Two

2920 Words
“CYAN, akala ko hindi ka na darating,” bungad kay Cyan ng kaibigan niyang si Nica. Ngayon ang araw ng kasal ni Sir Brian. Nagpahintay talaga siya rito sa labas ng simbahan. “Nakakahiya naman kasi kay Sir kung ako lang ang hindi ako aatend,” wika niya. Sa huli ay napagdesisyunan niyang umattend. Hindi naman siya habambuhay na makakaiwas sa mga ganitong okasyon. “Maiintindihan naman ni Sir kung hindi ka man makapunta,” ani Debbie. Alam naman ng lahat sa opisina ang nangyaring trahedya sa mismong araw ng kasal niya noon. Pero si Nica lang ang may batid sa pare-parehong sinapit din ng dalawa niyang kapatid. Ito nga ring kaibigan niya ang unang nagsabi sa kanya na baka may malalim na dahilan ang nangyari sa kanilang tatlo. “Sige, tara na sa loob,” aya nito. “Basta, sigurado kang kaya mong pumasok, ah.” Napailing na lang siya. “Oo. Pupunta ba ako kung alam kong hindi.” Ito naman ang naisip niyang asarin. “Baka ikaw, maiyak ka mamaya.” “Sige na. Kahit mukhang depressed ang drama ko ngayon dahil sa biglaang pagpapakasal niya, tanggap ko na. Masaya na ako ro'n.” Pagpasok nila sa loob ay bumungad sa kanila ang napakagandang ayos ng simbahay. All white ang lahat ng nakikita niyang kulay sa paligid. Bigla niya tuloy naisip ang sarili niyang kasal. Hindi na siya nakarating pa sa simbahan ng araw na iyon. Dumiretso na siya sa ospital kung saan niya naabutan ang duguan at walang buhay na si Michael. Ipinikit niya ang mga mata. Hindi na niya dapat pang iniisip ang mga bagay na iyon ngayon. “Sandali lang Cyan. May tumatawag sa phone ko. Labas lang ako saglit.” paalam sa kanya ni Nica habang hawak ang tumutunog nitong telepono. “Teka, labas na lang rin muna ako.” “Dito ka na lang. Hintayin mo na lang ako.” Napakibit-balikat na lang siya paglabas ng kaibigan. Sino kaya ang tumatawag at mukhang ayaw nitong may makarinig? “What? In less than five minutes darating na ang bride. Bakit wala pa si Blue? Pati si Sarah wala pa?” Napabaling siya sa babaeng nagsalita. Mukhang natataranta ito habang inaayos ang mga abay sa kasal. Panay din ang sulyap ng babae sa suot nitong relo. Hula niya ay ito ang wedding organizer. “Kara, tinawagan mo na ba iyong dalawa?” untag nito sa isa pang babaeng katabi nito. “Nandito na ako.” Isang matangkad na lalaki ang humahangos na pumasok sa entrada ng simbahan. Agad naman itong nilapitan ng babaeng tila nagpapanic. “Ba't ang tagal mo Blue? Ang bilin ko, 'wag magpa-late 'di ba?” Ngumiti lang ang lalaking tinawag na Blue. “Naipit ako ng traffic, eh.” “Pumuwesto ka na nga.” Hinila ito ng babae. “Shucks..hindi pa pala tapos ang problema ko, wala pa si Sarah.” “'Wag kang mag-panic,” cool na cool na sambit lang ng lalaking tinawag na Blue. “Darating din iyong si Sarah. Alam mo naman iyong pinsan nating iyon..” “Talagang masasabunutan ko iyon pagdating niya,” tila naiinis na sambit naman n'ong Leya. “Miss Leya. Nagtext po si Sarah. Hindi na raw siya makakarating. May emergency raw.” “Ano'ng sabi mo Kara?” Napangiwi siya sa biglang pagsigaw ng babaeng Leya ang pangalan. Grabe na rin ang pagsasalubong ng kilay nito. Parang mangangain na ng tao. “Relax..” pagkakalma rito ni Blue. “Baka atakihin ka, hindi pa matuloy itong kasal.” “Shut up Blue! Paano ako magre-relax. Hindi na makukumpleto