Nang makabalik kami ni Franz sa bahay ay tanging ang mga pamilya na lang namin ang naroon. Nagsiuwi na ang ibang mga bisita at maging sa hanay ng mga Ramirez ay sina Kuya Igop at Tyron lang ang naabutan namin. Magkahawak kamay kami ni Franz na pumasok ng bahay at bumungad sa'min na masayang nag-uusap ang pareho naming mga magulang sa sala. Nang mapadako ang tingin ng mga ito sa pagdating namin ay sigurado akong may kakaiba silang napansin sa awra namin dahil bumukas agad ang mga katanungan sa bawat mukha nila. "We're married," bigla ay anunsiyo ni Franz sabay taas ng magkahugpong naming mga kamay upang ipakita ang suot kong singsing. Napasinghap ang mga ina namin habang napamura naman ang daddy niya. Wala akong mabasang emosyon sa seryosong mukha ni Daddy kaya bigla akong kinabahan.

