ngiti ka na, ang ganda-ganda mo pa naman ngayon!" Lumapit sa akin si Lisa na nakangiti rin.
Wala na ang mga magulang nila dahil ibinigay na ang oras na ito upang mag-bonding kaming tatlo.
Nagbabalak pa nga si Loana na mag-celebrate kami at kumain sa katapat na restaurant. Ngunit nawawalan ako ng gana.
Nang hindi ako kumibo ay dinamba nila ako ng yakap kaya natawa na ako.
"Hmp. Sige na nga! Libre ko kayong dalawa mamaya," sabi ko upang gumaan na ang paligid namin.
Ayokong maging malungkot at baka masira ko pa ang moment namin na ito. Iintindihin ko na lamang na wala sina Mom at Dad, ayoko namang magtampo pa.
"Ano?! Libre?! Sama ako, pinsan!"
Sabay-sabay kaming napalingon kay Veronica na bigla na lamang sumulpot. Nakarinig lang ng salitang libre ay tumalas na ang pandinig.
Dahil sa paglitaw ng presensiya nito ay natahimik ang mga kaibigan ko, batid ko na hindi nila gusto ang presensiya ng pinsan ko dahil nga sa pagiging papansin nito sa akin.
Napangiwi pa ako nang kumapit ito sa akin at hinalikan ako sa pisngi.
"Yey! Salamat talaga, pinsan!" eksaheradang sigaw nito kahit na wala pa naman akong sinasabi na kung ano.
Kita ko ang pasimpleng pag-irap ng dalawa kong kaibigan sa pinsan ko.
Bumuntong hininga na lamang ako dahil wala akong magawa kundi ang makisabay sa pinsan ko. Nakakahiya naman kung sasabihin ko pang hindi kasama si Veronica sa panlilibre ko. At saka, ngayon lang naman ito. Pagbibigyan ko na lamang dahil alam ko rin naman ang kalagayan ng buhay nila.
Ngumiti ako sa kanila at saka sinenyasan sila na umalis na. Tapos na rin naman ang lahat dito at maaari nang makauwi.
"'Tay!"
Nakalabas kami ng pinagdausan ng graduation day namin nang biglang sumigaw si Veronica.
Nakatingin ito sa isang medyo may edad na lalaki na kamukhang-kamukha ni Daddy, ngunit mas halata rito ang kahirapan ng buhay.
Si Tito Dante...
Ang ganda ng pagkakangiti nito at maayos ang porma. Proud na proud ito dahil sa wakas ay nakapagtapos na rin ang bunso niyang anak na si Veronica.
Nakakaaliw na magkamukha sila ni Daddy, nakakamangha at ang galing. Pati tangkad ay parehas din sila, ngunit ang lalaking tinitingnan ko ngayon ay lumobo na ang tiyan at mas malaki ang timbang kaysa kay Daddy. Halata rin na mabisyo ito lalo't medyo mukha itong mas matanda kaysa kay Daddy, nangingitim din ang labi nito... at napapaubo nang hindi normal.
M-May sakit ba ito?
"Anak, aalis ka? Akala ko ba ay kakain tayo?" takang tanong ni Tito Dante sa anak. Hindi ako nito napansin, o sabihin na nating... hindi niya ako pinapansin. Halata ang pag-iiwas nito ng tingin sa akin, nangungunot ang noo nito.
Lihim akong bumuntong hininga.
Huwag naman sana siyang magalit sa akin dahil sa hindi nila pagkakaunawaan ni Daddy, wala naman akong ginagawang masama, e.
"Manlilibre raw si Thylane, 'Tay. Nais kong sumama..." Sa sinabing iyon ng aking pinsan ay napasulyap sa akin sandali si Tito. Ganoon pa rin ang mukha nito, ni hindi man lang ngumiti sa akin gaya ng ginawa ko.
"Bakit ka pa sasama sa iba para magpalibre? Ano ba ang tingin mo sa akin, hindi kayang gastusan ang sarili kong anak?" banat ni Tito na masama ang tingin sa anak, ngunit nahihimigan ko na ako ang pinaparinggan nito.
Umiwas ako ng tingin at marahang kinagat ang ibabang labi.
Huwag naman niya sanang masamain ang gagawin ko. Wala naman akong masamang ibig ipahiwatig kung manlilibre ako, gagawin ko lang naman iyon upang pasayahin ang mga kaibigan ko.
