Chapter 5

2676 Words
NAMALAYAN na lang ni Angela na magkaharap na sila ni Marko sa isang pandalawahang mesa sa loob ng Seaside Restaurant na di-kalayuan sa binabaan nila. Saglit itong nagpaalam para gumamit ng telepono ng restaurant. Agad din naman itong nakabalik sa mesang inookupa nila. His blue eyes were gazing at her and his gazes were sending chills down her spine. Pakiramdam niya ay hinihipnotismo siya nito at kahit ano ang sabihin nito ay tatanguan na lang niya. “W-will you excuse me for a moment? P-pupunta lang ako sa ladies’ room.” Nabanaag niya ang pagtutol sa mga mata nito pero bago pa ito makasagot ay tumayo na siya at nagtungo na sa ladies’ room. Nang makapasok siya sa ladies’ room ay tinitigan niya ang kanyang sarili sa salamin. What is happening, Angela? naguguluhang tanong niya sa kanyang sarili. Bigla siyang naghilamos ng mukha, pagkatapos ay muli niyang tinitigan ang repleksiyon sa salamin. Naroon pa rin sa mga mata niya ang kakaibang kislap na hindi niya nakikita dati. Pinakiramdaman niya ang kanyang sarili. Hindi pa rin normal ang t***k ng puso niya. May kakaiba ring tuwa sa dibdib niya. Pumikit siya. Hindi na siya nasorpresa nang makita niya sa kanyang balintataw ang mukha ni Marko. Ipinilig niya ang kanyang ulo sa pagbabaka-sakaling mawawala rin iyon. Pero nanatiling nakaukit sa isip niya ang nakangiting mukha nito. “There’s nothing wrong about this. Single ako at wala rin akong nakitang singsing sa daliri niya… Maybe, maybe this is really destiny, like he said,” bulalas niya. Ilang saglit pa ay ipinasya na niyang bumalik sa mesa nila ni Marko bago pa ito mainip sa paghihintay sa kanya. Alam niyang may nakaguhit na ngiti sa kanyang mga labi at hindi na niya iyon itatago. Pero napalis ang ngiting iyon nang makita niya si Marko na may kausap na maganda at seksing babae. They talked as if they were really close. Sa tingin niya ay tuwang-tuwa pa si Marko na kausap nito ang babae habang katuwaan at excitement din ang mababanaag sa mga mata ng babaeng nasa harap nito. Hindi niya alam kung bakit tila pinipiga ang puso niya sa nakikita niya. Dahil doon ay nag-alangan na siyang bumalik sa mesa nila. Naisip niya na oras na lumapit siya sa mga ito ay magmumukha lang siyang tanga na nakatayo o baka magpaka-gentleman si Marko at ito na lang ang tumayo. Napasimangot siya. Hindi dapat siya nagtiwala sa lalaking iyon dahil hindi pa naman talaga niya ito kilala. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa. Patalilis na lumabas siya ng restaurant bago pa siya mapansin ni Marko. Nang tawagan niya si Alexander ay agad naman itong dumating dahil nagkataong malapit lang ito roon. Nagdahilan na lang siya rito na napasarap siya sa pagwi-window shopping kaya hindi agad siya nakauwi at ipinasyang kumain muna sa Seaside Restaurant. Pinilit niyang umakto nang normal nang sa gayon ay hindi na siya nito usisain pa. Mabuti na lang at hindi ito nagtatanong kung nasaan na ang dapat sana ay pasalubong niya sa mama niya pag-uwi nila sa Catalina. Naiwan niya ang mga iyon sa restaurant.   “WHERE is she?” excited na tanong ni Hanna kay Marko pagkarating na pagkarating nito sa restaurant. Marami siyang plano para sa araw na iyon pero wala siyang hawak na pera kaya tinawagan niya ito kanina gamit ang telepono ng restaurant. Inisip niyang dumaan na lang sa bangko pero baka mahabang proseso pa iyon, lalo na at wala siyang dala na ano mang identification cards. Siyempre pa ay nag-usisa muna si Hanna kaya umamin na rin siya na naiwan niya ang wallet niya sa loob ng kotse niya sa pagmamadaling makasakay sa jeep. Nagkataon namang nagtungo sa ladies’ room ang dalaga nang dumating si Hanna kaya hindi nagpang-abot ang mga ito. Tumingin siya sa kanyang relo. Masyado na yata siyang matagal? Tumayo siya at sa malalaking hakbang ay tinungo niya ang ladies’ room. Sinundan pala