ang entourage.” “Eh, 'di kumuha ka ng proxy,” simpleng wika ng Blue. Napatingin siyang mabuti sa lalaki. Matangkad ito at guwapo tulad ng boss nila. Pero iba ang features ng lalaki kay Sir Brian. Kung si Sir Brian ay corporate man ang dating, ito namang lalaking ito ay tipong boy nex door. Pasimple niyang pinagalitan ang sarili. Bakit ba niya pinag-aaksayahang tingnan ito. Bumaling na lang siya sa labas. Bakit kaya ang tagal ni Nica? Eh, kung mauna na kaya siya doon sa iba pa nilang officemates na nakapuwesto sa may bandang gitna ng pew. “Miss?” Nagulat pa siya nang pagharap niya ay nasa harap na niya si Leya. “Uhm, ako ba?” “Ikaw nga. Wala ka namang katabing iba, eh.” Oo nga. Siya nga lang mag-isa ang nakatayo. Wala pa rin pala si Nica. Sino kaya ang kausap nito at ganoon na pala siya katagal na naghihintay. Muli siyang nabigla nang hilahin siya ni Leya papunta sa hanay ng mga abay. “Ikaw munang mag proxy sa isang bridesmaid.” Hindi iyon isang pakiusap kundi isang utos. Napaawang na lang ang mga labi niya sa pagkabigla. Siya, magiging isa sa mga bridesmaid? Pero..Napatingin siya sa mga bridesmaid pagkatapos ay bumaba ang mga mata niya sa damit niya. She was just wearing a simple white dress. Ni wala nga siyang make-up. Paanong isasama siya sa hanay ng taong ito? “Don't worry. You're still beautiful in that simple dress and even without your make-up.” Bumaling siya sa nagsalita. Nakatunghay sa kanya ang lalaking Blue ang pangalan. Nakaangat ang isang sulok ng labi nito. Bago pa siya makapagsalita ay pumailanlang na ang wedding song. Hudyat para magsimula na ang seremonyas ng kasal. Nakatingin lang siya sa lalaki nang iabot nito ang kamay sa kanya. Huminga siya ng malalim at napipilitang umangkla sa braso nito. Wala na siyang choice kundi gampanan ang puwesto ng kung sino mang Sarah na iyon. Nakakahiya naman kung aalis pa siya sa puwesto niya. Kitang-kita niya ang pagrehistro ng gulat sa mga mukha ng mga officemate niya nang dumaan siya sa tapat ng mga ito. Narinig pa nga niya ang pagsinghap ni Nica na halos nanlalaki ang mga mata. Habang papalapit siya sa altar ay unti-unting binalot ng malulungkot na imahe ang isip niya. Bridemaids rin siya noon nang ikasal ang ate Francine niya. Habang masaya siyang naglalakad sa aisle ay bigla-bigla na lamang tumakbo ang groom palabas ng simbahan. Palayo sa ate Francine niya. Sa kasal naman ng ate Darlene niya..siya ang tumayong maid of honor noon at tandang-tanda pa niya ang pagkamatay ni Ian mula sa balang nanggaling sa b***l ng baliw nitong ex girlfriend. At pagdating sa kanya, akala niya hindi mauuwi sa masaklap na kapalaran ang kasal niya. Pero hindi, bago pa man siya dumating sa simbahan ay dumating na sa kanya ang masamang balita.. “Sayang ang ganda mo kung hindi ka ngingiti..” Naputol ang pagdaloy ng nakaraan sa isip niya nang magsalita ang lalaki sa tabi niya. Pasimpleng bumaling siya rito. Tumingin din sa kanya ang lalaki at bahagyang ngumiti. “Smile..Baka malasin ang kasal kapag may isang babaeng nakasimangot.” Pagkatapos niyon ay dumiretso na ito ng tingin. Binawi na rin niya ang tingin at bahagyang ngumiti nang makita ang mga nakatutok na camera sa kanya. Pagdating sa altar ay naghiwalay na sila ng lalaki. Naupo siya sa hanay ng mga bridesmaid. Naiilang nga siya dahil hindi naman talaga siya dapat roon. “Hi ate,” mahinang untag sa kanya ng katabi niya. She turned to the pretty girl beside her. Sa hula niya ay teenager pa lang ito. Tipid na nginitian niya ito. “Girlfriend ka po ba ni kuya Blue?” mahinang tanong nito. Kumunot ang noo niya. “Hindi. Hindi ko nga iyon kilala.” “Akala ko girlfriend ka niya,” nakangiting sambit nito. “Ikaw kasi iyong itinuro niya kay ate Leya na i-substitute kay ate Sarah.” Natigilan siya sa sinabi ng katabi. Kasabay niyon ay tumingin siya sa gawi ng mga groomsmen. Nakita niya roon si Blue na nakatutok ang tingin sa dalawang ikinakasal. “Hay, sana ganito rin ang scenario kapag dumating ang araw na kasal ko na..” Nangangarap na sambit ng katabi niya. Sa halip na pag-ukulan ng pansin ang lalaking Blue, tumingin na lang siya sa mga nasa altar. Ramdam na ramdam niya ang nag-uumapaw na pagmamahal sa dalawang ikinakasal. Tahimik ang buong simbahan. Boses lamang ng pari ang nangingibabaw. Walang palatandaan na mayroong maaaring manggulo. Huminga siya ng malalim at bahagyang ngumiti. She was happy for the two of them. Masaya siya na hindi nauwi sa isang trahedya ang kasal ng mga ito. Na hindi iyon natulad sa kanilang magkakapatid. Ang ngiti niya ay unti-unting nahaluan ng pait at lungkot. Heto na naman..Hindi na naman niya mapigilang hindi maalala ang sinapit nilang magkakapatid..Bakit naman kasi kailangan pang mangyari iyon sa mismong kasal nila..Sa mismong araw pa na iyon..Mas lalo tuloy naging napakasakit para sa kanila..para sa kanya. Ipinikit niya ang mga mata at iniwas ang tingin sa gitna ng altar. Subalit sa pag-iwas niya ay doon naman napako ang mga mata niya kay Blue. Nagtama ang mga mata nila dahil nakatingin din ito sa kanya. Bahagyang kumunot ang noo niya nang tila iminuestra ng lalaki ang hawak nitong panyo sa kanya. Tila ba ipinapahiwatig nito na punasan niya ang pisngi niya. Wala tuloy sa loob na idinampi niya ang kamay sa pisngi. Nagulat pa siya ng maramdamang basa ang pisngi. Hindi niya namalayang tumulo pala ang luha niya. “GRABE, nagulat talaga ako kanina Cyan,” wika sa kanya ni Nica habang kumakain sila. Nandito na sila sa isang private resort ng pamilya nina sir Brian. Dito kasalukuyang ginaganap ang reception ng kasal. “Umalis lang ako ng sandali, pagbalik ko, kasama ka na sa entourage.” “Ano ba'ng nangyari Cyan?” curious na tanong ni Jana. Officemates din nila. Kasama nila ito sa table. Sumimsim siya sa kanyang baso ng champagne. “Hindi kasi makakarating iyong isang bridesmaid. Ako na lang biglang hinila roon at ipinalit.” “In fairness Cyan kinabog mo sa ganda iyong mga totoong bridesmaid,” puri sa kanya ni Jana. “Ikaw ang pinakamaganda.” “At saka, grabe, ah. Ang guwapo ng partner mo. Super,” todo ang ngiti na wika ni Nica. Napailing na lang siya at ipinagpatuloy ang pagkain. “Uhm, excuse me.” Pag-angat niya ng tingin ay nakatayo sa harap niya si Leya. Ang babaeng siyang humila sa kanya kanina. Nakangiti ito sa kanya. Malayo sa frustrated na mukha nito kanina. “Sorry nga pala kanina sa ginawa kong paghila sa'yo,” malumanay na wika nito. “I'm sorry for being rude.” Nagkibit-balikat siya at bahagyang ngumiti. “Okay lang. Medyo nabigla lang ako.” “Pasensiya na talaga. Mabilis kasi akong magpanic sa mga ganoong sitwasyon.” Inilahad nito ang kamay sa kanya. “I'm Leya, by the way. Ako ang wedding organizer. Pinsan ko ang groom. Pati na rin iyong ibang bridesmaid at groomsmen. Si Blue, yung partner mo, he's my cousin, too.” Tinanggap niya ang nakalahad nitong kamay. “I'm Cyan, boss namin si Sir Brian sa department.” Ipinakilala rin niya sa babae ang dalawa pa niyang kasama sa table. “Nice to meet you girls,” nakangiting wika nito sa kanila. “Uhm, sige balik muna ako roon, ah. Magsisimula na ang bouquet throwing.” Pumunta si Leya sa pinakagitna ng ballroom at nagsalita sa harap ng microphone. “Magsisimula na po ang isa sa mga pinakaexciting na part ng program. Ang bouquet at garter throwing.” Lumapit ang napakagandang bride kay Leya. Tila may ibinulong ito kay Leya pagkatapos ay ito naman ang nagsalita. “Since, wedding ko naman ito. Okay lang naman po siguro na baguhin ko ang nakasanayan na.” Kinawayan nito ang asawa na nakatayo sa 'di kalayuan. “Si Brian po ang maghahagis ng bouquet na sasaluhin naman ng mga bachelors.” Ipinasa nito ang bouquet sa asawa nito. “And I'll be the one who’s throwing the garter.” “Hala, puwede ba iyon?” komento ni Jana na tila naguluhan sa sinabi ng bride. “Ang cool kaya,” wika naman ni Nica. “Lahat ng bachelors dito na tayo sa gitna,” wika ni Leya sa microphone. Inilihis na niya ang tingin nang magsimula ng maglapitan ang mga lalaki sa gitna ng ballroom. Hindi siya interesadong panoorin ang mga ito. “Shucks, ang guguwapo naman ng mga lalaking ito.” “Oo nga. Walang itulak kabigin. Ang sarap kabigin lahat.” Napailing na lang siya sa narinig mula sa kanyang mga katabi. Mahilig talaga sa mga guwapo. “Damn!” Malakas na sambit ng kung sino mang lalaki. Pagkatapos niyon ay nakarinig na siya ng sunod-sunod na kantiyawan. “Good luck, pare. You're the next in the line.” “Oh my gosh Cyan,” tila kinikilig na baling sa kanya ni Nica. “Iyong partner mo kanina ang nakasalo ng bouquet. Hala, ang guwapo niya talaga. Siya na ang bago kong crush ngayon.” Hindi niya pinansin si Nica. Wala naman siyang kainte-interes sa sinabi nito. “Single ladies out there, it's now your turn to dunk the garters.” Hinawakan ni Nica ang kamay niya. “Stand up Cyan. Tawag tayo, oh.” “Nah,” walang ganang sambit niya. “Kayo na lang.” “Sali ka na Cyan. For fun lang naman ito,” panghihikayat sa kanya ni Jana. “Oo nga naman,” ani Nica na nakahawak pa rin sa kanya. “Hindi kami tatayo hangga't hindi ka kasama.” “Ayoko talaga Nica,” pagmamatigas niya rito. Bumuntong-hininga ang kaibigan niya. “Sige na nga. Dito ka lang, ah.” Sinundan na lang niya ng tingin sina Nica at Janna na excited na pumuwesto sa gitna. “Teka lang guys, may nagrerequest pa..” Nagsalita si Leya. “Miss Cyan, kung single ka pa raw..Baka puwedeng sumali ka rin sa garter throwing.” Nakangiti si Leya habang nakatingin sa kanya. Maging ang mga bisita ay natuon rin ang tingin sa kanya. Napakunot-noo siya..Sino naman kaya ang nagrequest na sumali siya sa garter throwing? Si Nica kaya? Pero hindi naman iyon gawain ng kaibigan niya. “Miss Cyan?” untag sa kanya ni Leya. Nagbuga siya ng hininga at napilitang tumayo. Habang patungo siya sa gitna ng ballroom ay nagpalinga-linga siya sa paligid. At hayun, nahagip na naman ng mga mata niya si Blue. Nakatayo ito habang hawak ang nasalo nitong bouquet. Ngumiti sa kanya ang lalaki at bahagyang itinaas ang bouquet. Nagsalubong ang kilay niya. Ito kaya ang nag-request kay Leya na isali siya sa garter throwing? Wala na siyang maisip na iba kundi ito lang. Kanina pa niya napansin ang madalas na pagtingin nito sa kanya. Hindi lang niya alam kung ano ba ang intensiyon ng lalaking ito. “Okay. Here we go. One, two, three...” Naghiyawan ang mga kasama niyang babae nang ihagis na ng bride ang garter. Subalit siya ay nanatili lang nakatayo. Ni hindi nga siya nag-aksayang tingnan man lang ang lumipad na garter sa ere. “Cyan,” puno ng excitement na tawag sa kanya ni Nica. Napansin niyang nakatingin na rin sa kanya ang lahat. Nagtatakang iginala niya ang tingin. Bakit hindi yata niya makita kung sino ang nakakuha ng garter? Nilapitan siya ng bride. “Congratulations. Ikaw nang susunod na ikakasal.” Tuluyan na siyang naguluhan. “Teka, hindi naman ako ang nakakuha ng garter.” Napatingin siya kay Nica at itinuturo nito ang buhok niya. Wala sa loob na napahawak siya sa naka french bun niyang buhok. Nanlaki pa ang mga mata niya nang makapa roon ang garter. Napamura siya sa isip. Kung gayon ay sumabit pala sa buhok niya ang lintik na garter. Muli siyang napamura nang makita ang puting garter na nasa kamay na niya ngayon. Talaga bang nananadya ang tadhana sa kanya? Bakit sa dinami-rami ng mga nakahilerang babae, sa buhok pa niya sasabit ang garter na ito. At ano ang ibig sabihin niyon? Na siya na ang susunod na ikakasal? Kalokohan. Wala na siyang planong magpakasal pa.. “Tatayo ka na lang ba diyan?” Nasa harap na niya ngayon si Blue. At sila na lamang dalawa ang nasa gitna ngayon. Napatingin siya rito. Pagkatapos ay pinaglipat-lipat naman niya ang tingin sa hawak nitong bouquet at sa garter na hawak niya. What now? Alam niya ang susunod na mangyayari pero nalilito siya. Sino ang magsusuot ng garter. Siya ba o ang lalaking ito? “For the loveliest girl today, next to the bride.” nakangiting wika sa kanya ng lalaki. Sabay abot sa kanya ng bouquet. Napipilitang tinanggap na lang niya iyon. Gusto niyang magprotesta subalit hindi niya nagawa dahil maraming taong nakatutok sa kanila. Bukod pa sa mga cameras na nagkikislapan. “Can I have the garters now?” Marahang kinuha ito mula sa kanya ang garter at lumuhod sa kanya. Nagpatianod na lang siya nang dahan-dahang isuot ng lalaki ang garter sa binti niya. Bahagya siyang natigilan ng makaramdam ng biglaang pagkabog ng dibdib niya nang dumampi ang kamay nito sa balat niya. Habang papalakas ang hiyawang naririnig niya sa paligid ay lalo ring lumalakas ang kabog ng dibdib niya. At hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang nararamdaman niya. Huminto ang lalaki nang nasa tapat na ng tuhod niya ang garter. Tumayo na ito. “Kiss. Kiss!” Narinig niyang sigaw ng mga tao. The guy in front of her flashed a naughty smile on his lips. “Kiss raw?” Pinanlakihan niya ito ng mga mata. Ano'ng kiss? Ni hindi nga niya kilala ang Blue na ito, magpapahalik siya. Ngunit bago pa siya makapagsalita ay mabilis na nilapitan siya ng lalaki and planted a kiss in the corner of her lips. Malakas na hiyawan ang sunod niyang narinig.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD