One

1636 Words
“GOOD morning, Cyan,” bati kay Cyan ng mga ka-officemate niya. Pagkatapos niyang gantihan ng bati ang mga ito ay dumiretso siya sa kanyang cubicle. “Cyan.” Lumingon siya sa katabi niyang si Nica. Ito ang pinaka close niya sa lahat ng officemates niya. College palang kasi ay magkaibigan na sila ng babae. Pareho silang programmer ngayon sa isang multi-media company. “Bakit?” tanong niya rito. Inusog nito ang office chair nito palapit sa kanya. “May idea ka ba kung bakit hanggang ngayon hindi pa pumapasok si Sir Brian?” She shrugged her shoulders. “Hindi ko rin alam, eh.” Ang pinag-uusapan nila ni Nica ay ang department head nila. Mag-iisang linggo na kasing hindi man lang nagpapakita ang boss nila na talaga namang ipinagtataka nilang lahat. Ni minsan kasi ay hindi ito umabsent o na-late man lang sa trabaho. Nakakabigla talaga ang sunod-sunod na araw nitong pagkawala. “Ano kayang nangyari kay Sir?” sambit ni Nica. “Hindi kaya..may nangyaring masama sa kanya?” “Wala naman siguro,” kontra niya sa kaibigan. “Baka may emergency lang na nangyari o baka naman may biglaang business meeting na pinuntahan.” Bumuntong-hininga ang kaibigan niya. “Sana pumasok na siya. Ang dami na kayang nag-aalala sa kanya. At nangunguna na ako roon.” Tahimik na sumang-ayon siya kay Nica. Halos lahat ng nasa IT Department ay nag-aalala sa boss nila. Mabait kasing boss si Sir Brian at approchable. Sa apat na taong pagtatrabaho niya sa kompanyang ito ay wala siyang naging problema sa environment at work place. Sinisigurado kasi ng boss nila na maayos at magkakasundo ang lahat. “Sir Brian!” Sabay pa silang napatingin ni Nica sa pinanggalingan ng tinig. At hayun, nakita nila si Sir Brian na nakatayo 'di kalayuan sa kanila. Agad na nilapitan ito ng mga ka-opisina niyang babae. “Shucks. Ba't lalo yatang gumuwapo si Sir ngayon,” nakangiting sambit ni Nica. “Malapitan nga.” Napailing na lang siya nang tumayo na ang kaibigan at lumapit sa kinatatayuan ng boss nila. Isa kasi si Nica sa mga babaeng may simpleng crush kay Sir Brian. O well, karamihan naman talaga sa mga single na babae sa department nila ay may paghanga kay Sir Brian. Hindi lang mabait ang batang amo nila. Ubod pa ito ng guwapo. “Guys, pasensiya na sa ilang araw kong pagkawala,” wika ni Sir Brian sa kanilang lahat. Tumayo na rin siya pero hindi na siya lumapit pa sa mga ito. “Ano bang nangyari Sir at ang tagal niyong nawala?” tanong ni Jana. “Nag-aalala kami sa inyo.” “May importante lang akong inasikaso,” sagot ng boss nila. “But I have an important announcement to make.” “Ano naman iyon Sir?” Si Nica ang nagtanong. At masyadong halata ang excitement sa boses nito. “I'm getting married.” Sabay-sabay na pagsinghap ang narinig niya mula sa mga babaeng officemate niya. “Totoo sir?” tila hindi makapaniwalang sambit ng isa. “Bakit Mara? Mukha ba akong nagbibiro?” Nakangiting wika naman ni Sir Brian. “Hindi naman Sir. Medyo nakakabigla lang.” “Congrats sir..” Isa-isa nang bumati ang mga tao sa department nila. Sa pangunguna ng mga lalaki. Iyong mga ibang babae kasi, mukhang hindi pa nakakabawi sa pagkabigla. “Thank you guys.” Masayang wika ni Sir Brian. “Invited kayong lahat sa darating na kasal ko next month.” Ngayon lang niya napansin ang hawak nitong paperbag. Inilabas nito mula roon ang mga envelope na hula niya ay invitation. Isa-isang binigyan ni Sir Brian ang lahat ng invitation. “Congrats, sir,” bati niya sa lalaki nang tumapat ito sa kanya. “Thanks Cyan,” sagot nito sa kanya sabay abot ng invitation card. “Alam kong masakit pa rin sa'yo ang nangyari dati, pero sana makapunta ka.” Humugot siya ng malalim na hininga at tila napapasong kinuha ang invitation card. “WEDDING invitation ba iyang hawak mo?” Napalingon si Cyan sa ate Darlene niya. Hindi niya namalayang nakalapit na pala ito sa kanya. Nakatambay siya sa kitchen counter nila habang binabasa ang invitation sa kasal ni Sir Brian. “Yeah,” tipid na tugon niya sa kapatid. Naupo ito sa tabi niya habang kumakain ng mansanas. “Sino'ng ikakasal?” kaswal na tanong nito. “Boss ko sa trabaho. Si Sir Brian.” Tumango-tango lang ito. “Pupunta pala ako sa restaurant ngayon. Gusto mong sumama?” Umiling lang siya. “Dito muna ako sa bahay.” Ang ate Francine pa rin niya ang namamahala sa restaurant nila. In fact ay nadagdagan na iyon ng isa pang branch sa nakalipas na tatlong taon. Kaya tuwing weekends at walang pasok sa office ay bumibisita sila ng ate Darlene niya sa restaurant. “Sige. Ako na lang ang pupunta. Dadaan na rin ako sa mall para makapag grocery.” Nasa isang bahay pa rin silang magkakapatid. Of course, dahil wala pang ni isa sa kanila ang nakapag-aasawa. Bumuntong-hininga siya at bumaling sa kapatid. “Hindi ko alam kung makakaya ko bang um-attend sa kasal, ate.” Seryosong binalingan siya nito. “Tatlong taon na ang nakalipas Cyan. Hindi ka pa ba nakakalimot sa nangyari?” Humugot siya ng isang malungkot na hininga. “Hindi ko alam, ate. Pero simula ng mangyari iyon three years ago, ito ang unang beses na aatend ako ng isang kasal.” Tatlong taon. Ganoon na katagal ang lumipas simula ng maaksidente at mawalan ng buhay si Michael sa araw mismo ng kasal nila. Sa loob ng tatlong iyon ay iniwasan niyang pumunta sa mga simbahan. At ngayon, nagdadalawang-isip siya kung makakaya na ba niyang dumalo sa isang kasal. Hindi niya alam kung makakaya na ba niya. “Naramdaman ko rin ang naramdaman mo,” sambit sa kanya ng kapatid niya. “Ganyan din ako noong mga panahong kamamatay lang ni Ian. Pero makalipas ang ilang buwan, natanggap ko rin ang lahat at eventually naka move-on.” Huminto ito at nag-aalalang tumingin sa kanya. “Ikaw ba, naka-move on ka na talaga?” She forced a smile. “Oo naman, ate. Matagal ko na ring natanggap na hindi talaga kami para ni Michael sa isa't-isa.” Noong una, naging napakahirap sa kanyang tanggapin ang biglang pagkawala ni Michael. Hindi niya lubos maisip na sa isang iglap, namatayan siya ng minamahal. Inabot pa nga siya ng isang taon bago niya natanggap ng maluwag sa dibdib niya ang pangyayaring iyon. “Iyon naman pala, eh,” anang kapatid niya. “Ba't ayaw mo'ng um-attend ng kasal?” “Ewan ko ate,” naguguluhang sambit. “Pakiramdam ko kasi kahit matagal ko na ring tanggap ang lahat, hindi ko pa rin kakayanin na tumuntong ng simbahan. Hindi ako kasing tapang niyo ni ate France.” She sighed again and turn to her sister. “Pero minsan, naisip ko rin, hindi kaya isinumpa tayong tatlo?” Napahinto ang ate Darlene niya sa pagkagat ng mansanas. “Ano'ng sinabi mo?” nabiglang tanong nito. “Paano kaya kung talaga palang isinumpa tayo? Na..iyon ang dahilan kung bakit hindi natutuloy ang mga kasal natin..Na hindi na talaga tayo makapag-aasawa.” Kinunutan lang siya ng noo ng ate niya. “Ano ba iyang sinasabi mo Cyan? Hindi totoo iyang iniisip mong sumpa-sumpa.” Tiningnan niyang mabuti ang kapatid. “Pero ate, paano naman natin ipapaliwanag ang mga naging kapalaran nating tatlo? Si ate France, tinakbuhan ng groom, ikaw naman, nabaril ang groom mo at ako..naaksidente si Michael. Lahat ng iyon, nangyari mismo sa mga araw ng kasal natin.” Dati, naniniwala pa siya na nagkataon lang ang nangyari sa dalawa niyang kapatid. Subalit, nang pati sa kanya ay nangyari iyon..nagbago bigla ang paniniwala niya. Sigurado siyang hindi lang iyon nagtakataong nangyari. Pakiramdam niya may kakaibang dahilan ang lahat ng nangyaring iyon sa kanila. “Paano kung isinumpa nga tayong magkakapatid, ate?” pagpapatuloy niya. Tahimik na nakikinig lang ang ate niya at tila may malalim na iniisip. “Paano kung isinumpa tayo na hindi tayo magkaasawa? Ate Francine's thirty four, ikaw naman thirty one at ako, I'm already twenty six. At lahat tayo single pa dahil sa nangyaring iyon.” Bahagyang ngumiti ang ate Darlene niya. “May balak pa naman akong mag-asawa, ah.” “Pero mula ng mamatay si Ian, hindi ka nagkaroon ulit ng boyfriend.” Nagkibit-balikat lang ito. “Hindi pa lang kasi ako makahanap ng lalaking mamahalin.” Bumaling ito sa kanya. “Eh, ikaw? Hindi ka na rin nagka boyfriend after ni Michael. Dahil ba mahal mo pa siya? O natatakot ka lang pumasok sa relasyon dahil sa naisip mong sumpa-sumpa na iyan?” Ang huling sinabi ng ate niya ang sagot sa tanong nito. Matagal na niyang tanggap ang pagkamatay ni Michael. Pero ang pumipigil sa kanya na muling buksan ang puso niya para sa ibang lalaki ay ang kadahilanang namatay mismo si Michael sa araw ng kasal nila. Matapos kasi ang trahedyang iyon, pumasok na sa utak niya na baka nakatakda talagang mangyari iyon sa lahat ng lalaking mamahalin niya. Natatakot na siya ngayong magmahal. Baka kapag nagmahal at muli siyang nagpakasal, mauwi rin sa ganoong trahedya. “Paano nga talaga kung gan'on ate?” aniya sa kapatid. “What if may nagsumpa sa'tin na hindi tayo magkakaroon ng asawa?” Bumuntong-hininga ang ate Darlene niya. “Sino naman kaya ang gagawa n'on, wala 'di ba? Because there's no such thing like that Cyan. Nagkataon lang na ang minahal nating lalaki, nakatakda palang mamatay sa ganoong araw. At nagkataon lang din na iyong kay ate France, manlolokong lalaki lang talaga.” Hindi na lang siya nagsalita pa. Pero sa loob-loob niya, hindi pa rin maalis sa isip niya na baka talagang iyon na ang kapalaran nilang magkakapatid. Ang manatiling mag-isa sa buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD