Lunok pa rin ako ng lunok. Naalala ko iyong lalaki sa elevator. Ang bad boy niya. Malayong-malayo kay Boss. Nawala tuloy ang kaba ko at pinag-igihan na lang ang pagpiprinta ng mga papeles na kailangan sa room ng Big Boss. Minsan natutulala na lang ako dahil doon. Na hindi ko rin naman maintindihan. Akala ko ba okay na iyong isang crush? Bakit mukhang madadagdagan pa dahil doon?
Naku... nagiging salawahan na ako, na hindi naman dapat.
"Shee, meryenda raw sabi ng Kuya mo." Tawag ng isang katrabaho ni Kuya Jay.
"Opo Ma'am,"
Ngumiti lang ito at naunang umalis. Sumunod naman ako kalaunan pagkatapos na e-file lahat ng kailangang papeles. Nakita ko nga si Kuya Jay na nakaupo sa pahabang lamesa doon sa kusina ng ikalabing walong palapag ng building. Kumaway pa ito pagkakita sa akin.
"Ibinilin ka ng Kuya Arman mo sa akin, kaya dapat lang din na alagaan kita. Baka sabihin pa noon pinapabayaan kita rito." Ngisi niya, at tinulak ang meryend sa harap ko.
"Hindi naman siguro, Kuya." Iling ko bago kumuha at binigay sa ibang nagbreak din. May ibang nakikipag usap naman sa akin. Ngunit mas abala ako kay Kuya Jay. Nagtataka nga ako kung bakit ang daming nang-uusisa sa akin. E wala namang espesyal.
"Tomboy yan dati!" Natatawang sigaw ni Kuya.
Napatitig ako sa kanya, bago napaiwas. Mas lalo tuloy naging kuryuso ang mga tao. Ngumingiti na lang ako minsan pag hindi ko na alam ang isasagot.
Nasa kalagitnaan yata ng pagkakape noong pumasok sa loob iyong lalaking nakasabayan ko sa elevator. Nanlalaki naman ang mga mata ko at nailapag ng wala sa oras iyong hawak ko na tasa. Tumayo sina Kuya at bumati, nakitayo na lang din ako at bumati. Malay ko ba, at baka isa ito sa mga managers na nandito. Iyong talim ng mga mata niya, halata namang mataas ang posisyon dito. Mas mataas pa siguro kesa kina Kuya Jay at Kuya Arman. Ngunit hindi naman siguro mas mataas kay Boss.
"Kapatid ka ni Arman?" Seryosong tanong niya sa akin noong dumaan siya sa gilid para kumuha ng tubig sa dispenser.
Napaatras ako ng kaonti, medyo nahihiya pa rin bago tumango. Kung makaasta talaga e, parang acting CEO! Malayong-malayo kay Boss.
"Didn't know he has a younger sister. Your brother is handsome but why..."
Huh?! Ano raw? Namimilog ang mga mata ko sa gulat. Parang pinapamukha niya sa'kin na pangit ako! Loka 'to ah! Ang dami ngang nanghinayang sa akin nang natuto akong magsout ng panlalaki. Sayang daw kasi. Pagkatapos ganito lang ang sasabihin niya? Matabil!
O baka naman bakla? Gwapo raw si Kuya e.
"Why are you giggling?" Amuse na tanong niya sa akin.
Unconscious na nalaglag na naman ang panga ko. Gusto kong magsalita pero natahimik na lang ako roon. Gusto ko ngang... gusto ko nga siyang sabunutan dahil sa isang iglap, nagawa niya akong inisin.
Ano naman kung hindi kasing ganda ng mga endorser nila? Kawalan ba iyon? Hindi naman pagmomodel ang pinilit kong pasukin dito.
"Bakit hindi ka nagsasalita?"
Sumilip ako kay Kuya Jay na ngumisi sa akin bago sumenyas na aalis na kasama iyong mga katrabaho niya. Kumunot ang noo ko ng nakita ko siyang nag-'deads' sign. Siguro pinamumukha niya sa'king patay ako rito.
"Are you mute?" Kunot na kunot na iyong noo niya ng bumaling ako sa kanya.
Ako nga rin at napakunot noo. Anong ibig niyang sabihin diyan sa binibigay niya sa akin?
"Sorry Sir, nakalimutan kong—-" natigilan ako, at pilyang ngumisi,"—magsalita."
Napatitig siya sa akin. Mukhang natigilan pa ang loko. Ako nga e natutuwa sa pagiging matabil niya. Kung ano-ano na lang kasi ang sinasabi. Para bang nagpapansin. At iyon ang tanong sa isipan ko na hindi ko naman masagot-sagot. Ano ngayon kung ganoon nga?
"Silly." Pigil ngiting sabi niya at kumuha ng kape.
Kumunot ang noo ko, nabura ang ngisi bago nag-abot ng butter para sa isang tinapay pa. Napatayo ako noong naupo siya sa harap ko. Pinigilan naman niya ako at hinila ang kamay ko para maupo roon.
"Upo ka. Samahan mo ako."
