Tulad ng inaasahan, lalong nadiin sa kaso si Mr. Villamor. Wala silang pera na pangtustos upang kumuha pa ng abogado. Si Ms. Mendoza ay hawak rin ng pamilya Laure kaya ang nasasakdal ay malinaw na maaakusahan. Ang hiling ko, sana ay pagkakakulong na lamang ang ihatol sa kanya at hindi kamatayan.
Kinuha na muli ng mga pulis si Mr. Villamor papunta sa kulungan at ang paligid ay nabalutan ng hagulgol ng kanyang pamilya. Si Mr. at Mrs. Laure ay lumabas na rin ng lugar.
Hindi ko na tinignan pa ang pamilya ng nasasakdal dahil hindi sapat ang katotohanan para maging tahimik ang kalooban ng bawat isa.
“Nagmamakaawa kami Prosecutor, alam mo ang totoo na hindi kriminal si tatay.” Napahinto ako noong hawakan ng batang babae ang aking kamay.
“Lahat ng nakukulong at hinahatulan ng hustisya ay nagsasabing lahat sila ay inosente,” sambit ko ng hindi siya hinaharap.
“Dahil ba wala kaming kakayahang bayaran ang batas kaya ang panig ng lahat ay nasa itaas?” Sa sinabi niyang iyon ay nawalan akong kibo. Alam ko ang pakiramdam niya, ang anak na iwan ng magulang pero wala akong magawa dahil tulad nila, natatakot din akong mawalan ng mahal sa buhay.
“Ang bawat sinasabi mo ay maaari kang dalhin sa sarili mong hukay. Tama ka, hindi pantay ang karapatan ng tao pero hindi ibig sabihin no’n, mali ang ipinaglalaban namin bilang abogado dahil sa salaping kapalit ay serbisyo,”
Hindi ko na siya tinapunan pa ng tingin at muling nagtuloy sa paglalakad at sumakay na ng kotse. Napayuko ako sa manubela at nilamukos ko ang aking mukha. Matatapos din ito, isang beses lang na kailangan ko takasan ang kaso ni Kuya Alex at pangakong hindi na muli pang mauulit.
*****
“Alisha, salamat,” masayang sabi ni Kuya Alex at binigyan ako ng isang mahigpit na yakap. Noong mapansin na walang tao sa bahay at nakaalis na si Martin, dinala ko si Kuya Alex sa office ko.
“Bakit mo ba ginawa iyon?” sita ko sa kanya. Hindi ko na natanong pa dahil ngayon lang siya pinalaya ng pulis. Ang kaninang masayang mukha ay tila nabura. Nawala ang anumang emosyon na mababakas sa kanyang mukha.
“I killed her,” wika niya habang tumatawa. Maya-maya, sunod-sunod na nagbagsakan ang kanyang mga luha.
“Why?”
“Because love can’t exist, Alisha.”
Ngayon lang ulit niya ako tinawag sa tunay kong pangalan.
“It does!” sigaw ko. “How could you kill the innocent woman?”
Paano nagawa ni kuya Alex na pumatay sa sariling mga kamay?
“Alam mo ba yung pinasok mo?” tanong ko at nilamukos ko ang aking mukha habang umiiyak. Gulong-gulo na ang isip ko sa mga nangyayari.
“She’s the reason why I’m still enduring the pain for 2 years!”
Habang pinagmamasdan ko ang mga mata niya, puno ng galit ang makikita. Nararamdaman kong nasa puso pa rin niya ang sakit sa mga nangyari.
“May tiwala ako sa’yo…” Sandali siyang tumingin sa akin bago magpatuloy ng sasabihin. “Dahil kapatid kita,” huling katagang iniwan ni kuya bago umalis.
*****
“Ano po ang sunod na nangyari?” tanong sa akin ni Tyler, ang anak namin ni Martin.
“Nahatulan SI Mr. Villamor ng parusang hindi dapat sa kanya dahil wala siyang kapangyarihang kalabanin ang batas,” malungkot kong sagot.
