Thylane
Hindi ako nakapasok kinabukasan dahil sa matinding lagnat. Galit na galit ang pamilya ko sa mga lalaking nanggulo kaya ipinadampot nila sa pulis ang mga lalaking naiwang... buhay.
May mga binawian ng buhay kahapon dahil sa nangyaring gulo.
Mabuti na nga lamang at hindi ako gaanong napagalitan at nasermunan nina Mommy at Daddy dahil masama ang pakiramdam ko mula pa nang umuwi kami kahapon.
Wala ako gaanong gana kumain dahil sa kawalan ng gana sa lahat ng bagay, at isa pa’y natitigilan ako’t nandidiri sa tuwing naaalala ko ang mga eksena kahapon. Lalo na ang lalaking binawian ng buhay sa harapan ko. Iyong mga binugbog ni Steve na balak sana akong saktan at ipahamak.
Hindi... Hindi ko kayang makasaksi ng mga ganoon. Nakakapangilabot.
“Anak, nainom mo na ba ang gamot mo?” sulpot ni Daddy habang nandirito ako sa sala ng bahay.
Matamlay akong tumango.
Kakainom ko lamang at hindi ko pa ramdam ang epekto ng gamot para sa lagnat ko. Nahihilo pa rin ako’t nanghihina. Masakit ang ulo ko at tila nais ng katawan kong bumalik na lamang sa kuwarto ko at saka itulog ito, ngunit ang nais naman ng isip ko ay maglakad-lakad sa hardin upang pagpawisan.
Hindi ko alam ang gagawin ko dahil nanghihina ako.
Napatingin ako kay Daddy nang lapitan niya ako at saka sinalat ang leeg ko. Lalo tuloy akong nanamlay dahil alam kong aalis sila ni Mommy upang magtrabaho.
Nalulungkot ako dahil wala na naman akong makakausap dito sa bahay.
“Tsk. Uminom ka lang nang uminom ng tubig mamaya para medyo gumaan ang pakiramdam mo. Sinabihan ko na si Manang na bigyan ka ng masusustansiyang pagkain at tubig...”
Tumango akong muli.
Kumapit ako leeg nito at lumambitay. Natawa ito at saka binuhat ako na parang bata.
Ako naman ay napangiti at mahigpit itong niyakap sa leeg. “Daddy, uwi kayo nang maaga mamaya, ha?” paalala ko rito.
Iba pa rin kasi ang pakiramdam na nasa tabi ko ang mga magulang ko sa tuwing nagkakasakit o masama ang pakiramdam ko. Mas magaan sa pakiramdam at hindi ako nalulungkot.
Minsan kasi ay hapon o ‘di kaya’y gabi na ang uwi nila. Mabuti nga ngayon at hindi sila umalis nang maaga. Alas nueve na nang umaga at hindi pa sila nakakaumpisa sa trabaho nila nang dahil sa akin.
Napanguso ako nang matahimik si Daddy. Mukhang alam ko na ang sagot...
“Honey, baba na sa Daddy mo at aalis na kami,” ani Mommy na kabababa lamang galing sa kuwarto nila.
Tuloy ay napilitan akong bumitiw.
Hinayaan ko ang sarili na bumagsak sa couch at saka pinagmasdan silang dalawa.
“Ingat po sa biyahe,” ngiting sambit ko kahit na nananamlay ang pakiramdam ko.
“Thanks, honey. Mag-ingat ka rin dito, ha? Bibili ako ng maraming prutas para sa iyo.” Napapikit ako nang halikan ako ni Mommy sa noo. Ganoon din ang ginawa ng aking ama kaya ganoon na lamang ang ngiti ko hanggang sa makaalis sila.
Saka ko hinayaan ang isip na lumagay sa kapayapaan...
Ngunit sa pagkakatulala ko ay bigla ko na namang naalala ang halik na ginawa namin ni Steve kahapon.
Bigla tuloy akong napamulat dahil doon at mariing isinubsob ang mukha sa unan na yakap-yakap.
Iyon ang unang beses na nahalikan ako ng isang lalaki... isang may edad na lalaki na hindi ko naman gaanong kilala.
Aaminin kong nandidiri ako lalo’t hindi ko naman kilala ang lalaki na iyon. Malay ko ba kung may sakit iyon na nakakahawa o kung ano pa man. Ngunit kahit na ganoon ay hindi pa rin mapigilan ng puso ko na tumibok-t***k nang mabilis sa tuwing naaalala iyon. Hindi ko alam kung may mahika ba roon sa bibig ng lalaki na iyon.
Nakakatakot ngunit tila gusto ko naman. Ewan! Nakakainis dahil naguguluhan ako sa nararamdaman ko.
Lalo akong napasubsob sa unan. Napatili pa ako sa isipan dahil ayaw sumang-ayon ng sarili ko nang buong-buo sa mga naiisip ko.
Hindi, hindi, Thylane. Huwag kang mag-isip nang ganiyan...
Hindi ko dapat iniisip ang mga ganoon. Pagagalitan ako ng pamilya ko at iisiping natututo na akong maging maharot.
Pero bakit niya ba ako hinalikan nang ganoon? Iyon pa naman ang unang halik ko, tapos hindi pa naging espesyal o naging sobrang kakilig-kilig para sa akin. Napilitan lang dahil sa isang hiling...
“May bisita po kayo, Ma’am.”
Napatingin ako sa aming kasambahay nang lapitan ako nito.
Bisita? Wala akong inaasahang bisita ngayon, a.
Malabong sina Lisa at Loana iyon dahil nagkausap na kaming tatlo kanina at okay na kami. Hindi naman galit sa kanila ang mga magulang ko dahil wala naman silang kasalanan.
“Sino po?” takang tanong ko’t tumigil sa pagkakatulala sa kisame. Bumangon ako mula sa pagkakahiga sa couch at saka umayos ng upo.
Wala naman talaga akong inaasahang bisita ngayon. Sino naman kaya iyon?
“Denson daw po ang pangalan, Ma’am. Papasukin ko po ba?” ani ate.
Tumaas ang mga kilay ko dahil sa pagtataka.
Denson? Wala naman akong kilalang ganoon na pangalan. Baka naligaw o nagkamali lang ng pinuntahan.
Umiling ako kay ate. “Pakisabi po ay baka nagkamali lang ng pinuntahan. Wala po akong kakilala na ganoon ang pangalan, e.”
Matapos niyon ay niyakap ko ang unan sa tabi ko.
Umalis si ate ngunit mayamaya ay bumalik din, tila namomroblema.
“Bakit po?” agarang tanong ko.
Kinabahan agad ako.
“E, Ma’am, namimilit po iyong lalaki. May kasama pa po pala siyang babae. Inaawat na po ng guwardiya pero mapilit po talaga,” imporma nito kaya lihim na nainis ako.
Baka may masamang balak iyon dito sa bahay. Wala pa naman sina Mommy’t Daddy dahil sa kani-kanilang mga gawain.
Mabuti na lamang at medyo okay na ang pakiramdam ko ngayon dahil nakainom na ako ng gamot, umeepekto na. Hindi na ako gaanong nahihilo at nasusuka, ‘di tulad kanina na halos umiyak na ako sa nararamdaman.
Buntong-hininga akong napatayo at saka binitiwan ang unan. Sumama ako kay ate upang tingnan kung sino ba ang nanggugulo na iyon at ayaw magpapigil.
Hindi pa naman masiyadong okay ang pakiramdam ko ngayon dahil sa sakit ko, tapos ganito pa ang mangyayari...
“Bata, papasukin mo kami!”
Napaigtad ako nang may boses ng lalaki na sumigaw mula sa gate. Nang silipin ko iyon ay ganoon na lamang ang gulat ko sa napagtanto.
Si Steve! Ano ang ginagawa niya rito?!
Agaran akong napalapit sa gate. Bigla ring sumulpot si Veronica na may suot pang sumbrero, salamin at mask. Tila may tinataguan at takot na takot makita.
“U-Uy, hello!” gulat ko pa ring bati sa kanila nang mapagbuksan ko ng gate. Sinabihan ko pa ang guwardiya na hayaan na lamang sila dahil kakilala ko naman.
“Akala ko ay pinagtataguan mo na ako kaya ayaw mo kaming papasukin...”
Kita ko ang pagngisi ni Steve sa akin nang makita akong naka-jacket at pajama.
Nangatal ang bibig ko dahil sa mga sinabi nito. Hindi ko siya pinagtataguan! Hindi ko naman kasi talaga kilala ang Denson na mukhang last name niya.
“Kamusta na, bata? Bibisita lang kami dahil sinabi sa akin ni Lisa na nilalagnat ka...” aniya pa na malagkit na naman ang mga tingin sa akin. “... dahil ba ‘yan sa halik ko?” dagdag pa nito kaya halos lumuwa ang mga mata ko.
Gulat na napatingin sa amin si Veronica na napasinghap pa. “Ano?! Hindi ba’t hindi mo pupuwedeng galawin ang pinsan ko nang walang pahintulot mula sa akin, ha, Tito?!” malakas na sigaw ng babae na lalo kong ikinalubog sa kahihiyan.
Paano kung iba ang isipin sa akin ng mga kasama namin dito sa bahay? At ang mas nakakatakot ay baka magsumbong ang mga ito sa parents ko.
Kaya upang pagtakpan ang lahat ay nagawa kong magsinungaling kay Veronica. “Uy, h-hindi iyon totoo. Grabe ka naman, Tito Steve.”
Agad akong napatalikod upang hindi mapansin ni Veronica na nagsisinungaling lamang ako. Naki-Tito na rin ako kay Steve upang malaman ng lalaki kung ano na siya ngayon.
Gustong-gusto ko nang kalimutan ang halik na iyon dahil nakokonsensiya lamang ako sa pagtatago mula sa mga magulang. Isang kahihiyan iyon para sa akin. Pero hindi ko magawa lalo’t nandito na naman siya sa tabi ko!
Pinapasok ko sila sa loob upang i-entertain dahil talagang nag-effort pa sila na bisitahin ako.
“Ate, pahanda naman po ng meryenda para sa aming tatlo,” maharan kong utos sa kasambahay bago balingan ng tingin ang dalawang bisita ko.
Naiilang na ngumiti ako kay Steve na kanina pa nakatitig sa akin.
“Thy, nasaan ang parents mo?” ani Veronica na panay ang libot ng mga mata sa bahay namin.
Ngumiti ako rito bago tumugon, na nagpaliwanag sa mukha nito. “Wala sila rito dahil may trabaho.”
Mabilis pa sa alas cuatro-ng inalis nito ang mga takip sa mukha.
“Talaga?! Wala rito?!” anito na tuwang-tuwa sa kaalamang wala rito ang mga magulang ko.
Tumango ako na nagtataka sa ikinikilos nito. “Oo, bakit?”
Huwag niyang sabihin na natatakot siya kina Mommy at Daddy?
“Wala, baka kasi galit sa akin sina Tita at Tito.”
Natawa ako sa sinabi nito. “Hindi naman sila galit sa iyo. Wala ka namang kasalanan sa hindi nila pagkakaintindihan ng Papa mo... Teka, paano pala kayo nakapunta rito?” wika ko na iniba na ang usapan.
Naiilang akong magsalita lalo’t hindi inaalis ni Steve ang mga tingin niya sa akin.
Naku, mabuti na lang talaga at wala rito ang parents ko, kundi ay baka kung ano na ang inisip nila kay Steve.
Hindi ko gusto ang presensiya nito ngunit pinipilit ko lamang ang sarili lalo’t iniligtas din ako nito kahapon mula sa kapahamakan. Tinulungan niya ako. Kahit papaano ay may utang na loob pa rin ako rito...
Tumingin sa akin si Veronica na napangisi. “Si Tito lang naman talaga ang may balak na pumunta rito para mangamusta at manligaw na rin sa iyo. At nakikita mo ba ito?” Pinakita nito ang dalawang libo na pera sa akin habang tuwang-tuwa ito. “Ito ang bayad niya sa akin sa pagturo sa bahay n’yo, pinsan. Aba! Talagang yayaman ako sa iyo, pinsan kong maganda!” pagyayabang niya na ikinangiwi ko.
Basta talaga pera ay ang bilis nito. Nais ko mang suwayin ito dahil turo ito nang turo ng lokasiyon ng bahay namin, paano kung may iba pa lang pakay si Steve rito? Edi lagot ako sa pamilya ko.
Sinimangutan ko ito. Hindi pa pala ito nagbabayad ng utang sa akin. Sabagay, mula pa naman noon ay gawain niya na iyon sa akin.
Nagningning ang mga mata ng aking pinsan nang dumating na ang aming meryenda para sa hapon na ito.
“Wow! Yayamanin talaga kayo, pinsan! Sarap tumira rito, a!” bulalas ng babae na agad dumakot ng pagkain nang makaalis ang kasambahay na naghatid, tila ba gutom na gutom ito.
Sandwich lamang iyon at isang slice ng cake, at saka sinamahan ng mango shake.
“Hinay-hinay ka lang sa pagkain, Veronica. Baka ika’y mabilaukan,” paalala ko rito at kumuha rin ng sa akin.
Bigla ay napagtanto kong hindi kumikilos si Steve sa upuan nito. Ni hindi nito ginalaw ang pagkain, nanatili lamang na nakatitig sa mukha ko.
Lihim akong napangiwi. Kailan ba siya titigil sa kakatitig sa akin? Ano ba ang mayroon sa mukha ko?
Tumikhim ako habang hindi makatingin nang maayos rito.
“Hindi mo man lang ba ako papansinin?”
Tila masama ang loob nito dahil si Veronica lamang ang kinakausap ko.
Nakagat ko ang ibabang labi at saka tumingin sa mga mata nito. “Pasensiya ka na... Salamat pala sa pagligtas sa akin kahapon. Salamat din sa iyo, Veronica. Iniligtas ninyo ako pareho. Utang... utang na loob ko sa inyo ang kaligtasan ko kahapon,” tipid na ngiting wika ko sa kanila.
Sinulyapan ni Steve ang dalang isang plastic na tingin ko ay naglalaman ng mga prutas. Saka muling bumaling sa akin.
Masaya ako dahil hindi ako gaanong napuruhan sa nangyari. Ngunit kaawa-awa ang sinapit ni kuya Ricky, ang sabi ay ilang araw pa itong mananatili sa hospital upang magpagaling. Mabuti na lang din at walang binawian ng buhay sa grupo nina Steve at Tito Eman, iyon nga lang ay marami rin sa kanila ang nahiwa ng bubog.
Ngayon nga ay may mga benda sina Veronica at Steve sa katawan. Maga pa ang gilid ng kilay ni Steve.
Napatingin ako kay Veronica na tumango-tango lamang sa akin habang panay ang kain. Ni hindi na ako nito pinapansin dahil sa pagkaabala nito.
“Huy, baka mabilaukan ka!” sita ko rito ngunit hindi man lang ako pinansin.
Tsk. Pasaway talaga si Veronica...
Sapilitan akong napatingin kay Steve nang tumayo ito mula sa upuan niya’t tumabi sa akin.
Gulat ko itong tiningnan at napasinghap.