siya ni Hanna kaya napigilan nito ang tangka niyang pagpasok sa loob niyon. “Hoy, bawal ka diyan, Marko!” natatawang sita nito sa kanya, saka hinawakan ang braso niya. “Baka may masama nang nangyari sa kanya sa loob,” nag-aalalang sagot niya rito. Nginitian siya ni Hanna; nanunukso ang klase ng ngiti nito. “Tinamaan ka na talaga ni Kupido. Wait here, ako ang papasok sa loob.” Tumango na lang siya. Ilang sandali lang ay lumabas agad ito. “May tao sa loob pero sigurado ako na hindi siya si Angela dahil may-edad na—” Hindi na niya ito pinatapos sa pagsasalita. Agad na siyang lumabas ng establisimyento. He couldn’t find her. Lumigid siya sa kabilang bahagi ng establisimyento at nakita niya itong nakatayo sa driveway na tila may hinihintay. “Angela!” Pero bago pa siya makalapit dito ay may pumarada nang isang BMW sa harap nito. Dali-daling sumakay roon ang dalaga. “Damn!” bulalas niya. Mabuti na lang at natandaan niya ang plate number ng sasakyan. Madali na niyang malalaman kung kanino ang sasakyang iyon. Kung alam lang niya na may balak itong iwan siya ay itinali na sana niya ito sa tabi niya, o kaya naman ay sinamahan niya ito hanggang sa ladies’ room. He sighed. Tama si Hanna, tinamaan na talaga siya ni Kupido. Nang bumalik siya sa restaurant ay niyaya na niyang umuwi si Hanna. Pero nang masulyapan niya ang mga pagkain ay bigla siyang natigilan. Iyon sana ang unang pagkain na pagsasaluhan nila ni Angela. Nakakalungkot lang na napurnada pa iyon. Tinawag niya ang waiter at ipinabalot na lang ang mga pagkain. Iiling-iling naman si Hanna sa ginawa niya pero ipinagkibit-balikat na lang niya iyon. He was acting weird pero wala siyang pakialam. Hindi rin niya nakalimutang bitbitin ang mga paper bag na marahil ay pinamili ni Angela kanina sa SM Bacoor kung saan niya ito nakita. Magkikita uli sila nito, nararamdaman niya iyon. Nang makauwi sa bahay ay agad na tinawagan ni Marko ang isa sa mga tauhan niya. Inutusan niya ito na hanapin o i-trace sa LTO kung sino ang may-ari ng plate number ng BMW na sinakyan ni Angela kanina. Wala pang isang oras ay may sagot na kaagad ang tao niya, ganoon kabilis gumalaw ang pera sa Pilipinas. Ayon sa LTO records ay pag-aari ng modelong si Alexander Mondragon ang sasakyan. He opened his laptop and surfed the web. Sa modernong teknolohiya ay madali na siyang makakakuha ng iba pang impormasyon tungkol sa Alexander na iyon. True enough, marami nga siyang nalaman tungkol dito. Nag-link din ang pangalan nito bilang guest sa isang charity ball na gagawin sa tahanan ng isang sikat na fashion designer sa Pilipinas. At sa makalawa na ang pagtitipong iyon. Malakas ang kutob niya na dadalo roon ang modelo at hindi niya alam kung bakit malakas din ang kutob niya na doon niya muling makikita si Angela. Kailangan lang niyang makadalo sa pagtitipong iyon.   “HINDI na talaga ako makakatanggi, `no?” nakalabing wika ni Angela kay Alexander habang pinapasadahan ng tingin ang isang cocktail dress na kade-deliver lang sa town house na tinutuluyan niya. Hindi na natuloy ang pag-uwi sana niya kahapon sa Catalina. Humiling kasi ito na samahan muna niya ito sa isang charity event. Nakatawag na siya sa mama niya at ipinaalam dito ang pagbabago ng plano niya. “Wala ka nang choice. Sasamahan mo `ko kung ayaw mong magmukha akong tanga ro’n.” Nakaawang ang mga labing binalingan niya ito. “Sino’ng niloloko mo, Xander? Ikaw, magmumukhang tanga? Aba, eh, isang pitik lang yata ng daliri mo, pipila na ang mga babaeng nahuhumaling sa `yo!” Pumalatak pa ito. Pinatulis nito ang nguso nito. “Sige na, pet.” Tumabi siya rito at saka ito binatukan nang mahina. “May pa-pet-pet ka pang nalalaman ngayon! Para akong aso, ah!” Kumamot ito sa ulo. “Alam mo, ikaw, nasasanay ka nang binabatok-batukan ako! Sumusobra ka na, ha? Baka nakakalimutan mong international model na `ko?” Natawa siya. “O, siya, sige na. Basta ipangako mo lang na hindi mo ako iiwan do’n, ha? Naku, kilala kitang lalaki ka. `Pag may nakita kang magandang babae ro’n na pasok sa taste mo, siguradong iiwan mo na `kong mag-isa.” Mabuti na nga rin siguro na sumama siya kay Alexander para kahit paano ay mawaglit sa isip niya si Marko. Hanggang nang mga sandaling iyon kasi ay iniisip niya kung ano ang naging reaksiyon nito nang hindi na siya bumalik sa mesa nila. Hmp! Baka nga wala lang sa kanya kung hindi ako bumalik do’n! May kasama naman siyang magandang babae. “Aba, prinsesa, matanong nga kita. Kailan nangyari na iniwan kita dahil may nakita akong ibang babae?” Nanlalaki ang mga mata nito na para bang sinasabing huwag siyang magkakamali ng isasagot dahil malilintikan siya rito. Nakaamba na rin ang kamay nito. Alam niya kung saan nito gagamitin iyon. Gagamitin nito iyon hindi para saktan siya. Gagamitin nito iyon sa pagkiliti sa batok niya oras na hindi nito magustuhan ang isasagot niya. She smiled sheepishly. “Joke lang po. Ito naman, o. Hindi ka na mabiro.” “Mabuti na `yong malinaw,” nakangiting wika nito bago umayos ng upo. “Pet…” “Hmm?” “May iba sa aura mo ngayon. Parang may bumabagabag sa `yo. Tell me, may problema ka ba?” Natilihan siya, hindi pa siya handa na isiwalat kanino man ang mga nalaman niya tungkol sa pagkatao niya. Tanging sila lang ng Mama Anna niya at ang mga Valencia ang nakakaalam tungkol sa bagay na iyon. Nang mga sandaling iyon ay hindi pa rin niya alam kung ano ang susunod niyang gagawin, lalo pa ngayong wala pa rin siyang maalala sa mga nangyari noon. Nang tumingin siya kay Alexander ay pinilit niyang ngumiti rito. “I understand. Hindi ka pa handang sabihin sa `kin.” He reached for her hand and squeezed it lightly. “Basta huwag mong kalilimutan na marami kaming handang makinig at tumulong sa `yo, ha?” “Ganyang-ganyan din ang sinabi nina Dylan sa `kin. Opo, hindi ko po nakakalimutan `yon. Pero minsan, nakakainis na kayo. `Akala n’yo yata, kayo lang ang lumaki at nag-mature habang ako, bata pa rin sa paningin n’yo,” nakalabing sabi niya rito. Tumawa ito. “Hindi mo `yon maiaalis sa `min, Angela. Ikaw yata ang prinsesa namin.” Iningusan lang niya ito. “Nagugutom na `ko, Xander. Tinatamad akong magluto. Pa-deliver ka na ng pagkain natin,” ungot niya rito para mailihis na niya ang pinag-uusapan nila. “I have an idea. Sumugod na lang tayo sa restaurant ni Charlie. May bago raw siyang menu ngayon, eh. What do you think? Tamang-tama, narito na rin daw sa Manila sina Brandon.” Napangiti siya. “Speaking of Charlie. Alam mo na ba na feature cover siya ng Healthy magazine? Lalabas ang magazine sa susunod na linggo.” Nakita na niya ang layout cover ng magazine at nasisiguro niyang pagkakaguluhan ng kababaihan ang pinsan niya oras na lumabas iyon sa mga bookstore. “Holy cow!” Mababakas ang matinding excitement sa mukha ni Alexander. “Sa wakas, may nakapagpapayag din sa kanya na mai-feature sa isang magazine. He should take his shirt off! Dapat tinawagan mo agad ako, Angela, para nabigyan ko siya ng tip sa pagpo-pose sa harap ng camera. Madali lang naman, lalandiin mo lang naman ang camera lens like you’re making love to it.” Natatawang hinampas niya ang braso nito. “Loko! Itutulad mo pa sa `yo si Charlie. Pampamilya `yong magazine, okay? Wholesome `yon at puro healthy foods ang featured do’n!” Humalakhak ito. “Gano’n din `yon. Iisa lang naman ang intensiyon n’on, eh. To sell the products.” “Hindi kailangang maghubad ni Charlie para makilala ang restaurant niya. `Yong uniform pa lang niya, sapat nang pampalakas ng s*x appeal.  Naku, paniguradong mawawalan na ng privacy si Charlie. For sure dudumugin ng kababaihan ang restaurant niya,” nakangiting sabi niya rito. “Dapat lumantad na rin sa publiko sina Brandon at Dylan para naman mabawasan pa ang mga naghahabol sa `kin!” nakangising wika ni Alexander. “Conceited!” aniya, saka ito binato ng throw pillow na sinagot lang nito ng mataginting na tawa.     “HEY, MARKO. Baka naman matunaw na `yang tinitingnan mo. Siya ba si Angela? Hmm… So pretty. Parang gusto kong ma-insecure sa kagandahan niya, ah.” He couldn’t agree more. Napakaganda talaga ni Angela nang gabing iyon. Kalabisan mang sabihin pero muntikan na siyang matulala sa kagandahan nito. Perpekto sa pagkakalapat sa katawan nito ang suot nitong gown. Kitang-kita ang perpektong kurba ng katawan nito. Nakataas ang buhok nito kaya lalong nakatawag-pansin ang makinis na likod nito. Kitang-kita iyon dahil sa mababang tabas ng likod na bahagi ng gown nito na umabot hanggang sa baywang nito. It was a daring dress dahil doon pa lang ay malalaman nang wala itong suot na brassiere. Gusto tuloy niyang hubarin ang suot niyang coat at ipasuot iyon kay Angela nang sa gayon ay maitago niya ang makinis na likod nito sa mga matang kanina pa nakatingin dito. The makeup she wore emphasized her prominent features. She was undeniably regal the way she stood. She was definitely a stunner. Napahugot ng hininga si Marko nang makita niyang nilapitan ni Alexander Mondragon si Angela at nang hawakan nito sa baywang ang huli. Nakaramdam siya ng selos. Gusto niyang magwala sa tagpong iyon. Lalo siyang nagngitngit nang nakangiting tiningnan ni Angela si Alexander at saka inayos ang suot na necktie ng huli. Pagkatapos niyon ay nakangiting tinapik-tapik nito ang pisngi ng lalaki. Mayamaya pa ay may kung anong ibinulong dito ang lalaki na nagpatawa rito. “Oh, wait! She’s with Alexander Mondragon? Oh-em-geeh! Kaya pala hindi ako pinapansin ni Xander, eh. May anghel na pala siya. They look perfect together, don’t they?” exaggerated na wika ni Hanna na halatang pinipikon lang naman siya. Pagkatapos niyang malaman na si Alexander ang may-ari ng kotseng sinakyan ni Angela nang bigla na lang itong mawala sa restaurant na kakainan dapat nila, pinaimbestigahan na niya si Alexander nang araw ding iyon. Ayon na rin sa imbestigador, nakatakdang dumalo sa pagtitipong iyon si Alexander. Salamat sa kapatid niyang mahilig pumunta sa mga ganoong klaseng pagtitipon at nagawan niya ng paraan para makapunta roon. Pinilit talaga niya ang kanyang kapatid na isama siya nito sa pagbabaka-sakaling kasama ni Alexander si Angela. Hindi nga siya nagkamali dahil naroon ang dalawa. Hindi lang siya sigurado kung napansin na ni Angela ang presensiya niya. Sinadya kasi niyang pumuwesto sa madilim na bahagi ng hardin para walang makapansin sa kanya na nasa iisang babae lang nakatutok ang kanyang mga mata. “Shut up, Hanna,” angil niya rito bago inisang-lagok ang laman ng kanyang kopita. Nagtatagis ang mga bagang niya sa nasasaksihang pagkakalapit ng dalawa. Sa sobrang inis niya ay inagaw niya ang hawak na kopita ni Hanna at ininom din ang laman niyon. Weird, pero pakiramdam niya ay may karapatan siya sa inaakto niya nang mga oras na iyon. “Aw, masama na `yan, kapatid,” tumatawang sabi nito. “Okay, sige. Dahil mahal kita, tutulungan kita. I’ll distract Xander. Bahala ka nang lapitan si Angela. Basta, tandaan mo `to, Markopolo, may utang ka sa `kin.” Nginisihan niya ito. “I’ll pay you double kapag nailayo mo si Xander.” “Shoot!” Bumulong pa muna ito sa kanya bago ito umalis. “I like her for you. Go get her!” Napangiti siya. He was definitely going to get Angela, by hook or by crook. Kesehodang agawin pa niya ito mula kay Alexander. Ngayon lang niya naramdaman ang ganoong kasidhing damdamin para sa isang babae at hinding-hindi siya papayag na hindi niya maiparating dito ang kanyang nararamdaman. Hindi nga nagtagal ay wala na si Alexander sa tabi ni Angela. Napailing-iling siya. Hanga na talaga siya sa abilidad ng kapatid niya.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD