Seryoso ang mukha ni Prof. Lynda Roces nang pumasok si Talitha sa opisina nito. Nagtataka man kung bakit siya ipinatawag ng head ay pinilit niyang maging kaswal sa harap nito. “Have a seat, Miss Zaldriaga,” kalmadong sabi ni Prof. Roces. Tahimik siyang umupo sa silyang nasa harap ng table ng kanyang head. Nasa edad singkwenta na ang babae. Bakas sa mukha nito ang taglay na kabaitan at kababang-loob na agad niyang napansin kahit ilang linggo pa lang siya sa Marbella College. “Kumusta naman ang pagtuturo mo sa Marbella College, Miss Zaldriaga? Wala ka ba namang nae-encounter na problema so far lalong-lalo na sa mga estudyante mo?” Pilit siyang ngumiti. Nararamdaman niyang may tinutumbok ang mga salita ng babae pero wala siyang panahon upang hulaan ito. “I’m okay as far as I know, ma’am.