“Hindi mo kasi ako gaanong pinapansin kaya ako na ang lalapit sa iyo, bata.” Ngumisi ito at saka inilabas ang laman ng dala niyang plastic bag.
Agaran akong napatikhim at lumayo nang kaunti rito. Kinakain niya ang personal na espasiyo ko at ayoko n’yon.
“H-Hindi na ako bata, Tito. Dalaga na ako,” pagtatama ko rito dahil hindi ko gustong tinatawag niya ako ng ganoon. Pakiramdam ko ay minamaliit niya ako sa pamamagitan niyon.
Pagak itong natawa at nabigla ako nang walang pasabi nitong kinapa ang leeg ko. Hindi lamang iyon dahil naramdaman ko pang hindi lang kapa ang ginawa niya, marahan niya pa iyong sinakal at hinaplos!
Mabilis kong natampal ang kamay nito pagalit itong tiningnan. Tumaas-baba ang dibdib ko dahil sa pagkagulat.
May pakiramdam ako na minamanyak na naman niya ako at iyon ang ikinakatakot ko.
Ngumisi ito’t natawa habang binabalatan ang isang orange.
Mabuti na lamang at abala pa rin ang aking pinsan sa pagkain, hindi nito kami gaanong pinapansin.
“Talaga? Dalaga ka na? Kung ganoon, may regla ka na?” mapaglarong anito na halos ikaluwa ng mga mata ko.
Mabuti na lamang at bulong lamang iyon!
Nakaramdam ako ng pagkainis dito dahil parang nakakabastos ang mga pinagsasabi nito tungkol sa personal kong buhay. At kailangan pa ba talagang itanong iyon?
Malamang! Dalaga na ako kaya malamang ay mayroon na ako niyon. Hindi pa ba halata sa kaniya? O baka talagang gusto niyang mailang ako o inisin sa mga pinagsasasabi niya.
“Isusumbong kita kina Mommy’t Daddy kapag ipinagpatuloy mo pa iyan,” ilang kong banta rito.
Sinubukan ko pa itong samaan ng tingin, ngunit sa huli ay napaiwas na lamang din ako ng mga mata dahil sa takot at pagkailang sa lalaki. Hindi ko makayanan ang presensiya nito.
“Subukan mo, bata. Itatanan talaga kita nang wala sa oras at aanakan...”
Sa sinabi nito ay napuno na ako. Nandidiri na ako lalo’t ang bastos-bastos ng mga pinagsasasabi nito sa akin.
Napapikit ako’t hindi natuloy ang pagtayo ko sana.
Ngumiwi ako dahil bigla akong nahilo.
“Okay ka lang?” tanong ng katabi ko na hindi ko pinansin.
Hindi, hindi ako okay. Lalo na’t nakakabastos ang mga pinagsasasabi niya.
Kung maaari lang ay sisipain ko na ito palabas, e.
“Huwag ka nang magalit sa akin, bata. Binibiro lang naman kita... Heto, kumain ka ng mga prutas na binili ko sa palengke. Huwag kang mag-alala at malilinis naman ang mga ito kaya hindi ka sasakitan ng tiyan.” Ambang isusubo niya sa akin ang orange nang ilayo ko ang mukha ko rito.
Sinamaan ko ito ng tingin. “Hindi nakakatuwa ang ganiyang biro, Tito. Lalaki ka at babae ako, hindi tamang ganoon ang mga sinasabi mo sa isang babae na tulad ko,” wika ko’t iniwas ang tingin sa mukha nito. Naaalibadbaran kasi ako sa hitsura nito ngayon. Hindi ko gusto dahil parang ang baduy niya tingnan.
Ang buhok nito na mahaba ay nakatali sa likuran. Hindi rin ito nag-aahit ng balbas niya na medyo makapal na, at isama pa ang hikaw nito sa kanang tenga na hindi ko alam kung para saan. Ayoko rin sa mga tattoo nito sa mga braso’t leeg. Nakakaturn-off ang ayos nito. Halatang-halata rin ang pagka-gangster nito sa kilos niya.
Kung ito ang manliligaw sa akin dito sa bahay, malamang ay pinalayas na agad ito ni Daddy. Ayaw niya sa mga ganitong klaseng lalaki...
Napatingin ako rito nang sapilitan niyang ipasak sa bibig ko ang orange na nabalatan na niya. Sumirit pa ang katas niyon kaya lalong sumama ang tingin ko rito at saka nginuya ang pagkain.
Natawa ito sa mga tinging ibinabato ko sa kaniya. “Okay, okay, bata. Pasensiya ka na. Pero huwag mo akong tawaging Tito at nangingilabot ako. Lucario na lang o Steve, o kung gusto mo... darling.”
“Hoy! Tito, ano ‘yan?! Nalingat lang ako sandali ay dinadali mo na ang pinsan ko! Bayaran mo ako dahil sa kalapastanganan mong ginawa!” singit ni Veronica na nataranta pa dahil naisahan siya ng lalaki.
Unti-unting bumagsik ang mukha nito at saka napatayo, bitbit ang pagkain ay naupo ito sa gitna namin ng lalaki habang naghi-histerikal.
“Ang daya mo, Tito! Sabi ko bawat dikit ay may katumbas na pera! Kung ayaw mong magbayad ay mabuti pang ilaglag na lang kita sa Tito’t Tita!” inis na turan ni Veronica kaya napasimangot na lamang ako’t walang ganang isinandal ang sarili sa inuupuan.
“Mukha mo puro kuwarta. Kita mong mahina pa ang nakukuha ko sa bago kong raket,” inis na tugon ng lalaki na dinukot din naman ang pitaka nito sa bulsa ng suot na pantalon.
Kitang-kita ko sa mukha nito na napipikon na ito dahil naisahan siya ngayon ni Veronica sa pera.
Hindi ko alam, pero para silang mga baliw na nag-uutuan ng isa’t isa. Ito namang lalaki ay mapagpatol sa pinsan kong mahilig mangurakot ng pera.
At saka, kailangan ba talagang magwaldas si Steve ng pera para lang sa mga banta ni Veronica patungkol sa akin?
“Wala akong pakialam, Tito. Ginusto mo ang pinsan ko kaya kailangan payamanin mo ako. Aba, hindi ‘yan binuhay at pinalaki sa mundo para lang mapunta sa isang balasubas na tulad mo. Kailangan patunayan mo rin sa amin na kayang-kaya mong buhayin ang pinsan ko kung sakaling magkatuluyan kayo.”
Tila lalagnatin ako lalo sa dalawang maingay na ito. Sumasama na naman ang pakiramdam ko dahil sa mga ito.
Ano ba ang nangyayari sa utak ng aking pinsan at tila kinain na ito ng pera? Ganoon na ba talaga ito kagipit na pati ibang tao ay pinagkakakitaan at niloloko?
Sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko ang pag-abot ni Steve ng pera sa babae. Labag sa loob niya iyon, ngunit nang mapatingin sa akin ay napangisi ito.
Agaran akong napaiwas, ibinaling ko sa gilid ang aking tingin upang hindi na sila makita pa. Tila lalong lalala ang sakit ko sa kanilang dalawa.
“Tsk. Kahit ganito ako ay kaya kong buhayin at itira sa magandang tirahan si Montehermoso. Handa akong magbagong buhay para sa kaniya,” parinig ni Steve kaya lalong sumama ang pakiramdam ko.
Hindi ba talaga siya titigil sa pagpaparinig sa akin? Kakakakilala pa lamang namin ay iyon na agad ang mga pinagsasasabi niya. Nangingilabot na ako ngunit hindi ko naman magawang iwaksi na lamang nang ganoon iyon...