AGAD NA hinubad ni Yuri ang chef hat at apron nang lumabas siya sa kusina saka inilapag sa counter. Dumiretso siya sa balcony sa second floor para puntahan si Laraine para sabihin dito na tapos na ang in-order nitong three layered cake. May kasal na naman kasi itong dadaluhan.
Naabutan niya ito na inaayos ang beige gown na suot. Simpleng updo lang ang style ng buhok nito. Pero nakapagbigay 'yon ng malakas na dating dito. Morena si Laraine at may katangkaran. Papasa na nga itong beauty queen kung gugustuhin lang nito. Pero introvert type ito. Hindi mahilig makipag-socialize. Pero sa klase ng career na pinili nito hindi pwedeng hindi ito makikihlubilo.
Marami na itong nagawan ng gown na karamihan ay sikat na tao o asawa ng politiko. Halos lahat nga ng kliyente na ikakasal na ginawan nito ng gown ay imbitado ito. Gaya na lang ngayon na kasal ang pupuntahan nito.
"The cake is ready," sabi niya para kunin ang atensyon nito.
Nakuha naman ang atensyon niya ng isang malaking kahon na nakapatong sa mesa. Pero hindi niya 'yon pinagtuunan ng pansin at nahahapong naupo sa favorite spot niya sa tabi ng railings. Dinama niya ang sariwang hangin at huminga ng malalim. Ilang oras siya sa loob ng napakainit na kusina kaya gano'n na lang ang sarap ng pagdampi ng hangin sa balat niya.
"Ano pang inuupo-upo mo diyan? Sasamahan mo 'ko sa kasal na pupuntahan ko 'di ba?" Untag ni Laraine.
"Ano? Wala akong maalala na inimbitahan mo 'ko sa pupuntahan mong kasal? Ni hindi ko maalala na um-oo ako." Kunot ang noong sabi niya.
"Ha? Pero nag-text ako sa'yo." Kinuha nito ang telepono sa purse nito at kinalikot 'yon. Mayamaya ay napatakip ito ng bibig.
"s**t… Na-wrong send pala ako." Halos paanas na sabi nito. Tumikwas naman ang kilay niya ng marinig 'yon. Itinago na nito ang aparato at hinarap siya.
"The wedding will start in two hours. Samahan mo na 'ko, please?" Pakiusap nito.
Ilang segundo siyang natulala dito. Hindi niya ito pwedeng tanggihan dahil siguradong magtatampo ito. Pero pagod siya at ni hindi pa siya nakakapag-ayos ng sarili.
"Dala ko na ang gown na susuotin mo. Ako na rin ang bahala sa make up at hairstyle mo." Tumayo ito at tinanggal ang kahon na nasa mesa saka inilabas mula sa ilalim no'n ang make up kit nito.
Napailing naman siya habang pinapanood ito na inilalabas ang mga make up at hair iron. Muntik pa siyang matawa nang maglabas ito ng portable mirror galing ulit sa ilalim ng mesa at inilagay 'yon sa ibabaw sa harapan niya.
"Shall we start?" Tanong nito.
"Do I have a choice?" Sarkastikong tanong niya. Napahagikgik naman ito at sinimulan na siyang ayusan. Inuna nito ang pagme-make up dahil plano nitong ilugay na lang ang buhok niya. I-straight-en na lang nito 'yon gamit ang hair iron. Bagsak naman na ang itim na itim niyang buhok. 'Yon nga lang kailangan pa 'yong unatin dahil nagkaroon 'yon ng gusot dahil sa pagsusuot niya ng Chef hat.
Makalipas lang ang kalahating oras ay tapos na siyang ayusan. Pumasok siya sandali sa banyo para naman suotin ang gown na pareho lang din ng kay Laraine.
"You really look like a doll," wika nito paglabas niya.
Marami ngang nagsasabi na mukha siyang manika at dahil daw 'yon sa straight na buhok at bilugan niyang mata. Maputi din siya at petite. 'Yon nga lang hindi siya biniyayaan ng tangkad. Maliit siyang tingnan sa height niyang 5'. Lagi nga siyang tampulan ng tukso noong kolehiyo at naging baby pa siya ng batch nila.
"Let's go. We still have an hour to go to the church," anito at lumabas na ng banyo.
Paglabas niya ay napatigil ang mga barista sa kanya-kanyang ginagawa at napatitig sa kanya. Pati ang ilang customer na kumakain ay napalingon. Nahihiya siyang naglakad at nagmamadaling lumabas ng shop.
Nauna na si Laraine at napagkasunduan nila na sasakyan na lang nito ang gagamitin. Pagsakay niya ay naka-start na ang kotse at siya na lang ang hinihintay. Pero napansin niyang may tinitingnan ang pinsan. Nang sundan niya ang tinitingnan nito ay nakita niyang may mga tao sa kabilang building na bakante.
"Mukhang may ookupa na sa building na 'yan," wika niya.
"Mukha nga." Pagsang-ayon nito at pinaandar na ang sasakyan.
"ANO KAYANG itatayong negosyo diyan sa tapat ng shop mo? Mukhang nabili na ang building dahil nire-renovate na?" Komento ni Laraine habang nakatingin sa tapat nila.
Isang linggo na ang nakaraan at nakita nilang sinisira na ang two storey building. Marami na ring may materyales ang nakatambak sa bakanteng lote na naroon.
"Mawalang galang na po, Miss Yu. Pero sa pagkakarinig ko po bakeshop at cafe din po ang itatayo diyan." Sabat ni Kai na nagsisilbi ng meryenda nila.
Nagkatinginan sila ni Laraine at pagkaraan ay inirapan niya ito. Naalala niya kasi 'yong biro nito noong nakaraan tungkol sa bakeshop at cafe. Nagdilang anghel na nga ito dahil soon ay magkakaroon na siya ng kakompetensya.
"Sino kaya ang owner ng bagong establishment na 'yan?" Mula sa kawalan ay tanong ni Laraine.
Hindi siya sumagot at uminom na lang sa mocha frappe niya.
"Sa pagkakarinig ko po galing sa Paris ang may-ari ng itatayong shop na 'yan at umuwi lang para magtayo ng negosyo. Sabi pa gwapo daw ang may-ari." Sabat na naman ni Kai.
"Tinanong ba namin ang opinyon mo?" Mataray niyang baling dito na hindi niya namalayan na naroon pa rin.
"P-Pasensya na po. Excuse me po." Pagkasabi no'n ay umalis na ito.
"Sign of aging na ba 'yan?" Tanong ni Laraine.
"Alin?" Naguguluhang tanong niya.
"Ang taray mo kasi kako sign na siguro 'yan na matanda ka na," anito.
"Kung matanda ako matanda ka na rin. Magkasing edad lang tayo remember?" Pakli niya na nakataas ang isang kilay.
"O, siya, sige. Basta 'wag ng mainit ang ulo mo, okay? Saka pwede ba bawas-bawasan mo ang pagiging mataray sa mga empleyado mo. Make a friendly working environment. Hindi 'yong para kang laging may kaaway." Litanya nito.
"Yes, Ma'am," tugon na lang niya para matapos na ang usapan.
Gusto naman niyang maging friendly. Natatakot nga lang siya na baka abusuhin siya ng mga empleyado kapag nakita ng mga ito na mabait siya at maluwag. As much as possible she wants to maintain the strict employee and employer relationship. It's better to keep it that way to prevent future problems.