Remmy's POV Nananatili pa rin ako sa aking pagkakaupo habang nakasilip sa siwang ng bintana. Naging abala ang aking mga luha kaya hindi ko namalayan na tuluyan na palang kinain ng dilim ang liwanag sa buong kapalibutan. Muli na namang namaalam ang liwanag sa kalangitan. Walang ibang nakikita ang aking mga mata kundi ang walang hanggang kadiliman. Tumila na ang masasaganang luha mula sa aking mga mata ngunit hindi pa rin maalis ang matinding kirot na nararamdaman ng aking puso. Buong akala ko ay kusang mawawala ang kirot na ito kapag natuyo na ang aking mga luha ngunit, nagkamali ako. Ganito pala kasakit kapag alam mo na may taong malapit sa 'yo na malapit nang mamaalam sa mundong ito? Ganito pala kasakit, iniisip mo pa lamang ang pamamaalam niya para nang pinipiga nang husto ang puso.

