“Kaya hindi totoo na niloko ka ng anak ko. Ginawa lang naman niya iyon dahil ayaw niyang mapahamak ka. Alam kong napakalaki ng kasalanan ko. Kaya ng makita ko kung papaano siya nasaktan ay nagsisi ako. Lalo na ng makita ko kung papaano naging miserable ang buhay niya. Alam ko, napakalaki kong gago. Kaligayahan ng anak ko, pinakilaman ko.” Umiiyak na ito habang napapaubo. Hindi siya makagalaw sa kinauupuan niya at nakatitig lang sa matanda. “Patawarin mo ako, Jeremy, kung nasira ko kayo. Kung dahil sa akin ay nasaktan kayo hanggang ngayon. Alam kong nasaktan ka sa ginawa niya, pero para sa ‘yo ang lahat ng ‘yon. Nang malaman ko na nagkita na pala kayo ulit ay sinabi ko sa kanya na kausapin ka at sabihin ang totoo, pero ayaw niya. Masaya na daw siya na natupad mo ang mga pangarap mo.

