UMIIYAK na si Hannah sa sakit at kawalang pag-asa.
Nakalipat na siya sa backseat at inihanda na niya ang sariling manganganak doon na mag-isa. Ayaw niyang mangyari iyon pero tila wala na siyang magagawa pa.
Diniktahan niya ang sarili na maging matatag. Kung mangyayari nga na manganak siya doon, kailangan ay huwag siyang panghinaan ng loob. Kailangan niyang maging mas malakas pa kung manganganak siya. Kailangang maasikaso niya si Maggie kung nagmamadali man itong lumabas na.
Nanlaki ang mga mata niya nang matanawan ang isang kotse na paparating. Kumilos siya at pinara iyon. Abot-abot ang panalangin niyang huminto sana iyon.
“Tulong! Please help!” samo niya habang pinapara pa rin iyon. Naka-uklo na siya sa backseat dahil umatake na naman ang hilab.
Lumagpas ang kotse pero huminto iyon at unti-unting umatras. Bumaba doon ang isang lalaking marungis. Disente sana ang bihis nito subalit puno iyon ng dumi. Hindi niya alam kung nagkamali siya na pinara iyon pero kailangan niya talaga ng kahit na sinong tao na puwedeng makatulong sa kanya sa sitwasyong iyon.
“Manganganak na ko!” umiiyak na sabi niya nang palapit na ito.
Nakamata lang sa kanya ang lalaki. Hindi niya alam kung nagulat ito sa narinig o nag-iisip nang iwan siya at huwag nang tumulong.
“Please, I need help,” halos magmakaawang sabi niya.
Tila nagulantang ang lalaki. “Dadalhin kita sa ospital o kahit sa clinic man lang.”
Umiling siya. “B-baka hindi na umabot. Nararamdaman ko, parang lalabas na.”
“Ha?” tila nag-panic din ito.
“First time ko na manganganak. Ang alam ko lang ay iyong mga nabasa ko sa libro at mga narinig kong experience ng iba,” sabi niya. Nakapikit siya habang nagkakandangiwi sa sakit—at hiya.
Sa pagkakataong iyon ay wala na siyang pagpipilian pa. Lalaki ang nagmagandang-loob na pumansin sa kanya kaya dito na siya hihingi ng tulong.
“Hindi ako doktor. Wala din akong alam sa panganganak pero sige, pagtulungan natin,” narinig niyang sabi nito. “Sigurado ka bang hindi ka na aabot sa ospital? May clinic sa San Miguel, mga limang kilometro mula dito. Isusugod na lang kita doon, mas mapapabuti ka pa siguro.”
“Parang hindi ko na kaya,” padaing na sabi niya. Isa na namang matinding hilab ang umatake.
“Nasaan ang susi nitong sasakyan mo? Subukan natin, misis. Mas ligtas kayong mag-ina kung nurse man lang ang mag-aasiste sa iyo.”
“Sige, sige! Nandiyan ang susi, nasa ignition.” Sapo niya ang tiyan na umayos siya ng upo. Halos mapahiga na siya sa backseat. Halos dumakot ang kamay niya nang sumibad ang sasakyan. “Ang sakit!” sigaw niya nang hindi na makayanan pa ang nararamdaman.
“Misis, konting tiis na lang. Kung may medical background man lang sana ako. Pasensya na,” sabi ng lalaki. Tutok na tutok ito sa magaspang na kalsada. Mabilis ang pagpapatakbo at umaalimbukay ang alikabok.
“Lalabas na!” hiyaw niya.
“Baka mapipigil ninyo pa,” anang lalaki.
Kagat-kagat ni Hannah ang mga labi na tiningnan ang lalaki. Alam niyang hindi ito nagpapatawa pero sa kabila ng matitinding hilab ay parang gusto niyang matawa. Taranta din ang itsura ng lalaki.
“Ayun ang clinic!” sabi nitong sa wari ay mas ninenerbyos sa kanya. “Kaunting tiis na lang, misis.”
“Ang sakit-sakit na. Lalabas nang talaga,” aniyang mas ininda ang paghilab ng tiyan.
Halos mangudngod siya sa sandalan ng upuan nang magpreno ang lalaki. Pero bago pa siya makapagreklamo ay nakaibis na ito at bumukas ang pinto sa tapat niya. Walang salitang binuhat siya nito at ipinasok sa lying-in clinic, ayon sa karatulang nabasa niya sa may pinto.
“Manganganak na! Dali!” sigaw na sabi nito sa mga dinatnan sa clinic.
“Kailan pa ho nagsimula ang hilab?” interview sa kanya ng lumapit na nurse.
“Miss, kanina pa. Pumutok na ang panubigan ko. Lalabas na ang bata!” sagot niya.
“Unahin ninyo muna ang manganganak bago iyang interview!” singhal ng lalaki dito.