At bago pa man makasagot si Veronica ay bigla na lamang tumunog ang telepono ko.
Humingi agad ako sa kanila ng paumanhin at saka lumayo.
Nang masagot ko ang tawag ay bahagya akong napangiti.
Sa wakas ay napatawag na ang magulang ko!
"Mommy?"
"Honey, pasensiya ka na at hindi kami nakapunta sa graduation day mo. Nabiktima kami ng mga riding-in-tandem kanina, ang Papa mo ay naisugod sa hospital dahil natamaan sa hita. I'm really sorry, hone-"
Malakas na singhap ang kumawala sa bibig ko nang may malaking kamay na biglang humablot sa phone ko. Namatay ang tawag at nang lingunin ko ang may gawa niyon ay lalo akong napamaang.
At ano naman ang ginagawa niya rito? Hindi naman siya parent para magpunta rito, a!
"Give me back my phone!" inis kong sigaw kay Steve dahil napakawalang respeto nito. Kitang may kausap ako ay hahablutin na lamang niya nang ganoon ang phone ko, para bang ka-close ko siya kung gawin niya iyon.
Patay-malisya itong ngumiti sa akin at inabot ang dalawang bulaklak na hindi naman tunay. Rosas iyon na kulay puti at pula, iyon ang karaniwan kong nakikita tuwing sasapit ang Valentine's Day.
Nangunot ang noo ko at hindi pinansin ang ibinibigay nito. Ang phone ko ang kailangan ko, hindi ang bulaklak niya.
At para saan ba ang mga 'yan?
Ambang kukunin ko rito ang phone ko nang itago niya iyon sa likuran niya.
"I'm talking to my Mom. Ano ba, Steve... Ibalik mo na sa akin 'yan."
Hindi ko alam kung bakit matapos ang pagdalaw nito sa bahay namin ay hindi na ito nagpakita pang muli sa akin, ngayon na lamang ulit at ganito pa ang ginagawa niya.
Paano kung mag-alala sa akin si Mommy? Nakakatakot pa ang nangyari sa kanila kanina. Nasa hospital ang Daddy ko at kailangan kong puntahan iyon.
"Ayaw mo ba ng bulaklak ko?" anito na bahagyang nalungkot ang mukha. Tiningnan nito ang hawak kung kaya't napatingin din ako roon. "Pasensiya ka na, hindi ko pa kayang bilhin ang mga mamahaling klase ng bulaklak para sa iyo, bata. Sa susunod ay mag-iipon pa ako ng maraming per-"
"Ano ba itong ginagawa mo? Hindi ko naman kailangan ng mga bulaklak. Excuse me po, kailangang-kailangan ko ang phone ko," pagpuputol ko sa sinabi nito.
Sinenyasan ko sina Lisa at Loana na sandali lamang. Nauubusan ako ng oras dahil dito kay Steve na bigla na lamang susulpot.
At talagang ayos na ayos pa ito, tila may lakad.
"Nanliligaw nga ako sa iyo, bata. At hindi ko ibibigay ang cellphone mo hangga't hindi ka sumasama sa akin para makipag-date," anito na siyang nagpalaki sa mga mata ko.
Ligaw at date?!
Nalukot ang mukha ko't tiningala ito. Seryosong-seryoso ang mukha nito ngayon, walang mababakas na pagbibiro lalo na sa mga tingin nito.
Huminga ako nang malalim at napakamot ng sentido. "Bawal pa akong magpaligaw at sumama sa mga taong hindi ko gaanong kilala. Magagalit ang parents ko. At pakiusap lang, kailangan ko ang telepono ko. May emergency sa amin," nauubusan ko nang pasensiyang sambit dito.
Ngunit halos sumabog ako sa galit nang itago nito sa bulsa ang phone ko!
"Narinig ko ang sinabi ng Mommy mo kanina na nasa hospital ang Papa mo. Wala ka pang bodyguard sa ngayon, hindi ba? Naghahanap pa kayo ng pamalit sa Ricky na iyon. Sasamahan kita sa hospital ngayon din. Saka kita ide-date."
Nakikinig pala ito ng usapan ng iba. At paano niya nalaman na naghahap nga kami ng pansamantalang pamalit kay kuya Ricky habang nagpapagaling ito? Ini-stalk niya ba ang buhay namin?
Inis na napakamot ako ng batok at saka hinarap ang mga kaibigan ko na tahimik lamang na nakamasid sa amin.
Batid ko ang pangingilabot nila na nararamdaman dahil sa presensiya at mga pinagsasasabi ni Steve, halatang-halata iyon sa mga mukha nila. Ibig kong matawa at maiyak dahil ramdam na ramdam ko ang nararamdaman nila ngayon. Mas matindi pa nga.
Kung bakit ba naman kasi ako pa kinukulit ng lalaking ito...
Ayoko... Ayoko sa gangster at ganitong klaseng lalaki. Imbis na humanga ako sa kaniya ay nandidiri pa ako't nangingilabot.
"Lisa, Loana, pasensiya na at hindi ako makakasama sa inyo ngayon. Na-hospital kasi si Daddy dahil nabaril. Sorry talaga, sa susunod na lang ay aanyayahan ko kayo sa bahay para sa kaunting salo-salo," hinging paumanhin ko sa kanila.
Kung ayaw ibigay ni Steve ang cellphone ko ay bahala na siya. Pupuntahan ko na lamang ang mga magulang ko sa hospital na alam kong palagi nilang pinupuntahan.
Ngumiti sila sa akin, naiintindihan ang sitwasiyon ko. "Ano ka ba! Okay lang, 'no. Marami pa namang araw. Sige na, umalis ka na at baka hinahanap ka na ng parents mo," ani Lisa na tinulak-tulak pa ako palayo kay Steve.
Ngunit bago pa ako makalayo sa kanila ay nagpaalam din ako kay Veronica na hanggang ngayon ay nakikipagtalo sa Papa niya dahil ayaw payagan na sumama-sama sa akin.
"Bata, dito ka sumakay!" inis na sigaw ni Steve nang pumasok ako sa kotse. Inismiran pa nito si Lisa at hinawi nang tangkain nitong pigilan ang lalaki sa pagsunod.
Napakamot na lamang ako sa ulo dahil talagang nagmadali pa sa paglapit ang lalaki sa akin bago pa kami makaalis.
"Ma'am, kaano-ano n'yo po ba 'yang lalaki?" usyoso sa akin ng aming butihing driver na siyang naghatid sa akin dito.
Ngumiti ako rito at tila nabarahan ng lalamunan. "N-Nako, wala po, manong. Hindi ko po kilala 'yan," kaila ko. Baka magsumbong ito sa parents ko na may lalaki ako sa buhay, kahit wala naman.
Mahirap na lalo't malaki ang tyansa na magsumbong ang mga tauhan namin sa bahay sa parents ko.
Hindi pa kasi ako maaaring umibig sa edad kong ito. Ani Daddy ay saka na raw kapag may sarili na akong kita. At isa pang bilin niya ay ang hanapin ko raw sa isang lalaki ay maturity. Isa pa ay makakapaghintay naman daw ang pag-ibig dahil mas magandang tuparin ko muna ang mga pangarap ko sa ngayon. Kusa naman daw iyong darating...
Napaigtad ako nang biglang bumukas ang pinto sa gilid ko at dumukwang si Steve.
Isang malakas na singhap ang kumawala sa bibig ko't napaurong palayo rito.
Puwersahan nitong ipinahawak sa akin ang mga bulaklak na dala niya at saka ako matiim na tiningnan.
"Tsk. Ilalabas kita mamaya kapag nakausap mo na ang parents mo," bulong na deklara niya at saka malakas na isinara ang pinto.
Napanganga ako.
A-Ano ba sa tingin niya ang ginagawa niya?
E, ayoko nga magpaligaw! Kung nais niyang ligawan ako ay harapin niya ang parents ko! Kung matibay ang loob niya ay bahala na siya.
Nilingon ko ito nang magpunta ito sa motor niya na medyo nalipasan na ng panahon. Binuhay niya ang makina n'yon at saka matiim na tumingin sa sinasakyan ko.
Kinabahan agad ako lalo na sa ipinapakita nitong ekspresyon sa mukha. Seryoso iyon at tila may balak na masama.
Naiinis na ako sa Steve na iyon.
Hindi mapagsabihan ng isang beses. Mapilit...
Pinasibad ng driver ang kotse patungo sa hospital na pinakamalaki sa siyudad, gaya ng sabi ko.
At habang nasa biyahe ay hindi ko maiwasang hindi kabahan dahil nakakasunod pa rin sa amin si Steve. Nakakainis lang dahil ang bilis nitong magpatakbo.
Hindi ba siya natatakot para sa buhay niya? Paano kung madisgrasiya siya?
"Kuya, malayo pa po ba tayo sa siyudad?" tanong ko dahil gustong-gusto ko nang makita sina Mom at Dad.
Kawawa naman si Daddy. Nag-aalala na ako para sa kalagayan nito lalo't may edad na, tapos ganito pa ang sinapit.
Hindi talaga nauubos ang mga masasamang loob dito. Palagi na lamang may nakaabang na problema sa pamilya ko lalo't nasa mundo ng pulitika ang aking ina. May mga kakumpitensiya rin ang aking Daddy sa mundo ng kalakalan.
"Malapit na po, Ma'am," ang tugon ni kuya kaya napatango ako.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko.
Minsanan lamang akong makapunta sa siyudad kaya hindi ko gaanong kabisado ang pasikot-sikot papunta roon. May shop din doon si Mommy na kinagigiliwan ko dahil parehas kami ng nais sa buhay. Kinahihiligan ko ang paggawa ng mga iba't ibang klase ng kasuotan, at nais ko na balang-araw ay ako ang magmana ng shop ni Mommy.
Noon ay siya ang mananahi roon. Ngunit dahil naging abala sa trabaho ay ipinaubaya niya muna sa katiwala ang shop.
Nang makarating kami sa siyudad ay nakasunod pa rin ang lalaki sa amin. Ipinagsawalang-bahala ko na lamang iyon at agad na nagtanong kung nasaan naka-confine si Daddy.
Nang makarating sa room ay nadatnan ko si Mommy na umiiyak habang hawak-hawak ang phone nito.
"M-Mommy..."
Napalingon ito sa akin at lalong humagulgol.
Nasaktan ako lalo't hindi ko kayang makita nang ganito ang Mommy ko.
Marahan kong nakagat ang ibabang labi nang balingan ko si Daddy ng tingin.
Natutulog pa ito. May mga nakakabit na kung ano sa katawan nito at may ilang benda sa katawan. Isa pang nakapukaw ng atensiyon ko ay ang hita nito na nabaril.
Dahil sa nasaksihan ay napaluha ako.
Kaawa-awa ang hitsura nito.
"Nalaman na po ba ang salarin?" nanghihina kong tanong kay Mommy at napaupo sa tabi niya.
Lumunok ito nang mapatingin sa akin. "Ang sabi ng kuya mo ay tini-trace na nila ang mga riding-in-tandem na iyon. T-Tatawag na lamang daw siya kapag nahuli na," anito sa nanginginig na boses.
Nahabag ako sa hitsura ni Mommy kung kaya't napayakap ako rito. Ramdam na ramdam ko ang kalungkutan at galit nito.
Marahan kong hinaplos ang likod nito at pumikit nang mariin...
Ang kapalit ng kasikatan ng aming pamilya ay kapahamakan din.
Hindi ko maintindihan ang ibang mga tao, wala namang ginagawang masama ang aking pamilya sa kanila, tinutulungan pa nga, ngunit bakit nagagawan ng iba nang ganito ang mga taong walang ibang ginawa kundi ang tumulong at magserbisyo?
Sa hula ko ay mga naiinggit lamang ang mga iyon at ayaw na masapawan ng aking mga magulang...
Humigpit ang pagkakayakap ko kay Mommy nang makita ko ang pagsilip ni Steve sa salamin na bintana. Seryoso pa rin ang mukha nito habang nakahalukipkip na pinagmamasdan kami.
Nakakailang ang mga tingin nito kung kaya't ako na ang unang nagbawi ng tingin.
Bumitiw rin agad ako sa aking ina at saka pinakita ang mga medalya na naiuwi ko.
Natuwa ito para sa akin, ngunit nang mapansin ang hawak kong mga bulaklak ay napakunot ang noo nito.
Maging ako man ay natigilan dahil hindi ko napansin na hawak-hawak ko pa pala iyon.
Lihim na napatili ako dahil malamang ay nagtataka na ngayon si Mommy kung bakit ako mayroon niyon.