“Matulog ka na. Goodnight,” Hinalikan ko na si Tyler sa noo bago pumunta sa kuwarto namin. Sampung taon na ang nakalilipas simula noong mangyari ang kaso. Matapos ng pangyayaring iyon, bumaba ang tingin ko bilang prosecutor kaya nagresign ako at maraming nagtaka sa ginawa kong desisyon. Sinabi ko na lang sa kanilang kailangan kong alagaan ng mabuti si Tyler.
Matapos rin ng kaso, hindi na nagpakita pa si kuya Alex sa amin. Ang huling mensahe niya ay hahanapin daw na muna niya ang kanyang sarili sa ibang bansa. Masyado magulo na rin ang mga nangyayari kaya hinayaan ko siyang gawin iyon.
Hanggang ngayon ay parang binabangungot ako ng nakaraan. Ilang taon na ang nakalilipas pero hanggang ngayon ay nakakulong pa rin ako sa nakaraan,
Tumunog ang cellphone ko at isang mensahe mula kay Martin na male-late siya ng uwi dahil may aasikasuhin muna ito. Nagreply ako bagamat hindi na siya nagtext pa. inabot ko ang litrato ng aming kasal na nasa lamesa at pinagmasdang mabuti kung gaano pa kami kasaya ng mga oras na ito.
*****
Nagising ako bandang 6AM. Kinapa ko ang higaan pero wala si Martin. Tumayo na ako at naghilamos bago lumabas, nadatnan ko siyang natutulog sa sofa at amoy alak. Baka magising si Tyler kaya agad kong kinalabit si Martin.
Ayaw ko makita ng anak namin ang ginagawa ng kanyang ama.
“Honey, wake up. Bakit diyan ka natulog?” malambing kong tanong. Bigla niyang hinapit ang aking beywang kaya nawala ako ng balanse at napahiga sa dibdib niya. “I am so tired. Sorry honey,” bulong niya.
Kung hindi pa namin narinig ang tikhim ni Tyler ay wala atang balak si Martin na pakawalan ako. Agad akong umayos ng upo at itong asawa ko naman ay dumaretso na ng bathroom. Naghanda na rin ako ng toasted bread at sopas para may sabaw. Hindi nagtagal, lumabas na rin si Martin at animo’y natatakam sa amoy ng niluluto ko.
“Mukhang lalong sumasarap ang luto ng asawa ko,” pang-uuto niya sa akin.
“Mom, huwag ka maniniwala kay daddy. Siguro may kasalanan sa’yo,” pangungutiya naman sa kanya ni Tyler kaya agad siyang hinabol ni Martin. Pailing-iling akong natatawa dahil ganito palagi ang scenario sa bahay. Siguro ay wala na akong iba pang hihilingin dahil pakiramdam ko, ang perpekto ng pagsasama namin.
Binuksan ko yung refrigerator at wala na pa lang stocks, kailangan ko na maggrocery. May pasok si Tyler kaya hinatid ko na muna siya ng school at si Martin naman ay may trabaho sa office. Kumuha na ako ng cart at namili ng mga can goods at fresh vegetables.
Habang namimili ako, bigla akong may nakabunggong cart. Hindi naman gano’n kalakas pero humingi ako ng pasensiya dahil hindi ko tinitignan ang daan. Pagtingin ko sa mukha niya, hindi ko alam pero pamilyar. Kakaiba ang mga mata niya na parang nakita ko na.
“Sorry,” hingi ko ng tawad.
“Ms. Prosecutor?” tawag niya sa akin. Tinignan ko siyang maigi pero hindi ko talaga alam kung saan ko siya nakita. Hindi nagtagal ay may lumapit sa kanyang lalaki at nakasuot itong long sleeve na pamilyar din sa akin habang nakatalikod kaya hindi ko masyado malinawan ang mukha niya.
Pumunta na akong counter para magbayad at muli kong natanawan yung babae na papasok ng kotse at nagbigay sa akin ng kakaibang kaba noong makita kung sino ang lalaking kasama niya,
Si Martin.