SA VERANDA na itinuloy nila Yuri ang biglaang celebration nila. Nawala na si Veron sa paksa at tungkol na sa trabaho ang pinag-uusapan nila.
"I will just look for a buyer of Playboy's Bar and Grill, Pa, and after that I will go to the company," wika ng kapatid at sumimsim sa brandy na nasa baso nito. 'Yon ang ini-request nito na alak kaya 'yon na rin ang sa ama. Samantalang wine naman ang sa kanila ng mommy niya.
"Sigurado ka na bang ibebenta mo siya, Kuya? Hindi ka ba nanghihinayang? Almost six years na rin 'yong nakatayo at halos baby na ang turing mo do'n," wika niya.
"Nanghihinayang ako siyempre. Pero kung 'yon lang ang paraan para masimulan ko ang pagbabagong buhay ay gagawin ko," seryosong turan nito.
Naninibago siya sa kaseryosohan ng kapatid. Nasanay kasi siya na lagi itong nagbibiro at sinasakyan lahat ng sinasabi niya. Pero ngayon ay ibang-iba na ito. Nagkibit balikat na lang siya at hindi na nag-komento pa saka sumimsim sa wine niya. "How 'bout you, hija? Kumusta na ang Yuri's? Kumusta ka na?" tanong ng mommy niya.
Hindi agad siya nakasagot sa tanong na 'yon ng ina dahil bigla rin ang pagbalik sa kanya ng alalahanin tungkol sa negosyo niya. Ngayong kasama niya ang mga magulang at nakatatandang kapatid ay tila ba nawaglit na 'yon sa isip niya. Kung hindi pa kinumusta ng mommy niya ay hindi pa niya maaalala.
Umayos siya sa pagkakaupo sa silya at alanganing nginitian ang mga kaharap. "I-i'm fine, Mom, at gano'n rin sa shop. Wala namang problema," tumatango-tangong tugon niya. Ininom niya ang lahat ng laman ng wine glass niya at ibinaba 'yon sa mesa. Ngayon lang siya nagsinungaling sa mga ito at nagi-guilty siya. Hindi niya lang kasi maramdaman na dapat niyang sabihin sa mga ito ang totoo. Wala naman talagang problema sa shop. Wala pa dahil nagsisimula pa lang magka-problema. Ayaw niyang mag-alala ang mga magulang lalo na ang daddy niya dahil ito ang unang-unang magiging aligaga sa kung ano ang dapat gawin. Gusto na muna niyang siya ang maghanap ng solusyon dahil negosyo niya naman 'yon.
"Oo nga pala, kailangan ko ng magpaalam dahil susunduin ko pa si Veron. Thanks sa masarap na dinner, Ma, at salamat din sa advice, Pa. Bye, Riri!" Paalam nito sa kanila ng tumayo ito at bago pa ito tuluyang umalis ay inubos nito ang laman ng baso nito saka ginulo ang buhok niya na inalmahan niya. Tatawa-tawa ito habang papalayo dahil sa pag-angil niya. Naiinis siya sa tuwing ginagawa nito 'yon sa kanya. Akala niya ay nawala na 'yon pero hayun at inulit na naman nito.
"Bueno, magpapahinga na rin ako dahil maaga pa ang pasok sa opisina bukas. Alam mo naman kapag Presidente, dapat ay mauna ka sa kompanya para maging magandang ehemplo ka sa mga empleyado mo," turan ng ama na tumayo na rin at inilagay ang kamay sa balikat niya.
Hinawakan niya 'yon at inihilig ang ulo roon saka nakangiting pumikit. Ganoon siya maglambing rito. "How's your health, dad? Kayo ni mommy kumusta ang health niyo? Baka naman isinusubsob niyo ang sarili niyo sa trabaho at nakakalimutan niyo na'ng magpahinga?"
"Okay na okay kami ng mommy mo, anak. Kaya pa ng daddy. Ang lakas-lakas ko pa. Hindi mo ba alam kalabaw lang ang tumatanda?" Pabirong sabi nito.
Bahagya siyang natawa pagkaraan ay umiling. Binitawan niya ang kamay ng ama at tumayo saka ito niyakap. "Good night, dad," wika niya pagkatapos ay binalingan ang mommy niya at niyakap rin ito. "Good night, mom,"
"Good night, hija. 'Wag ka ng magtagal dito at matulog ka na rin. Alam naming pagod ka rin dahil maghapon ka sa shop mo," bilin ng mommy niya na tinanguan lang niya. Sabay ng pumasok ang mga ito sa loob habang siya ay bumalik sa kinauupoan niya at tumingin sa karimlan ng gabi.
Iniisip niya kung anong mangyayari kinabukasan pagpasok niya. Iba na dahil may kalaban na sila. She knew it's not going to be easy. Alam niyang darating ang araw na 'yon. Pero ang hindi niya alam ay hindi pala niya kaya na may ka-kompetensya. She's competent but she doesn't want to lose. Hindi niya kaya ang matalo. Masyado siyang sensitive at lahat ng bagay ay sineseryoso niya.
Alam niyang masarap ang mga creations niya at may tiwala siya sa kakayahan niya. Pero hindi sapat 'yon para manatili siya sa taas. Kailangan niyang umisip ng ibang paraan para mapanatili niya ang negosyo niya sa taas.
KINABUKASAN ay hindi pumayag ang daddy ni Yuri na hindi siya maihatid sa shop niya. Kaya ang nangyari ay lulan siya ng sasakyan nito habang ang sasakyan niya ay ang family driver nila ang nag-maneho hanggang sa makarating sa shop.
Hindi ito umalis hangga't hindi naiaayos ang pagpa-park ng sasakyan niya sa maliit na parking lot ng Yuri's. Kasabay no'n ay hindi nakalusot na paningin nito ang coffee shop sa kabilang parte ng kalsada.
"May nakatayo na rin palang coffee shop sa tapat mo, hija? Kailan pa 'yan?" tanong nito habang ang atensyon ay sa Basty's nakatutok.
"They just opened yesterday, dad," tipid na sagot niya. Nang maiayos ang sasakyan niya ay lumapit na ang driver at pinagbuksan siya ng pintuan. Pero hindi agad siya bumaba dahil humarap sa kanya ang ama. May bahid ng pag-aalala ang mukha nito.
"Kumusta ang sales mo? Malaki ba ang epekto ng bagong tayong shop na 'yan?" tanong nito.
"Wala pang epekto, dad. Kahapon lang sila nagbukas kaya hindi pa makikita 'yon. Gano'n pa rin naman karami ang customer sa Yuri's kaya sa tingin ko ay wala namang dapat ipag-alala," tugon niya at malawak itong nginitian. "Anyway, you should go, dad. Salamat po sa paghatid sa'kin," paalam niya at mabilis na hinalikan sa pisngi ang ama saka bumaba. Isinara na niya ang pintuan at kinawayan pa ito.
"Sabihin mo sa'kin kapag nagka-problema ka rito, ha?" Bilin nito. Unti-unti nang umaalis ang sasakyan at nakapihit na ang katawan nito habamg nakatingin sa kanya.
"Opo. Don't worry about me," pahabol pa niya habang patuloy sa pagkaway rito.
Nang tuluyan na itong makalayo ay saka siya pumihit patalikod para pumasok sa shop. Pero hindi pa man nakakailang hakbang ay may narinig na siyang sipol mula sa likuran niya.
Pagharap ay bumungad sa kanya ang isang lalaki na nakasuot ng fedora hat. Para itong si Bruno Mars sa pormahan. Nakasuot ito ng gray na polo shirt na naka-tucked in ang dulo sa suot na chinos at binagayan 'yon ng white sneakers. Hindi niya makita ng maayos ang mukha nito dahil nasisinagan ito ng araw at dahil doon ay nasisilaw siya.
"Good morning, Miss Beauty! Natatandaan mo pa ba 'ko?" Narinig niyang tanong nito. Napatingin siya sa paligid para tingnan kung sino ang tinatanong nito. Pero siya lang ang naroon kaya nahinuha niyang siya ang tinatanong nito.
"Excuse me?" Kunot ang noong tanong niya. Hindi niya maintindihan kung anong sinasabi nito.
Hinubad ng lalaki ang sumbrero at bahagya pang yumukod saka nakangiti siyang tiningnan. Nawala ang pangungunot sa noo niya nang makilala ito. Ibinuka niya ang bibig para magsalita. Pero naunahan na siya ng malakas na boses ni Kai at Leo.
"Ma'am Ri, siya si Sir Basty!" Magkapanabayan pang sabi ng mga ito nang lumapit sa magkabilang gilid niya.
"Ma'am Ri? Ibig bang sabihin ay siya ang boss niyo, ang may-ari ng shop na 'to? Siya si Yuri?" Sunod-sunod na tanong ng lalaki. Animo gulat na gulat ito na malaman na siya ang may-ari.
"Oo, Sir Basty. Long time no see a! Bakit ngayon ka lang ulit napadaan?" nakangiting tanong ni Leo animo na-miss nito si Basty.
"Naging busy lang. Nagbukas na kasi 'yong shop ko," anito at itinuro ang nasa likuran nito. Napaawang ang labi niya nang may mapagtanto.
"I-ikaw ang may-ari ng Basty's Taste?" Pagkumpirma niya sa nasa isip niya. Nakangising marahan itong tumango.
"H-ha? Ibig sabihin kalaban ka namin, Sir Basty?" Mahinang sabi ni Kai at Leo. Daig pa ng mga ito ang nalugi dahil sa nalaman.
"Pumasok na kayo sa loob," utos niya sa dalawa. Agad naman itong tumalima at napansin niyang laglag ang balikat ng mga ito. "Leo, kunin mo 'yong garapon sa opisina ko. Iyong kinumpiska ko sa'yo," pahabol pa niya bago pa ito tuluyang makapasok.
Hindi niya maalis ang tingin sa lalaki na hanggang sa mga oras na 'yon ay ngiting-ngiti pa rin. Naiirita na nga siya e. Mukha itong bilib na bilib sa sarili. Gusto niya sana itong i-congratulate sa pagbubukas nito ng shop. Pero ayaw naman niyang mag-mukhang bitter at plastik. Kaya nevermind na lang.
Hindi lumipas ang ilang minuto at lumabas na ulit si Leo. Iniabot nito sa kanya ang garapon na naglalaman ng mga tip na ibinigay ng lalaki. Walang pagbababalang ibinigay niya 'yon dito.
"Sa uulitin, Sir, 'wag kayong magbibigay ng tip sa empleyado ko dahil hindi 'yon allowed dito," wika niya at idinuldol pa ang garapon sa dibdib nito. Hindi nito 'yon hinawakan kaya naman pinanatili niya ang kamay na nakaduporta roon.
"Hindi ko na tatanggapin 'yan dahil ibinigay ko na 'yan kay Leo. Kusa kong ibinigay 'yan at walang ibang ibig sabihin 'yon. Kaya ibalik mo na 'yan sa kanya," tugon naman nito.
"Sinabi nang hindi pwede e. Bakit ba mas marunong ka pa sa'kin? Hindi naman ikaw ang boss niya a?" Hindi niya naiwasang magtaas ng boses dahil sa iritasyon na agad ding naglaho nang hawakan ni Basty ang kamay niya. Para siyang nakaramdam ng kuryente na gumapang sa katawan niya at bigla niyang binawi ang kamay. Nabitawan niya ang garapon mabuti na lang at naagapan 'yon ng binata bago pa bumagsak sa sahig at mabasag.
"Dalhin mo 'yang perang 'yan sa shop mo at ayoko ng makikita ang mukha mo rito," pagkasabi no'n ay tinalikuran na niya ito at walang lingon likod na pumasok sa loob ng shop. Hindi na niya napansin ang pagpapalitan ng tingin ng dalawang lalaki.
Pagpasok sa loob ay nakita niya ang mangilan-ngilang customer na nakatingin sa kanya. Napayuko siya at tumuloy sa balkonahe. Saka niya lang napagtanto ang inasal niya kanina. Sa tingin niya ay sumobra siya sa pagsasalita niya sa Basty na 'yon. Inalala niya ang mga sinabi at napakunot ang noo niya. Hindi naman ganoon kasama ang sinabi niya bukod sa ayaw na niyang makikita ang mukha nito roon.
Wala sa sariling napatingin siya sa labas at natanaw niya ang pagtawid ng lalaki pabalik sa shop nito. Napaismid siya at masama itong pinukol ng tingin kahit na hindi nito nakikita. Pero nagulat siya nang tumigil ito at humarap saka tumingin sa kinaroroonan niya. Huli na para magbawi ng tingin kaya matapang niyang sinalubong ang titig nito. Hindi niya napaghandaan ang ginawa nito na kahit malayo ang distansya ay kitang-kita niya. Kinindatan lang naman siya ng loko. Sa inis ay inirapan niya ito. Pero hindi man lang naibsan ang ngitngit na nararamdaman niya rito. Kung kaya lang niya itong tirisin ay gagawin niya.