"Nagpapaligaw ka na, anak?" taas-kilay nitong tanong at napangiti. Natigil ito bigla sa pag-iyak. "Umamin ka, sino ang nagbigay sa 'yo nito? Iharap mo sa akin at nang malitis ko," dagdag pa nito nang makita ang pag-iling ko.
Napangiwi na ako at marahas na umiling dito. "H-Hindi po! Binigay lamang po ito ng isang estranghero na... na-basta po! Hindi po ako nagpapaligaw!" kaila ko rito na halatang nang-aasar pa sa akin.
Napanguso ako at umiwas ng tingin.
Totoo namang hindi ako nagpapaligaw, ngunit may nagpaparamdam sa akin na lalaking mukhang manyakis.
At kung sakali mang magpaligaw ako sa isang lalaki, tingin ko ay mahihiya pa akong umamin sa magulang ko. Hindi kasi ako sanay sa kaalamang may manliligaw sa akin. Tutuksuin lamang ako ni Mommy, at sesermunan ni Daddy.
"Talaga? E, bakit iwas na iwas ka? Ikaw talaga, anak! Kung gising lamang ngayon ang ama mo ay baka sambakol na ang mukha n'yon. Ayaw pa n'yon na nagpapaligaw ka at baka maaga kang mawalay sa amin. Alam mo naman kung gaano ka kamahal niyon dahil unica hija ka," ngingiti-ngiting aniya na tila ba walang problema.
Panandalian nitong nakalimutan ang kalungkutan kung kaya't napangiti ako nang wagas.
"O, siya. Umuwi ka muna sa bahay at magpahinga na. Ako na ang bahala rito sa ama mo. Dapat kasi ay hindi ka na nagtungo pa rito. Tapos binabaan mo pa ako ng telepono kanina. Ikaw, ha."
Lalo akong napanguso sa narinig.
Kung alam lang ni Mommy ang nangyari kanina ay talagang... tsk.
"Kakarating ko lang po ay pauuwiin n'yo na agad ako," nakangusong wika ko ngunit tumayo naman mula sa pagkakaupo.
Natawa ito at tinuyo ang mukha. Muli ako nitong niyakap nang mahigpit.
"Magpahinga ka muna at mananghalian sa bahay, anak. Ipapahatid ko na lamang kay manang ang mga kakailanganin namin dito. Sige na, larga na."
Humalik ito sa noo ko bago ako senyasan na lumabas na.
Napangiti na lamang ako dahil sa kabaitan ni Mommy.
Nang humarap ako sa pinto upang lumabas ay napasulyap ako sa bintana na gawa sa salamin. Wala na roon si Steve kaya't nakahinga ako nang maluwag.
Mabuti naman at hindi siya nakita ni Mommy...
Ngunit ganoon na lamang ang aking gulat nang may humigit sa akin pagkasara na pagkasara ko ng pinto.
Agad na binalot ng takot ang katawan ko nang makitang si Steve ang humihigit sa akin papunta sa kung saan.
"Isusumbong kita sa Daddy ko! Ano ba!" piglas ko rito.
Pinaghahampas ko ang braso nito gamit ang isang malayang kamay ngunit hindi naman niya iyon ininda.
"Puro ka sumbong, bata. Tulog naman ang tatay mo..." Sandali itong tumigil bago ako harapin nang nakangisi. "... kaya papaano ka makakapagsumbong? Tandaan mo na malaya kong magagawa ang mga nais ko sa iyo dahil abala ang parents mo ngayon. Akin ka muna sa ngayon, darling."
Muli itong naglakad kaya napaiyak na ako sa takot.
Ayaw kong magpahatak dito ngunit hindi kaya ng lakas ko ang kaniya. Ano mang gawin kong pagpiglas ay balewala lamang iyon sa kaniya.
"Ano ba kasi ang kailangan mo sa akin? Huwag ako ang guluhin mo dahil malalagot ako sa parents ko!" sigaw ko rito habang kinakaladkad niya ako papunta sa kung saan.
Napamaang pa ako nang mapagtantong nakalabas kami ng hospital nang hindi dumadaan sa entrance.
Mukhang kabisado niya ang mga pasikot-sikot dito.
Tila sa likurang bahagi pa kami dumaan dahil hindi ko makita ang kotse na sinakyan ko kanina.
"Tigilan mo na kasi ako! Hindi kita papatulan! Matanda ka na!" gigil kong sigaw rito... na kalaunan ay pinagsisihan ko rin...