Tila natakot ang nurse. Sinenyasan nito ang dalawa pang kasama. Ibinaba siya ng lalaki sa stretcher na namataan. Ito na rin ang nagtulak doon. “Saan ang delivery room ninyo?”
Itinuro ng nurse.
Napakapit si Hannah sa magkabilang gilid ng stretcher nang halos paliparin din ng lalaki ang pagpapagulong doon. Halos tumakbo naman ang tatlong nurse sa pagsunod sa kanila.
“W-wala pa hong doktor. Paparating pa lang. On call naman ho kasi si Doc, darating iyon agad.”
“Hihintayin pa ang doktor? Manganganak na nga, eh!” pasinghal na sabi ng lalaki.
“Makakaya naman ho namin kung normal delivery,” sabi ng isa.
“Dalian ninyo ang kilos,” anang lalaki at bumaling ito sa kanya. “Okay ka pa?”
“Siguro hindi. Ang sakit-sakit. Puwede ka na sigurong lumabas.”
“Ay, puwede naman hong sa tabi ninyo si mister,” sabad ng isang nurse. “Mainam nga ho iyon, para may moral support kayo saka para din sa bonding ninyo bilang pamilya.”
Nagkatinginan sila ng lalaki. Hindi niya alam kung anong emosyon ang nakikita niya sa mga mata nito. Pero siya, kung masusunod siya ay tila gusto rin niyang nasa tabi niya ang lalaki. Bagaman pare-parehong estranghero sa kanya ang mga ito, kung ikukumpara sa tatlong nurse ay mas matagal na niyang kilala ang lalaki—nang ilang minuto.
“Misis, kapit kayo kay mister. Manganganak na nga kayo,” anang nurse na nakapuwesto na sa magkabilang hita niya.
Napatingin siya sa lalaki. Ngumiti ito nang bahagya. At sa sitwasyon niyang iyon, gusto niyang dagukan ang sarili na napansin niyang guwapo pala ang lalaki. Manganganak na siya, susmarya! Nagawa pa niyang pansinin ang kaguwapuhan ng mabuting samaritanong ito.
“Yes, humawak ka sa akin,” sabi nito at ito na rin ang kumuha ng kamay niya.
Tila awtomatikong nagdaop ang kanilang mga palad. His palm was firm and warm. At bago pa niya mapagtanto kung anong klaseng emosyon ang hatid niyon sa kanya, umagaw ang pag-atake ng isa pang hilab.
Humigpit ang hawak niya sa lalaki.
“Umiri ka, misis,” sabi ng nurse.
Sumunod naman siya.
“Isa pang iri. Iyong mahaba at matindi para maitulak mo palabas ang baby.”
Pakiramdam niya ay hinang-hina na siya. Tila hindi na niya kaya.
“Sige na, umiri ka na. Para makita mo na ang baby mo,” malumanay na sabi sa kanya ng lalaki. At pagkuwa ay ngumiti itong muli.
“Misis, iri!” anang nurse.
Humugot siya nang malalim na paghinga at umiri nang matindi habang mahigpit ang pagkakahawak na lalaki. Tila ba dito siya humuhugot ng kailangan niyang lakas.
Napakasakit pero ramdam na ramdam din niya kung paanong lumabas ang isang munting nilalang buhat sa kanyang katawan. Ilang saglit pa ay narinig niya ang pag-iyak nito.
“Maggie,” paos na sabi niya at kagyat na bumalong ang luha sa kanyang mga mata.
“Babae!” anang nurse.
“Congratulations!” bati sa kanya ng lalaki.
Lalo siyang napaluha. She had a very difficult pregnancy, emotionally speaking. She even had a difficult delivery. Pero sa pagpalahaw ng kanyang sanggol, ang mas nangingibabaw sa dibdib niya ngayon ang hindi maipaliwanag na kaligayahan. Ang katotohanang isa na siyang ganap na ina.
“Mister, kayo ang pumutol ng pusod,” sabi ng nurse.
Napatingin sa kanya ang lalaki. Tila atubili itong gawin iyon.
“Please do it,” sabi niya.
Nakita niyang tila nanginginig ang kamay ng lalaki nang abutin nito ang gunting. Ilang sandali pagkatapos, nakita rin niyang inilagay ng nurse ang baby sa bisig ng lalaki.
“Ipatong ninyo ang baby sa dibdib ni misis.”
At isa namang nurse ang mabilis na lumapit sa kanya. Wala nang salita pang inilabas nito ang isa niyang dibdib. “Ipadede ninyo,” sabi nito.
Ipinatong nga nga lalaki sa dibdib niya ang kanyang anak. Ang lalaki rin ang naggiya sa sanggol upang maabot ng munting bibig nito ang dunggot ng kanyang dibdib. Napapikit siya sa halu-halong emosyon—kasama na roon ang kahihiyan na makita siya ng isang estrangherong lalaki sa ganoong ayos.
And then when her baby started sucking hungrily, she cried again.