7

1486 Words
NANG MAGMULAT si Hannah ng mga mata ay nasa isang pribadong silid na siya. Sa tabi niya ay ang kanyang sanggol na mahimbing sa pagkakatulog. Iginala niya ang tingin. Payak lamang ang silid. Bukod sa kamang hinihigaan niya ay dalawang silya lamang ang naroroon. Sa mesitang nakatabi sa kanyang kama, napansin niya agad ang isang flower arrangement. Pumako ang tingin niya sa nakaupo sa isang silya. Iyon ang lalaking tumulong sa kanya. Nagbabasa ito ng diyaryo at sa wari ay hindi napapansing gising na siya. Pinagmasdan niya ito. Naalala pa niyang napansin niyang guwapo ito kanina habang nanganganak siya. Totoo ngang guwapo ito. Kayumanggi ang kulay at matangos ang ilong. Medyo kulot din ang buhok na mukhang alaga sa gupit. Ang suot ay marungis pa rin pero bakas doon na matinong damit iyon. Napalunok siya. Sinuman ang lalaking ito ay malaki ang utang-na-loob niya. Hindi niya dapat na ikasama ng loob na ipinilit nitong itakbo siya sa clinic. Kung halos paliparin man nito ang sasakyan kanina ay upang madala siya nito agad doon at hindi upang takasan siyang tulungan. Nilinga niya ang anak. Anuman ang pinagdaanan niya, ang mahalaga ay nairaos niya nang maluwalhati ang kanyang anak. “Gising ka na pala,” anang lalaki. “Kumusta ang pakiramdam mo?” “Medyo nanghihina pa ako pero wala naman akong ibang nararamdamang masakit.”Tumingin siya dito. “Maraming salamat sa iyo,” sabi niya agad. “Don’t mention it,” sabi nito na umiling pa. “Ang laki ng naging takot ko kanina. Buhat nang matuto akong magmaneho ay noon lang ako nakapagmaneho nang ganoon kabilis. Kabadong-kabado ako lalo na nang sabihin mong parang lalabas na ang baby. At natuklasan ko na ngayon hindi pala ako ubrang maging driver ng ambulansya. Baka sa susunod ay ako pa ang maunang himatayin sa pasyente.” Napangiti siya sa pabirong sabi nito. “Ako nga pala si Hannah. Maraming salamat uli sa iyo.” “Sabi ko nang hindi mo na dapat sabihin iyon,” magaang sabi nito subalit kababakasan ang pagtutol doon. “By the way, I’m Nathaniel. Call me Nate.” “Hindi mo ako mapipigil na magpasalamat sa iyo, Nate. Ilang oras akong nagle-labor mag-isa sa ilang na lugar na iyon. Ikaw lang ang tumulong sa akin.” “Kung hindi ako nasiraan ng sasakyan, mas maaga siguro akong makakatulong sa iyo. Pasensya ka na kung madungis ako. Nasira ang sasakyan ko at nagmekaniko pa ako. Pero mabuti na lang din at naayos agad. Kung nagkataon pala ay baka nanganak ka na doong mag-isa.” “Oo nga, eh. Iyon na nga rin ang akala ko. Actually, I was preparing myself for that. Pero siyempre, ayaw kong doon ako manganak. Mabuti na lang at napadaan ka.” Hindi ito nagsalita at ngumiti lang. Nagtagpo ang kanilang mga mata at hindi niya alam kung bakit parang bigla niyang ninais na umiwas ng tingin. Wala naman siyang guilt feeling. Pero tila may sinasabi ang mga matang iyon na bubulabog sa kanya. Ilang sandali ang nagdaan na walang namutawing salita sa sinuman sa kanila. Nakadarama na siya ng pagkailang kaya bumaling siya sa sanggol. Hinaplos niya ang ilong niyon. Matangos. Nagmana kay Marco. “Pinakialaman ko na iyong bag mo sa kotse. Mabuti na lang at gamit ninyo palang mag-ina iyon,” narinig niyang sabi nito. “Oo, buhat noong magpitong buwan ang tiyan ko ay nakahanda na iyon. Mahirap na kasing mabulaga ng pagkakataon. Hindi ko naman akalain na iba palang sitwasyon ang naghihintay sa akin.” “Manganganak ka na pala pero mag-isa ka pa ring nagbibiyahe.” “May dinala kasi akong paninda sa San Miguel. Huling biyahe ko na nga sana. Two weeks from now pa dapat ang estimate due date ko.” “Nagmadali nang lumabas ang baby,” banayad na sabi nito. “She’s Maggie. Hannah Margarita ang inihanda kong pangalan niya.” “Nice name.” “Pinagsama ko ang pangalan ko at pangalan ng kapatid ni Marco,” paliwanag pa niya. Tumango ito. “Tinatanong nga pala ako ng nurse tungkol sa inyo. Nagulat pa sila na hindi naman ako ang mister mo.” Biglang nag-init ang kanyang mga pisngi. “Pasensya ka na. Nakakahiya sa iyo. Napakalaking abala nito.” “No, huwag mong sabihin iyan. This is a very different experience for me. Mahirap ipaliwanag pero iba. Ibang klase.” Hindi niya alam kung pampalubag nito ng loob niya ang pangungusap na iyon pero ngumiti siya dito. “Heto nga pala ang susi ng kotse mo. Nasa ilalim nitong kama ang bag mo. Wala akong ginalaw kahit ano puwera na lang sa mga gamit ninyo ng baby na hiningi sa akin kanina.” Magsasalita sana siya nang bumungad ang nurse. “Gising ka na pala, misis. Kukuhanan na sana kita ng information. Saka check up na rin sa inyo ng baby.” Huling-huli niya ang tila puno ng paghanga na pagsulyap nito kay Nate bago lumapit sa kanya. Hindi alam ni Hannah kung bakit pakiramdam nya ay gusto niyang pagtaasan ng kilay ang ikinilos na iyon ng nurse. Tiningala ng nurse ang kanyang dextrose. Kinuhanan din siya nito ng blood pressure at temperature. “Full diet kayo, misis. Damihan ninyo ang paghigop ng sabaw para magkagatas kayo agad. Padedehin ninyo ang baby kahit wala pang gatas. Lalabas din ang gatas. At para makuha niya ang colostrum. Mainam iyon para sa sanggol.” “Wala pa bang doktor?” tanong niya. “Kadarating lang ho. Pupunta na dito si Dr. Manansala.” “Puwede na ba akong maupo?” “Kung kaya ninyo, puwede na. Kung tatayo kayo, dahan-dahan lang muna para di kayo duguin. Saka para hindi kayo mahilo.” Kumilos siya upang bumangon. Inalalayan siya ng nurse pero mas maagap si Nathaniel na lumapit sa kanya. At huling-huli din niya ang pagkunot ng noo ng nurse nang alalayan siya ng lalaki. Lalo siyang nainis sa nurse. Pero nakalimutan na rin niya agad iyon nang hawakan siya ni Nate. At tila higit ang init na naramdaman niya nang alalayan siya nito. Naramdaman na niya ang ganoong klase ng pakiramdam kanina habang nanganganak siya. Pero mas iba ngayon. Halos mayakap siya nito nang alalayan nito ang likod niya. Nakakapit din naman siya dito upang makabangon. At sa kabila ng pagiging marungis ng polong suot nito, ang nalanghap niya ay suwabeng amoy ng pabango at hindi amoy ng langis. “Misis, kailangan ho namin ng information para sa record,” sabi uli ng nurse. “Saka iyong para sa birth certificate ng baby.” “Puwedeng mayamaya na? Gusto ko sanang kumain muna,” mahinahong sagot niya. “Ako na lang sana ang magpi-fill up ng birth certificate kung puwede. Pakiiwan na lang ang form.” “Sige ho. Saka nga ho pala iyong billing, pupunta na lang dito iyong taga-accounting.” At umalis na ito. “Kahit pala maliit na clinic, mahigpit pagdating sa singilan,” naiiling na lang na sabi ni Nathaniel nang sumara ang pinto. “May insurance ako. Hindi ko lang alam kung accredited nitong clinic. Pero maire-reimburse ko naman iyon kung sakali.” “Nagbigay na ako ng deposito kanina,” kaswal na sabi nito. “Nate!” napapahiyang reaksyon niya. “Magkano? May cash naman ako sa bag, sana ay hinintay mo na akong magising.” “Hayaan mo na. Let’s say, regalo ko iyon sa baby mo. Kay Baby Maggie.” “Sobra na ang pagtulong mo sa amin.” “I don’t mind. Siyangapala, ano ba ang gusto mong kainin? Ako na ang bibili.” “Kahit anong makakabusog. Parang gutom na gutom kasi ako. Saka kung may sabaw, mas mainam. Balak ko talagang mag-breastfeed.” Tumango si Nthaniel. “Oo nga. Kailangan mo ng maraming gatas. Nakita ko kanina, parang gutom na gutom si Maggie.” Nagtagpo ang kanilang mga mata. Walang malisya ang tinuran nito subalit ang kagyat na pumasok sa isip niya ay ang panonood nito sa kanya kanina habang dumdede sa kanyang dibdib ang sanggol. She felt warm all over. Hindi na siguro nakakapagtakang palagi niyang mararamdaman iyon sa tuwing maaalala niya ang kanyang panganganak. Kahit sa panaginip niya ay hindi niya inisip na manganganak siyang mayroong estranghero sa kanyang tabi. “Mabuti pa’y maghanap na ako ng makakain,” sabi ni Nathaniel na nagpabalik sa tila lumipad niyang diwa. “Nate,” habol niya dito nang papatalikod na. Sumagi sa isip niya na mag-abot dito ng pera pero naisip din niyang baka hindi pa nito magustuhan iyon. Ito pa nga ang nagdeposito sa clinic. “Alam kong nakaabala na ako sa iyo nang husto pero puwede bang pakitawagan mo na rin si Marga? Pakisabi mo sa kanyang nandito ako at nanganak na.” Ibinigay niya dito ang numero. “Sure. Ano pa ang gusto mong ipagbilin?” “Wala na. Salamat na lang uli.” “Salamat na naman,” naiiling na sabi ni Nathaniel at ngumiti.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD