"Tingin ko dapat na nating inumin ang Memorica Syrup." Binatukan ko kaagad si Zyair dahil sa sinabi niya kaya agad siyang lumayo sa akin. "Kahit kailan wala ka nang nasabing tama." Sinamaan ko pa siya ng tingin. Bahagya siyang ngumuso, kabadingan na naman nito, "Grabe naman, natutulungan naman kita. Ang sakit mong magsalita." Umakto pa siyang nasasaktan habang hawak ang dibdib niya.
"Kailangan nating malaman kung anong mga nakasulat dito. Hindi na tayo dapat pa mag-aksaya ng oras." Kinuhaan ko na din ng litrato ang dalawang papel na hawak ko saka ko inutos kay Zy na itapon ang papel. Mahirap na dahil baka makita pa nila na nasa akin ang mga papel na 'yon e 'di nalaman na nilang minamatyagan namin ang bawat kilos nila.
"Pero paano nga natin malalaman?" Nag-isip muna ako bago siya tinignan, "Siguro.... umalis ka na dito sa kwarto ko. Bukas na lang ulit pag-isipan." Sinamaan naman niya ako tingin dahil inakala niyang may matino akong planong masasabi. Napakamot siya sa ulo niya bago tumayo, "Pasalamat ka tropa kita." Hindi ko na siya pinansin pa at tuluyan na siyang umalis. Tinitigan ko ang mga litrato sa cellphone ko hanggang sa makatulog ako.
Maaga akong nagising kinabukasan. Bawing-bawi na naman ako sa tulog dahil ilang gabi din akong puyat kakabantay sa anim. Tulog pa ang mga kasamahan ko sa kwarto kaya naman naligo na ako at nag-ayos ng sarili bago lumabas ng kwarto. Dahil maaga pa para sa klase, pumunta muna ako sa garden para magpahangin at magpalipas ng oras. Akala ko ay solo ko ang lugar dahil maaga pa naman ngunit nadatnan ko doon si Thalia na tumutugtog ng gitara. Nilapitan ko naman siya nang mapansin niya ako.
"Hey, good morning," bati niya sa akin. Tumango lang ako bilang pagbati pabalik. Umupo ako sa tabi niya ngunit ilang dipa ang layo. Pinanood ko lang siyang tumugtog, nakaka-relax kahit papaano. "Ang aga mo yata?" panimula niya ng usapan.
"Hmm, maaga akong nakatulog," maiksing sagot ko. Tumingin ako sa langit, "Ikaw? Bakit na'ndito ka?" tanong ko pabalik para may mapag-usapan kami. "Ganitong oras talaga ako nagigising at tumatambay na dito." Tumango naman ako.
Nagi-strum lang siya sa gitara niya nang biglang pumatak ang tubig mula sa itaas, umaambon. "Mukhang uulan, pasok na tayo sa loob," yaya ko. Mabilis niyang inayos ang mga gamit niya ngunit lumalakas na ang ambon hanggang sa maging literal na ulan na. Mabilis kong inalis ang bag na suot ko at itinaklob sa ulo ni Thalia. Binilisan niya ang pagkuha ng mga gamit niya at tinulungan ko naman siya saka kami nanakbo papuntang main hall ng HIU. Pagdating doon ay mukha na kaming mga basang sisiw.
"Kird, thanks and sorry. Nabasa ka pa tuloy," paumanhin niya. Tumango lang ako, "Ayos lang," maiksing sabi ko. Pinagpagan namin ang mga uniporme namin. Kinuha ko naman ang gitara niya at binitbit, "Ako na dito. Maaga pa naman kaya mas mabuting mag-bihis ka ng damit mo. Baka lagnatin ka."
"Hindi, ayos lang ako. Nakakahiya--" Hindi ko na pinatapos pa ang sasabihin niya saka inilayo ang gitara niya mula sa kanya dahil gusto niyang kuhain. "Sumunod ka na lang." Wala naman siyang nagawa kaya naglakad na siya papunta sa dorm nila. Sinundan ko naman siya. Bagong ligo lang naman ako kaya ayos lang kahit hindi na ako magpalit ng uniporme. Nang makarating kami sa harap ng dorm nila ay lumabas si Eury mula sa loob. Nagulat siya nang makita kaming dalawa ni Thalia, "Oh, anong nangyari sa inyo?" gulat na tanong niya. Lumabas din si Priscilla at gulat na nakatingin sa amin, "It's so early in morning and yet basang-basa na kayong dalawa. Is it raining?"
"Oo, nagkita kasi kami ni Kird sa garden at nadatnan kami ng ulan. Bihis lang ako." Hinarap ako ni Thalia at kinuha ang gitara niya, "Thanks," sambit nito bago tuluyang pumasok sa kwarto nila. "I didn't know that you two are close?" tanong sa akin ni Cilla. Nagkibit balikat lang ako at tinalikuran sila, "Ikaw ba, hindi ka magbibihis? Baka magka-sakit ka," sumunod sa akin si Eury. Marahil ay pupunta na din sa classroom. Napalingon ako sa kanya at napansing wala na si Cilla, baka pupuntahan sila Wren sa kabilang dorm.
"Ayos lang ako," sagot ko. Nang makarating sa classroom ay na'ndoon na si Zyair. Dumudugo ang ilong niya kaya may bulak na nakasuoksok sa loob, "Oh, Zy, what happened to your nose?" bungad sa kanya ni Eury. "Ah wala 'to. Ganito talaga ako kapag umaga tapos malamig ang panahon, nagno-nosebleed. 'Wag ka mag-alala my loves," lokong sagot nito. Hindi naman na siya pinansin ni Eury at umupo na siya sa pwesto niya.
"Anong nangyari sayo at basang-basa ka?" pansin ni Zy sa akin. Nilapag ko naman ang gamit ko sa tabi niya. "Naabutan lang ng ulan. CR lang ako," paalam ko bago lumabas ulit ng classroom. Wala pa ako masyadong makita na estudyante dahil maaga pa. Pagpasok ko sa isang cubicle ay hinubad ko ang uniporme ko para pagpagan at matuyo ng kaunti. Maya-maya lamang ay may narinig akong pumasok sa loob ng banyo. Tahimik akong kumilos at hindi gumawa ng kahit anong ingay.
"Wren, the director told us that we are not allowed to drink that," rinig kong suway ni Seven kay Wren. Umusod ako para hindi nila maramdaman na may tao dito. Inaakala siguro nila na dahil maaga pa, wala pang estudyante dito sa banyo.
"Tss, I was just curious. We already injected three times of this product to our body but nothing happened. Don't worry, this won't affect me."
"Wait Wren-- shit." Bakas sa boses ni Seven ang inis. Marahil ay hindi na niya napigilan si Wren at ininom ang Memorica Syrup. Hindi ko alam kung bakit nga ba ipinagbawal ng director na uminom ang mga class one students no'n. Naalala ko pa na kapag tumalab sa kanila iyon, ibig sabihin iba ang magiging epekto sa mga lower level.
"You worried too much dude, stop it." Naramdaman kong hinila na ni Wren palabas si Seven. Nagpalipas muna ako ng ilang minuto bago lumabas ng banyo at bumalik sa classroom. Nakita ko na nandoon na sila Wren at Seven at ang iba pang class one. "Hoy ang tagal mo naman mag-CR, saan ka ba nag-CR?" bungad sa akin ni Zyair. Napatingin naman sa akin sila Wren at Seven pero hindi ko sila pinansin. Nanatili ang paningin ko kay Zy saka tumabi sa kanya, "Sa dorm ako nag-CR," maiksing sagot ko.
"Ah kaya pala ang tagal mo. Hinanap pa man din kita."
"Hanggang banyo ba naman ay gusto mo akong sundan?" Sinamaan naman niya ako ng tingin sa tanong ko, "Kadiri ka pare, 'di tayo talo," nandidiri na sambit niya. Nawala naman ang paningin sa akin ni Seven. Pahamak talaga 'tong si Zy kahit kailan, tss.
Kinabukasan ay maaga ulit akong pumasok dahil hindi ako nakatulog ng ayos kaka-isip sa mga posibleng nakalagay sa mga mensaheng nasa litrato sa phone ko. Inakala ko din na pupunta ulit sila sa science laboratory kagabi ngunit wala naman akong napansin, nag-aksaya lang ako ng oras. Lumipas ang oras at dumating na ang mga kaklase ko pati na din ang guro namin ngayong araw.
"Aga mo, a," bungad sa akin ni Zy bago umupo sa tabi ko, lumapit naman siya sa akin para bumulong, "Ano? May bagong nalaman ka na ba?" Umiling lang ako bilang sagot. Nag-simula na mag-klase ang guro namin. Maya-maya ay nag-anunsyo na siya, "Okay, class one students may leave the room now. Be prepared for the academic competition later between class one and class eight." Tumingin siya sa anim saka sila tumayo.
"Thank you, Miss," paalam nila bago tuluyang lumabas ng classroom. May mga nagboluntaryo mula sa class eight na sumali sa academic competition na inihanda ng director. Ngayon ko lang sila nakitang gano'n katapang upang kalabanin ang mga taga class one.
Nag-punta na kami sa gymnasium nang oras na upang mag-simula. Kahit wala naman kaming gagawin doon ay gusto kong mapanood ang mga mangyayari at ang progreso ng bawat kaklase ko. Mga higher level lang ang nandito ngayon mula class one hanggang class eight. Naka-handa na din ang mga test papers sa entablado at may malaking timer sa gilid. Ang director at iba pang guro ay nasa gitna para mapanood sila.
Umupo kami ni Zy sa gilid sa grupo ng mga class eight. Malayo sa amin ang pwesto ng mga class one kaya hindi ko makita kung sino ang lalaban sa kanila. Dalawa ang representative sa class one at class eight. Isang babae at isang lalaki ang lalaban sa amin.
"Let's not waste any more time and begin with our academic competition prepared by Director Lucas Gavin between the class one students and class eight students. Let me call on the representatives of class one which are Mr. Wren Keanu and Mr. Treyton Seven." Pumalakpak ang mga estudyante nang tawagin sila saka umakyat ng entablado. "And for the representatives of class eight, let us all welcome Ms. Darin Samiego and Mr. Mark Rontis." Malakas naman na naghiyawan at palakpak ang mga class eight, nakisali pa si Zyair na katabi ko. Umakyat na din ang dalawa at umupo na sila sa harapan. Alternate ang upo nila para hindi magkakatabi ang bawat representative ng class one at eight.
"You have only thirty minutes to finish the one hundred items on the test papers. Just press the red button on your left side when you are done. You must complete the answer on each question and show your solution to the Math subject. Good luck. Time starts now!" Pagkabanggit ng announcer ang salitang iyon, agad na silang kumilos at kinuha ang mga ballpen nila saka nag-sagot. Masasabi kong hindi sapat ang trenta minutos sa pagsasagot ng isang daang tanong lalo na't kailangan pa maipakita ang mga solusyon sa math. Ngunit sobrang nakakapagtaka na sampung minuto pa lang ang nakakalipas, tapos na kaagad si Wren. Mabilis niyang pinindot ang red button.
"Woah! Mr. Wren already finished his exams! Put your paper on the scanner and let's see your score." Napatingin ako kay Seven na nakakuyom ang kamao at masama ang tingin kay Wren. Tumayo si Wren at inilagay sa scanner ang papel niya matapos ay nag-abang kami sa screen sa entablado kung ano ang lalabas na score niya. Out of 100 ay 100 din ang tamang sagot na nakuha niya, perfect.
"Paanong nasagutan niya kaagad ang lahat ng ito? Hindi kaya ay nandaya siya at nakita na niya agad ang test papers?" reklamo ni Mark. Isa siya sa class eight na nasa entablado.
"Don't accuse me, remember I am from class one and you can't beat me," pagyayabang ni Wren.
"Okay students. Don't worry it was just the first examination that you will take. Try harder for this." May mga guro na umakyat sa taas at pinalitan ang mga examination na hawak ng apat. Nakatalikod muna ang mga papel nila sa kanila, "Timer starts now!" anunsyo muli ng announcer. Trenta minutos ulit ang oras at inobserbahan ko si Wren, ang bilis niya mag-sagot na para bang sobrang bilis niya ding naiisip ang sagot kumpara kay Seven na hindi gaano kabilis. Tinignan ko din ang dalawa na mula sa klase namin, halos parehas lang sila kay Seven ng bilis ng pagsasagot. Sampung minuto muli ang nakalipas at tapos na si Wren.
"That was really quick!" Tumayo si Wren at nilapag ang exam sa test papers. Imposible din naman na nakita na niya ang mga tanong bago pa ang araw na ito dahil sa dami ay hindi niya agad masasaulo at lagi ko sila inoobserbahan hindi naman sila nagkakalayo ng mga kaibigan niya. Katulad kanina ay nakuha niya muli ang lahat ng tamang sagot.
"So we have a winner. Congratulations, Mr. Wren Keanu!" Inis na bumaba si Seven ng entablado habang si Wren ay pinapalakpakan ng mga estudyante. Lumabas si Seven ng gym, napansin kong sinundan siya ni Thalia. "Pakinggan mo sasabihin ng director," utos ko kay Zy saka mabilis na tumakbo palabas ng gym para sundan ang dalawa.
Nakita kong pumasok si Thalia sa banyo ng mga lalaki kaya sumunod din ako. Nanatili ako sa labas at narinig kong nagwawala si Seven. "Damn it! He's unfair!" sigaw nito.
"Calm down, Trey. He's not unfair, sinagot niya lang ang mga--"
"You don't know a thing, Thalia! He drank the Memorica Syrup that's why he's that fast to answer the exams!"