Nalukot na iyong mukha ko, bakit kamo nagpapasama? Alam ba niyang scholar ako ng kompanyang 'to? May dalawang oras pa akong trabaho. Kailangan kong kumilos kung ayaw kong mawalan ng scholarship.
Nagpipigil pa rin siya ng ngiti nang lingunan ko. Hindi ko naman talaga alam kung ano ang tumatakbo sa isipan niya. At wala rin naman akong pakialam.
"Papagalitan ako ni Sir Dunhill, scholar ako nitong kompanya at pag nakita niyang tatamad-tamad ako, baka magdalawang isip na siya sa binigay niya sa akin."
Nagulat siya sa sinabi ko, natigilan nga sa paghahanda ng sariling merienda. Ngunit kalaunan ay napalitan iyon ng ngisi.
"Magagalit iyon kapag narinig ka niyang tinatawag siyang Dunhill. He prefers Hawk." Iling nito, natatawa at naghahanda ng kanyang kape.
Nanlalaki rin ang mga mata ko. Tumikhim ako. Sinubukan ulit na magsalita.
"Magagalit nga si Sir Hawk."
Narinig ko ang hagalpak ng tawa niya. Lumunok ako, pahiyang-pahiya bago tumayo at tumingin sa paligid. Kailangan ko na talagang bumalik sa trabaho.
"Okay, you can go. I can't see you tomorrow." Iling niya.
Kumunot naman ang noo ko at naglakad palabas. Para bang lutang ako at namamanhid ang pisngi sa inis. Nang-iinis talaga e. At wala na lang sana iyon kung hindi ko lang siya nakitang dumaan sa photocopier at napatitig sandali sa akin. Tumango lang ito ng may bumati.
Wala sigurong trip.
Napasimangot ako noong hindi ko man lang nakita ang Boss sa apat na oras na iyon. Di bale na lang at may bukas pa naman. Ayaw ko lang talaga sa ideya na makikita ko na naman iyong isa roon—- ah! Sabi nga pala niya ay hindi niya ako makikita bukas. Baka may meeting sa ibang branch o kung ano. Mas mabuti na iyong ganoon.
Maaga na naman akong nagising kinabukasan. Mas maaga kumpara kahapon. Pakiramdam ko ay siswertihin ako ngayon. Iyon nga lang, dinaanan muna ako ng malas sa lobby pa lang.
"Good morning Sir, nakahanda na po iyong sasakyan." Natigilan ako nang nakita ang morenong nakasama ko noon at nang-iinis sa akin pagkatapos ng dalawang oras mula ng nagkatagpo ang landas namin.
Pinapanood ko lang siya na nagmamando ng mga tao. Hawak niya iyong susi ng sasakyan, siya iyong nagbukas ng sasakyan sa labas. At hindi ko alam kung talaga bang may radar lang siya kaya niya ako napansin na nakatayo noon sa lobby. Natataranta namang naglakad ako sa kung saan. Ngunit nakita ko pa siyang tumitig lang ng seryoso bago tumungo sa driver's seat.
Napahiya ako roon ah! Baka akalain noon may crush ako sa kanya. God! Ang feelingero lang!
Inayos ko naman ang trabaho, tumulong din ako sa ilang naging close doon sa floor. Nagbabakasakali lang naman talaga ako na makita ko si Big Boss. Kahit isang beses, sa isang Linggo. Kaso minalas, at sa unang Linggo ko sa kompanya. Ni isang sulyap, hindi naman nangyari. Umuwi akong luha—- malungkot.
Tuloy, ng weekdays ay naging abala ako sa pag-aayos ng sched ko. Sinasama rin ako ni Ate Godiness sa pagbili ng mga bagong damit. Lalo na at pareho kami ng out, iyong out niya sa trabaho at sa klasi ko. Minsan nama'y sumasama rin si Ate Gette, minsan lang din kung mangyari. Lalo na at uunahan niya pa yata si Ate Godiness sa pagpapakasal next year. Naghahanda na sila ng long time boyfriend niya sa conjugal properties, at syempre sa gagastusin sa kasal.
Kaya madalas, kami lang talaga ni Ate Godiness. Alam ko rin naman na natutuwa siya na nakikita akong nagsosout na nang mga pambabaeng damit. Mula sa jean at t-shirt hanggang romper na paborito niya talagang bilhin para sa akin. Mahilig rin siyang bumili ng mga maong skirt pati off shoulder na mga blouses. Ni hindi ko pa nga nauubos gamitin iyong ilang bagong bili niya ay may bago na naman. Alam ko, obssess na yata si Ate sa mga pagbabago ko. Siguro supportive sister lang.
Nawawalan na talaga ako ng pag-asa nang sumunod na weekend ay hindi ko pa rin nakikita iyong Big Boss nina Kuya. Ganoon naman siguro kapag may ari ng malaking kompanya, di'ba? Laging hindi mahagilap at laging nasa busy lane? Hinahayaan ko na lang lalo na't alam ko rin naman na walang pag-asa. Kahit umasa pa ako.
"Halika na!"
Kalmadong sumunod ako kay Ate Godiness... ayaw ko nito sa ideya niyang magpagupit ng buhok at magpakulay ng sunod sa uso. Kinakabahan na nga ako sa resulta, at siguradong magagalit si Mama. Gustong-gusto niya yong itim at mahaba kong buhok. Ako lang kasi, sa lahat ng anak niyang babae, ang nalahian ng malulusog niyang buhok. Kaya lang...
"Ah! Ang ganda-ganda!" Gigil na gigil na sabi ni Ate Godiness pagkatapos na e-blower iyong buhok ko. Naniningkit naman ang mga mata ko habang nakatitig sa chest nut color na pinili niya para sa buhok ko. Nagmukha akong... dalaga. Ewan ko nga lang at baka hindi rin naman ako matutuwa kung ngayong weekedn ay hindi ko pa rin makikita iyong crush ko.
"Ma! Ang ganda-ganda ni Sheeva, tingnan ninyo po!" Excited na sigaw ni Ate noong pumasok kami sa bahay.
"Diosko!" Napahawak sa dibdib si Mama. Nanonood yata siya ng tv nang lumabas sa harap. Nagulat din si Papa na sa huli ay tumawa. Namumula tuloy ang pisngi ko.
"Ay bahala na sa minana mo sa akin, Sheeva anak! Kung ganyan ka naman kaganda!"
Tawang-tawa si Ate Godiness. Ako nama'y tumitig sa labas. May isa ngang kakilala na kumaway sa akin at napangisi.
"s**t Sheeva! Babaeng-babae ka na!"
Tawang-tawa na naman sina Mama at ibinida na naman iyong buhok ko. Hindi ko alam kung matatawa ako o ano. Pero mas pinili ko na lang ang umakyat sa itaas at magsuklay. Naninibago nga talaga ako sa bagong istura. Hanggang kilikili ko na lang iyong buhok ko na klaro namang kinulayan talaga. Namumula ang pisngi ko, na hindi ko alam kung dala lang ba ng init ng panahon.
Basta... mas excited ako sa weekend. Kaya lang naman ako naeexcite sa bagong ako kasi excited din akong ipakita kay Boss iyong itsura ko kapag naaayusan. Matangkad na naman ako, 5'6 saka mukha na naman akong dalaga. Sinisikap ko namang humabol para naman isang araw mapansin niya na ako. Iyong ako lang talaga... hindi dahil kamukha o pwede na akong ihilera sa mga models.
Naniniwala ako na makakarating din ako roon.
Excited na sinout ko iyong skirt at hanging blouse na bigay sa akin ni Ate Godiness. Pinaresan ko na lang ng maong na jacket saka nagsandal ng may strap. Napataxi nga lang ako dahil hirap sa pag-upo sa loob ng jeep. Pakiramdam ko masisilipan ako roon. Mas mabuti na iyong nag-iingat. Mahirap na maging suki ng kabastusan ng mga lalaki. Saka isa pa, hindi naman ako nagpapaganda para doon.
Pagkababa nga lang ay nagulat ako noong nakita na naman iyong morenong matangkad. Natulala ako sandali, hindi sa kanya kundi sa kay Boss na tawang-tawa habang nakikipag-usap sa lalaking mas matangkad.
Mas matangkad kay Boss.
Mas... gwapo. Putek! Ngayon ko napagtanto ang lahat. Hindi ko naman kasi pinapansin iyon noon. Pakiramdam ko mas gwapo si Boss kasi hindi naman sunog sa araw. Matangos din ang ilong. Matangkad naman, let's say 6'0. Pero ngayon na magkatabi ang dalawa... sa tingin ko kilala ko na kung sino ang mas angat.
Naloko na! Nagtatraydor na naman iyong pagkakagusto ko sa isang tao. Kung malapad iyong katawan ni Boss. Mas malapad naman iyong isa. Pwede nang higaan kung sinong malandi diyan.
Kapansin-pansin din ang talim ng mga mata niya. Si Boss kasi, ang lambing-lambing ng mga mata niya. Hazel nut din.
"Good morning! Wow!! Habang tumatagal mas lalo kang gumaganda, Sheeva!" Sigaw ng isang ka-officemate ni Kuya.
Natigil ako sa pagtitig at bumati pabalik. Hinigit niya naman ako para maglakad patungo sa loob. Nangangatog na naman iyong tuhod ko.
"Good Morning Sir Gracia, Sir Hawk."
Pagkatapos ng pagbati ay tumitig ako sa kasama ko. Nahihiyang napakamot muna ako ng batok. Namumula yata ako kasi tinitigan ako noong dalawa.
"Good morning po Sir Hawk." Unang binati ko talaga si Big Boss, dapat ganoon. Kung sino ang mas may kapangyarihan, dapat inuuna sa pagbati. "Good morning din po Sir Gracia."
Napangisi siya, para bang natutuwa sa naririnig sa akin. Natawa din si Ma'am Sarah... at hindi ko naman maintindihan kung bakit.
"Baliktad, Sheeva!" Tawa niya.
Kumunot naman ang noo ko at nang napagtanto ay parang sumabog iyong balun-balunan ko sa gulat.