Mabilis na kumilos si Liam. Bago pa man makapigil si Thea, mabilis na pinalipad ng binata ang kaniyang kanang kamao patungo sa panga ni Lucas. Sa lakas ng impact, napaatras si Lucas at nabangga sa mga nakatambak na sound system equipment sa likod. Lagutok ng mga bakal at plastik ang umalingawngaw sa sulok na iyon. Napahawak si Lucas sa kaniyang panga, at nang tingnan niya ang kaniyang daliri, may bahagyang dugo na lumabas sa gilid ng kaniyang labi. "Liam, huwag!" tili ni Thea, tuluyan nang napatakbo sa pagitan ng magkapatid. Itinulak niya ang dibdib ni Liam gamit ang kaniyang dalawang kamay. "Ang pangako mo sa akin kagabi! Liam, pakiusap!" Ngunit hindi na nakatingin sa kaniya si Liam. Ang kaniyang mga mata ay nananatiling nakapako sa kaniyang kuya, mabilis ang pagtaas-baba ng kaniyang d

